“Ministering sa Pamamagitan ng Paglilingkod,” Liahona, Ago. 2023.
Mga Alituntunin ng Ministering
Ministering sa Pamamagitan ng Paglilingkod
Maaari tayong maging higit na katulad ng Tagapagligtas habang natututo tayong maglingkod na katulad Niya. Maaari tayong gumawa ng malaking kaibhan sa taimtim na paglilingkod sa natural na mga paraan.
Si Jesus ay “naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod” (Mateo 20:28). Ang paglilingkod ay bahagi ng ministering dahil paglilingkod ang ginawa ng Tagapagligtas. Paminsan-minsan, tumigil Siya para makinig, magpagaling, magturo, magdasal, at magtrabaho rin para sa mga tao sa Kanyang paligid, sa kabila ng pagod, sa maraming hinihingi ng Kanyang ministeryo, o sa hiyawan ng mga tao.
Binabanggit din sa Bagong Tipan ang iba pang mga tao na nagsikap nang hindi iniisip ang sarili na itayo ang naunang Simbahan, kabilang na si Febe, “na naging katulong ng marami” (tingnan sa Roma 16:1–2); si Priscila at ang kanyang asawang si Aquila (tingnan sa Mga Gawa 18:1–3; Roma 16:3–5); at ilang iba pa (tingnan sa Roma 16:6–15). Bagama’t hindi nakatala ang mga detalye ng karamihan sa kanilang paglilingkod, nakita ng naunang mga Banal na ito ang pangangailangan at tinugunan iyon.
Ang paglilingkod kung minsan ay isang sakripisyo, na nangangailangan ng mga oras, ng mga araw, o maging ng mga taon na nakalaan sa isang adhikain—at kung minsa’y kasingsimple ito ng pagdarasal para sa isang kaibigan. Kung minsa’y hindi ang kung ano ang ginagawa natin ang gumagawa ng kaibhan sa buhay ng iba kundi ang katotohanan lamang na naroon tayo para sa kanila.
Ang buod ng paglilingkod na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas—kahit hindi iyon madali—ay ang maglingkod nang taimtim, magiliw, at buong puso.
Pagkakaroon ng Puso para sa Paglilingkod
Habang nakikilala natin ang Tagapagligtas, mas malalaman natin kung ano ang maaari nating gawin para makapag-minister para sa Kanya. Paano tayo magkakaroon ng katangiang tulad ng katangian ni Cristo na handang maglingkod?
-
Isipin kung ano ang ibig sabihin ng maglingkod na tulad ng ginawa ni Jesucristo. Ano ang Kanyang ginawa? Paano Niya iyon ginawa? Paano natin magagawa ang mga bagay na iyon sa sarili nating paglilingkod?
-
Maraming pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng di-makasariling paglilingkod, pati na ang pagkagambala sa sarili nating mga pasanin at alalahanin, kahit panandalian lamang. Ngunit si Jesus ay naglingkod dahil sa pagmamahal, at inaasam din nating maglingkod sa ganitong paraan!
-
Ang paglilingkod sa iba ay paglilingkod sa Kanya (tingnan sa Mateo 25:40).
-
Hindi tayo napakahalaga kailanman para maglingkod: “Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo” (Mateo 23:11).
-
Maaari tayong humingi ng patnubay mula sa Espiritu Santo sa panalangin. Kung naiisip nating gumawa ng mabuti, ito ay binigyang-inspirasyon (tingnan sa Moroni 7:13). “Huwag ipagpaliban ang pagsunod sa isang pahiwatig” (Thomas S. Monson, “The Spirit Giveth Life,” Ensign, Mayo 1985, 70).
-
“Ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 58:27).
-
Huwag matakot na maglingkod gamit ang iyong pagkamalikhain, mga talento, at mga personal na interes.
-
Hindi kailangang maging maringal ang paglilingkod. Tandaan na kahit mga simpleng bagay—tulad ng pagiging nariyan para sa isang kaibigan, maging ito man ay sa isang mainit na pagkain, sa isang sulat-kamay na kard, o maging sa isang text message—ay nakakagawa ng kaibhan. Ang mahalaga ay maging mga kamay ng Tagapagligtas dito sa lupa.
Bagama’t kung minsa’y parang naaasiwa tayong maglingkod, sa pagsasanay at pagdarasal ay mapapahusay natin ang ating mga kakayahang maglingkod sa pinakamaiinam na paraan. Sa paglipas ng panahon, ang paglilingkod ay maaaring maging isa sa mga pinaka-natural at kalugud-lugod na bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay.