“Paggabay sa mga Bata Patungo sa Tagapagligtas,” Liahona, Ago. 2023.
Paggabay sa mga Bata Patungo sa Tagapagligtas
Paano nagbibigay-inspirasyon ang programang Mga Bata at Kabataan sa paisa-isang hakbang sa paglago na tulad ni Cristo.
Sa kabila ng bigat ng Kanyang misyon, nag-ukol ng panahon ang Tagapagligtas na maglingkod sa mga bata. Inanyayahan Niya silang lumapit sa Kanya at mabasbasan. (Tingnan sa Marcos 10:13–16.) Tulad ng pag-uukol ng panahon ni Cristo na gabayan ang mga bata sa mura nilang edad, magagawa rin natin ito.
Inilunsad ng Simbahan ang programang Mga Bata at Kabataan noong 2019 para tulungan ang mga bata at kabataan na patatagin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at mapansin at maunawaan din ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo habang hinahangad nilang maunawaan ang plano ng Ama sa Langit para sa kanila. Tinutulungan sila nito na personal na lumago at makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Ang buod ng programang ito ay gabayan ang mga kabataang miyembro na “tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa [kanilang] paglaki.”1 Nalaman natin sa mga banal na kasulatan na “lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52). Ang huwarang ito mula sa buhay ng Tagapagligtas noong bata pa siya ay tumutulong sa mga kabataan na lumago sa apat na paraan: intelektuwal, pisikal, espirituwal, at sa pakikipagkapwa.
Habang pinagninilayan ang mga aktibidad at proyektong paglilingkod sa ibaba, tanungin ang inyong mga anak kung ano ang gusto nilang subukan. Matatagpuan ang iba pang mga ideya sa childrenandyouth.ChurchofJesusChrist.org.
Espirituwal
“Si Jesus ay umunlad sa ‘pagbibigay lugod sa Dios.’ Espirituwal kang uunlad kapag nagpapakita ka ng pagmamahal sa Diyos at ng kahandaang ipamuhay ang ebanghelyo.”2
Sabi ni Gloria Pereira, isang ina mula sa Chile, “Ang [mga bata] ang bumubuo ng kanilang espirituwal na identidad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga mithiin na kaakibat ng kanilang mga personalidad at hangarin.”
Sinabi ni Daniela Moreira, isang Primary president na mula sa Mendoza, Argentina, na nagsikap ang mga bata sa kanyang ward na maunawaan ang layunin ng templo. Para matugunan ang mithiing ito, binisita nila ang itinatayong Mendoza Argentina Temple. Nalaman din nila kung paano mabubuklod ang mga pamilya sa templo at kalaunan ay gumawa sila ng mga modelo ng templo.
“Ang mga aktibidad ng espirituwal na aspeto ang higit na tumatatak sa isipan ng mga musmos,” sabi ni Daniela. “Natututo silang pansinin at damhin ang palagiang patnubay ng Banal na Espiritu at nagiging pamilyar sila sa damdaming iyon.”
Mga ideya para sa espirituwal na aktibidad: Mag-host ng isang testimony meeting; isaulo ang mga paborito ninyong talata sa banal na kasulatan; magdaos ng question-and-answer night kasama ang bishopric o branch presidency; dumalo sa isang binyag; gumawa ng family history para maghanda ng mga pangalan para sa templo; basahin ang mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa ilalim ng mga paborito ninyong himno; tumigil sandali sa paggamit ng social media.
Pakikipagkapwa
“Si Jesus ay umunlad sa ‘pagbibigay-lugod sa … tao.’ Uunlad ka sa pakikipagkapwa sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal sa lahat ng tao.”3
Ibinahagi ni Melissa Lara na mula sa Mexico kung paano nagtakda ng mithiin ang kanyang anak na si Dayra na magpadala ng mga mensahe ng panghihikayat noong panahon ng pandemyang COVID-19: “Dinekorasyunan niya ang mga bato ng mga parirala, ipinamigay ang mga iyon sa block niya, at iniwan ang mga iyon sa may pintuan.” Sa isang bahay, binuksan ng isang matandang babae ang pinto at itinanong kung ano ang ginagawa niya. Matapos ipaliwanag ni Dayra ang kanyang proyekto, itinanong ng babae kung ano ang pariralang inilagay ni Dayra para sa kanya. Sabi sa kanya ni Dayra, “Maaari kang patuloy na sumulong. Kasama mo kami.”
