2012
Elder Richard J. Maynes
Mayo 2012


Elder Richard J. Maynes

Ng Panguluhan ng Pitumpu

Elder Richard J. Maynes

“Bawat tao sa buong mundo ay anak ng Diyos, at pantay-pantay ang pagmamahal Niya sa lahat ng Kanyang anak,” sabi ni Elder Richard John Maynes, bagong tawag sa Panguluhan ng Pitumpu. Iyan, sabi niya, ang unang alituntunin ng ebanghelyo na naiisip niya kapag pinagmumuni-muni niya ang masigasig na paglilingkod niya sa iba’t ibang bansa, pati na ang mga assignment niya sa Uruguay, Paraguay, Mexico, Ecuador, Peru, at sa Pilipinas.

“Ang mga walang-hanggang pagpapala na nagmumula sa pagtanggap at pamumuhay ng mga alituntuning itinuro ni Jesucristo ay magdudulot ng kadakilaan sa huli sa lahat ng anak ng Ama sa Langit, saanman sila nakatira o anumang mga hamon ang kanilang kinakaharap sa buhay na ito na puno ng mga pagsubok,” dagdag pa niya.

Si Elder Maynes, na isinilang noong Oktubre 1950 sa Berkeley, California, USA, kina Stan at Betty Maynes, ay nagsimula ng kanyang paglilingkod sa ibang bansa noong 1969 nang mag-full-time mission siya sa Paraguay at Uruguay hanggang 1971.

Pinakasalan niya si Nancy Purrington, na nakilala niya habang nagtatrabaho sa isang resort sa Idaho, noong Agosto 1974 sa Manti Utah Temple. Mayroon silang apat na anak.

Si Elder Maynes ay nagtapos sa taon ding iyon ng business management sa Brigham Young University at kalaunan ay nakamtan ang MBA mula sa Thunderbird School of Global Management. Ginamit niya ang kanyang pinag-aralan bilang may-ari at CEO ng isang kumpanyang bihasa sa factory automation.

Si Elder Maynes ay naging pangulo ng Mexico Monterrey Mission mula 1989 hanggang 1992. Tinawag siya bilang General Authority noong 1997. Simula noon nakapaglingkod na siya sa mga panguluhan ng South America Northwest Area, South America West Area, at Philippines Area. Nakapaglingkod na rin siya sa Priesthood Executive Council ng Simbahan, bilang Assistant Executive Director sa Missionary Department, at bilang Executive Director ng Family History Department.

Tinawag siyang maglingkod noong Enero 20, 2012, sa Panguluhan ng Pitumpu, kapalit ni Elder Steven E. Snow, na tinawag bilang Church Historian and Recorder.