2012
Makinig sa Himig ng Pananampalataya
Mayo 2012


Makinig sa Himig ng Pananampalataya

Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak. Nais Niyang makabalik silang lahat sa Kanya. Hangad niyang makinig ang lahat sa sagradong himig ng pananampalataya.

Elder Quentin L. Cook

Kapag pinupulong ng mga General Authority ng Simbahan ang mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo, nakikita namin mismo ang mabuting impluwensya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinupuri namin kayo sa lahat ng ginagawa ninyo na nagpapala sa buhay ng lahat ng tao.

Alam na alam naming mga nakatalaga sa public affairs na maraming maimpluwensyang tao at mamamahayag sa Estados Unidos at sa iba’t ibang panig ng mundo ang lalo pang hayagang tinatalakay ang tungkol sa Simbahan at mga miyembro nito. Dahil sa kakaibang pagkakaugnay ng mga pangyayari ay higit na nakilala ang Simbahan.1

Maraming taong nagsusulat tungkol sa Simbahan ang taos na nagsikap na maunawaan ang ating mga miyembro at doktrina. Naging mahinahon sila at nagsikap na walang kilingan, kaya pinasasalamatan namin iyan.

Alam din namin na maraming taong hindi nakikinig sa mga sagradong bagay. Napansin ni Chief Rabbi Lord Sacks ng England, nang magsalita siya sa mga pinunong Katoliko Romano noong Disyembre sa Pontifical Gregorian University, na lubha nang makamundo ang ilang bahagi ng daigdig. Sinabi niya na ang isang pinagmulan nito ay ang “agresibong kawalan ng paniniwala sa Diyos ng siyensyang hindi nakauunawa sa himig ng pananampalataya.”2

Ang napakagandang pambungad sa Aklat ni Mormon ay ang panaginip ng propetang si Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay.3 Malinaw na inilalarawan ng pangitaing ito ang mga hamon sa pananampalataya na umiiral sa ating panahon at lubhang naghihiwalay sa mga taong nagmamahal, sumasamba, at nadaramang may pananagutan sila sa Diyos at sa mga taong wala nito. Ipinaliwanag ni Lehi ang ilang ugaling sumisira sa pananampalataya. Ang ilan ay palalo, mayabang, at hangal. Interesado lamang sila sa tinatawag na karunungan ng mundo.4 May kaunting interes ang iba sa Diyos ngunit nawala sa makamundong abu-abo ng kadiliman at kasalanan.5 Ang ilan ay nakatikim ng pag-ibig ng Diyos at ng Kanyang salita ngunit nahihiya sa mga nanlalait sa kanila at nahulog sa “mga ipinagbabawal na landas.”6

Sa huli, may mga taong nakikinig sa himig ng pananampalataya. Alam ninyo kung sino kayo. Mahal ninyo ang Panginoon at ang Kanyang ebanghelyo at patuloy ninyong sinisikap na ipamuhay at ibahagi ang Kanyang mensahe, lalo na sa inyong pamilya.7 Sumusunod kayo sa mga pahiwatig ng Espiritu, batid na ninyo ang kapangyarihan ng salita ng Diyos, sinusunod ninyo ang turo ng inyong relihiyon sa inyong tahanan, at masigasig kayong nagsisikap na tularan ang pamumuhay ni Cristo bilang Kanyang mga disipulo.

Alam namin na marami kayong pinagkakaabalahan. Dahil wala tayong suwelduhang tagapaglingkod, ang responsibilidad na mangasiwa sa Simbahan ay nakasalalay sa inyo na matatapat na miyembro. Alam natin na karaniwan na sa mga miyembro ng mga bishopric at stake presidency at marami pang iba ang mag-ukol ng mahabang oras sa tapat na paglilingkod. Kahanga-hanga ang mga auxiliary at quorum presidency sa lubos nilang pagsasakripisyo. Ang paglilingkod at sakripisyong ito ay ginagawa ng lahat ng miyembro, magmula sa mga clerk, matatapat na home at visiting teacher, at mga nagtuturo sa mga klase. Nagpapasalamat kami sa magigiting na naglilingkod bilang mga Scoutmaster at gayundin sa mga lider ng nursery. Mahal at pinasasalamatan namin kayong lahat sa inyong ginagawa at sa kung sino kayo!

Alam namin na may mga miyembrong di-gaanong interesado at di-gaanong tapat sa ilang turo ng Tagapagligtas. Hangad namin para sa mga miyembrong ito na lubos silang sumampalataya at higit pang maging aktibo at tapat. Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak. Nais Niyang makabalik silang lahat sa Kanya. Hangad niyang makinig ang lahat sa sagradong himig ng pananampalataya. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay isang kaloob para sa lahat.

