Kasama sa Ika-182 Taunang Pangkalahatang Kumperensya ang mga Pagbabago sa Pamunuan ng Pitumpu, Bishopric, at Relief Society
“Hindi tayo maaaring magsama-samang lahat sa iisang bubong,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, Pangulo ng Simbahan, sa pagbubukas ng sesyon ng Ika-182 Taunang Pangkalahatang Kumperensya noong Marso 31, 2012, “ngunit kaya na natin ngayong makibahagi sa mga kaganapan nitong kumperensya dahil sa [kamangha-manghang dulot] ng telebisyon, radyo, cable, satellite transmission, at Internet—maging sa mga mobile device. Nagkakaisa tayong nagtitipon, nagsasalita ng maraming wika, nakatira sa maraming lupain, ngunit lahat ay may iisang pananampalataya at isang doktrina at isang layunin.”
Totoo ang pahayag na iyan sa mahigit 100,000 kataong dumalo sa mga sesyon ng pangkalahatang kumperensya sa Conference Center sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Marso 31 at Abril 1—at sa milyun-milyon pang nanood o nakinig sa TV, radyo, satellite, at mga Internet broadcast. Sa pagitan ng mga live at delayed broadcast, nakibahagi o maaaring makibahagi ang mga miyembro at iba pa sa buong mundo sa 94 na wika.
Bago pa man nagsimula ang pangkalahatang kumperensya, marami nang miyembro ng Simbahan ang gumamit ng mga makabagong teknolohiyang ito para anyayahan ang iba na makibahagi sa kumperensya. Ang mga widget, banner, at info graphics na inilunsad noong Marso, na makukuha sa iba’t ibang wika, ay ipo-post sa conference.lds.org ilang linggo bago sumapit ang bawat pangkalahatang kumperensya.
Nagkaroon ng ilang pagbabago sa pamunuan ng Simbahan sa sesyon sa Sabado ng hapon; kasama sa mga na-release ang mga miyembro ng Presiding Bishopric at ng Relief Society general presidency. Na-release si Elder Steven E. Snow mula sa Panguluhan ng Pitumpu; 37 Area Seventy rin ang na-release. Para sa buong listahan ng mga sinang-ayunan at na-release, tingnan sa pahina 27.
Tinawag sa Presiding Bishopric sina Gary E. Stevenson, Presiding Bishop; Gérald Caussé, Unang Tagapayo; at Dean M. Davies, Pangalawang Tagapayo. Tinawag sa bagong Relief Society general presidency sina Linda K. Burton, pangulo; Carole M. Stephens, unang tagapayo; at Linda S. Reeves, pangalawang tagapayo.
Si Elder Richard J. Maynes naman ng Unang Korum ng Pitumpu ay tinawag na maglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu.
Tinawag bilang mga miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu sina Elder Larry Echo Hawk, Elder Robert C. Gay, at Elder Scott D. Whiting. Tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu mula sa Pangalawang Korum sina Elder Craig A. Cardon at Elder Stanley G. Ellis.
Magkakasamang naglingkod si Bishop H. David Burton at ang kanyang mga tagapayo sa Presiding Bishopric nang mahigit 16 na taon. Bagama’t may mga Presiding Bishop na naglingkod nang mas matagal, walang Presiding Bishopric na magkakasamang naglingkod nang ganito katagal.
Basahin ang talambuhay ng mga bagong tawag na pinuno simula sa pahina 135.