Idinagdag sa LDS.org ang Bagong Impormasyon para sa mga Disability Specialist
Si Julie Brink ng Indiana, USA, ay nag-aruga ng isang anak na babaeng Bingi at naglingkod nang maraming taon bilang American Sign Language interpreter sa kanyang stake. Si Elaine Allison ng Arizona, USA, ay nagtrabaho nang matagal bilang guro sa pampublikong paaralan, kung saan nakahalubilo niya nang tuwiran at di-tuwiran ang mga estudyanteng may kapansanan. May pamangkin din siyang may Down syndrome at malalapit na kaibigang may multiple sclerosis at ALS, o Lou Gehrig’s disease.
Hindi itinuturing ni Sister Brink o ni Sister Allison ang kanilang sarili na “mga dalubhasa” sa daigdig ng mga may kapansanan, subalit kapwa sila naglilingkod bilang mga stake disability specialist, isang tungkuling dinagdagan ng bagong impormasyon sa Serving in the Church section ng LDS.org sa 10 wika. (Maaaring may ganitong tungkulin na sa stake o ward o, kung saan kinakailangan, parehong mayroon nito.)
Bagama’t bahagya lang nabanggit ang tungkulin ng ward o stake disability specialist sa Handbook 2: Administering the Church, naiwang nag-iisip ang ilang lider kung ano ang kabilang sa tungkuling iyan.
“May mga sitwasyon na maaaring hindi makita ng mga lider ng ward ang isang pangangailangan o hindi nila malaman ang gagawin para tugunan ang isang partikular na pangangailangan kapag nakita nga nila ito,” sabi ni Christopher Phillips, manager ng Disability Services para sa Simbahan. “May mga sitwasyon na maaaring makatulong ang isang disability specialist, ngunit hindi alam ng lahat na may ganitong tungkulin.
“Ang bagong online section ng Serving in the Church ay hindi ipinaliliwanag nang detalyado ang dapat gawin ng taong nasa katungkulang ito,” pagpapatuloy niya, “ngunit nagbibigay ito ng mga ideya at mapagkukunan para matulungan ng taong naglilingkod sa tungkuling ito ang mga lider, guro, at pamilyang may mga problema tungkol sa kapansanan.”
Ang impormasyong makikita sa LDS.org sa 10 wika ay nakatuon sa kung paano matutulungan ng mga specialist ang mga lider ng ward at stake:
-
Tukuyin at kilalanin ang mga taong may kapansanan at ang kanilang pamilya sa ward o stake.
-
Isama ang mga miyembrong may kapansanan sa mga pulong at aktibidad.
-
Sagutin ang mga tanong at problema ng mga magulang, lider, at iba pa tungkol sa kapansanan.
-
Tukuyin ang makabuluhang mga pagkakataong makapaglingkod ang mga miyembrong may kapansanan.
-
Tukuyin ang partikular na mga pangangailangan ng mga pamilya (pati na ang mga kailangan sa pangangalaga) at, kung naaangkop, tukuyin ang mga mapagkukunan sa komunidad, ward, at stake upang mailaan ang mga pangangailangang iyon.
Mahalagang malaman na hindi lamang ang disability specialist ang gumagawa ng mga bagay na ito. Subalit, tungkulin niyang tulungan ang iba pang mga lider na mas maunawaan at mapaglingkuran ang mga may kapansanan. Bukod pa rito, ang disability specialist ay “tinutulungan [din] ang mga indibiduwal at magulang na apektado ng mga kapansanan na magbahagi ng impormasyon sa mga miyembro at lider ng ward sa kapaki-pakinabang na paraan.”