Kailangang maituro at maunawaan na mahal at iginagalang natin ang lahat ng taong inilarawan ni Lehi.8 Tandaan, wala tayong karapatang humatol. Ang Panginoon ang hahatol.9 Ipinakiusap ni Pangulong Thomas S. Monson na magkaroon tayo ng “lakas ng loob na iwasang husgahan ang iba.”10 Pinakiusapan din niya ang lahat ng tapat na miyembro na iligtas yaong mga nakatikim ng bunga ng ebanghelyo at pagkatapos ay lumayo, gayundin yaong mga hindi pa natatagpuan ang makipot at makitid na landas. Dalangin namin na humawak sila sa gabay na bakal at makibahagi sa pagmamahal ng Diyos, na pupuspusin ang kanilang “[mga] kaluluwa ng labis na kagalakan.”11

Bagama’t kabilang sa pangitain ni Lehi ang lahat ng tao, ang pinakamahalagang konsepto sa doktrina ay ang walang-hanggang kahalagahan ng pamilya. “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang unit sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.”12 Nang kumain ng bunga ng punungkahoy ng buhay (ang pag-ibig ng Diyos) si Lehi, ninais niyang “makakain din nito ang [kanyang] mag-anak.”13

Ang malaking hangarin natin ay mapalaki ang ating mga anak sa katotohanan at kabutihan. Ang isang alituntuning tutulong sa atin na maisagawa ito ay ang iwasan ang labis na panghuhusga sa mga kahangalan o kamangmangang hindi naman masama. Maraming taon na ang nakalipas, nang magkaanak na kaming mag-asawa, itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na mahalagang makilala ang mga pagkakamali ng kabataan na dapat itama at ang mga kasalanang kailangang pagdusahan at pagsisihan.14 Kung kulang sa karunungan, kailangang turuan ang ating mga anak. Kung may pagkakasala, mahalagang magsisi.15 Nakatulong ito sa sarili naming pamilya.

Ang pagsunod sa mga turo ng relihiyon sa tahanan ay nagpapala sa ating pamilya. Ang mabuting halimbawa ay lalo nang mahalaga. Ang ating mga kilos ay napakalakas ng impluwensya kaya maaaring hindi marinig ng ating mga anak ang sinasabi natin. Noong halos limang taong gulang na ako, nabalitaan ng nanay ko na nasawi ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki nang bombahin ang barkong pandigmang sinasakyan nito sa baybayin ng Japan bago natapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.16 Kahindik-hindik ang balitang ito sa kanya. Humagulgol siya at pumasok sa kanyang silid. Makaraan ang ilang sandali sumilip ako sa silid para tingnan kung OK ba siya. Nakaluhod siya sa tabi ng kama at nagdarasal. Napanatag ako dahil tinuruan niya akong manalangin at mahalin ang Tagapagligtas. Ito ay karaniwang halimbawang madalas kong makita sa kanya. Ang pagdarasal ng mga ina at ama na kasama ang mga anak ay maaaring mas mahalaga pa kaysa anumang iba pang halimbawa.

Ang mensahe, ministeryo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, ay mahalagang ituro sa ating pamilya. Walang talata sa banal na kasulatan na naglalarawan sa ating pananampalataya nang higit kaysa 2 Nephi 25:26: “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”

Ang isa sa pinakamahalagang mga alituntunin sa pangitain ni Lehi ay na dapat humawak nang mahigpit ang matatapat na miyembro sa gabay na bakal upang manatili sila sa makipot at makitid na landas patungo sa punungkahoy ng buhay. Mahalaga para sa mga miyembro ang magbasa, magnilay-nilay, at mag-aral ng mga banal na kasulatan.17

Ang Aklat ni Mormon ay napakahalaga.18 Mangyari pa, laging magkakaroon ng mga taong hahamakin ang kahalagahan ng o pipintasan pa ang sagradong aklat na ito. Ang ilan ay ginagawa itong katatawanan. Bago ako nagmisyon, isang propesor sa unibersidad ang nagbanggit sa sinabi ni Mark Twain na kung aalisin mo ang mga katagang “At ito ay nangyari na” sa Aklat ni Mormon, ito ay magiging “polyeto na lamang.”19

Ilang buwan ang nakalipas, habang nagmimisyon ako sa London, England, isang kilalang guro sa London University na nag-aral sa Oxford, isang Egyptian na bihasa sa mga wikang Semitic, ang nagbasa ng Aklat ni Mormon, at nakipag-ugnayan kay Pangulong David O. McKay, at nakipagkita sa mga misyonero. Ipinaalam niya sa kanila na kumbinsido siya na ang Aklat ni Mormon ay tunay na pagsasalin ng “natutuhan ng mga Judio at ng wikang Egyptian” sa loob ng mga panahong inilarawan sa Aklat ni Mormon.20 Ang isang halimbawa ng maraming ginamit niya ay ang nag-uugnay na pariralang “At ito ay nangyari na,” na sinabi niyang naglalarawan kung paano niya isasalin ang mga katagang ginamit sa sinaunang mga sulat na Semitic.21 Ipinaalam sa propesor na kahit nakatulong ang kanyang matalinong pamamaraan batay sa kanyang propesyon, mahalaga pa ring magkaroon ng espirituwal na patotoo. Sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin nagkaroon siya ng patotoo at nabinyagan. Kaya ang itinuring na katatawanan ng kilalang komedyanteng iyon ay kinilala ng isang iskolar na napakalaking katibayan ng katotohanan ng Aklat ni Mormon, na pinagtibay sa kanya ng Espiritu.