Sabi ni Melissa, “Sabi ng babae na may luha sa mga mata, ‘Salamat; iyon ang mga salitang kailangan kong marinig. May pinagdaraanan akong hamon at nagdasal ako. Pagkatapos ay dumating ka sa pintuan ko para dalhin sa akin ang mensaheng kailangan ko.’ Nagpapasalamat ako na ibinahagi ng aking anak ang kanyang patotoo. Sabi niya sa akin, ‘Inay, hindi ko po alam na nagkaroon ng gayong epekto ang ginagawa ko.’”
Mga ideya para sa aktibidad sa pakikipagkapwa: Kausapin ang isang tao na ang trabaho ay ang pangarap mong trabaho; turuan ang isang nakababatang kapatid; sulatan ang mga missionary; tabihan ang isang taong baguhan sa oras ng tanghalian; anyayahan ang isang kaibigan sa isang aktibidad ng Simbahan; isaulo ang mga pangalan ng mga miyembro ng ward o branch; magpakilala sa isang kapitbahay na hindi mo kilala; magkaroon ng pormal na hapunan para matuto ng magandang asal.
Pisikal
“Si Jesus ay lumaki sa ‘pangangatawan.’ Maaari kang matutong magtrabaho at pangalagaan ang iyong katawan, isipan, at mga nilikha ng Diyos.”4
Ibinahagi ni Karla Duarte, isang ina mula sa Nicaragua, ang halimbawang ito: “Nagtakda ng mithiin ang ilang bata na magtutulungan sa mga aktibidad na maglinis ng bahay, matutong magluto ng isang putahe, at gumawa ng maliliit na hardin sa tulong ng iba pang mga miyembro ng pamilya.”
Kapag pinangangalagaan natin ang ating katawan bilang templo, tinutulutan natin ang Espiritu Santo na manahan sa atin. Ang kalusugan ay iba-iba ayon sa mga pangangailangan at kakayahan, ngunit maaaring magtakda ang mga kabataan ng kakaibang mga mithiin na makakabuti sa sarili nilang kalusugan.
Mga ideya para sa pisikal na aktibidad: Magplano ng isang masayang ehersisyo; mag-hiking; bunutin ang mga damo sa bakuran ng isang kapitbahay; mag-impake ng isang 72-hour emergency kit; kausapin ang isang counselor tungkol sa depresyon; magpraktis ng paghinga nang malalim at irelaks ang katawan mo; magluto ng masusustansyang pagkain; pag-aralan ang Word of Wisdom; magpraktis ng first aid.
Intelektuwal
“Si Jesus ay lumago sa ‘karunungan.’ Maaari kang mag-aral sa paaralan, matuto ng mga bagong kasanayan, at paghusayin ang iyong mga talento.”5
Pinanood ni Avigail Rodriguez na mula sa Bolivia ang kanyang anim-na-taong-gulang na anak na si Bruno na magtakda at magkumpleto ng kanyang mithiin na matutuhan ang mga Saligan ng Pananampalataya. Bagama’t nahirapan si Bruno sa pagbabasa, sinabi ni Avigail na nakatulong kay Bruno ang pagkakamit ng mithiing ito para maging “mahusay sa pagbabasa. Ang sumunod niyang mithiin ay basahin ang buong Aklat ni Mormon bago siya mabinyagan, at nagawa niya iyon.”
Maaaring dagdagan ng mga bata ang kanilang kaalaman sa mga aspetong naghihikayat sa kanila na matuto. Mula astronomy hanggang zoology, palaging may matutuklasan.
Mga Ideya para sa intelektuwal na aktibidad: Magkaroon ng isang talent night; sumulat sa journal; basahin ang isang aklat; masdan ang mga bituin; matutong tumugtog ng isang instrumentong musikal; gumawa ng origami; pag-aralan kung paano gumagana ang mga kamera; magsagawa ng mga eksperimento sa siyensya; magpraktis na magbaybay ng mahahabang salita.
