2012
Bumangon at Magliwanag
Mayo 2012


Bumangon at Magliwanag

Ann M. Dibb

Ang isa sa pinakamagandang paraan para tayo makabangon at magliwanag ay ang tiwalang sundin ang mga utos ng Diyos.

Isang pribilehiyo ang makasama kayo sa gabing ito. Tuwing Enero, sabik kong inaasam ang pagpapahayag ng bagong tema ng Mutual. Gayunman, lagi kong sumandaling pinagninilayan kung naipamuhay kong mabuti ang mga natutuhan ko sa tema ng nakaraang taon.

Sandali nating balikan ang mga nakaraang tema: “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay,”1 “Maging matatag at huwag matitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa,”2 “Maging uliran ng mga nagsisisampalataya,”3 “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti,”4 at ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami sa pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal, at sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao.”5

Dahil sa pag-aaral at pagtutuon sa mga banal na kasulatang ito nang isang buong taon naging bahagi ito ng ating puso, kaluluwa, at patotoo. Umaasa kami na patuloy ninyong susundin ang kanilang patnubay kapag nagtuon tayo sa tema ng Mutual sa 2012 na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan.

Ipinaliliwanag sa heading ng bahagi 115 na ang taon ay 1838 at ang lugar ay Far West, Missouri. “Ipinaaalam [ni Joseph Smith] ang kalooban ng Diyos hinggil sa pagtatatag ng lugar na yaon at ng Bahay ng Panginoon.” Puno ng pag-asa at sigla ang Propeta. Sa talata 5, kung saan makikita natin ang tema ngayong taon, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyong lahat: Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa.”

Ano ang naiisip ninyo kapag naririnig ninyo ang salitang bumangon? Ako, kayo ang naiisip ko—ang mararangal na kabataan ng Simbahan. Nakikinita ko na matiyaga kayong bumabangon mula sa inyong higaan tuwing umaga para sa early-morning seminary. Nakikinita ko na tapat kayong tumitindig mula sa pagkakaluhod matapos manalangin sa araw-araw. Naiisip ko kayo na buong tapang na tumatayo para magpatotoo at ipagtanggol ang inyong mga pamantayan. Pinasisigla ako ng inyong katapatan sa ebanghelyo at mabubuting halimbawa. Marami sa inyo ang tumanggap na sa paanyayang ito na bumangon at magliwanag, at hinihikayat ng inyong liwanag ang iba na gawin din ito.

Ang isa sa pinakamagandang paraan para tayo makabangon at magliwanag ay ang tiwalang sundin ang mga utos ng Diyos. Natututuhan natin ang mga utos na ito sa mga banal na kasulatan, sa mga makabagong propeta, at sa mga pahina ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Bawat isa sa inyo ay dapat magkaroon ng sariling kopya nito. Sa sarili kong kopya, binilugan ko ang mga salitang para sa at inyo, tulad ng itinuro sa akin ng isang iginagalang kong kaibigan. Ang simpleng gawaing ito ay nagpapaalala sa akin na ang mga pamantayang ito ay hindi lamang mga pangkalahatang patnubay—ang mga ito ay talagang para sa akin. Sana’y mabilugan ninyo ang mga salitang iyon sa sarili ninyong buklet, mabasa ninyo ito mula simula hanggang wakas, at madama ninyo ang patotoo ng Espiritu na ang mga pamantayan ay para sa inyo rin.

Maaaring may ilan sa inyo na natutuksong balewalain o isantabi ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari nilang tingnan ang buklet at sabihing, “Tingnan ninyo, Inay, hindi tinalakay sa buklet ang [punan ng kasalukuyang isyu].” O maaari silang mangatwiran na, “Wala namang masama sa ginagawa ko. Hindi naman ako kasinsama ni [isingit ang pangalan ng isang kaibigan o kakilala].

