Maniwala, Sumunod, at Magtiis
Maniwala na ang pananatiling matatag at tapat sa mga katotohanan ng ebanghelyo ang pinakamahalaga sa lahat. Pinatototohanan ko na ito ang pinakamahalaga!
Mahal kong mga batang kapatid, napakalaking responsibilidad ang magsalita sa inyo. Dalangin kong tulungan ako ng langit, upang maging marapat ako sa gayong oportunidad.
Noong nakaraang 20 taon hindi pa ninyo nasimulan ang inyong paglalakbay sa mortalidad. Naroon pa kayo sa tahanan sa langit. Doon ay kapiling ninyo ang mga nagmamahal sa inyo at inisip nila ang inyong walang-hanggang kapakanan. Kalaunan, ang buhay sa mundo ay naging mahalaga sa inyong pag-unlad. Walang dudang nangagpaalam tayo, at nagpahayag ng tiwala sa isa’t isa. Nagkaroon kayo ng katawan at naging mortal, nawalay sa piling ng inyong Ama sa Langit.
Gayunman, buong kagalakang hinintay ang pagdating ninyo sa mundo. Ang mga unang taon na iyon ay mahalaga, at espesyal. Walang kapangyarihan si Satanas na tuksuhin kayo, dahil wala pa kayo sa edad ng pananagutan. Kayo ay inosente sa harap ng Diyos.
Hindi nagtagal pumasok kayo sa panahon na tinatawag ng ilan na “teribleng tinedyer.” Mas gusto ko itong tawaging “magagaling na tinedyer.” Napakagandang pagkakataon, isang panahon ng pagsulong, panahon ng pag-unlad—ng pagkakaroon ng kaalaman at paghahanap sa katotohanan.
Walang sinumang nagsabing madali ang mga taon ng pagiging tinedyer. Kadalasang mabuway ang nasa ganitong edad, nadaramang hindi sapat ang nagagawa ninyong kabutihan, pilit na nakikisama sa inyong mga kabarkada. Ito ang panahon na nagiging mas malaya kayo—at siguro gusto ninyo ng dagdag na kalayaan kaysa handang ibigay sa inyo ng inyong mga magulang sa ngayon. Ito rin ang pinakamahahalagang taon na tutuksuhin kayo ni Satanas at gagawin niya ang lahat upang ilayo kayo sa landas na aakay sa inyo pabalik sa tahanan sa langit na pinagmulan ninyo at pabalik sa inyong mga mahal sa buhay at pabalik sa inyong Ama sa Langit.
Ang mundong nakapaligid ay walang maitutulong sa inyo upang malampasan ang mapanganib na paglalakbay na ito. Marami sa ating lipunan ngayon ang tila lumisya na sa landas ng kaligtasan at lumayo na sa daungan ng kapayapaan.
Ang kaluwagan, imoralidad, pornograpiya, droga, ang puwersa ng hatak ng barkada—lahat ng ito at marami pang iba—ang dahilan ng paglulubalob ng mga tao sa kasalanan at nawawalan na sila ng pagkakataon, napagkakaitan ng mga pagpapala, at gumuguho ang mga pangarap.
May landas ba tungo sa kaligtasan? Matatakasan ba ang nagbabantang kapahamakan? Ang sagot ay isang matunog na oo! Ang payo ko sa inyo ay tumingin sa parola ng Panginoon. Sinabi ko na ito noon; muli ko itong sasabihin: walang napakakapal na hamog, walang gabing napakadilim, walang hangin na napakalakas, walang marinong naliligaw na hindi maililigtas ng parola ng Panginoon. Tumatanglaw ito sa kabila ng mga unos ng buhay. Ang panawagan nito ay, “Ito ang landas tungo sa kaligtasan. Ito ang landas pauwi.” Naghuhudyat ito ng liwanag na madaling makita at palaging nakasindi. Kung susundin, ang mga hudyat na iyon ang aakay sa inyo pabalik sa inyong tahanan sa langit.
Nais kong banggitin ngayong gabi ang tatlong mahahalagang hudyat mula sa parola ng Panginoon na tutulong sa inyo upang makabalik doon sa Ama na sabik na naghihintay sa matagumpay ninyong pag-uwi. Ang tatlong hudyat na iyon ay maniwala, sumunod, at magtiis.
Una, babanggitin ko ang hudyat na simple at mahalaga: maniwala. Maniwala na ikaw ay anak ng Ama sa Langit, na mahal ka Niya, at narito ka para sa isang maluwalhating layon—ang makamit ang iyong walang-hanggang kaligtasan. Maniwala na ang pananatiling matatag at tapat sa mga katotohanan ng ebanghelyo ang pinakamahalaga sa lahat. Pinatototohanan ko na ito ang pinakamahalaga!