Ang Papel na Ginagampanan ng mga Magulang
Bagama’t hinihikayat ang mga bata na makibahagi sa mga aktibidad at proyektong paglilingkot bilang isang ward o branch, ang nagbibigay-inspirasyong paglago ay nagsisimula sa tahanan. Sinabi ng Panginoon sa mga magulang, “Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 93:40). Maaaring magbigay ng suporta ang mga lider ng mga kabataan, ngunit higit na kilala ng mga magulang ang kanilang mga anak. Maaari silang makipagtulungan sa bawat isa sa kanilang mga anak sa kanilang personal na paglago, dahil “ang ating mga talento at mithiin ay talagang kakaiba tulad natin.”6
Hinimok ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga magulang na bigyan ng “pagmamahal, panghihikayat, at payo ang kanilang mga anak. Ngunit huwag matuksong pangunahan sila. Magiging napakahusay nila sa paggamit ng sarili nilang kalayaang magpasiya.”7
Sabi ni Anahi Hernández, isang ina mula sa Mexico, “Sa simula ay nagmungkahi ako sa aking mga anak kung anong mga mithiin ang itatakda, tulad ng pagtugtog ng piyano. Pero natanto ko na nakatuon lamang ang programa sa kung ano ang gusto ng mga bata na matutuhan at paunlarin.”
Pinayagan ni Anahi ang kanyang mga anak na pumili ng mga aktibidad na gusto nilang subukan: “Tuwing aanyayahan ko ang aking mga anak na sikaping matamo ang kanilang mga mithiin, tinatanong ko sila, ‘Ano ang gusto ninyong matutuhan?’ ‘Ano ang gusto ninyong subukan?’ At pagkatapos ay sinasabi nila ang gusto nila, at mas nakikilala ko sila.”
Nais ng mga Bata at Kabataan na Lumago
Nabigyang-inspirasyon ng Liwanag ni Cristo, sabik ang ating mga anak na matuto, lumago, at maglingkod. Gusto nilang maging katulad ng kanilang Tagapagligtas sa pamamagitan ng personal na pag-unlad.
Sabi ni Shelem Castañeda, isang Primary president na mula sa isang branch sa Mexico, “Binibigyan ko ng tungkulin ang mga batang 11-anyos bilang lider, at nag-oorganisa sila at nagkukusang isagawa ang iba pang mga aktibidad. Namamangha ako sa kahustuhan ng kanilang isipan, sa kanilang kahandaang tumulong at matuto.”
Ang mga bata ay may karapatang tumanggap ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng mapanalanging pagtuklas at pagsisikap tungo sa isang makabuluhang layunin. Ang ating layunin ay “hayaang mamuno ang mga kabataan,”8 na kinikilala na kaya at gusto talaga nilang umunlad.
Kaya saan kayo maaaring magsimula? Sabi ni Cole Rosenberg, isang ward youth adviser mula sa Estados Unidos, “Nagsisikap kaming ipakita kung ano ang hitsura ng matagumpay na pagpaplano, pagkatapos ay pinababayaan at hinahayaan namin ang mga kabataan na mag-organisa ng mga planning session at magsagawa ng mga aktibidad.”
Tulungan ang inyong mga anak na (1) mapansin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo, (2) makatuklas ng mga mithiin, (3) magplano kung paano makakamit ang mga iyon, (4) kumilos ayon sa planong iyon, at (5) pagnilayan ang kanilang karanasan. Sa pangkalahatan, kapag mas matatanda ang mga bata, mas magagawa nila ang mga hakbang na ito nang mag-isa.
Ang pagsunod sa limang hakbang na ito ang paraan para maging mga katiwala ng kanilang paglago ang mga bata sa pamamagitan ng mga plano, inisyatibo, at hangaring magpakabuti na tulad ni Cristo.
Ang misyon ng programang Mga Bata at Kabataan ay “tulungan ang mga bata, kabataan, at kanilang pamilya na umunlad sa landas ng tipan sa pagharap nila sa mga hamon ng buhay.”9 Habang ginagabayan natin ang mga bata at kabataan ng Simbahan patungo sa kanilang Tagapagligtas, alalahanin natin kung paano Siya lumago. Karangalan nating makita mismo ang paglagong iyan.