2023
Sulit Ba ang Halaga Nito?
Agosto 2023


“Sulit Ba ang Halaga Nito?,” Liahona, Ago. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Sulit Ba ang Halaga Nito?

Nakilala ko ang tinig ng Espiritu Santo at pumayag ako sa halagang sinisingil ng taxi driver para ihatid kami sa simbahan.

pamilyang nakatayo sa hagdan

Retrato ng pamilya sa kagandahang-loob ng awtor

Sa mga kadahilanang may kinalaman sa trabaho, pinapunta ko ang tatlong anak kong babae para samahan ang nanay ko nang 15 araw sa munting bayan ng Itarema, sa Ceará na isang estado sa Brazil. Ang pinakamalapit na unit ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mga 55 milya (60 km) ang layo—isang branch sa Itapipoca.

Nag-alala ako na hindi makakatanggap ng sakramento ang mga anak ko sa loob ng dalawang Linggo. Matapat na miyembro ang nanay ko, pero hindi siya makakasamang magsimba sa tatlong anak kong babae at sa tatlong anak na babae ng kapatid kong babae, na bumisita rin.

Pagkaraan ng dalawang linggo, naglakbay ako isang Sabado papunta sa Itarema para sunduin ang mga anak ko. Pagdating ko, tinanong ko ang isang taxi driver, “Magkano ang singil mo para ihatid-sundo kami ng nanay ko at anim na bata sa Itapipoca bukas?”

Nalungkot ako sa sagot niya. Halos lahat ng perang dala ko ang sinisingil niyang iyon. Nang pagnilayan ko ang pamasahe, pumasok sa isip ko ang isang tanong: “Gaano kahalaga sa iyo ang pagtanggap ng sakramento?” Nakilala ko ang tinig ng Espiritu at pumayag ako sa halagang sinisingil ng taxi driver.

tinapay at tubig ng sakramento

Itinuro ko na sa mga anak ko na ang tinapay ng sakramento at ang tubig na natatakpan ng puting tela ay tumutulong sa amin na isipin ang katawan at dugo ng Tagapagligtas, ang Kanyang nagawa para sa atin, at ang kahalagahan ng pag-alaala sa Kanya. Ipinapaalala sa akin ng sakramento na nariyan Siya para sa akin at na nais kong makasama Siya roon.

Kinabukasan pagpasok namin sa Itapipoca Branch Primary room na may kasamang anim na bata, parang ang laki ng pasasalamat ng Primary president. Makalipas ang ilang minuto, dumating ang mga kaibigan ko mula sa aking home ward sa Fortaleza kasama ang apat na anak nila.

Pagkatapos ng Primary, nasiyahan kami sa mga pagpapalang dulot ng pagtanggap ng sakramento at pagpapanibago ng aming mga tipan sa Panginoon. Pagkatapos ng sakramento, nalaman namin kung bakit masayang-masaya ang Primary president na makita kami. Sa Linggong iyon magtatanghal ang Primary sa sacrament meeting program, pero kakaunti lang ang mga bata sa Primary.

“Sinagot ng Diyos ang mga dalangin ko,” sabi ng Primary president, na pinasisimulan ang programa. “Nagpadala pa siya ng 10 bata na handang kumanta at lumahok sa programa.”

Nagalak ako na dininig ko ang mga bulong ng Espiritu noong nakaraang gabi. Ang pagtanggap ng sakramento at pagkakaroon ng napakahalagang espirituwal na karanasan ay sulit na kapalit ng perang isinakripisyo ko.