Digital Lamang
Limang Paalala sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Ang limang ideyang ito ay maaaring makatulong sa atin na ibahagi ang ebanghelyo sa mga normal at natural na paraan at anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo.
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, responsibilidad at pagpapala nating ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit. Sakdal ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa bawat isa sa Kanyang mga anak at nais Niyang matanggap ng bawat isa sa kanila ang lahat ng Kanyang mga pagpapala. Ang isang paraan na maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya ay sa “pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo, [na] kinabibilangan ng:
-
Pakikibahagi sa gawaing misyonero at paglilingkod bilang missionary.
-
Pagtulong sa mga bago at nagbabalik na miyembro na umunlad sa landas ng tipan.”1
Kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang ating mga kapatid, mapupuspos tayo ng hangaring tulungan sila na maranasan ang “labis na kagalakan” na nagmumula sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo (Alma 36:24). Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay maaaring tila napakahirap kung minsan, ngunit “ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Maaari tayong magtiwala na tutulungan Niya tayo kapag sinusunod natin ang Kanyang panawagan na “pakainin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:16–17).
Sa pagsisikap nating anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, maaari nating isipin ang sumusunod na mga alituntunin.
Ibahagi ang Ebanghelyo Bilang Bahagi ng Ating mga Tipan
Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bawat taong nakipagtipan sa Diyos ay nangakong pangangalagaan ang iba at paglilingkuran ang mga nangangailangan. Maipapakita natin ang pananampalataya sa Diyos at lagi tayong magiging handang sumagot sa mga nagtatanong tungkol sa “pag-asang nasa [atin]’ [1 Pedro 3:15]. Bawat isa sa atin ay may papel na gagampanan sa pagtipon ng Israel.”2
Tandaan na hindi natin kailangang maging mga full-time missionary para ibahagi ang ebanghelyo. Ipinaalala sa atin ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawa, na “ang pag-aaral ng ebanghelyo at pagbabahagi nito araw-araw ay maaaring isagawa ng sinuman o nang walang opisyal na tungkulin. Tandaan lamang na hindi kailangan ng name tag para gawin ang gawaing misyonero!”3 At itinuro din ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung hindi kayo full-time missionary na may nakakabit na missionary badge sa inyong polo, panahon na para isulat ito sa inyong puso—isinulat, tulad ng sabi ni Pablo, ‘hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buhay’ [2 Corinto 3:3].”4
Kapag hinahangad nating ibahagi ang ebanghelyo, tumutulong tayong matupad ang ating tipan sa binyag, na kinabibilangan ng “[pagtayo] bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay naroroon” (Mosias 18:9).
Anyayahan ang Lahat na Lumapit kay Cristo
Si Jesucristo ay “walang kinikilingan” (Mga Gawa 10:34). Tulad nang anyayahan Niya ang mayamang bata pang pinuno noong araw, inaanyayahan Niya ang lahat na “pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22). Maaari din nating gawin ito—anyayahan ang sinuman at ang lahat na sundan si Cristo nang hindi hinuhusgahan kung sino ang iniisip nating tatanggap o hindi tatanggap sa paanyaya. Siya ang sagot na hinahanap ng napakaraming tao.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang Kanyang ebanghelyo ang tanging sagot kapag marami sa mundo ang natutulala sa takot. Binibigyang-diin nito ang agarang pangangailangan nating sundin ang tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na ‘humayo … sa buong sanllibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha’ [Marcos 16:15; idinagdag ang diin]. Mayroon tayong sagradong responsibilidad na ibahagi ang kapangyarihan at kapayapaan ni Jesucristo sa lahat ng makikinig at hahayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay.”5
Maaaring tanggapin o hindi tanggapin ng mga binabahaginan natin ng ebanghelyo ang ating mga paanyaya o patotoo. Pero hindi iyan ang nagpapasiya sa ating tagumpay. Ginagawa natin ang gawain ng Diyos sa pagbabahagi.
Magtiwala na Magpapatotoo ang Espiritu Santo
Ang pagbabahagi ng ating pinakamahalaga at sagradong mga paniniwala ay maaaring nakakatakot kung minsan. Pero nangako ang Panginoon na gagabayan Niya tayo at tutulungang makipag-ugnayan sa isang paraang maghahatid sa Espiritu. Maaari tayong magtiwala na gagabayan ng Espiritu Santo ang ating mga salita kapag binuksan natin ang ating bibig para magbahagi. Ang tungkulin natin ay magbahagi, at tungkulin ng Espiritu Santo na magpatotoo tungkol kay Jesucristo.
Tulad ng itinuro sa Doktrina at mga Tipan 100:5–8: “Samakatwid, katotohanang sinasabi ko sa inyo, itaas ang inyong mga tinig sa mga taong ito; sabihin ninyo ang mga bagay na ilalagay ko sa inyong mga puso, at hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao;
“Sapagkat ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang inyong sasabihin.
“Subalit isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na kayo ay magpahayag ng anumang bagay na inyong ipahahayag sa pangalan ko, sa kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan, sa lahat ng bagay.
