2012
Ang Pagsagip para sa Totoong Pag-unlad
Mayo 2012


Ang Pagsagip para sa Totoong Pag-unlad

Bishop Richard C. Edgley

Ang pagliligtas ng mga kaluluwa ay gawain ng Tagapagligtas na iniutos Niyang gawin nating lahat.

Sa nakaraang mga buwan lalo pang binigyang-diin ang pagkakaroon ng “tunay na pag-unlad” sa Simbahan, dinadala ang lahat ng taong handang tumanggap at tuparin ang mga nakapagliligtas na ordenansa at mga tipan at namumuhay nang may malaking pagbabago ng puso na gaya ng inilarawan ni Alma (tingnan sa Alma 5:14). Isa sa pinakamakabuluhan at pinakamahahalagang paraan upang magkaroon ng tunay na pag-unlad ay ang pagtulong at pagsagip sa mga nabinyagan ngunit hindi gaanong naging aktibo, hindi nagtamasa ng mga pagpapala at nakapagliligtas na mga ordenansa. Anuman ang tungkulin ng bawat isa sa atin—home o visiting teacher, guro sa Sunday School, bishop, ama, ina, o General Authority—lahat ay makababahagi sa pagsagip sa makabuluhang paraan. Tutal, ang pagdadala sa lahat ng tao—ang ating pamilya, mga hindi miyembro, di-gaanong aktibo, mga makasalanan—kay Cristo upang matanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa ay banal na tungkulin nating lahat.

Isang Linggo ng umaga mga 30 taon na ang nakalipas, habang naglilingkod sa stake presidency, tinawagan kami ng isa sa matatapat naming bishop. Ipinaliwanag niya na mabilis dumami ang mga miyembro sa kanyang ward at hindi na niya mabigyan pa ng makabuluhang tungkulin ang lahat ng karapat-dapat na miyembro. Nakiusap siya sa amin na hatiin ang ward. Habang naghihintay na maaprubahan, nagpasiya kaming stake presidency na bisitahin ang ward at tawagin ang lahat ng mabubuti at karapat-dapat na mga miyembro nito na maging mga stake missionary.

Ang pangatlong taong nakausap ko ay isang dalaga na nag-aaral sa unibersidad sa kanilang lugar. Matapos ang sandaling pag-uusap, sinabi kong bibigyan ko siya ng tungkulin bilang stake missionary. Nagkaroon ng sandaling katahimikan. Pagkatapos ay sinabi niya, “President, hindi ba ninyo alam na hindi ako aktibo sa Simbahan?”

Sandali akong natahimik at pagkatapos sinabi ko, “Hindi, hindi ko alam na hindi ka aktibo.”

Sumagot siya, “Ilang taon na po akong hindi aktibo sa Simbahan.” At sinabi pa niya, “Alam po ba ninyo na kapag hindi kayo aktibo, hindi ganoon kadaling bumalik?”

Sumagot ako ng, “Hindi. Nagsisimula ang inyong ward nang alas-9:00 n.u. Dumating ka sa chapel, at makakasama ka na namin.”

Sagot niya, “Hindi po, hindi ganoon kadali. Marami kang bagay na inaalala. Nag-aalala ka kung may babati ba sa iyo o mag-isa kang uupo at hindi mapapansin sa buong pulong. At nag-aalala ka kung tatanggapin ka ba at kung sino ang magiging bago mong mga kaibigan.”

Lumuluhang sinabi pa niya, “Alam ko na ilang taon na akong ipinagdarasal ng nanay at tatay ko para makabalik ako sa Simbahan.” Pagkaraan ng ilang sandali ng katahimikan, sinabi niya, “Nitong nakaraang tatlong buwan nagdasal ako na magkaroon ng tapang, lakas, at paraan para makabalik sa Simbahan.” At itinanong niya, “President, sa palagay po ba ninyo ang tungkuling ito ang sagot sa mga panalanging iyon?”

Naluluha akong sumagot, “Naniniwala ako na sinagot ng Panginoon ang iyong mga panalangin.”