Kailangan sa mahalagang doktrina ng kalayaan na ang isang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay ibatay sa pananampalataya sa halip na sa panlabas na patunay o sa katibayan ng siyensya. Ang labis na pagtuon sa mga bagay na hindi pa lubos na inihayag, tulad ng kung paano isinilang sa isang birhen o Nabuhay na Mag-uli ang Tagapagligtas o paano talaga isinalin ni Joseph Smith ang ating mga banal na kasulatan, ay hindi epektibo o hindi hahantong sa espirituwal na pag-unlad. Kailangan dito ang pananampalataya. Sa huli, ang payo ni Moroni na basahin at pagnilayan at pagkatapos ay hilingin sa Diyos nang buong-puso, na may tunay na layunin, na pagtibayin ng pagsaksi ng Espiritu ang mga katotohanan sa banal na kasulatan ang siyang sagot.22 Bukod pa rito, kapag ikinintal natin sa ating buhay ang mga utos sa banal na kasulatan at ipinamuhay natin ang ebanghelyo, pinagpapala tayo ng Espiritu at natitikman natin ang Kanyang kabutihan sa mga damdamin ng kagalakan, kaligayahan, at lalo na ng kapayapaan.23

Malinaw na ang linyang naghahati sa mga nakauunawa sa himig ng pananampalataya at sa mga hindi nakauunawa ay ang aktibong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Naantig ako nang husto maraming taon na ang nakalipas nang bigyang-diin ng pinakamamahal nating propeta, si Pangulong Spencer W. Kimball, ang pangangailangang patuloy na basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Sabi niya: “Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipag-ugnayan ko sa kabanalan at kapag tila walang banal na taingang nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag ibinubuhos kong muli ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, kumikitid ang agwat at nagbabalik na muli ang espirituwalidad.”24

Sana ay regular nating binabasa ang Aklat ni Mormon sa ating mga anak. Pinag-usapan namin ito ng aking mga anak. Ibinahagi nila sa akin ang dalawang bagay na napansin nila. Una, ang masigasig na pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw bilang pamilya ang susi. Masayang inilarawan ng aking anak ng babae ang pagsisikap nila ng mga kasama niyang karamihan ay tinedyer na regular na basahin ang mga banal na kasulatan tuwing madaling araw. Gumigising silang mag-asawa nang maagang-maaga at inaantok na humahawak nang mahigpit sa hawakan ng hagdan pababa kung saan nagtitipon ang pamilya para basahin ang salita ng Diyos. Pagsusumigasig ang sagot, at nakatulong ang pagbibiruan. Kailangan dito ang malaking pagsisikap ng bawat kapamilya araw-araw, pero sulit ito. Ang mga pansamantalang sagabal ay nadaraig ng pagsusumigasig.

Ang pangalawa ay kung paano binabasa ng aking bunsong anak na lalaki at ng kanyang asawa ang mga banal na kasulatan sa kanilang maliliit na anak. Dalawa sa kanilang apat na anak ang hindi pa marunong magbasa. Para sa limang-taong-gulang, may mga senyas sila sa limang daliri na hudyat na tinutugunan niya para lubos siyang makalahok sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan ng pamilya. Ang senyas para sa unang daliri ay para ulitin niya ang, “At ito ay nangyari na” kapag lumabas ito sa Aklat ni Mormon. Inaamin ko na natutuwa ako na madalas lumabas ang pariralang ito. Nagkataon naman, para sa kapakanan ng malilit na bata, ang senyas para sa pangalawang daliri ay “At sa gayon nakikita natin”; ang pangatlo, pang-apat, at panlimang daliri ay pinipili ng mga magulang batay sa mga salita sa kabanatang binabasa nila.

Alam natin na ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ng pamilya at mga family home evening ay hindi palaging perpekto. Anuman ang mga hamong kinakaharap ninyo, huwag mawalan ng pag-asa.

