2012
Panatilihing Sagrado
Mayo 2012


Panatilihing Sagrado

Elder Paul B. Pieper

Ang sagradong mga bagay ay dapat higit na pakaingatan, bigyan ng higit na paggalang, at mas pagpitaganan.

Mga 1,500 taon bago isinilang si Cristo, isang pastol ang lumapit sa nagliliyab na palumpong sa mga dalisdis ng Bundok Horeb. Ang sagradong karanasang iyon ang simula ng pagbabago ni Moises na isang pastol na naging propeta at sa kanyang gawain na pagpapastol ng tupa na naging pagtitipon ng Israel. Makaraan ang labintatlong siglo, isang mapalad na batang saserdote sa hukuman ng hari ang humanga sa patotoo ng nahatulang propeta. Ang karanasang iyon ang simula ng pagbabago ni Alma mula sa pagiging lingkod ng pamahalaan hanggang sa pagiging lingkod ng Diyos. Makaraan ang halos 2,000 taon, isang 14-na-taong-gulang na bata ang pumunta sa kakahuyan para ihingi ng sagot ang isang taimtim na tanong. Ang karanasan ni Joseph Smith sa kakahuyan ay humantong sa kanyang pagiging propeta at sa panunumbalik.

Ang buhay nina Moises, Alma, at Joseph Smith ay binagong lahat ng sagradong mga karanasan. Pinalakas sila ng mga karanasang ito upang manatiling tapat sa Panginoon at sa Kanyang gawain nang habambuhay sa kabila ng matinding oposisyon at mahihirap na pagsubok.

Ang ating mga sagradong karanasan ay maaaring hindi direkta o madamdamin ni ang mga hamon sa ating buhay ay hindi ganoon katindi. Gayunpaman, gaya ng mga propeta, ang ating lakas na matapat na makapagtiis ay depende sa pagtukoy, pag-alaala, at pagpapanatiling sagrado ng ipinagkaloob sa atin ng langit.

Ngayon ang awtoridad, mga susi, at ordenansa ay naibalik na sa lupa. Mayroon ding mga banal na kasulatan at natatanging mga saksi. Ang mga naghahanap sa Diyos ay maaaring mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan at kumpirmasyon sa “pagpapatong ng mga kamay para sa pagbibinyag ng apoy at ng Espiritu Santo” (D at T 20:41). Pagkatapos nating matanggap ang natatangi at ibinalik na mga kaloob na ito, ang ating mga sagradong karanasan ay kadalasang kabibilangan ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo.

Sa marahang tinig, Espiritu’y nangusap

Upang ako’y gabayan, iligtas.

(“The Still Small Voice,” Children’s Songbook, 106)

Banal na Espiritu;

Turo’y katotohanan.

Saksi kay Jesucristo,

Liwanag sa isipan.

(“Banal na Espiritu,” Mga Himno, blg. 85)

Sa paghahanap natin ng kasagutan mula sa Diyos, nadarama natin ang marahan at banayad na tinig na bumubulong sa ating espiritu. Ang mga pahiwatig na ito—ang mga impresyong ito—ay likas na sa atin at bahagya lang maramdaman kaya’t maaaring hindi mapansin at ipalagay na isang kutob lamang. Ang mga personal na mensaheng ito ay nagpapatotoo sa pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos sa bawat isa sa Kanyang mga anak at sa kanilang kani-kanyang misyon sa lupa. Ang araw-araw na pagninilay at pagsusulat ng mga impresyong mula sa Espiritu ay tutulong sa ating (1) alamin ang sariling sagradong karanasan at (2) panatilihin at alagaan ang mga ito para sa ating sarili at mga inapo. Ang pagsusulat sa mga ito ay pormal na pagpapakita at pagpapahayag ng ating pasasalamat sa Diyos, sapagkat “walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay” (D at T 59:21).

Patungkol sa natatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu, sinabi ng Panginoon, “Tandaan na yaong nagmumula sa kaitaasan ay banal” (D at T 63:64). Ang Kanyang pahayag ay hindi lamang paalala; ito ay pakahulugan din at paliwanag. Ang liwanag at kaalamang mula sa langit ay sagrado. Ito ay sagrado dahil langit ang pinagmulan nito.

Ang ibig sabihin ng sagrado ay nararapat pagpitaganan at igalang. Sa pagsasabing sagrado ang isang bagay, ipinahihiwatig ng Panginoon na ito ay mas pinahahalagahan at inuuna kaysa ibang bagay. Ang sagradong mga bagay ay dapat higit na pakaingatan, bigyan ng higit na paggalang, at mas pagpitaganan. Ang bagay na sagrado ang pinakamahalaga sa kalangitan.

Ang sagrado sa Diyos ay nagiging sagrado lang sa atin sa pamamagitan ng malayang pagpili; bawat isa ay dapat piliing tanggapin at panatilihing sagrado ang bagay na sagrado sa Diyos. Siya ay nagpapadala ng liwanag at kaalaman mula sa kalangitan. Inaanyayahan Niya tayong tanggapin at ituring na sagrado ito.

