2023
Nakakatulong ba o Nakakasama sa Iyo ang mga Coping Habit o Nakagawian Mo para Madaig ang mga Hamon?
Agosto 2023


“Nakakatulong ba o Nakakasama sa Iyo ang mga Coping Habit o Nakagawian Mo para Madaig ang mga Hamon?,” Liahona, Ago. 2023.

Mga Young Adult

Nakakatulong ba o Nakakasama sa Iyo ang mga Coping Habit o Nakagawian Mo para Madaig ang mga Hamon?

Akala ko nakakatulong sa akin ang masasamang gawi ko, pero inililisya pala ako ng mga ito sa pagsulong sa buhay.

larawan ng mukha ni Jesucristo

No Harm Can Befall With My Comforter Near [Hindi Mapapahamak sa Piling ng Aking Mang-aaliw], ni Michael Malm, hindi maaaring kopyahin

Lumaki ako na iniisip na ang hindi komportableng mga damdaming tulad ng kalungkutan at kabiguan ay isang bagay na dapat katakutan, paglabanan, at iwasan. Pero ang totoo, lahat ng damdamin natin ay dumarating na kaakibat ng ating karanasan sa buhay na ito. At ang mga ito ay mga gurong maraming nalalaman at lubhang nagpapabilis sa ating paglago. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mortalidad ay nagbibigay sa atin ng maraming pagkakataon na maging higit na katulad ni Cristo: una, sa pamamagitan ng matagumpay na pagdaig sa … mga hamon ng buhay.”1

Kailangan nating lahat ng mga kasangkapan para tumulong sa atin na harapin ang mga pagsubok sa buhay at ang kalakip nitong mga damdamin. Ang mga coping mechanism o paraan para madaig ang mga hamon ay mga pattern ng pag-uugali na ginagamit natin para harapin ang mahihirap na sitwasyon at di-kanais-nais na damdamin. Maaaring kabilang dito ang paglimot sa iyong mga problema o pagkausap sa isang kaibigan tungkol sa isyu.2

Halos buong buhay kong sinikap na pigilin ang aking damdamin, tulad ng paglimot sa matitinding emosyon o pagwawaksi sa mga iyon. Sa buong panahon ng pagiging tinedyer ko, nagkaroon ako ng mga negatibong coping mechanism o paraan ng pagdaig sa mga hamon tulad ng pagkapit sa pagiging perpekto dahil inakala ko na kung hindi ako makakagawa ng mga pagkakamali kahit kailan, puwede kong iwasan ang masaktan. Hindi rin ako humingi ng tulong kailanman sa takot na mabigatan ang ibang mga tao.

Pero kalaunan ay nalaman ko na ang mga habit o nakagawian ko nang napakatagal sa pagharap sa aking problema o pagkabalisa ay nakakasama sa akin, hindi nakakatulong sa akin. Natanto ko na kailangan kong matutong harapin ang mga hamon ko sa buhay at daigin ang mga ito sa mas maiinam na paraan.  Kinailangan ng maraming pagninilay sa sarili, pagsasaliksik, at pagsasanay para malimutan o maalis ang mga negatibong coping strategy o paraan ng pagdaig sa mga hamon na nagamit ko noon. Lalo kong naunawaan kung paano ako matutulungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na magbago at maging “bagong nilalang” (2 Corinto 5:17) sa tulong ni Cristo. Natututuhan ko na ngayong daigin ang mahihirap na emosyon sa mga paraang tutulong sa akin na gamitin ang aking mga hamon para maging higit na katulad ni Cristo.

Pagbubuo ng Magagandang Coping Mechanism o Paraan ng Pagdaig sa mga Hamon

Ang problema sa hindi-magandang mga coping mechanism o paraan ng pagdaig sa mga hamon ay na maaaring magbigay ang mga ito ng panandaliang ginhawa, pero maaari nitong mas palalain ang mga isyu sa katagalan. Ang ugaling pag-iwas ay maaaring humantong lahat sa mga adiksyon at pagkagambala na mas nagpapahirap na madaig ang iyong mga problema.

Ang mga coping mechanism o paraan ng pagdaig sa mga hamon ay hindi dapat maging tungkol sa pagtalikod sa katotohanan o pag-iwas sa isang isyu na kinakaharap mo. Sa halip, matutulungan ka ng mga ito na muling sumigla, magtuon, ipaalala sa iyo ang iyong personal na identidad, at magkaroon ng kontrol na kailangan sa pagharap sa mga sitwasyon at damdaming nararanasan mo.3

Pagdating sa kalusugang pangkaisipan, karaniwan ay may dalawang uri ng maiinam na paraan ng pagdaig sa mga hamon: batay-sa-problema (pagkilos para malutas ang iyong mga problema) at batay sa emosyon (pagbabago ng mindset o paraan ng iyong pag-iisip bago harapin ang iyong mga problema para maiwasang tumugon batay sa takot). Ang paraan ng pagdaig sa mga hamon batay sa problema ay parang paggawa ng badyet kung may problema ka sa pera. Ang paraan ng pagdaig sa mga hamon batay sa emosyon ay maaaring pag-uukol ng oras na mag-ehersisyo o pakikinig sa banayad na musika para makabawi sa hirap ng maghapon.

