2012
Elder Stanley G. Ellis
Mayo 2012


Elder Stanley G. Ellis

Ng Pitumpu

Elder Stanley G. Ellis

Batid ni Elder Stanley Gareld Ellis na walang sinumang makapagpapatunay na mayroong Diyos sa pamamagitan ng siyensya, ngunit sa Harvard University nalaman niya na mapapatunayan niyang mayroong Diyos sa pamamagitan ng pagsubok sa Kanyang mga pangako. Sa kalagitnaan ng unang taon niya sa kolehiyo, naubusan siya ng pera at nagtrabaho para mabayaran ang kanyang mga gastusin. Bagama’t nagduda siya na makapagbabayad siya ng ikapu at mababayaran pa niya ang lahat ng gastusin niya, nagpasiya siyang “subukin” ang Panginoon (tingnan sa Malakias 3:10).

“Binayaran ko muna ang aking ikapu, at may nangyaring himala,” sabi ni Elder Ellis, na kamakailan ay natawag sa Unang Korum ng Pitumpu mula sa Pangalawang Korum. “Nakaraos ako hanggang sa sumunod na suweldo. At nangyari iyan kada dalawang linggo sa buong semestre. Sa pagsubok sa Panginoon, napatibay ko ang aking patotoo na Siya ay totoo at tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako.”

Si Elder Ellis ay isinilang kina Stephen at Hazel Ellis noong Enero 1947 sa Burley, Idaho, USA, at lumaki roon sa isang sakahan at rantso. Pagkaraan ng isang taon sa Harvard naglingkod siya sa Brazilian Mission mula 1966 hanggang 1968. Nang makauwi siya, pinakasalan niya si Kathryn Kloepfer noong Hunyo 1969 sa Los Angeles California Temple. Mayroon silang siyam na anak.

Nang maka-graduate sa Harvard, kung saan siya nagtamo ng bachelor’s degree sa government, nagtamo siya ng degree sa abugasya mula sa Brigham Young University. Si Elder Ellis ay nagtrabaho sa tax planning at naging chief executive officer ng isang financial consulting company.

Bago tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu, si Elder Ellis ay naglingkod sa mga panguluhan ng North America Southwest Area, Brazil North Area, Brazil Area, at sa Boundary and Leadership Change Committee. Mula 1999 hanggang 2002 naglingkod siya bilang pangulo ng Brazil São Paulo North Mission. Naglingkod din siya bilang stake president, tagapayo sa stake presidency, high councilor, tagapayo sa isang bishopric, elders quorum president, at ward at stake Young Men president.