2012
Upang Mahanap ang Naliligaw
Mayo 2012


Upang Mahanap ang Naliligaw

Habang ipinamumuhay ninyo ang ebanghelyo at doktrina ni Cristo, gagabayan kayo at ang inyong pamilya ng Espiritu Santo.

Elder M. Russell Ballard

Mga kapatid, ayon sa mga banal na kasulatan, ang Liahona ay “isang bilog na bola na kahanga-hanga ang pagkakagawa” na may dalawang ikiran, isa dito ang nagtuturo sa landas na dapat puntahan ng pamilya ni Amang Lehi sa ilang (1 Nephi 16:10).

Palagay ko alam ko na kung bakit nagulat nang husto si Lehi nang una niyang makita ito, dahil naaalala ko ang reaksyon ko nang una akong makakita ng isang GPS unit. Naisip ko na ito ay makabagong kagamitan “na kahanga-hanga ang pagkakagawa.” Kahit paano, sa paraang hindi ko maisip, ang munting gamit na ito, na nasa telepono ko mismo, ay naituturo kung nasaan ako at nasasabi sa akin kung paano pumunta sa nais kong puntahan.

Para sa amin ng asawa kong si Barbara, ang GPS ay isang biyaya. Para kay Barbara ibig sabihin nito ay hindi niya ako kailangang pahintuin para magtanong ng direksiyon; at para sa akin tama ako kapag sinabi kong, “Hindi ko kailangang magtanong. Alam ko kung saan ako pupunta.”

Ngayon, mga kapatid, nasa atin ang isang kasangkapan na higit na kahanga-hanga kaysa pinakamainam na GPS. Lahat ay naliligaw kahit paano. Sa pamamagitan ng mga paramdam ng Espiritu Santo tayo ay ligtas na naibabalik sa tamang landas, at ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang makapagpapabalik sa atin.

Ang pagkaligaw ay nangyayari sa buong lipunan gayundin sa bawat tao. Nabubuhay tayo sa panahon kung kailan malaking bahagi ng mundong ito ang naliligaw, lalo na sa mga pinahahalagahan at prayoridad sa loob ng ating mga tahanan.

Isang daang taon na ang nakalilipas, direktang iniugnay ni Pangulong Joseph F. Smith ang kaligayahan sa pamilya at pinayuhan tayong ituon doon ang ating mga pagsisikap. Sabi niya: “Walang anumang tunay na kaligayahan ang maihihiwalay at maibubukod mula sa tahanan. … Walang kaligayahan [kung] walang paglilingkod at walang paglilingkod na higit na dakila [kaysa sa paggawa sa] tahanan na isang banal na institusyon, na nagsusulong at nagpapanatili sa buhay pampamilya. … Ang tahanan ang kailangang baguhin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 39, 40).

Ang ating mga tahanan at pamilya ang kailangang baguhin sa lalong nagiging materyalistiko at sekular na daigdig na ito. Isang nakagugulat na halimbawa ang patuloy na pagbalewala sa kasal dito sa Estados Unidos. Sa simula ng taong ito ay iniulat ng New York Times na “ang porsiyento ng mga batang isinisilang sa mga babaing hindi ikinasal ay napakataas: mahigit kalahati sa mga ipinapanganak ng kababaihan sa Amerika na wala pang edad 30 ay isinilang nila nang hindi sila ikinasal” (Jason DeParle and Sabrina Tavernise, “Unwed Mothers Now a Majority Before Age of 30,” New York Times, Peb. 18, 2012, A1).

Alam din natin na sa bilang ng mga magkasintahan sa Estados Unidos na nagpapakasal, halos kalahati ang nagdidiborsyo. Kahit ang mga mag-asawa ay madalas na nalilihis ng landas dahil hinahayaan nilang may mamagitang ibang bagay sa kanilang pagsasama.