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee, “Ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan ng Diyos ay yaong pinakamahirap ninyong masunod ngayon.”6 Ipinaliwanag ni Haring Benjamin, “Hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala; sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya’t hindi ko na yaon magagawang bilangin.”7 Kung nahihirapan kayong sundin ang mga pamantayan at kautusang ito, hinihikayat ko kayong humanap ng tulong sa ebanghelyo. Basahin ang inyong mga banal na kasulatan. Mag-ukol ng oras sa official website ng Simbahan, ang LDS.org, para humanap ng mga sagot sa inyong mga tanong. Kausapin ang inyong mga magulang, lider ng Simbahan, at mga taong maganda ang halimbawa sa pamumuhay ng ebanghelyo. Manalangin. Buksan ang puso ninyo sa inyong Ama sa Langit, na nagmamahal sa inyo. Magsisi araw-araw. Maglingkod sa kapwa. At higit sa lahat, pakinggan at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Hinihikayat tayong lahat ni Pangulong Thomas S. Monson sa mga salitang ito: “Mga kaibigan kong kabataan, maging matatag. … Alam ninyo kung ano ang tama at mali, at hindi iyan mababago ng anumang balatkayo, gaano man ito kaakit-akit. … Kung ipagagawa sa inyo ng itinuturing ninyong mga kaibigan ang alam ninyong mali, kayo ang manindigan sa tama, kahit nag-iisa kayo.”8

Ayaw ng Ama sa Langit na umasa tayo sa mundo at sumunod sa pabagu-bago nitong kalakaran. Nais Niyang umasa tayo sa Kanya at sumunod sa Kanyang hindi-nagbabagong patnubay. Nais Niyang ipamuhay natin ang ebanghelyo at akayin ang iba rito sa pamamagitan ng pagtatakda ng mataas na pamantayan.

Maraming magagandang halimbawa sa mga banal na kasulatan na maglalarawan sa ideyang ito. Sa aklat ng Mga Hukom sa Lumang Tipan, napag-aralan natin si Samson. Si Samson ay isinilang na may malakas na potensyal. Pinangakuan ang kanyang ina, “Kaniyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo.”9 Ngunit nang lumaki si Samson, mas umasa siya sa mga tukso ng kamunduhan kaysa sa patnubay ng Diyos. Gumawa siya ng mga pasiya na “lubhang nakalulugod [sa kanya]”10 at hindi dahil tama ang mga ito. Paulit-ulit na ginamit sa mga banal na kasulatan ang mga katagang “at siya’y lumusong”11 sa paglalahad ng mga paglalakbay, ginawa, at pasiya ni Samson. Sa halip na bumangon at magliwanag si Samson para makamit ang kanyang malaking potensyal, nadaig siya ng mundo, nawala sa kanya ang lakas na kaloob ng Diyos, at namatay siya nang maaga sa kalunus-lunos na paraan.

Sa kabilang banda, ang mga banal na kasulatan ay naglalaan ng halimbawa ni Daniel. Si Daniel ay isinilang na may malaki ring potensyal. Sa aklat ni Daniel, kabanata 6, mababasa natin, “ang Daniel na ito ay natangi sa mga pangulo at sa mga satrapa, sapagka’t isang marilag na espiritu ay nasa kaniya.”12 Nang magkaroon ng mga makamundong hamon si Daniel, hindi niya hinamak ang mundo—bumangon siya at umasa sa langit. Sa halip na sundin ang utos ng hari na hindi dapat manalangin ang isang tao kaninuman maliban sa hari sa loob ng 30 araw, “pumasok [si Daniel] sa kaniyang bahay; ang kaniya ngang mga dungawan ay bukas sa dakong Jerusalem; at siya’y lumuhod ng kaniyang mga tuhod na makaitlo isang araw, at dumalangin, at nagpasalamat sa harap ng kaniyang Dios, gaya ng kaniyang dating ginagawa.”13

Hindi natakot bumangon at magliwanag si Daniel sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Bagama’t magdamag siyang hindi komportable sa yungib ng mga leon dahil pinanindigan niya ang tama, pinangalagaan siya at pinagpala sa kanyang pagsunod. Nang alisin ni Haring Dario si Daniel mula sa yungib ng mga leon kinabukasan, iniutos niya na dapat matakot ang lahat sa Diyos ni Daniel at tularan ang katapatan ni Daniel. Tunay na ipinakita sa atin ni Daniel ang ibig sabihin ng maging sagisag sa mga bansa at huwag ibaba kailanman ang ating mga pamantayan sa harap ng mga tukso.

