2012
Nagsalita Sila sa Atin: Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya
Mayo 2012


Nagsalita Sila sa Atin

Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya

Isiping gamitin ang ilan sa mga aktibidad at tanong na ito bilang panimula sa talakayan ng pamilya o personal na pagbubulay.

Ang mga numero ng pahina na nakalista sa ibaba ay tumutukoy sa unang pahina ng mensahe.

Para sa mga Bata

  • Nagbahagi ng dalawang mahahalagang salita si Pangulong Dieter F. Uchtdorf shared na nais niyang tandaan natin kapag natutukso tayong maging malupit sa isang tao (pahina 70). Natatandaan ba ninyo kung ano ang dalawang salitang iyon? Kausapin ang inyong mga magulang tungkol sa ilan sa mga pag-uugaling ipinapatigil niya sa atin. Pag-isipan kung paano ninyo higit na matutularan si Jesucristo sa pagtrato ninyo sa iba.

  • Tinalakay ni Elder Russell M. Nelson ang maraming kamangha-manghang kakayahan ng ating pisikal na katawan (pahina 77), at itinuro ni Elder Ronald A. Rasband na mahal tayo ng ating Ama sa Langit kahit hindi perpekto ang ating katawan (pahina 80). Ano ang pakiramdam ninyo sa pagkakaroon ng katawan? Pag-isipan ang lahat ng iba’t ibang bagay na magagawa ng inyong katawan. Kapag nanalangin kayo, pag-isipan kung ano ang masasabi ninyo sa Ama sa Langit upang pasalamatan Siya para sa kaloob na ito.

Para sa mga Kabataan

  • May kilala ba kayong mga taong nagtatanong ng tatlong bagay na binanggit ng propeta sa kanyang mensahe sa sesyon sa Linggo ng umaga (pahina 90): “Saan tayo nanggaling? Bakit tayo narito? Saan tayo pupunta pagkamatay natin?” Basahin ang sagot niya sa mga tanong na iyon at pag-isipan kung paano ninyo maibabahagi ang mga katotohanang iyon sa mga taong wala pa nito.

  • Hindi nauunawaan ng ilang tao na pinaniniwalaan at sinusunod ng mga Banal sa mga Huling Araw si Jesucristo. Basahin ang mensahe ni Elder Dallin H. Oaks na, “Sakripisyo,” at pag-isipan ang pahayag na ito: “Ang ating paglilingkod at sakripisyo ang pinaka-akmang pahayag ng ating pangakong maglingkod sa Panginoon at sa ating kapwa” (pahina 19). Ano ang makikita sa inyong pamumuhay tungkol sa inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

  • Itinuro ni Elder Quentin L. Cook, “Kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang himig ng pananampalataya, wala sa kanya ang Espiritu” (pahina 41). Pag-isipan kung ano ang tunog ng instrumentong wala sa tono at ano ang maaaring magsanhi ng pagkawala sa tono ng isang instrumento. Anong mga partikular na bagay ang magagawa ninyo para “[maunawaan ninyo] ang himig ng pananampalataya”?

  • Binanggit ng ilang tagapagsalita sa kumperensyang ito ang kanilang pamilya—kabilang na ang mga pamilyang hindi lahat ay miyembro, mga pamilyang nag-iisa ang magulang, at mga pamilyang dumaranas ng iba’t ibang paghihirap. Ano ang natutuhan ng mga tagapagsalitang ito mula sa at pinasalamatan tungkol sa kanilang pamilya? Ano ang gustung-gusto at pinasasalamatan ninyo tungkol sa inyong pamilya? Paano kayo makapag-aambag at makapagpapasigla sa mga miyembro ng inyong pamilya?

Para sa Matatanda

  • Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, “Isa sa mga pinakamagandang tuklas ng pagiging magulang ay ang higit nating natututuhan kung ano ang talagang mahalaga mula sa ating mga anak kaysa natutuhan natin mula sa ating mga magulang” (pahina 6). Kung kayo ay isang magulang, pag-isipan ang ilan sa mahahalagang aral na natutuhan ninyo mula sa inyong mga anak, o kung hindi kayo isang magulang, pag-isipan ang mga aral na natutuhan ninyo mula sa mga batang kilala ninyo. Isiping ibahagi ang mga aral na iyon—at ang mga sitwasyon ninyo nang matutuhan ninyo ang mga ito—sa inyong asawa, sa isang kaibigan, sa inyong mga anak, o sa iba.

  • Maaari tayong makaligtas mula sa kasamaan kapag bumaling tayo sa mga turo ng mga banal na kasulatan, pagtuturo ni Elder L. Tom Perry (pahina 94). Paano kayo nailigtas ng mga turo mula sa mga banal na kasulatan? Paano ito nakatulong sa inyo na piliin ang tama?

  • May ilang mensahe na nagtuon sa mga tipan, lalo na sa mga tipan sa templo. Pag-isipan ang sinabi ni Elder Robert D. Hales: “Kausapin natin at tanungin ang ating sarili sa salamin, ‘Ano na ang lagay ko sa pamumuhay ng aking mga tipan?’” (pahina 34). Pag-isipan ang inyong sagot at marahil ay ang magagawa ninyo para higit na maipamuhay ang inyong mga tipan—at anyayahan ang iba na gawin at ipamuhay ang sa kanila.

  • Binanggit nina Elder Jeffrey R. Holland (pahina 31), Elder Neil L. Andersen (pahina 111), at ng iba pa ang tungkol sa pagkadisipulo at sa proseso ng paglapit kay Cristo. Ano ang nangyari sa proseso ng sarili ninyong pagkadisipulo? Anong mga bagay ang natutuhan ninyo mula rito o sa iba pang mga mensahe tungkol sa patuloy na paglapit sa Tagapagligtas?

  • “Ang pangunahing layunin [natin],” pagtuturo ni Elder D. Todd Christofferson, “ay ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang Kanyang doktrina, sa buong mundo” (pahina 86). Muling basahin ang mensahe ni Elder Christofferson at gayundin ang mensahe ni Elder Donald L. Hallstrom (pahina 13) at isipin kung ano ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ano ang mga pagkakataon ninyong ituro ito sa inyong tahanan, sa inyong tungkulin, at sa inyong mga kasamahan?