Bilang alagad ni Cristo, natuklasan ko na mas umaasa ako sa mga coping mechanism o paraan ng pagdaig sa mga hamon sa espirituwal na paraan. Kapag dumarating ang mahihirap na panahon, ang pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw, pagbaling sa nakasisiglang resources, at pag-asa sa pananampalataya kay Jesucristo ay kasinghalaga rin ng iba pang mga paraan ng pagdaig sa mga hamon sa pagbibigay sa iyo ng lakas para matulungan kang harapin ang mga hamon.

Lahat ng uri ay kapaki-pakinabang sa iba’t ibang sitwasyon at maaari pa ngang pagsabay-sabayin.

Narito ang ilang halimbawa ng maiinam na coping mechanism o paraan ng pagdaig sa mga hamon na maaari mong subukan:

Batay-sa-Espirituwal:

  • Pagbaling sa nakasisiglang resources na mas naglalapit sa iyo kay Cristo, tulad ng mga banal na kasulatan, mensahe sa kumperensya, at himno

  • Pagbabasa sa iyong patriarchal blessing para sa dagdag na walang-hanggang pananaw

  • Pagdarasal at pagninilay tungkol sa maaaring sinisikap ng Diyos na ituro sa iyo

  • Paglilingkod sa iba sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo, paghahatid ng pagkain sa isang kapitbahay, o paggawa ng gawain sa family history

Batay-sa-Problema:

  • Paggawa ng listahan ng mga gagawin at paggawa ng mga ito nang paisa-isa

  • Pagtatakda ng mabubuting hangganan, tulad ng pagtanggi sa mga kahilingan na nagbibigay sa iyo ng hindi-kailangang stress

  • Pagpapraktis ng mas mainam na pangangasiwa ng oras sa pamamagitan ng paggawa ng listahan ng mga gagawin, pag-set ng timer, o pagtatakda ng mga limitasyon sa iyong mga device

  • Paghingi ng suporta mula sa mga mahal sa buhay, katrabaho, lider ng Simbahan, at mapagkakatiwalaang kaibigan

Batay-sa-Damdamin:

  • Regular na pagpapanatag sa sarili tulad ng pag-eeherisyo, paggugol ng oras sa piling ng mga mahal sa buhay, o paliligo

  • Pagpapraktis na mahabag sa sarili sa pamamagitan ng pagpapaalala sa iyong sarili na lahat ay may nakababagot na mga araw at nahihirapan sa matitinding emosyon

  • Pagpapraktis ng pagiging maalalahanin sa pamamagitan ng pagninilay, paggawa ng listahan ng pasasalamat, o pagsulat sa iyong journal

  • Pagtawag sa isang kaibigan para makausap siya at tulungan kang tingnan ang mga bagay-bagay mula sa ibang pananaw

mga icon ng isang taong naglalakad, nagbabasa, at nagdarasal

Pagbabago ng Iyong mga Gawi

Ang pagbabago ng mga gawi ay hindi nangyayari sa loob ng magdamag, pero sulit ang matuto ng bago at mainam na mga paraan para madaig ang mga hamon. Tuwing pinipili mo ang mas mainam na tugon, nagiging mas madali ang buhay, at nagiging mas matatag ang iyong damdamin, nagkakaroon ka ng kakayahan, at nagiging higit na katulad ka ni Cristo.

Narito ang ilang mungkahi na nakatulong sa akin na magkaroon ng mas mabubuting gawi na maaaring makatulong sa iyo:

Umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa tulong. Sabi ni Sister Rebecca L. Craven, Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “Sa pamamagitan ni Jesucristo, binibigyan tayo ng lakas na gumawa ng mga pangmatagalang pagbabago. Kapag mapagpakumbaba tayong bumabaling sa Kanya, daragdagan Niya ang ating kakayahang magbago.”4 Nais ng Diyos na tulungan tayong matuto. Kahit bumabalik tayo sa dating gawi o nagpapatangay sa mga tukso, maaari tayong mapanatag batid na hindi Niya tayo hahayaan na makibakang mag-isa.

