Linda S. Reeves
Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency
Natutuhan ni Linda Sheffield Reeves sa kanyang matatag na miyembrong ina noong kabataan niya na bumaling sa Diyos sa oras ng paghihirap at sikaping magpakahusay ayon sa turo ng kanyang ama.
“Maaga akong nagkaroon ng malakas na patotoo sa buhay ko dahil sa mga hamon na nakatulong sa akin sa mabilis na pag-unlad ng aking espirituwalidad,” wika niya.
Si Sister Reeves ay isinilang sa Los Angeles, California, USA, noong Agosto 1951 kina Elbert Jolley at Barbara Welsch Sheffield. Naaalala niya na tumingala siya sa mabituing langit noong 13-taong-gulang siya sa Young Women camp at nag-alay ng simple at taos-pusong panalangin: “Ama, nariyan po ba Kayo?”
“Nabalot ako ng Kanyang Espiritu, ng kaalaman ng Kanyang presensya at realidad, at ng pagmamahal Niya sa akin,” wika niya.
Nakilala ni Sister Reeves si Melvyn Kemp Reeves sa kanyang ward sa Pasadena. Nagdeyt sila habang nag-aaral sa Brigham Young University pagkatapos ng misyon ni Melvyn. Ikinasal sila noong Hunyo 1973 sa Los Angeles California Temple at nagkaroon ng 13 anak.
Sa gitna ng mga pagsubok, tumangan si Sister Reeves sa kanyang patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala, lalo na nang mamatay ang kanyang 17-taong-gulang na anak na si Emily Michelle sa isang aksidente sa sasakyan noong 2005.
“Ang paghihirap ay isang magaling na guro,” wika niya. “Ang paghihirap ay nagpapatibay at naghahanda sa atin sa paglilingkod sa kaharian, sa ating tahanan, at sa ating komunidad sa hinaharap, at maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.”
Bago tinawag sa Relief Society general presidency, naglingkod si Sister Reeves kasama ang kanyang asawa nang mangulo ang huli sa California Riverside Mission mula 2008 hanggang 2011. Nakapaglingkod siya bilang stake Relief Society president, ward Young Women president, Primary chorister, at Sunday School teacher.
Si Sister Reeves ay nagtapos mula sa BYU noong 1974 na may bachelor’s degree sa special education. Marami siyang gustong gawin, kabilang na ang sining, musika, photography, family history, at gawaing misyonero. Hindi siya takot ibulalas ang nasa isip niya, lalo na pagdating sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng makikilala niya.