Nakababahala rin ang lumalaking agwat ng mayayaman at mahihirap at ng mga nagsisikap na pangalagaan ang mga pinahahalagahan ng pamilya at ng mga tumigil na sa paggawa nito. Batay sa estadistika, ang mga may mababang pinag-aralan at dahil dito’y maliit ang kinikita ay malamang na hindi na mag-asawa at magsimba at malamang na masangkot sa mga krimen at magkaroon ng mga anak kahit hindi pa kasal. At ang ganitong kalakaran ay nakababahala rin sa iba pang panig ng daigdig. (Tingnan sa W. Bradford Wilcox and others, “No Money, No Honey, No Church: The Deinstitutionalization of Religious Life among the White Working Class,” makukuha sa www.virginia.edu/marriageproject/pdfs/Religion_WorkingPaper.pdf.)

Taliwas sa iniisip noon ng marami, ang kaunlaran at edukasyon ay tila iniuugnay sa pagkakaroon ng tradisyonal na pamilya at pinahahalagahan.

Ang talagang dapat itanong, mangyari pa, ay tungkol sa dahilan at epekto. Ang ilang sektor ba ng lipunan ay may mas matatag na pinahahalagahan at mga pamilya dahil mas edukado at maunlad sila, o mas edukado at maunlad sila dahil may mga pinahahalagahan sila at matatatag na pamilya? Sa pandaigdigang Simbahan na ito alam natin na tama ang huli. Kapag ang mga tao ay matapat sa pamilya at relihiyon at sa mga alituntunin ng ebanghelyo, mas nagiging maunlad sila sa espirituwal na bagay at kadalasan gayundin sa temporal na bagay.

At, siyempre, ang mga lipunan sa pangkalahatan ay napalalakas kapag lalong tumatatag ang mga pamilya. Ang katapatan sa pamilya at mga pinahahalagahan ang pangunahing dahilan. Halos lahat ng iba pang bagay ay epekto lamang nito. Kapag ang mga magkasintahan ay nagpakasal at naging matapat sa isa’t isa, nadaragdagan ang pagkakataong umunlad ang kanilang kabuhayan. Kapag ang mga anak ay isinilang sa mag-asawang ikinasal at nariyan kapwa ang kanilang ama at ina, ang kanilang mga oportunidad at tagumpay sa trabaho ay lalong nadaragdagan. At kapag ang mga pamilya ay gumagawa at naglalaro nang sama-sama, ang mga kapitbahayan at komunidad ay umuunlad, nagiging maayos ang kabuhayan, at nababawasan ang gastusin ng gobyerno sa pagtulong sa kanila.

Kaya’t ang masamang balita ay na ang pagkasira ng pamilya ang sanhi ng maraming problema sa lipunan at kabuhayan. Ngunit ang mabuting balita ay na, gaya ng iba pang sanhi at epekto, ang mga problemang iyon ay maaaring malutas kung babaguhin ang sanhi ng mga ito. Ang hindi pagkakapantay ay malulutas sa pagsunod sa mga wastong prinsipyo at pinahahalagahan. Mga kapatid, ang pinakamahalagang dahilan ng ating buhay ay ang ating mga pamilya. Kung ilalaan natin ang ating sarili dito, mapagbubuti natin ang bawat aspeto ng ating buhay at, bilang mga tao at bilang simbahan, magiging halimbawa at tanglaw tayo sa lahat ng tao sa buong mundo.

Ngunit hindi ito madali sa isang mundo na kung saan ang mga puso ay nakabaling sa maraming direksiyon at ang buong planeta ay tila palaging gumagalaw at nagbabago sa napakabilis na paraan. Walang nananatiling gayon sa matagal na panahon. Ang mga estilo, pananamit, mga uso, pagsasaalang-alang sa damdamin ng iba, at maging ang pananaw sa tama at mali ay nagbabago. Gaya ng ipinropesiya ng propetang si Isaias, ang mali ay sinasabing tama at ang tama ay sinasabing mali (tingnan sa Isaias 5:20).

Lalong lumalaki ang agwat sa pagitan ng mabuti at masama habang lalong nanlilinlang ang masama at hinahatak ang mga tao na tulad ng isang maitim na magnet—tulad din ng ebanghelyo ng katotohanan at liwanag na humahatak sa matatapat ang puso at mararangal na tao sa mundo, na naghahangad ng tama at mabuti.