Ngunit “may pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). Ang kabaligtaran ng sagrado ay lapastangan o sekular—yaong bagay na temporal o makamundo. Ang bagay na makamundo ay palaging umaagaw ng ating pansin sa bagay na sagrado at mga prayoridad. Ang sekular na kaalaman ay mahalaga sa temporal na pamumuhay natin sa araw-araw. Dagdag pa dito, inutusan tayo ng Panginoon na hangaring mag-aral at matuto, pag-aralan ang mabubuting aklat, at maging bihasa sa mga salita, wika, at tao (tingnan sa D at T 88:118; 90:15). Dahil dito, ang mga pagpili sa sagrado at sekular na bagay ay dapat bigyan ng prayoridad, hindi ang isa lamang at balewalain na ang isa pa; “ang maging marunong ay mabuti kung [tayo] ay makikinig sa mga payo ng Diyos” (2 Nephi 9:29; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang pag-una sa sagrado o sa sekular na bagay ay nagtatalo sa puso ng tao at mailalarawan sa karanasan ni Moises sa nagliliyab na palumpong. Doon natanggap ni Moises kay Jehova ang sagradong tungkuling iligtas ang mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin. Gayunman, dahil alam niya ang kapangyarihan ng Egipto at ng faraon, siya ay nag-alinlangan noong una. Sa huli, ipinakita ni Moises ang pananalig sa salita ng Panginoon, isinantabi niya ang kanyang sekular na kaalaman at nagtiwala sa sagradong kaalaman. Ang pagtitiwalang iyan ay nagbigay sa kanya ng lakas na makayanan ang temporal na mga pagsubok at pamunuan ang Israel palabas ng Egipto.

Noong makatakas si Alma sa mga hukbo ni Noe pero naging alipin naman ni Amulon, maaari na sana niyang pagdudahan ang espirituwal na patotoong natanggap niya sa pakikinig kay Abinadi. Gayunman, nagtiwala siya sa sagradong bagay at binigyan siya ng lakas na magtiis at malampasan ang kanyang mga pagsubok.

Si Joseph Smith ay nahirapan ding pumili noong una niyang isalin ang Aklat ni Mormon. Alam niyang sagrado ang mga lamina at ang gawain ng pagsasalin. Gayunman nahimok siya ni Martin Harris na unahin ang pagkakaibigan at problema ukol sa pera, na salungat sa mga banal na tagubilin. Bunga nito, ang manuskrito ng naisalin na ay nawala. Pinagsabihan ng Panginoon si Joseph sa pagbibigay ng “yaong banal, sa kasamaan” (D at T 10:9) at sandaling ipinagkait sa kanya ang mga lamina at ang kaloob na magsalin. Nang maiwastong muli ni Joseph ang kanyang mga prayoridad, ang sagradong mga bagay ay ibinalik at nagpatuloy ang gawain.

Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng iba pang mga halimbawa ng pakikipaglaban upang bigyang prayoridad ang sagradong bagay. Binanggit nito ang mga nananampalataya na nahikayat na lumapit sa punongkahoy dahil sa pananalig at upang makakain ng sagradong bunga nito, ang pag-ibig ng Diyos. Pagkatapos, ang pangungutya ng mga nasa malawak at malaking gusali ay nag-udyok sa kanila na alisin ang pansin sa sagradong bagay at bumaling sa sekular na bagay. (Tingnan sa 1 Nephi 8:11, 24–28.) Kalaunan pinili ng mga Nephita ang kapalaluan at itinatwa ang diwa ng propesiya at paghahayag, “na kinukutya ang yaong banal” (Helaman 4:12). Kahit ang ilang nakasaksi sa mga tanda at himalang kaugnay ng pagsilang ng Panginoon ay mas piniling paniwalaan ang mga sinasabi ng mundo kaysa paniwalaan ang sagradong pagpapamalas mula sa langit (tingnan sa 3 Nephi 2:1–3).

Patuloy pa rin ang pagtatalo hanggang sa ngayon. Ang sekular na mga tinig ay lalong lumalakas at tumitindi. Lalong nanghahamak ang daigdig at hinihimok ang mga nananampalataya na talikuran ang mga paniniwalang itinuturing ng daigdig na di-makatwiran at walang kabuluhan. Dahil “malabo tayong nakakikita sa isang salamin” (1 Mga Taga Corinto 13:12) at “hindi nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17), maaaring matukso tayo at mangailangan ng higit na espirituwal na katiyakan. Sinabi ng Panginoon kay Oliver Cowdery:

“Kung nagnanais ka ng karagdagang katibayan, ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang iyong malaman ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito.

“Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?” (D at T 6:22–23).

Pinaalalahanan ng Panginoon si Oliver at tayo na umasa sa sagrado at sariling paghahayag na natanggap na natin kapag sinusubok ang ating pananampalataya. Tulad ng nangyari kina Moises, Alma, at Joseph noon, ang mga sagradong karanasang ito ay nagsisilbing espirituwal na angkla para mapanatili tayong ligtas at nasa tamang landas sa oras ng pagsubok.

Hindi maaaring pipiliin lang natin ang sagradong bagay na gusto natin. Ang mga pinipiling talikuran kahit ang isang sagradong bagay lang ay madirimlan ang kaisipan (tingnan sa D at T 84:54, at kung hindi sila magsisisi, ang taglay nilang liwanag ay babawiin sa kanila (tingnan sa D at T 1:33). Dahil hindi nakaangkla sa sagradong bagay, matatagpuan nila ang sarili na sinisiklot-siklot ng alon sa sekular na karagatan. Sa kabaligtaran, ang mga nakahawak sa sagradong mga bagay ay tumatanggap ng sagradong mga pangako: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24).

Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon na palaging matukoy, maalaala, at ituring na sagrado ang ipinagkaloob sa atin ng langit. Nagpapatotoo ako na kapag ginawa natin ito, magkakaroon tayo ng kapangyarihan na tiisin ang mga pagsubok at daigin ang mga hamon sa ating panahon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.