2012
Sulit Ba Ito?
Mayo 2012


Sulit Ba Ito?

Ni Elder David F. Evans

Ang natural at normal na pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga taong mahalaga at mahal sa atin ang magiging gawain at galak ng ating buhay.

Sa kumperensyang ito at sa iba pang mga pulong1 kamakailan, marami sa atin ang nagtatanong, ano ang magagawa ko upang makatulong sa pagtatatag ng Simbahan ng Panginoon at makita ang tunay na paglago nito sa lugar na aking tinitirhan?

Dito at sa lahat ng iba pang mahalagang gawain, ang pinakamahalagang gawain natin ay lagi nang sa sarili nating tahanan at pamilya.2 Sa mga pamilya naitatatag ang Simbahan at nangyayari ang tunay na paglago.3 Inutusan tayong ituro sa ating mga anak ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo. Kailangan natin silang tulungang magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at ihanda silang mabinyagan kapag sila ay walong taong gulang na.4 Kailangang tayo mismo ay tapat upang makita nila ang halimbawa ng ating pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan. Ipinadarama nito sa ating mga anak ang galak sa pagsunod sa mga utos, kaligayahan sa mga pamilya, at pasasalamat sa paglilingkod sa iba. Sa loob ng ating tahanan dapat nating sundin ang huwarang ibinigay ni Nephi nang sabihin niya:

“Masigasig kaming gumagawa … upang hikayatin ang ating mga anak … na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos. …

“… Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”5

Masigasig tayong gumagawa upang maihatid ang mga pagpapalang ito sa ating mga anak sa pamamagitan ng pagsisimba kasama sila, pagdaraos ng family home evening, at sama-samang pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Araw-araw tayong nagdarasal kasama ang ating pamilya, tumatanggap ng mga tungkulin, bumibisita sa maysakit at nalulumbay, at gumagawa ng iba pang mga bagay na nagpapaalam sa ating mga anak na mahal natin sila at ang ating Ama sa Langit, ang Kanyang Anak, at ang Kanilang Simbahan.

Nangungusap tayo at nagpopropesiya tungkol kay Cristo kapag nagtuturo tayo sa family home evening o sinasabi natin sa ating anak na mahal natin siya at pinatototohanan natin ang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Makasusulat tayo tungkol kay Cristo sa pamamagitan ng pagliham sa mga nasa malayo. Ang mga misyonerong naglilingkod, mga anak na lalaki o babae sa militar, at yaong mga mahal natin ay nabibiyayaang lahat sa mga liham na ipinadadala natin. Ang mga liham na nagmumula sa tahanan ay hindi lamang basta maiikling e-mail. Ang mga tunay na liham ay naglalaan ng isang bagay na mahahawakan, mapag-iisipan, at maitatangi.

Tinutulungan natin ang ating mga anak na umasa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at malalaman na nagpapatawad ang mapagmahal na Ama sa Langit kung magmamahal at magpapatawad tayo bilang mga magulang. Ang ating pagmamahal at pagpapatawad ay hindi lamang naglalapit sa atin sa ating mga anak kundi nagpapatatag din ito ng kanilang pananampalataya dahil alam nilang mahal sila ng kanilang Ama sa Langit at patatawarin Niya sila kapag nagsisikap silang magsisi at gumagawa ng mas mabuti at nagiging mas mabuti. Tiwala sila sa katotohanang ito dahil naranasan na nila ito mula sa kanilang mga magulang sa lupa.