Hindi lamang niya tinanggap ang tungkulin, siya ay naging mahusay na misyonera. At nakatitiyak ako na hindi lamang siya nagdulot ng malaking kagalakan sa kanyang sarili kundi maging sa kanyang mga magulang at marahil sa iba pang miyembro ng kanyang pamilya.

May ilang bagay akong natutuhan dito o naalala ko dito at sa mga kahalintulad na interbyu:

  • Nalaman ko na maraming miyembrong hindi gaanong aktibo ang mayroong mga mahal sa buhay na araw-araw na nagdarasal na tulungan sila ng Panginoon na masagip ang mga mahal nila sa buhay.

  • Nalaman ko na hindi madali o komportable para sa isang hindi gaanong aktibong miyembro na basta na lang bumalik sa Simbahan. Kailangan nila ng tulong. Kailangan nila ng suporta. Kailangan nila ng kaibigan.

  • Nalaman ko na may mga hindi gaanong aktibong miyembro tayo na nagsisikap at handang maging aktibo muli.

  • Nalaman ko na maraming hindi gaanong aktibong miyembro ang tatanggap ng tungkulin kung bibigyan sila nito.

  • Nalaman ko na dapat pakitunguhan nang pantay at ituring na anak na lalaki o babae ng mapagmahal na Diyos ang hindi gaanong aktibong miyembro.

Sa paglipas ng mga taon naisip ko kung ano kaya ang kinalabasan ng interbyung ito kung kinausap ko siya bilang isang hindi gaanong aktibong miyembro ng Simbahan. Kayo ang bahalang magpasiya.

Ang pagpapaaktibo ay palaging mahalagang bahagi ng gawain ng Panginoon. Bagama’t ang pagpapaaktibo ay responsibilidad ng lahat ng miyembro, ang mga mayhawak ng Aaronic at Melchizedek Priesthood ay may responsibilidad na manguna sa gawaing ito. Tutal, iyan ang kahulugan ng paglilingkod ng priesthood—pagdadala sa lahat ng tao sa mga tipang nagpapadakila; nagdudulot ng kapayapaan, kaligayahan, at pagpapahalaga sa sarili.

Mula sa Aklat ni Mormon, magugunita ninyo na noong matuklasan ni Nakababatang Alma na nag-apostasiya ang mga Zoramita mula sa Simbahan, bumuo siya ng grupo ng mga lider para sagipin ang mga taong ito. Nang hahayo na sila para gampanan ang kanilang gawain, nagsumamo si Alma sa Panginoon sa ganitong mga salita:

“O Panginoon, nawa’y ipagkaloob ninyo sa amin na ang tagumpay ay matamo namin sa muling pagdadala sa kanila sa inyo sa pamamagitan ni Cristo.

“Masdan, O Panginoon, ang kanilang mga kaluluwa ay mahahalaga, at marami sa kanila ay aming mga kapatid; kaya nga, ipagkaloob ninyo sa amin, O Panginoon, ang kapangyarihan at karunungan, upang madala naming muli sila, na aming mga kapatid, sa inyo” (Alma 31:34–35; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ilang buwan na ang nakalipas matapos makausap ang mga bagong miyembro at hindi gaanong aktibo miyembro, isang lalaking napabalik sa pagiging aktibo na mga kasing edad ko ang lumapit sa akin at nagsabing, “Halos buong buhay ko ay hindi ako gaanong aktibo. Lumayo ako sa Simbahan noong kabataan ko. Ngunit nakabalik na ako ngayon, at naging temple worker kaming mag-asawa.”

Upang maipadama sa kanya na maayos na ang lahat, ganito ang sagot ko: “Hindi bale naging maayos naman ang lahat sa huli.”

Sagot niya, “Hindi, hindi maayos ang lahat. Nakabalik ako sa Simbahan, pero nawala sa akin ang lahat ng aking mga anak at apo. At ngayon nakikita ko ang pagkawala ng aking mga apo-sa-tuhod—wala silang lahat sa Simbahan. Hindi maayos ang lahat.”

Sa aming pamilya may ninuno kaming sumapi sa Simbahan sa Europa sa mga unang taon ng Simbahan. Isang anak na lalaki ang naging hindi aktibo. Sinikap namin ni Sister Edgley na matunton ang mga hindi aktibong inapo ng ninunong ito.