Maaaring kakaunti ang ating bilang, ngunit bilang mga miyembro ng Simbahang ito maaari tayong tumulong na paliitin ang mga lumalaking agwat na ito. Alam natin ang kapangyarihang dulot ng paglilingkod na nakatuon kay Cristo na nagbibigkis sa mga anak ng Diyos anuman ang kanilang espirituwal na katayuan o katayuan sa buhay. Isang taon na ang nakararaan inanyayahan tayo ng Unang Panguluhan na sumali sa isang araw na paglilingkod na gumugunita sa ika-75 taon ng programang pangkapakanan, na tumutulong sa mga tao na lalong matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Milyun-milyong oras ang iniambag ng ating mga miyembro sa buong mundo.

Ang Simbahan ay isang kanlungan sa maunos na karagatang ito, isang angkla sa maalon na tubig ng pagbabago at pagkakabaha-bahagi, at tanglaw sa mga nagpapahalaga at naghahangad ng kabutihan. Ginagamit ng Panginoon ang Simbahang ito bilang kasangkapan sa paghatak sa Kanyang mga anak sa buong mundo para mapangalagaan ng Kanyang ebanghelyo.

Ang Espiritu ni Elijah, na walang hangganan, ay dakilang kapangyarihan din sa mga layunin ng Panginoon para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. Sa mga salita ni Malakias, ibinabaling ng Diwa ng Espiritu Santo “ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6).

Ang Simbahan ay nagsisilbing halimbawa ng pagbaling ng puso at pinagmumulan ng kabutihan sa mundo. Sa mga miyembro ng Simbahan na ikinasal sa templo at regular na dumadalo sa mga pulong sa Linggo, ang porsiyento ng diborsyo ay talagang napakaliit kung ikukumpara sa mundo, at ang mga pamilya ay nananatiling mas malapit at palaging may komunikasyon sa isa’t isa. Mas malusog ang ating mga pamilya, at mas humahaba ang ating buhay kaysa sa iba. Mas marami tayong naiaambag sa pananalapi at mas marami ang nagagawang serbisyo sa mga nangangailangan, at mas ginugusto nating magkaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Binabanggit ko ang mga bagay na ito hindi para ipagyabang kundi para magpatotoo na mas mainam ang buhay (at mas masaya) kapag ang mga puso ay nakabaling sa pamilya at kapag ang mga pamilya ay namumuhay sa liwanag ng ebanghelyo ni Cristo.

Kung gayon, ano ang magagawa natin upang huwag maligaw? Una, imumungkahi ko na ilista ang ating mga prayoridad. Ang lahat ng ginagawa ninyo sa labas ng tahanan ay iayon at isalig ninyo sa nangyayari sa loob ng inyong tahanan. Tandaan ang payo ni Pangulong Harold B. Lee na “ang pinakamahalagang gawain … na gagawin ninyo ay ang nasa loob mismo ng inyong mga tahanan” ((Mga Turo: Harold B. Lee [2000], 158) at ang walang-kupas na payo ni Pangulong David O. McKay “Walang ibang tagumpay na makahahalili sa kabiguan sa tahanan” (sinipi mula sa J. E. McCulloch, Home: The Savior of Civilization [1924], 42; sa Conference Report, Abr. 1935, 116).

Isaayos ang inyong buhay upang makapaglaan ng oras para sa panalangin at banal na kasulatan at aktibidad ng pamilya. Bigyan ang inyong mga anak ng mga responsibilidad sa tahanan na magtuturo sa kanila kung paano magtrabaho. Ituro sa kanila na ang pamumuhay ng ebanghelyo ang aakay sa kanila palayo sa karumihan, kaguluhan, at karahasan sa Internet, media, at mga video game. Hindi sila maliligaw, at magiging handa silang humarap sa responsibilidad kapag ipinagkatiwala ito sa kanila.

Pangalawa, kailangan nating gawin ang mga bagay sa tamang kaayusan! Magpakasal muna at pagkatapos ay magkaroon ng pamilya. Marami sa mundo ang nakalimot na sa likas na kaayusang ito ng mga bagay at iniisip na mababago nila ito o mababaligtad pa. Alisin ang inyong mga pangamba nang may pananampalataya. Magtiwalang gagabayan kayo ng kapangyarihan ng Diyos.