Bukod pa sa gawaing gagawin natin sa sarili nating pamilya, itinuro ni Nephi na “masigasig kaming gumagawa upang … hikayatin ang ating … mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos.”6 Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bawat isa sa atin ay may pagpapala at responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo. Ang ilan sa mga nangangailangan ng ebanghelyo sa kanilang buhay ay hindi pa miyembro ng Simbahan. Ang ilan ay minsan na nating nakasama ngunit kailangang madama nilang muli ang kagalakang nadama nila noong una nilang tanggapin ang ebanghelyo sa kanilang buhay. Mahal ng Panginoon ang taong hindi kailanman nakarinig ng ebanghelyo at ang taong nagbabalik sa Kanya.7 Para sa Kanya at sa atin, hindi iyon mahalaga. Iisang gawain lang iyan. Ang kahalagahan ng mga kaluluwa, anuman ang kalagayan nila, ang mahalaga sa ating Ama sa Langit, sa Kanyang Anak, at sa atin.8 Ang gawain ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan”9 ng lahat ng Kanyang anak, anuman ang kanilang sitwasyon ngayon. Pagpapala nating tumulong sa dakilang gawaing ito.

Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson kung paano tayo makatutulong nang sabihin niya: “Ang ating mga karanasan sa misyon ay kailangang nasa panahon. Hindi sapat ang maging kampante at pagbulay-bulayan ang mga dating karanasan. Para magtagumpay, kailangan ninyong patuloy na ibahagi ang ebanghelyo nang natural at normal.”10

Ang natural at normal na pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga taong mahalaga at mahal sa atin ang magiging gawain at galak ng ating buhay. Ikukuwento ko sa inyo ang tungkol sa dalawang gayong karanasan.

Si Dave Orchard ay lumaki sa Salt Lake City, kung saan karamihan sa kanyang mga kaibigan ay miyembro ng Simbahan. Malaking impluwensya sila sa kanya. Bukod dito, palagi siyang inaanyayahan ng mga lider ng Simbahan sa kanilang lugar sa mga aktibidad. Ganoon din ang ginawa ng mga kaibigan niya. Kahit hindi pa siya sumasapi sa Simbahan noon, habang lumalaki siya ay pinalad siyang maimpluwensyahan ng mabubuting kaibigang LDS at ng mga aktibidad ng Simbahan. Nang magkolehiyo siya, lumipat siya ng bahay, at karamihan sa kanyang mga kaibigan ay nagpuntahan na sa misyon. Hinanap-hanap niya ang impluwensya nila sa kanyang buhay.

Hindi pa nakaaalis ang isa sa mga kaibigan ni Dave sa high school. Kinakausap ng kaibigan niyang ito ang bishop niya linggu-linggo sa pagsisikap na iayos ang kanyang buhay at makapagmisyon. Nagkasama sila ni Dave sa isang inuupahang kuwarto at, tulad ng natural at normal na mangyayari, pinag-usapan nila kung bakit hindi pa siya nagmimisyon at bakit madalas silang mag-usap ng bishop. Ipinahayag ng kaibigan ang pasasalamat at paggalang nito sa kanyang bishop at ang pagkakataong magsisi at maglingkod. Pagkatapos ay itinanong nito kay Dave kung gusto niyang sumama sa susunod na interbyu. Napakagandang paanyaya! Ngunit dahil magkaibigan sila at gayon ang sitwasyon, natural at normal lang iyon.

Pumayag si Dave at hindi naglaon ay kausap na niya mismo ang bishop. Naging daan ito para magpasiya si Dave na makipag-usap sa mga misyonero. Nagkaroon siya ng patotoo na ang ebanghelyo ay totoo, at itinakda ang petsa ng kanyang binyag. Si Dave ay bininyagan ng kanyang bishop, at isang taon kalaunan, ikinasal sina Dave Orchard at Katherine Evans sa templo. Sila ay may limang magagandang anak. Si Katherine ay bunso kong kapatid. Pasasalamatan ko magpakailanman ang mabait na kaibigang ito na nagdala kay Dave sa Simbahan, sa tulong ng butihing bishop.

Nang ikuwento ni Dave ang kanyang pagpapabinyag at magpatotoo tungkol sa mga pangyayaring ito, nagtanong siya, “Kung gayon, sulit ba ito? Lahat ba ng pagsisikap ng mga kaibigan at lider ng mga kabataan at bishop ko, sa lahat ng nagdaang taon, ay nasulit nang nabinyagan ang iisang bata lang?” Habang nakaturo kay Katherine at sa kanyang limang anak, sinabi niya, “Para sa aking asawa at limang anak namin, ang sagot ay oo, sulit iyon.”