Mga bata kong kaibigan, maniwala sa mga salitang binibigkas ninyo bawat linggo sa pagbigkas ninyo ng Young Women theme. Isipin ang kahulugan ng mga salitang iyon. May katotohanan doon. Palaging sikaping ipamuhay ang mga itinakdang pinahahalagahan. Maniwala, gaya ng nakasaad sa inyong tema, na kung tatanggapin at isasagawa ninyo ang mga pinahahalagahang ito, magiging handa kayong palakasin ang tahanan at mag-anak, gawin at sundin ang mga sagradong tipan, tanggapin ang mga ordenansa sa templo, at tamasahin ang mga biyaya ng kadakilaan. Ito’y magagandang katotohanan ng ebanghelyo, at sa pagsunod sa mga ito, magiging mas maligaya kayo sa buhay na ito at sa kabilang-buhay kaysa kung babalewalain ninyo ang mga ito.
Itinuro sa karamihan sa inyo ang mga katotohanan ng ebanghelyo mula pa sa inyong pagkabata. Tinuruan kayo ng mapagmahal na mga magulang at malingap na mga guro. Ang mga katotohanang ibinahagi nila sa inyo ay nakatulong sa pagkakaroon ninyo ng patotoo; naniwala kayo sa itinuro sa inyo. Bagamat ang patotoong iyon ay patuloy na mapalalakas sa espirituwal at lalago habang kayo ay nag-aaral, habang nagdarasal kayo para humingi ng patnubay, at habang dumadalo kayo sa mga pulong ng Simbahan bawat linggo, nasa inyo na kung patuloy ninyong pag-aalabin ang patotoong iyon. Gagawin ni Satanas ang lahat upang sirain ito. Kailangan ninyong pangalagaan ito habang kayo’y nabubuhay. Tulad ng nag-aalab na ningas ng apoy, ang inyong patotoo—kung hindi patuloy na pangangalagaan—ay mamamatay at lubusang manlalamig. Hindi ninyo dapat hayaang mangyari ito.
Bukod sa pagdalo sa inyong mga pulong sa Linggo at sa mga aktibidad sa buong linggo, kapag may pagkakataon kayong sumali sa seminary, ito man ay sa early morning o sa released-time class, samantalahin ninyo ang pagkakataong iyon. Marami sa inyo ngayon ang dumadalo sa seminary. Gaya ng iba pang bagay sa buhay, karamihan sa natututuhan ninyo sa seminary ay batay sa inyong pag-uugali at kahandaan ninyong maturuan. Nawa’y maging mapagpakumbaba kayo at hangaring matuto. Malaki ang pasasalamat ko na nagkaroon ako ng pagkakataon noong tinedyer ako na makadalo sa early-morning seminary, dahil mahalaga ang naging papel nito sa aking pag-unlad at sa paglago ng aking patotoo. Ang seminary ay nakapagpapabago ng buhay.
Ilang taon na ang nakararaan ako’y nasa isang board of directors kasama ang isang butihing lalaki na talagang naging matagumpay sa buhay. Humanga ako sa kanyang integridad at katapatan sa Simbahan. Nalaman ko na nagkaroon siya ng patotoo at sumapi sa Simbahan dahil sa seminary. Nang mag-asawa siya, ang kanyang kabiyak ay matagal nang miyembro ng Simbahan. Wala siyang kinabibilangang simbahan. Sa paglipas ng mga taon at sa kabila ng pagsisikap ng kanyang asawa, hindi nagpakita ang lalaki ng interes na magsimba kasama ng kanyang asawa at mga anak. Pagkatapos ay sinimulan niyang ihatid ang dalawa niyang anak na babae sa early-morning seminary. Doon lang siya sa loob ng kotse habang nasa klase sila, at pagkatapos ay ihahatid na niya sila sa paaralan. Isang araw ay umulan, at sinabi ng isa sa kanyang mga anak, “Pasok kayo, Dad. Puwede kayong umupo sa pasilyo.” Tinanggap niya ang paanyaya. Ang pinto sa silid ay nakabukas noon, at nagsimula siyang makinig. Naantig ang kanyang puso. Sa nalalabing bahagi ng taong iyon siya ay dumalo sa seminary kasama ng kanyang mga anak, at kalaunan siya ay naging miyembro at buong buhay siyang naging aktibo sa Simbahan. Hayaang tumulong ang seminary sa pagpapalakas ng inyong patotoo.