“At ibinibigay ko sa inyo ang pangakong ito, na yayamang ginagawa ninyo ito ang Espiritu Santo ay ibubuhos sa pagpapatotoo sa lahat ng bagay anuman ang inyong sasabihin.”
Alalahanin ang itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Magtiwala na gagawa ng mga himala ang Panginoon. Dapat ninyong maunawaan na hindi ninyo trabaho ang i-convert ang mga tao. Iyan ang papel ng Espiritu Santo. Ang papel ninyo ay ibahagi ang nasa puso ninyo at mamuhay nang naaayon sa inyong pinaniniwalaan.
“Kaya, huwag masiphayo kung hindi kaagad tatanggapin ng isang tao ang mensahe ng ebanghelyo. Hindi ninyo ito personal na kabiguan.
“Ito ay sa pagitan ng tao at ng Ama sa Langit.
“Ang sa inyo ay mahalin ang Diyos at inyong kapwa, [na Kanyang mga anak].
“Maniwala, magmahal, at gumawa.”6
Banggitin nang Natural ang Ebanghelyo
Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi kailangang maging kumplikado. Tulad ng hinikayat ni Elder Uchtdorf, maaari tayong “mag-anyaya ng mga tao—sa normal at natural na mga paraan—na pumunta at tingnan, pumunta at tumulong, at pumunta at makabilang.”7 Makakahanap tayo ng mga paraan para maisama ang ebanghelyo kapag pinag-uusapan natin ang ating mga interes, ating mga libangan, ating mga pakikibaka, at ang mga pagpapalang nararanasan natin sa pamamagitan ng papel ni Jesucristo sa sarili nating buhay.
Ipinayo ni Pangulong Ballard: “Huwag matakot na ibahagi sa iba ang inyong mga kuwento at karanasan bilang [alagad] ng Panginoong Jesucristo. Lahat tayo ay may mga kawili-wiling kuwento na nakaimpluwensya sa ating pagkatao. Ang pagbabahagi ng mga kuwentong iyon ay isang paraan ng pakikipag-usap na hindi nakakatakot sa iba. Maaari din kayong makatulong na maitama ang maraming maling pananaw tungkol sa Simbahan sa pamamagitan ng mga taong naiimpluwensyahan ninyo.”8
Kung wala kayong tiwala sa mga kakayahan ninyong ibahagi ang ebanghelyo, tandaan ang payong ito ni Elder Uchtdorf:
“Hindi kailanman hiningi ng Panginoon ang eksperto [at] walang kamaliang pagsisikap ng missionary. Sa halip, ‘hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan’ [Doktrina at mga Tipan 64:34]. …
“Ang mahalaga ay hindi kayo sumusuko; patuloy na sikaping itama ito. Kalaunan kayo ay magiging mas mabuti, mas masaya, at mas sumusunod sa mga kautusan. Ang pagkukuwento sa iba ng inyong pananampalataya ay magiging karaniwan at likas. Sa katunayan, ang ebanghelyo ay magiging gayon kahalaga, importanteng bahagi ng inyong buhay na magiging hindi natural ang pakiramdam kapag hindi ito tinalakay sa iba. Maaaring hindi ito kaagad mangyari—ito ay habambuhay na pagsisikap. Ngunit mangyayari ito.”9
Ipamuhay ang Ebanghelyo para Ibahagi ang Ebanghelyo
Narinig na ba ninyo ang kasabihang “ipakita sa gawa, huwag puro salita”? Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa “tuwing nagpapakita tayo ng pagmamahal na tulad ni Cristo sa ating kapwa, ipinapangaral natin ang ebanghelyo—kahit hindi tayo nagsasalita.”10
Nagbigay din si Elder Stevenson ng simpleng huwaran para sa pagbabahagi ng ebanghelyo: “Maisasakatuparan ang dakilang atas ng Tagapagligtas sa simple at madaling maunawaang mga alituntunin na itinuro sa bawat isa sa atin noong bata pa tayo: magmahal, magbahagi, at mag-anyaya.”11
Maaari nating sundin ang payo ni Pangulong Nelson na “alagaan [natin] ang [ating] patotoo.”12 At tulad ng itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang pagbabalik-loob ay isa ring mahalagang bahagi ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo sa pamamagitan ng halimbawa: “Para sa utos ng Tagapagligtas na ibahagi ang ebanghelyo, kailangan nating magbalik-loob sa kalooban ng Panginoon; dapat nating mahalin ang ating kapwa, ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, at anyayahan ang lahat na pumarito at alamin pa ang tungkol dito.”13
Kapag hinangad nating “[mangusap] tungkol kay Cristo, … [magalak] kay Cristo, … [mangaral] tungkol kay Cristo, [at magpropesiya] tungkol kay Cristo” (2 Nephi 25:26), maaari tayong magtiwala na tutulungan Niya tayo. Maaari din tayong makasumpong ng lakas sa pangakong ito ni Elder Stevenson: “Inaanyayahan ko kayong mag-isip ng mga paraan na maaari kayong magmahal, magbahagi, at mag-anyaya. Habang ginagawa ninyo iyon, makadarama kayo ng malaking kagalakan, batid na sinusunod ninyo ang mga salita ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas.”14