Sa inyo na hindi pa nag-aasawa, pagtuunang mabuti ng pansin ang paghahanap ninyo ng makakasama sa walang hanggan. Mga kabataang lalaki, alalahanin ang isa pang sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith: “Ang hindi pag-aasawa … ay [naghihikayat] sa may mababaw na pag-iisip na [ito ay] kaaya-aya dahil maliit na responsibilidad lang ang [ibinibigay nito]. … Ang talagang may kasalanan ay ang mga kabataang lalaki. Dahil mahaba pa ang kanilang panahon ipinagpapaliban nila ang tungkulin at responsibilidad na magkapamilya. … Ang mga kababaihan sa Simbahan ang siyang mga biktima … [na] mag-aasawa kung maaari, at malugod na tatanggapin ang mga responsibilidad ng buhay-pamilya” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 281).

At sa inyo mga kabataang babae, idaragdag ko na hindi rin ninyo dapat kalimutan ang responsibilidad na ito. Walang propesyon na magdudulot sa inyo ng malaking kasiyahan maliban sa pagkakaroon ng pamilya. At kapag nasa edad ko na kayo, mas malalaman ninyong tama ito.

Pangatlo, mga mag-asawa, kayo ay dapat magkatuwang sa inyong pagsasama. Basahin nang madalas at unawain ang pagpapahayag tungkol sa pamilya at sundin ito. Iwasan ang anumang uri ng di-makatwirang pamamahala. Walang sinumang nagmamay-ari sa asawa o mga anak; Ang Diyos ang Ama nating lahat at binigyan tayo ng pribilehiyong magkaroon ng sariling pamilya, na dating Kanya lamang, upang tulungan tayong maging higit na katulad Niya. Bilang Kanyang mga anak dapat nating matutuhan sa tahanan na mahalin ang Diyos at malaman na makahihingi tayo sa Kanya ng tulong kapag kailangan. Lahat ng tao, may asawa o wala, ay maaaring lumigaya at sumuporta anumang uri ang inyong pamilya.

At ang huli, gamitin ang mga mapagkukunang tulong para sa pamilya ng Simbahan. Sa pagpapalaki ng mga anak, ang mga pamilya ay makahihingi ng tulong sa ward. Suportahan at makipagtulungan sa priesthood at mga lider ng auxiliary, at samantalahin ang mga programa ng Simbahan para sa kabataan at pamilya. Alalahanin ang isa pang makabuluhang kataga ni Pangulong Lee—na ang Simbahan ay balangkas na suporta na pagsasaligan natin sa pagbuo ng mga walang hanggang pamilya (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 148).

Ngayon, kung sa anumang dahilan ikaw o kayo bilang pamilya ay naligaw, ang kailangan lamang ninyong gawin ay ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas na nasa Lucas, kabanata 15, upang itama ang inyong landas. Dito ay ikinuwento ng Tagapagligtas ang pagsisikap ng isang pastol sa paghahanap sa kanyang nawawalang tupa, ng babae sa paghahanap ng nawawalang barya, at sa malugod na pagtanggap sa pag-uwi ng alibughang anak. Bakit itinuro ni Jesus ang mga talinghagang ito? Nais Niyang malaman natin na walang sinuman sa atin na maliligaw na hindi makahahanap sa ating daan pabalik sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Kanyang mga turo.

Habang ipinamumuhay ninyo ang ebanghelyo at doktrina ni Cristo, gagabayan kayo at ang inyong pamilya ng Espiritu Santo. Magkakaroon kayo ng espirituwal na GPS na palaging magsasabi sa inyo kung nasaan na kayo at saan kayo patungo. Nagpapatotoo ako na mahal tayong lahat ng nabuhay na mag-uling Manunubos ng sangkatauhan, at nangako Siya na kung susundin natin Siya, aakayin Niya tayo nang ligtas pabalik sa piling ng ating Ama sa Langit, na pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.