2012
Elder Craig A. Cardon
Mayo 2012


Elder Craig A. Cardon

Ng Pitumpu

Elder Craig A. Cardon

Kinikilala ni Elder Craig Allen Cardon, na tinawag kamakailan sa Unang Korum ng Pitumpu mula sa Pangalawang Korum, ang impluwensya ng Espiritu sa bawat mabuting bagay sa kanyang buhay.

“Tinulungan ako ng aking ina at ama noong bata pa ako na makilala ang tinig ng Espiritu, upang malaman ko ang aking nadarama,” paggunita niya. “Ang pakikipag-ugnayang iyan ng Panginoon ay matatamasa ng lahat ng masigasig na naghahangad dito at mahalaga sa dakilang gawaing ito.”

Pagkatapos magmisyon sa Italy, pinakasalan ni Elder Cardon si Deborah Louise Dana noong Nobyembre 1970 sa Mesa Arizona Temple. Pagkaraan lamang ng 13 taon, naging pangulo ng Italy Rome Mission si Elder Cardon. Sa panahong iyon, pito na sa kanilang walong anak ang ipinanganak at ang edad nila ay mula siyam na buwan hanggang 11 taon.

“Diyan lang ay marami na kayong malalaman tungkol kay Sister Cardon,” sabi ni Elder Cardon. “Ang kanyang pananampalataya, pagmamahal, pasensya, at kabaitan ay napakalaking pagpapala sa akin, sa aming pamilya, at sa lahat ng kakilala niya.”

Mula 2006 hanggang 2011, naglingkod si Elder Cardon sa Africa West Area Presidency, isang karanasang inilalarawan niya bilang isang “pambihirang pagpapala ang magtrabaho sa piling ng mga taong mahal na mahal natin.”

Sa buong buhay niya, inilaan ni Elder Cardon ang halos buong panahon niya sa pagkakawanggawa sa mga organisasyong para sa mga pamilya at kabataan sa loob at labas ng bansa.

Si Elder Cardon ay isinilang kina Wilford Pratt at Vilate Allen Cardon sa Mesa, Arizona, USA, noong Disyembre 1948. Matapos tumanggap ng bachelor’s degree sa accounting mula sa Arizona State University, nakapagtrabaho siya sa iba’t ibang kalakalan. Kalaunan ay tumanggap siya ng MPA (Master of Public Administration degree) mula sa Kennedy School ng Harvard University.

Bago tinawag bilang General Authority, naglingkod siya bilang elders quorum president, stake missionary, mission president, bishop, stake president, Gospel Doctrine teacher, at institute instructor.

“Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga anak sa buong daigdig,” sabi ni Elder Cardon. “Anuman ang sitwasyon ng tao, sapat ang biyaya ni Jesucristo sa lahat ng lumalapit sa Kanya.”