Maaari nating madaig ang ating masasamang gawi at maaari tayong makagawa ng pangmatagalang pagbabago sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang pagdaig sa mundo ay tiyak na hindi nangangahulugang magiging perpekto sa buhay na ito, ni nangangahulugang bigla na lang maglalaho ang inyong mga problema—dahil hindi mangyayari iyon. At hindi ito nangangahulugang hindi na kayo magkakamali pa. Kundi ang pagdaig sa mundo ay nangangahulugang lalo ninyong mapaglalabanan ang kasalanan. Lalambot ang inyong puso habang lumalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo [tingnan sa Mosias 5:7]. …

“… Sa tuwing kayo ay naghahangad ng at sumusunod sa mga pahiwatig ng Espiritu, sa tuwing kayo ay gumagawa ng anumang bagay na mabuti—mga bagay na hindi gagawin ng ‘likas na tao’—nadaraig ninyo ang mundo.”5

Alalahanin na may dahilan kaya ka nagkaroon ng mga gawi. Hindi ka kakapit sa masasamang gawi kung wala itong silbi sa iyo kahit paano, kahit na ang “silbing” iyon ay isang maling diwa ng kagalakan o seguridad. Halimbawa, ang pag-iisip kong maging perpekto ang lahat ay nakatulong sa akin dati na maiwasang harapin ang aking mga pangamba na hindi ko natutugunan ang mga inaasahan ng iba.

Pero nang kalimutan ko ang mga inaasahang ito ng iba, gumaan nang husto ang pakiramdam ko! Kapag sadya mong inunawa kung anong problema ang iniiwasan mo sa iyong mga negatibong coping mechanism o paraan ng pagdaig sa mga hamon, sadya kang gagawa ng mas mainam na plano para maiproseso ang iyong damdamin.

Ang pagtatanong sa iyong sarili ng mga bagay na ito ay maaaring makatulong sa iyo na magkaroon ng kamalayan sa iyong sarili at tumugon sa ibang paraan:

  • Anong pangangailangan ang sinusubukang tuparin ng negatibong gawi na ito?

  • Anong emosyon ang pinaiiwasan sa akin ng gawi na ito?

  • Ano ang mas mainam na opsyon na maaari kong subukan para matugunan ang pangangailangang iyon?

Gawing kumbinyente ang mabubuting gawi. Gawing mas madaling piliin ang mas mainam na coping mechanism o paraan ng pagdaig sa mga hamon sa pamamagitan ng pag-aalis ng iba pang mga tukso o hadlang. Minsang ibinahagi ng Brigham Young University professor na si Jason Whiting ang kuwento tungkol sa isang binatang pinayuhan niya na nakipaglaban noon sa pornograpiya bilang kanyang coping mechanism o paraan ng pagdaig sa mga hamon. Alam ng lalaki na mas madali siyang matukso kapag siya ay nag-iisa, namomroblema, o pagod, kaya iniwasan niya ang mga electronic device sa mga oras na iyon at sa halip ay sinikap na bumaling sa pagsusulat sa journal, pagtulog nang mahimbing, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pag-eehersisyo.6 Gumawa ng mga bagay na pakikinabangan mo at gawing madaling ma-access ang mas mabubuting pasiya!

Maging mabait sa iyong sarili. Bahagi ng pagiging tao ang pagkukulang kahit ginagawa natin ang lahat. Hindi mo kailangang maging perpekto sa mga coping skill o kasanayan mo sa pagdaig sa mga hamon sa loob ng isang araw. Kailangan ka lang masanay! Maaari tayong maging katulad ni Nephi, na nagsabi, patungkol sa kanyang mga pagsisikap na isulat ang sagradong banal na kasulatan, “At ngayon, kung nagkakamali man ako … dahil sa aking sariling kahinaan, ayon sa laman, papaumanhinan ko ang aking sarili” (1 Nephi 19:6).

Ang pagbabago ay nangangailangan ng panahon, at pinag-aaralan ko pa ring daigin ang mga hamon sa mainam na paraan. Subalit sa pamamagitan ng pananampalataya, pagtitiyaga, at pagsasanay, nakakita na ako ng malaking pag-unlad sa paraan ng pagharap ko sa mga paghihirap. Alam ko na sa pagbaling kay Cristo at paniniwala sa kakayahan mong umunlad, makakabuo ka ng mas mabubuting gawi na tutulong sa iyo na mamuhay nang mas payapa at may layon.

Mga Tala

  1. Neal A. Maxwell, “Apply the Atoning Blood of Christ,” Ensign, Nob. 1997, 22.

  2. Allaya Cooks-Campbell, “How Coping Mechanisms Help Us Manage Difficult Emotions and Situations,” BetterUp, Peb. 22, 2022, betterup.com/blog/coping-mechanisms.

  3. Amy Morin, “Healthy Coping Skills for Uncomfortable Emotions,” Verywell Mind, Set. 6, 2022, verywellmind.com/forty-healthy-coping-skills.

  4. Rebecca L. Craven, “Panatilihin ang Pagbabago,” Liahona, Nob. 2020, 59.

  5. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022; 96–97.

  6. Tingnan sa Jason Whiting, “Paano Natin Madaraig ang Mundong Puno ng Pagnanasa,” Liahona, Hunyo 2022, 18–19.