Elder Larry Echo Hawk
Ng Pitumpu
Simula noong araw na marinig ni Elder Larry Echo Hawk si Elder Spencer W. Kimball (1895–1985) noong 1972 na magsalita tungkol sa nakikinitang pagiging edukadong lider ng mga Katutubong Amerikano, inilaan na niya ang kanyang buhay sa “pagpapasigla ng mga tao.”
Miyembro ng Pawnee Nation, isinilang si Elder Echo Hawk sa Cody, Wyoming, USA, noong Agosto 1948 kina Ernest at Jane Echo Hawk. Lumaki siya sa Farmington, New Mexico, USA, kung saan sila ng kanyang pamilya ay naturuan at nabinyagan ng mga misyonerong LDS noong 1962.
Sa edad na 17, matapos matamaan ng bola ng baseball sa mata, nangako siya sa Panginoon na kung hindi siya mabubulag ay babasahin niya ang Aklat ni Mormon. Nagamit niyang muli ang kanyang mata at nagbasa siya ng 10 pahina araw-araw sa loob halos ng tatlong buwan.
“Iyon ang pinakamatinding espirituwal na karanasan ko, nang patotohanan sa akin ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo,” sabi ni Elder Echo Hawk. “Ang karanasang iyon ang nagpalakas sa akin sa buong buhay ko para maging mas mabuti.”
Inanyayahan siya sa Brigham Young University–Provo sa isang football scholarship at nagtapos ng mga degree sa physical education at zoology. Noong 1970 marangal siyang ini-release mula sa United States Marine Corps matapos maglingkod nang dalawang taon. Nagtapos siya sa University of Utah na may juris doctorate degree noong 1973.
Si Elder Echo Hawk ay nakapaglingkod bilang abugado, state legislator, state attorney general, BYU law professor, at Assistant Secretary ng Department of the Interior for Indian Affairs—isang katungkulang bibitiwan niya para tanggapin ang tungkulin sa Unang Korum ng Pitumpu.
Si Elder Kimball ang nagkasal kina Elder Echo Hawk at sa kanyang asawang si Terry Pries, sa Salt Lake Temple noong Disyembre 1968. Sinuportahan siya nito nang maglingkod siya bilang guro, bishop, high councilor, at stake president. Mayroon silang anim na anak.