May mga pagkakataong mahaharap kayo sa mga hamon na maglalagay sa panganib sa inyong patotoo, o maaaring mapabayaan ninyo ito sa paghahangad ninyo ng ibang bagay. Nakikiusap ako na panatilihin ninyo itong matatag. Responsibilidad ninyo, at pananagutan ninyo, na panatilihing nagniningas ang apoy nito. Kinakailangan ang pagsisikap, ngunit ito’y pagsisikap na hindi ninyo kailanman pagsisisihan. Naaalala ko ang mga titik ng awiting isinulat ni Julie de Azevedo Hanks. Sa pagtukoy sa kanyang patotoo, isinulat niya:
Sa kabila ng pagbabago
At ng sakit na dulot nito
Nakataya dito ang buhay ko
Kailangan ko ang init—kailangan ko ang liwanag
Kahit napakalakas ng unos
At malakas na ulan ay bumuhos
Ako’y mananatiling
Nag-aalab ang damdamin.1
Nawa’y maniwala kayo at nawa’y palagi ninyong pag-alabin ang ningas ng inyong patotoo, anuman ang mangyari.
Susunod, mga kabataang babae, nawa kayo ay sumunod. Sundin ang inyong mga magulang. Sundin ang mga batas ng Diyos. Ibinigay ito sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit. Kapag sinusunod ang mga ito, ang buhay natin ay magiging mas makabuluhan, hindi gaanong kumplikado. Ang mga hamon at problema ay mas madaling mapagtitiisan. Matatanggap natin ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon. Sinabi Niya, “Hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.”2
Minsan lang kayo mabubuhay. Umiwas kayo sa gulo hangga’t maaari. Kayo ay tutuksuhin, minsan ng mga taong inakala ninyong mga kaibigan.
Ilang taon na ang nakalilipas nakausap ko ang isang Mia Maid adviser na nagkuwento ng naging karanasan niya sa isa sa mga dalagita sa kanyang klase. Ang dalagitang ito ay paulit-ulit na natuksong iwan ang landas ng katotohanan at tahakin ang likong landas ng kasalanan. Sa panghihikayat tuwina ng ilan sa kanyang mga kaibigan sa paaralan, pumayag siyang tahakin ang likong landas. Gumawa ng plano: sasabihin niya sa kanyang mga magulang na dadalo siya sa panggabing aktibidad ng Young Women. Gayunman, nagplano siyang lumagi doon hanggang sa sunduin siya ng kanyang mga kaibigan at ng kanilang mga kadeyt. Pagkatapos ay dadalo sila sa isang party kung saan iinom sila ng alak at kung saan ang mga ikikilos ay talagang salungat sa nalalaman ng dalagita na tama.
Ang guro ay nanalangin na makatanggap ng inspirasyon upang matulungan ang lahat ng kanyang mga dalagita lalo na ang batang ito, na parang hindi alam ang kanyang gagawin sa ebanghelyo. Nakatanggap ang guro ng inspirasyon nang gabing iyon na huwag nang ituloy ang dati niyang plano at magsalita sa mga dalagita tungkol sa kalinisang-puri. Nang simulan niyang ibahagi ang kanyang mga iniisip at nadarama, ang dalagita ay paulit-ulit na tumingin sa relo para matiyak na hindi niya makakaligtaan ang usapan nila ng kanyang mga kaibigan. Gayunman, sa pagpapatuloy ng talakayan, naantig ang kanyang puso, nabuksan ang kanyang isipan, at naisip niyang muli ang nararapat niyang gawin. Nang dumating ang sandali, binalewala niya ang paulit-ulit na pagbusina ng kotseng susundo sa kanya. Nanatili siya sa piling ng kanyang guro at ng iba pang dalagita sa klase nang gabing iyon. Ang tuksong tahakin ang likong landas na taliwas sa landasin ng Diyos ay naiwasan. Nabigo si Satanas. Ang dalagita ay lumagi kahit nakaalis na ang iba para pasalamatan ang kanyang guro sa aral na ibinahagi nito at para ipaalam kung paano siya natulungan nito upang maiwasan ang masaklap sanang pangyayari. Nasagot ang panalangin ng isang guro.
Kalaunan ay nalaman ko na dahil sa desisyon niyang huwag sumama sa kanyang mga kaibigan nang gabing iyon, ilan sa pinakatanyag na mga bata sa paaralan, ang umiwas sa dalagita at sa loob ng maraming buwan ay wala siyang mga kaibigan sa paaralan. Hindi nila matanggap na hindi niya gagawin ang mga bagay na ginawa nila. Napakahirap at napakalungkot na panahon iyon para sa kanya, ngunit nanatili siyang matatag at kalaunan ay nagkaroon ng mga kaibigan na katulad niya ang mga pamantayan. Ngayon, makalipas ang ilang taon, naikasal siya sa templo at nagkaroon ng apat na magagandang anak. Iba sana ang naging buhay niya kung sumama siya sa mga kaibigan niya. Ang ating mga desisyon ang nagpapasiya ng ating tadhana.
