2023
Anim na Dahilan para Manatiling Umaasa sa Masayang Pagsasama ng Mag-asawa
Agosto 2023


Digital Lamang

Anim na Dahilan para Manatiling Umaasa sa Masayang Pagsasama ng Mag-asawa

Nasa atin ang lahat ng dahilan para patuloy na sikaping magkaroon ng walang-hanggang kasal at pamilya.

Larawan
isang mag-asawang nakaupo sa sopa at nakangiti sa isa’t isa

“Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” pagtuturo ni Elder Richard J. Maynes noong siya ay miyembro ng Pitumpu, “nauunawaan at [pinaniniwalaan natin ang] kawalang-hanggan ng pamilya. Ang pagkaunawa at paniniwalang ito ay dapat magbigay-inspirasyon sa atin na gawin ang lahat ng ating makakaya upang makabuo ng tahanang nakasentro kay Cristo.”1 Kaya ano ang mangyayari kapag tayo ay:

  • nakaranas na sinasabi sa atin ng iba (nang mali) na ang pag-aasawa at pagiging magulang ay hindi na uso sa lipunan ngayon,

  • nagsimulang magduda sa masasayang pagsasama ng mag-asawa dahil sa mga karanasan ng pamilya natin mismo o ng iba,

  • pinanghihinaan-ng-loob kapag ang mga pagpapala ng pag-aasawa o pagkakaroon ng mga anak ay hindi dumarating kapag umasa tayo?

Sa bawat isa sa mga sitwasyong ito, maaari tayong magtiwala sa likas na kagandahan ng mga katotohanan ng ebanghelyo tungkol sa pag-aasawa at pamilya. Maaari tayong patuloy na sumampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag tayo ay “umaasa sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21; tingnan din sa Eter 12:6). Maaari tayong magtayo ng matibay na pundasyon sa mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa pamilya na pinananatili tayong nakatuon sa ating mga walang-hanggang mithiin at pananaw. Halimbawa, isipin ang lakas, layunin, at pag-asang maaaring magmula sa pag-aaral at pagtanggap sa anim na alituntuning ito (bukod pa sa iba).

Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos

Nasa sentro ng pagpapahayag tungkol sa pamilya ang mga katotohanan na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”2 Maraming talata sa banal na kasulatan ang nagpapaalala sa atin tungkol sa kahalagahan ng mga lalaki at mga babae na magkasamang ibinubuklod bilang mag-asawa (tingnan, halimbawa, sa Genesis 2:18; 1 Corinto 11:11; 4 Nephi 1:11; Moises 3:18). Sa huli, “Ang mundo ay nilikha at ang Simbahang ito ay ipinanumbalik upang ang mga pamilya ay mabuo, mabuklod, at madakila sa kawalang-hanggan,”3 pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson.

Ibinahagi rin ni Pangulong Nelson kung bakit napakahalaga ng pagbubuklod sa templo:

“Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay sagrado—ito ay inorden ng Diyos [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17]. Pinagtitibay ko rin ang kainaman ng kasal sa templo. Ito ang pinakamataas at nagtatagal na uri ng kasal na maiaalok ng ating Tagapaglikha sa Kanyang mga anak.

“Bagama’t ang kaligtasan ay nasa tao, ang kadakilaan ay nasa pamilya. Tanging ang mga ikinasal sa templo [na ang] kasal ay ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako ang mananatiling mag-asawa matapos mamatay [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:53; 132:7] at tatanggap ng pinakamataas na antas ng selestiyal na kaluwalhatian, o kadakilaan.”4

Kapag hinangad nating matamo at igalang ang isang selestiyal na kasal, sumusulong tayo sa ating walang-hanggang mga tungkulin at sa nagpapadakilang mga tipan.

Ang Kasal ay Isang Pakikipagtuwang sa Diyos

Ang pag-aasawa ay maaaring mabilis mauwi mula sa pakiramdam na mahirap tungo sa pakiramdam na parang isa itong malaking pribilehiyo at oportunidad kapag naaalala natin na hindi ito tungkol lang sa isang lalaki at babae na magkasamang nagtatagumpay. Sa halip, hinahangad nilang magtagumpay maging sa pakikipagtuwang sa Ama sa Langit. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson: “Upang maging marapat sa buhay na walang hanggan, kailangan tayong gumawa ng walang hanggang tipan sa ating Ama sa Langit [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19]. Ibig sabihin ang kasal sa templo ay hindi lamang sa pagitan ng mag-asawa; [kasama rito ang] pakikipagtuwang sa Diyos [tingnan sa Mateo 19:6].”5 At kapag tayo ay nakipagtuwang sa Diyos, pinagpapala tayong magkaroon ng access sa Kanyang kapangyarihang pagpalain ang ating mga pagsisikap kapag humingi tayo ng payo sa Kanya.