Tuwing ibinabahagi ang ebanghelyo, kahit kailan hindi “iisang bata lang” ang naaapektuhan. Tuwing nabibinyagan o nagbabalik ang isang tao sa Panginoon, isang pamilya ang naliligtas. Nang lumaki na ang mga anak nina Dave at Katherine, tinanggap nilang lahat ang ebanghelyo. Nakapagmisyon na ang isang anak nilang babae at dalawang anak na lalaki, at katatanggap pa lang ng isa sa kanyang tawag na maglingkod sa Alpine-German-Speaking Mission. Ang dalawang nakatatanda ay ikinasal na sa templo, at ang bunso ay high school na ngayon, at tapat sa lahat ng paraan. Sulit ba ito? Oo, sulit ito.

Dumalo si Sister Eileen Waite sa stake conference na iyon kung saan ikinuwento ni Dave Orchard ang kanyang pagpapabinyag. Sa buong kumperensya, ang tanging nasa isip niya ay ang sarili niyang pamilya at lalo na ang kanyang kapatid na si Michelle, na matagal nang lumayo sa Simbahan. Diborsyada si Michelle at nagsisikap itaguyod ang apat na anak. Naisip ni Eileen na padalhan siya ng kopya ng aklat ni Elder M. Russell Ballard na Our Search for Happiness, na may nakasulat na patotoo niya, at ginawa niya ito. Nang sumunod na linggo sinabi ng isang kaibigan kay Eileen na nadama rin niya na dapat niyang kontakin si Michelle. Sumulat din ang kaibigang ito kay Michelle, at ibinahagi ang kanyang patotoo at pagmamahal. Hindi ba nakaaantig na kumikilos nang madalas ang Espiritu sa ilang tao para tulungan ang isang nangangailangan?

Lumipas ang panahon. Tinawagan ni Michelle si Eileen at pinasalamatan ito para sa aklat. Unti-unti na raw niyang nalalaman kung ano ang espirituwal na kahungkagan sa kanyang buhay. Sinabi sa kanya ni Eileen na ang kapayapaang hinahanap niya ay matatagpuan sa ebanghelyo. Sinabi niya kay Michelle na mahal niya ito at gusto niyang maging masaya ito. Sinimulang baguhin ni Michelle ang kanyang buhay. Hindi nagtagal at nakilala niya ang isang mabait na lalaki na aktibo sa Simbahan. Nagpakasal sila at pagkaraan ng isang ay ibinuklod sila sa Ogden Utah Temple. Kamakailan ay nabinyagan ang kanyang 24-anyos na anak na lalaki.

Sa ibang mga kapamilya ni Michelle at sa lahat ng iba pang hindi pa nakaaalam na totoo ang Simbahang ito, inaanyayahan ko kayo na mapanalanging pag-isipan kung totoo nga ang Simbahan. Hayaan ninyong tulungan kayo ng inyong pamilya, mga kaibigan at misyonero. Kapag nalaman ninyo na ito ay totoo, na siya namang tunay, sumama kayo sa amin at gawin ang gayunding hakbang sa inyong buhay.

Hindi pa naisusulat ang katapusan ng kuwentong ito, ngunit napagpala ang mabait na babaeng ito at ang kanyang pamilya dahil kumilos ang mga nagmamahal sa kanya ayon sa paramdam at sa natural at normal na paraan ay ibinahagi ang kanilang patotoo at inanyayahan siyang bumalik.

