“Mayroon Kang Templo,” Liahona, Ago. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Mayroon Kang Templo
Nagpapasalamat ako na palagi akong tumatanggap ng lakas mula sa paglilingkod sa templo ng Panginoon.
Natutuhan ko ang ebanghelyo mula sa mga full-time missionary at nabinyagan ako sa edad na 17 noong 1972. Makalipas ang tatlong taon, bilang organista, nasa Budokan arena ako sa Tokyo nang ibalita ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang pagtatayo ng Tokyo Japan Temple.
Matapos ilaan ang templo noong 1980, nagbiyahe ako mula Sendai papunta sa templo bawat buwan. Umaalis ako sa trabaho tuwing Biyernes ng gabi para dumalo sa templo kinabukasan. Lalong lumakas ang hangarin kong dumalo sa templo, kaya lumipat ako sa Tokyo noong 1981.
Hindi nagtagal nang makapag-asawa ako, tinawag ang asawa kong si Osamu na maglingkod bilang stake president. Masigasig siyang naglingkod at sumali sa pagtatayo ng temple annex. Sa tulong niya at ng aming mga anak, at sa patnubay ng Panginoon, sumapi sa Simbahan ang aking mga magulang 20 taon matapos akong mabinyagan.
Pagkatapos lang nilang mabinyagan, inoperahan ako sa kanser sa itaas na panga ko. Sa araw ng operasyon ko, ipinag-ayuno at ipinagdasal ako ng pangulo ng templo, kung saan ako naglingkod bilang organista at ordinance worker. Pagkatapos ng operasyon ko, nahirapan akong magsalita, kumain, kumanta, at gumawa ng iba pang mga normal na bagay.
“Kung hindi ka makapagsalita,” sabi ng temple president sa akin, “maaari ka pa ring maging organista!”
Nahikayat ako roon na ipagpatuloy ang aking paglilingkod matapos akong gumaling. Nang tugtugin ko ang organo sa chapel ng templo, napuspos ako ng Espiritu ng Panginoon at napalakas ako sa espirituwal at pisikal. Madalas akong magpasalamat at tahimik na nagdasal habang kinakanta ko ang mga titik ng mga himno.
Sampung taon matapos akong maoperahan, nasuri ding may kanser ang asawa ko. Hindi nagtagal ay naglabas-masok siya ng ospital. Bago siya pumanaw, iniwan niya sa akin ang mga salitang ito: “Mayroon kang templo, kaya magiging OK ka.”
Palaging nakasentro sa templo ang bawat mahalagang desisyong ginawa ko sa pananampalataya ko sa buhay. Habang tumutugtog ako ng organo sa chapel ng templo araw-araw, mas naunawaan ko na ang plano ng pagtubos ng Panginoon—lalo na matapos sumakabilang-buhay ang asawa ko.
Nagpapasalamat ako na palagi akong tumatanggap ng lakas mula sa paglilingkod sa templo ng Panginoon. Sa templo ay ginagabayan at pinalalakas tayo para matiis ang mga pagdurusa at paghihirap sa buhay na ito.