Tulad ng itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa pamamagitan ng pagbubuklod sa templo, ang isang babae at isang lalaki ay pumapasok sa banal na orden ng matrimonyo sa bago at walang hanggang tipan. Sa pamamagitan ng orden na ito ng priesthood, binibigyan sila ng walang hanggang mga pagpapala at banal na kapangyarihang pangasiwaan ang mga gawain sa pamilya habang namumuhay sila alinsunod sa mga tipang ginawa nila. Mula sa puntong iyon, sumusulong sila habang umaasa sa isa’t isa at lubos na magkatuwang kasama ang Panginoon, lalo na pagdating sa mga responsibilidad ng bawat isa na itinakda ng Diyos na kalingain at pamunuan ang kanilang pamilya.6

Ang Pag-aasawa at Pamilya ay Maaaring Maghatid ng mga Pinakamalaking Kagalakan at Pagpapala

Maraming beses nang nagsalita ang mga propeta tungkol sa mga pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng mga pagbubuklod sa templo at mga walang-hanggang pamilya. Halimbawa, ang ganitong uri ng pag-aasawa at pamilya ay maaaring maglaan ng:

  • “Pinagmumulan ng ating lubos na kagalakan”7

  • Isang “kaganapan ng mga pagpapalang … halos hindi natin kayang arukin”8

  • “Isang mahalagang bahagi ng paghahanda para sa buhay na walang hanggan”9

  • “[Mas malalaking] posibilidad na lumigaya … kaysa sa iba pang pakikipag-ugnayan ng tao”10

  • “Pinagmumulan ng kaayusan sa lipunan, ng kabutihang-asal, at ng [pundasyon ng] walang-hanggang kadakilaan”11

  • “Isang mahalagang kaloob ng langit”12

  • “Pinakamalalim at pinakamatamis na damdamin sa lahat”13

  • “Pinakamahalagang gawain ng Panginoon na gagawin ninyo”14

  • “Pinakamalaking yaman sa lupa at sa langit”15

  • “Lubusang mga pagpapala”16

  • “Pinakamahalagang dahilan ng ating buhay. … Kung ilalaan natin ang ating sarili dito, mapagbubuti natin ang bawat aspeto ng ating buhay”17

  • “Isang sagradong pribilehiyo na magtuturo sa [atin] na mas makatulad ng Diyos”18

  • “Pagmumulan ng ating walang hanggang pag-unlad at galak at orden ng ating Ama sa Langit”19

  • “Isang mapagmahal, tumatagal, at mas perpektong relasyon”20

  • “Pinagmumulan ng walang kapantay na kasiyahan, maging ng kagalakan”21

  • “Malaking pagpapala ng pagkakaroon ng mga anak at ang kaligayahang idudulot nila sa atin sa buhay na ito at sa mga kawalang-hanggan”22

  • “Isang tunay at pantay na [pagtu]tuwang”23

  • “Pagkakaisang itinuro ng Tagapagligtas”24

  • “Higit pang kagalakan sa ating paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan”25

  • “Ating kakayahang maglingkod sa isa’t isa at kasama ang isa’t isa [na lumago] nang husto”26

  • “Panahon na napakasaya [magpakailanman]”27

  • “Mas malaking kagalakan at tagumpay sa buhay”28

  • “Isa sa mga banal na kagalakan sa buhay”29

  • Isang “makabuluhan” at “kahanga-hangang” karanasan30

  • Magabayan ng “Panginoon … sa lahat ng … magkasamang mga karanasan sa paglago”31

  • “Magandang pagkakataon para madaig ang anumang tendensiya na maging sakim o makasarili”32

  • “Pagkakataong maranasan nang husto ang pagmamahalan at paghahanda para sa isang buhay na mabunga”33

  • “Nagbibigay ito sa kanila ng ulirang kapaligiran kung saan maaari nilang tuparin ang mga tipan na ginawa nila sa Diyos”34

  • “Hinding-hindi magkakaroon ng kapangyarihan ang kaaway na sirain ang katatagan ng kanilang walang-hanggang pagsasama”35

  • “Isang napakahalagang perlas na walang katumbas, isang kayamanan na walang hanggan ang kahalagahan”36

  • “Isang banal at inorden na landas. … Wala nang iba pang uri ng ugnayan ang makapagdudulot ng malaking kagalakan, magpapaibayo ng higit na kabutihan, o higit na kadalisayan ng sarili”37