Madali sa aming mag-asawa ang magsabing sa loob ng sumunod na anim na henerasyon at sa makatwirang hinuha, maaaring ang nawala ay umaabot sa 3,000 mga miyembro ng pamilya. Ngayon isipin ang mangyayari pagkatapos ng dalawa pang henerasyon. Tinatayang 20,000 hanggang 30,000 ang maaaring mawala sa mga anak ng ating Ama sa Langit.

Ang atas na sumagip ay batay sa isa sa pinakamahahalagang doktrina ng Simbahan.

“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos;

“Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya. …

“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (D at T 18:10–11, 15; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Nagkaroon ako ng pribilehiyo sa buhay na sagipin ang ilang hindi gaanong aktibong miyembro. Ngayon kapag tumutulong ako sa pagpapaaktibo sa isang tao sa Simbahan, hindi ko siya nakikita bilang isang kaluluwa; ang nakikita ko ay anim, pito, o marami pang henerasyon—libu-libong kaluluwa. At naiisip ko ang talata sa banal na kasulatan: “Magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakan” (D at T 18:15).

Sa Kanyang mga Apostol, sinabi ng Panginoon, “Katotohana’y ang aanihin ay marami, datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa” (Mateo 9:37). Hindi kailangang maging kakaunti ang mga manggagawa. Libu-libo ang may kakayahan, karapat-dapat na mga mayhawak ng priesthood at milyun-milyon ang matatapat na miyembro ng ating Simbahan sa lahat ng dako ng mundo. Mayroon tayong mga ward council, priesthood quorum, Relief Society, at iba pang organisasyon na kumikilos na pawang may responsibilidad na sumagip. Ang pagliligtas ng mga kaluluwa ay gawain ng Tagapagligtas na iniutos Niyang gawin nating lahat.

Kanina ay nabanggit ko ang panalangin na inalay ni Alma nang simulan niya at ng kanyang mga kasama ang pagsagip sa mga Zoramita. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig tinatayang 500 sundalong Amerikano at lokal na mga mamamayan na sumusuporta sa kanila ang dinakip at ibinilanggo. Dahil sa paghihirap at pag-aalala para sa kanilang kaligtasan, isang hukbo ng tinatayang 100 sundalong Amerikano ang pinili para iligtas ang mga bilanggong ito. Matapos maorganisa ang mga boluntaryo, ganito ang bilin sa kanila ng namumunong opisyal: “Sa gabing ito kausapin ninyong mga kalalakihan ang inyong mga lider sa simbahan, lumuhod kayo, at mangako sa Diyos na habang kayo ay nabubuhay, hindi ninyo tutulutang magdusa pa ang kahit isa sa mga taong ito.” (Tingnan sa Hampton Sides, Ghost Soldiers: The Forgotten Epic Story of World War II’s Most Dramatic Mission [2001], 28–29.) Ang matagumpay na pagsagip na ito ay pagsagip mula sa pisikal at temporal na pagdurusa. Hindi ba tayo dapat maging magiting sa pagsagip sa mga taong maaaring dumaranas ng mga pagdurusang espirituwal at walang hanggan? Hindi ba tayo dapat matibay na mangako sa Panginoon?

Sa huli, ang matibay nating pangako bilang mga miyembro ng totoong Simbahan ni Cristo ay nagmumula sa katotohanang nagdusa ang Panginoon para sa bawat isa sa atin—sa hindi miyembro, hindi gaanong aktibong miyembro, maging sa makasalanan, at sa bawat miyembro ng sarili nating pamilya. Naniniwala ako na magkapagdadala tayo ng libu-libo tungo sa kagalakan, kapayapaan, at kasiyahang dulot ng ebanghelyo, at daang-daang libo, maging milyun-milyon, sa kasunod nilang mga henerasyon. Naniniwala ako na magtatagumpay tayo dahil ito ang Simbahan ng Panginoon, at sa bisa ng ating priesthood at pagiging miyembro, tayo ay tinawag upang magtagumpay. Pinatototohanan ko ito sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.