Minamahal na kabataan, sikaping makapasa ang bawat desisyon ninyo sa pagsubok na ito: “Ano ang ginagawa nito sa akin? Ano ang ginagawa nito para sa akin?” At huwag ninyong ugaliing itanong ang “Ano ang iisipin ng ibang tao?” kundi sa halip “Ano ang iisipin ko sa aking sarili?” Makinig sa marahan at banayad na tinig. Alalahanin na may isang awtoridad na nagpatong ng kanyang mga kamay sa inyong ulo noong kumpirmasyon ninyo at sinabing, “Tanggapin ang Espiritu Santo.” Buksan ang inyong puso, maging ang inyong kaluluwa mismo, sa espesyal na tinig na nagpapatotoo sa katotohanan. Gaya ng pangako ng propetang Isaias, “Ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita … na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo.”3
Kaluwagan ang kalakaran sa ating panahon. Ipinakikita ng mga magasin at palabas sa telebisyon ang mga artista sa pelikula, ang mga bidang atleta sa larangan ng palakasan—ang mga taong gustong gayahin ng maraming kabataan—bilang mga taong nagbabalewala sa mga batas ng Diyos at hayagang gumagawa ng mga kasalanan, na para bang wala itong masamang ibinubunga. Huwag kayong maniwala dito! May panahon ng pagsusulit—ng pagbalanse ng ledger. Kailangan nating lahat na harapin ang bunga ng ating mga gawa—kung hindi man sa buhay na ito, doon sa kabilang-buhay. Ang Araw ng Paghuhukom ay darating sa lahat. Handa ka na ba? Nasisiyahan ka ba sa mga ginawa mo mismo?
Kung mayroon mang nadapa sa kanyang paglalakbay, ipinapangako ko na may landas pabalik. Ang proseso ay tinatawag na pagsisisi. Namatay ang ating Tagapagligtas para ibigay sa iyo at sa akin ang pinagpalang kaloob na iyon. Kahit mahirap ang landas, ang pangako ay tunay. Sabi ng Panginoon: “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”4 “At hindi ko na … aalalahanin [ang mga ito].”5
Mahal kong mga batang kapatid, nasa inyo ang mahalagang kaloob ng kalayaan sa pagpili. Nakikiusap ako sa inyo na piliin ninyong sumunod.
Panghuli, nawa kayo ay magtiis. Ano ang ibig sabihin ng magtiis? Gustung-gusto ko ang paliwanag na ito: manindigan nang may tapang. Maaaring kailanganin ang katapangan upang maniwala kayo; may mga sandaling kakailanganin ito habang sumusunod kayo. Talagang kakailanganin ito habang nagtitiis kayo hanggang sa araw ng inyong pagpanaw.
Sa paglipas ng mga taon ay marami na akong nakausap na mga tao na nagsabi sa akin na, “Napakarami kong problema, na talagang nakakabahala. Napakarami ng hamon sa aking buhay. Ano ang magagawa ko?” Inalok ko na sila, at inaalok ko sa inyo ngayon, ang mungkahing ito: hingin ang patnubay ng langit sa bawat araw. Mahirap mabuhay nang puro pag-aalala sa hinaharap; ngunit ang mabuhay nang nilulutas unti-unti ang problema sa ngayon ay mas madali. Bawat isa sa atin ay maaaring maging tapat sa loob ng isang araw—at tapos ay sa susunod na araw at sa susunod pa pagkatapos niyon—hanggang sa buong buhay tayong gabayan ng Espiritu, habambuhay na malapit sa Panginoon, habambuhay na gumagawa ng mabuti. Nangako ang Tagapagligtas, “Tumingin kayo sa akin, at magtiis hanggang wakas, at kayo ay mabubuhay; sapagkat siya na makapagtitiis hanggang wakas ay bibigyan ko ng buhay na walang hanggan.”6
Ito ang dahilan kaya kayo naparito sa mundo, mga bata kong kaibigan. Wala nang mas mahalaga pa kaysa sa mithiing sinisikap ninyong kamtin—maging ang buhay na walang hanggan sa kaharian ng inyong Ama.
Kayo ay mga minamahal na anak ng inyong Ama sa Langit na ipinadala sa lupa sa panahong ito para sa isang layunin. Kayo ay inireserba para sa mismong oras na ito. Kagila-gilalas, maluwalhating mga bagay ang naghihintay sa inyo kung kayo lamang ay maniniwala, susunod, at magtitiis. Ito nawa ang maging pagpapala sa inyo, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, amen.