  • “Tunay na kaligayahan sa buhay na ito at sa mga kawalang-hanggan”38

4. Ang mga Pamilya ay Naglalaan ng Pinakamagandang Lugar para Magtagumpay

Hindi lamang naglalaan ng walang-hanggang paglago ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, kundi naglalaan din ito ng pinakamainam na lugar sa pagpapalaki ng mga anak at pagpapala sa mga lipunan. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pamilyang binubuo ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal ang pinakaakmang kalagayan upang magtagumpay ang plano ng Diyos—ang kalagayan para sa pagsilang ng mga anak, na darating na dalisay at walang-malay mula sa Diyos, at ang kapaligiran para sa pag-aaral at paghahandang kailangan nila para sa isang matagumpay na buhay sa mundo at buhay na walang-hanggan sa daigdig na darating. Ang sapat na bilang ng mga pamilyang binuo ng gayong mga pag-aasawa ay mahalaga para mabuhay at umunlad ang lipunan. Kaya nga hinikayat at pinrotektahan ng mga komunidad at bansa ang kasal at ang pamilya bilang mapapalad na institusyon. Kailanma’y hindi ito naging tungkol lamang sa pag-iibigan at kaligayahan ng matatanda.”39

Itinuro rin ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kapag ang mga tao ay matapat sa pamilya at relihiyon at sa mga alituntunin ng ebanghelyo, mas nagiging maunlad sila sa espirituwal na bagay at kadalasan gayundin sa temporal na bagay.

“At, siyempre, ang mga lipunan sa pangkalahatan ay napalalakas kapag lalong tumatatag ang mga pamilya. Ang katapatan sa pamilya at mga pinahahalagahan ang pangunahing dahilan. Halos lahat ng iba pang bagay ay epekto lamang nito. Kapag ang mga magkasintahan ay nagpakasal at naging matapat sa isa’t isa, nadaragdagan ang pagkakataong umunlad ang kanilang kabuhayan. Kapag ang mga anak ay isinilang sa mag-asawang ikinasal at nariyan kapwa ang kanilang ama at ina, ang kanilang mga oportunidad at tagumpay sa trabaho ay lalong nadaragdagan. At kapag ang mga pamilya ay gumagawa at naglalaro nang sama-sama, ang mga kapitbahayan at komunidad ay umuunlad, nagiging maayos ang kabuhayan, at nababawasan ang gastusin ng gobyerno sa pagtulong sa kanila.”40

5. Maaari Nating Baguhin ang mga Pattern ng Pamilya

Kahit nagmula kayo sa isang tahanan kung saan ang pagmamahalan at pagkakasundo ay hindi batayan ng pagsasama ng mag-asawa, tandaan na makalilikha kayo ng isang kapaligirang nakasentro kay Cristo sa inyong tahanan. Itinuro ni Elder Christofferson na “maaaring kayo ang maging henerasyon, marahil ang una sa inyong pamilya, kung saan tunay na nahuhubog ang mga banal na huwarang inorden ng Diyos para sa pamilya at pinagpapala ang lahat ng henerasyong susunod sa inyo.”41

At tulad ng ipinapayo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili: Tandaan na “alam ng iyong Tagapagligtas ang iyong sitwasyon, at mahal Ka Niya. Maging mapagpasensya, patuloy na sundin ang mga utos ng Diyos, at maging mabuting halimbawa sa iyong pamilya. Bumuo ng mga relasyon sa sarili mong ward. Maghanda ngayon na bumuo ng sarili mong pamilya na nakasalig sa mga turo ni Jesucristo.”42

Maaari tayong makadama ng malaking ginhawa sa pagkaalam na gagabayan tayo ng Panginoon sa ating mga matwid na hangarin para sa isang matatag na pagsasama ng mag-asawa at maglalaan Siya ng mga resource at lakas na kailangan natin para lumikha ng “kaligayahan sa buhay ng mag-anak,”43 kahit hindi iyon ang naranasan natin noon.

6. Maaari Tayong Magtiwala sa mga Ipinangakong Pagpapalang Darating

Maging sa mga nagsisikap na maging walang hanggan ang pagsamama nilang mag-asawa, hindi lahat ay tatanggap ng pagpapalang iyon sa buhay na ito. Pero mapapanatag tayo sa pangakong ito mula kay Pangulong Nelson, na ang alituntunin ay naituro din ng maraming iba pang mga propeta: “Natanto ko na maraming may edad nang miyembro ng Simbahan na walang asawa. Kahit hindi nila sadya, mag-isa nilang hinaharap ang mga pagsubok sa buhay. Alalahanin nating lahat na sa sariling paraan at oras ng Panginoon ay walang pagpapalang hindi ibibigay sa Kanyang matatapat na mga Banal.”44

Habang hinihintay natin ang mga pagpapalang iyon ng Panginoon, maaari nating “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya” at pagkatapos ay “[tumayo nang] hindi natitinag” at “makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (Doktrina at mga Tipan 123:17). At maaari tayong maghandang tanggapin ang pinakadakilang pagpapalang ibinibigay sa atin—kadakilaan sa buhay na darating.

Print