Bishop Gérald Caussé
Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric
Mula sa kanyang pagkabata, si Bishop Gérald Jean Caussé, na kamakailan ay tinawag bilang Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric, ay laging masaya sa paglilingkod sa Simbahan. Mabuting bagay iyon, sabi niya, dahil sa kanyang maliit na branch sa Bordeaux, France, lahat ay kailangan para mapatakbo ang unit. Bukod pa sa paglilingkod sa mga korum ng Aaronic Priesthood sa kabataan niya, naglingkod siya bilang Primary pianist sa edad na 12, bilang tagapayo sa Sunday School presidency sa edad na 14, at bilang Sunday School president sa edad na 16.
“Nagkaroon ako ng patotoo dahil sa paglilingkod ko sa Simbahan,” wika niya. Ang kanyang ama, na ilang beses naglingkod bilang branch president at bishop, ay naging kasangkapan lalo na sa magandang karanasan ni Bishop Caussé.
“Noong tinedyer ako, isinasama niya ako sa home teaching o sa pagbisita sa mga pamilyang nangangailangan,” sabi ni Bishop Caussé. “Ang pagmamasid sa kanya siguro ang pinakamaganda kong karanasan sa paghahanda para sa pamumuno sa priesthood.”
Kalaunan, naglingkod si Bishop Caussé bilang ward clerk, elders quorum president, high priests group leader, tagapayo sa bishop, tagapayo sa stake president, stake president, Area Seventy, at nitong huli ay bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu.
Si Bishop Caussé ay isinilang sa Bordeaux, France, noong Mayo 1963, kina Jean at Marie-Blanche Caussé. Naglingkod siya sa French Air Force nang isang taon noong binata siya, kung saan nadestino siya sa isang NATO agency.
Nagkamit siya ng master’s degree sa business mula sa ESSEC noong 1987. Nagsimula siya sa kanyang propesyon sa strategy consulting, kung saan gumugol siya ng anim na taon sa pagtatrabaho sa mga opisina ng isang consulting firm sa Paris at London. Kalaunan ay nagtrabaho siya sa pinakamalaking retail group sa Europe, at bago siya tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu noong 2008, nagtatrabaho siya bilang general manager at board member sa pinakamalaking distributor ng pagkain sa France.
Sila ni Valérie Lucienne Babin ay ikinasal noong Agosto 1986 sa Bern Switzerland Temple. Sila ay may limang anak.