Madalas kong maisip ang dalawang karanasang ito. Tinulungan ng isang binatang nagsisikap na ayusin ang sarili niyang buhay ang isa pang binatang naghahanap sa katotohanan. Ibinahagi ng isang babae ang kanyang patotoo at pananampalataya sa kanyang kapatid na babaeng 20 taon nang napalayo sa Simbahan. Kung magdarasal tayo at magtatanong sa Ama sa Langit kung sino ang matutulungan natin at mangangakong kikilos ayon sa mga paramdam Niya sa atin para ipaalam kung paano tayo makakatulong, sasagutin Niya ang ating mga dalangin at magiging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay upang gawin ang Kanyang gawain. Ang pagkilos dahil sa pagmamahal ayon sa mga paramdam ng Espiritu ang nagiging paraan.11

Sa pakikinig ninyo sa mga karanasang ito tungkol sa natural at normal na pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga taong mahalaga sa inyo, marami sa inyo ang nakaranas ng nadama ni Eileen Waite. Naisip ninyo ang isang taong dapat ninyong tulungan at anyayahang bumalik o bahaginan ng inyong damdamin tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang paanyaya ko ay kumilos kayo, at huwag magpaliban, sa paramdam na iyon. Kausapin ang inyong kaibigan o kapamilya. Gawin ito sa natural at normal na paraan. Ipaalam ang inyong pagmamahal sa kanila at sa Panginoon. Makatutulong ang mga misyonero. Ang aking payo ay katulad ng ibinigay ni Pangulong Monson nang maraming beses mula sa pulpitong ito mismo: “Huwag ipagpaliban ang paramdam.”12 Kapag kumilos kayo ayon sa paramdam at ginawa ninyo ito nang may pagmamahal, asahang ang paggamit ng ating Ama sa Langit sa inyong kahandaang kumilos ay maghahatid ng himala sa inyong buhay at sa buhay ng taong mahalaga sa inyo.13

Mahal kong mga kapatid, maitatatag natin ang Kanyang Simbahan at makakakita ng tunay na paglago kapag sinikap nating dalhin ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa ating pamilya at sa mga mahal natin sa buhay. Ito ang gawain ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. Alam ko na Sila ay buhay at sinasagot Nila ang mga dalangin. Kapag kumilos tayo ayon sa mga paramdam na iyon, na nananalig sa Kanilang kakayahang maghatid ng himala, magaganap ang mga himala at magbabago ang mga buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Worldwide Leadership Training Meeting, Peb. 11, 2012, LDS.org.

  2. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2000), 158).

  3. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Priesthood Power in the Home,” Worldwide Leadership Training Meeting, Peb. 11, 2012, LDS.org.

  4. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28.

  5. 2 Nephi 25:23, 26.

  6. 2 Nephi 25:23.

  7. Tingnan sa Lucas 15:4–7.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10.

  9. Moises 1:39.

  10. “Status Report on Missionary Work: A Conversation with Elder Thomas S. Monson, Chairman of the Missionary Committee of the Council of the Twelve,” Ensign, Okt. 1977, 14.

  11. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Sabik sa Paggawa,” Liahona, Nob. 2004, 56–59; “Sa Pagsaklolo,” Liahona, Hulyo 2001, 57–60; “The Doorway of Love,” Liahona, Okt. 1996, 2–7.

  12. Tingnan sa Ann M. Dibb, “My Father Is a Prophet” (Brigham Young University–Idaho devotional, Peb. 19, 2008), byui.edu/devotionalsandspeeches; Thomas S. Monson, “Gampanan ang Tungkuling Itinalaga sa Iyo,” Liahona, Mayo 2003, 54–57; “Pumayapa, Tumahimik Ka,” Liahona, Nob. 2002, 53–56; “Priesthood Power,” Liahona, Ene. 2000, 58–61; “The Spirit Giveth Life,” Ensign, Mayo 1985, 68–70.

  13. Bukod pa kay Pangulong Thomas S. Monson, itinuro din ng iba pang mga propeta ang alituntuning ito. Halimbawa, itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball ang kahalagahan ng pagkilos ayon sa mga paramdam ng Espiritu nang sabihin niyang: “Totoong binibigyang-pansin tayo ng Diyos, at nangangalaga sa atin. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan. Samakatuwid, lubhang mahalaga na paglingkuran natin ang bawat isa sa kaharian” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 100).