Carole M. Stephens
Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency
Noon pa man ay iginagalang na ni Carole Manzel Stephens ang mga bagay na sagrado at banal. Ang pagpipitagang iyan ay nagsimula noong bata pa siya, nang mabuklod sa templo ang kanyang pamilya kasunod ng pagtanggap ng kanyang ina sa ebanghelyo.
“Hindi ko naunawaan ang lahat ng nangyayari,” sabi ng bagong unang tagapayo sa Relief Society general presidency. “Pero alam kong espesyal iyon. Sapat na ang edad ko para maalala na ang templo ay isang sagradong lugar.”
Isinilang noong Marso 1957 kina Carl L. at Forest Manzel, si Sister Stephens ang pangatlo sa siyam na anak at lumaki sa Ogden, Utah, USA. Tandang-tanda pa niya ang mga halimbawa ng paglilingkod, pagsasakripisyo, at ang kahulugan ng pag-uuna sa pamilya at sa Simbahan na ipinakita ng kanyang mga magulang.
“Ang ebanghelyo ang lahat-lahat sa kanila, at ipinakita nila sa amin ang halimbawa ng paglilingkod na katulad ng kay Cristo,” wika niya. “Itinuro nila sa amin ang kahulugan ng paglilingkod—kung paano talaga maglingkod.”
Nang maglingkod ang kanyang mga magulang sa iba’t ibang tungkulin, isinasama nila ang kanilang mga anak. Sa mga pagkakataong iyon sila naging magkakaibigan—isang bagay na sinikap nilang gawin ng kanyang asawang si Martin “Marty” Stephens, sa anim nilang anak.
Nagkakilala sila ni Marty nang mag-aral sila sa Weber State University sa Ogden, Utah, kung saan siya nag-aral ng early childhood education. Nagpakasal sila noong Abril 1976 sa Logan Utah Temple. Sabi ni Sister Stephens, sila raw mag-asawa ay naging mahusay na “tag-team” sa paglipas ng mga taon dahil sinuportahan nila ang isa’t isa sa iba’t ibang tungkulin, pati na sa kanyang mga tungkulin bilang stake at ward Relief Society president, tagapayo, at guro; ward Young Women president; ward Primary counselor, guro, at Cub Scout leader; seminary teacher; at Church-service missionary.
“Sa lahat ng kaabalahang ito, nakatagpo kami ng malaking kagalakan at kaligayahan,” wika niya. “Kasama namin ang aming mga anak at apo sa aming paglilingkod. Dahil diyan, nagkaroon kami ng matibay na ugnayan sa pamilya habang magkakasama kaming naglilingkod.”