Unawain sana ninyo na pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga utos ang laging magiging pinakamatinding pagsubok sa mortalidad. Higit sa lahat, dapat matanto ng bawat isa sa atin na kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang himig ng pananampalataya, wala sa kanya ang Espiritu. Tulad ng itinuro ng propetang si Nephi, “Narinig ninyo ang kanyang tinig … ; at siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita.”25

Malinaw ang ating doktrina; kailangan tayong maging positibo at magalak. Pinagtutuunan natin ang ating pananampalataya, hindi ang ating takot. Nagagalak tayo sa katiyakang bigay ng Panginoon na titindig siya sa ating tabi at gagabayan tayo at papatnubayan.26 Pinatototohanan ng Espiritu Santo sa ating puso na tayo ay may mapagmahal na Ama sa Langit, na ang maawaing plano para sa ating katubusan ay lubos na maisasakatuparan dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.

Tulad ng isinulat ni Naomi W. Randall, may-akda ng “Ako ay Anak ng Diyos,” “Ang pangamba ay lilisan kung mananalig kailanman.”27

Samakatwid, saanman tayo naroon sa landas ng pagkadisipulo sa pangitain ni Lehi, pagpasiyahan nating hangarin na makamtan sa ating sarili at sa ating pamilya ang malaking hangaring makamtan ang di-maunawaang kaloob ng Tagapagligtas na buhay na walang hanggan. Dalangin ko na manatili tayong nakikinig sa himig ng pananampalataya. Pinatototohanan ko ang kabanalan ni Jesucristo at ang katotohanan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:30.

  2. Jonathan Sacks, “Has Europe Lost Its Soul?” (pananalitang ibinigay noong Dis. 12, 2011, sa Pontifical), chiefrabbi.org/ReadArtical.aspx?id=1843.

  3. Tingnan sa 1 Nephi 8.

  4. Tingnan sa 1 Nephi 8:27; 11:35.

  5. Tingnan sa 1 Nephi 8:23; 12:17.

  6. 1 Nephi 8:28.

  7. Tingnan sa 1 Nephi 8:12.

  8. Ipinagbilin ng Tagapagligtas na hanapin ang nawawalang tupa; tingnan sa Mateo 18:12–14.

  9. Tingnan sa Juan 5:22; tingnan din sa Mateo 7:1–2.

  10. Thomas S. Monson, “Nawa Magkaroon Kayo ng Lakas ng Loob,” Liahona, Mayo 2009, 124.

  11. 1 Nephi 8:12.

  12. Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.1.1.

  13. 1 Nephi 8:12.

  14. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Sins and Mistakes,” Ensign, Okt. 1996, 62. Itinuro ni Elder Oaks ang ideyang ito noong siya ang pangulo ng Brigham noong bandang 1980.

  15. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:25–27.

  16. Tingnan sa Marva Jeanne Kimball Pedersen, Vaughn Roberts Kimball: A Memorial (1995). Si Vaughn ay naglaro ng football bilang quarterback para sa Brigham Young University noong taglagas ng 1941. Sa araw matapos salakayin ang Pearl Harbor, Disyembre 8, 1941, sumali siya sa US Navy. Nasawi siya noong Mayo 11, 1945, nang bombahin ng kaaway ang USS Bunker Hill at nalibing ito sa karagatan.

  17. Tingnan sa Juan 5:39.

  18. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Ensign, Nob. 1986, 4; o Liahona, Okt. 2011, 52.

  19. Mark Twain, Roughing It (1891), 127–28. Bawat bagong henerasyon ay inilarawan na may lakip ang mga komento ni Twain na para bang mahalagang bagong tuklas ang mga ito. Karaniwan ay may bahagyang pagtukoy sa katotohanan na si Mark Twain ay walang ring pagpapahalaga sa Kristiyanismo at relihiyon sa pangkalahatan.

  20. 1 Nephi 1:2.

  21. Nakilala ko si Dr. Ebeid Sarofim sa London habang tinuturuan siya ng mga elder. Tingnan din sa N. Eldon Tanner, sa Conference Report, Abr. 1962, 53. Maraming iskolar ng sinaunang mga sulat na Semitic at Egyptian ang nakapansin sa paulit-ulit na paggamit ng nag-uugnay na pariralang “At ito ay nangyari na” sa simula ng mga pangungusap; tingnan sa Hugh Nibley, Since Cumorah, ikalawang edisyon (1988), 150.

  22. Tingnan sa Moroni 10:3–4; kakaunting kritiko ang tapat na sumubok dito nang may tunay na layunin.

  23. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:23.

  24. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 83.

  25. 1 Nephi 17:45; tingnan din sa Ezra Taft Benson, “Seek the Spirit of the Lord,” Tambuli, Set. 1988, 5: “Madalas nating marinig ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng damdamin. Kung tayo ay mapagpakumbaba at matalas ang ating pakiramdam, magpapahiwatig ang Panginoon sa atin sa pamamagitan ng ating damdamin.”

  26. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:6.

  27. “Kung Mananalig Kailanman,” Mga Himno, blg. 72.