Mapalad akong marinig sa makabagong panahong ito ang maraming halimbawa ng mga kabataang tulad ninyo na hindi takot bumangon at magliwanag at maging pamantayan ang kanilang halimbawa sa mga kaedad nila. Si Joanna ay nag-iisang miyembro ng Simbahan sa high school nila at nag-iisang kabataang babae sa ward nila. Nangako siya sa sarili at sa Panginoon na hindi siya magsasalita ng masama kailanman. Nang itambal siya sa isang binatilyong hindi ganoon katibay ang pangako para sa isang proyekto ng paaralan, hindi niya ibinaba ang kanyang mga pamantayan. Hiniling niya sa binatilyo na igalang ang kanyang mga pinahahalagahan. Sa paglipas ng panahon, sa maraming mahinahon at matinding paalala, nagbago ang ugali ng kanyang kaibigan at hindi na ito nagsalita ng masama. Maraming taong nakapansin sa pagbabago, pati na ang ama ng binatilyo, na nagpasalamat kay Joanna sa pagiging mabuting impluwensya sa buhay ng kanyang anak.14

Sa assignment ko sa Pilipinas kamakailan, nakilala ko si Karen, na nagbahagi ng karanasan bilang Laurel habang nag-aaral para sa kursong hotel and restaurant management. Iniutos ng guro na dapat matutuhan ng lahat ng estudyante ang paggawa at pagtikim ng sari-saring inumin na isisilbi sa kanilang mga restawran. Ang ilan sa mga inumin ay alak, at alam ni Karen na labag sa mga utos ng Panginoon na tumikim siya nito. Sa harap ng matinding ibubunga nito, nagkaroon ng tapang na bumangon at magliwanag si Karen, at hindi niya tinikman ang mga inumin.

Ipinaliwanag ni Karen: “Nilapitan ako ng titser ko at tinanong kung bakit hindi ako tumitikim. Sabi niya, ‘Miss Karen, paano mo malalaman ang lasa at maipapasa ang mahalagang asignaturang ito kung hindi mo man lang titikman ang mga inumin?’ Sinabi ko sa kanya na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at bilang mga miyembro, hindi tayo umiinom ng mga bagay na makapipinsala sa atin. Anuman ang inasahan niya sa akin, ibagsak man niya ako, mauunawaan ko, pero lagi kong ipamumuhay ang personal kong mga pamantayan.”

Lumipas ang mga linggo, at hindi na nabanggit pa ang tungkol sa araw na iyon. Sa pagtatapos ng semestre, alam ni Karen na makikita sa huling marka niya ang pagtanggi niyang tikman ang mga inumin. Nag-atubili siyang tingnan ang kanyang marka, ngunit nang tingnan niya ito, natuklasan niya na siya ang may pinakamataas na marka sa klase.

Sabi niya: “Natutuhan ko sa karanasang ito na ang Diyos … ay tiyak na pagpapalain tayo kapag sinunod natin Siya. Alam ko rin na kahit bumagsak ako, hindi ko pagsisisihan ang ginawa ko. Alam ko na hinding-hindi ako babagsak sa paningin ng Panginoon kapag pinili kong gawin ang alam kong tama.”15

Mahal kong mga kabataang babae, bawat isa sa inyo ay isinilang na may malaking potensyal. Kayo ay minamahal na mga anak ng Ama sa Langit. Kilala at mahal Niya kayo. Inaanyayahan Niya kayong “bumangon at magliwanag,” at nangako Siya na kapag ginawa ninyo ito, tutulungan Niya kayo at pagpapalain. Dalangin ko na bawat isa sa inyo ay magkaroon ng tapang na tanggapin ang Kanyang paanyaya at matanggap ang Kanyang mga pangako, sa pangalan ni Jesucristo, amen.