Bishop Gary E. Stevenson
Presiding Bishop
Sinabi ni Bishop Gary Evan Stevenson na namasdan niya halos buong buhay niya ang mahalagang gawaing ginagampanan ng mga bishop sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang kanyang ama, sabi niya, ang “bishop noong binatilyo ako, at malaki ang epekto sa akin ng kanyang paglilingkod.”
Sa maraming pagkakataon, niyayaya siya ng kanyang amang si Bishop Stevenson sa pagbisita sa isa sa mahigit 60 balo na sakop ng kanilang ward. Mula sa kanyang ama, maraming natutuhan si Bishop Stevenson tungkol sa paglilingkod na katulad ng kay Cristo at pagmamalasakit sa mga nangangailangan. Ang mga aral na iyon, sabi niya, ay makatutulong nang malaki sa kanyang tungkulin bilang Presiding Bishop ng Simbahan.
“Ang mga bishop ng Simbahan ay mga bayani ko talaga,” wika niya. “Bawat araw malaki ang epekto nila sa mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga bata at kabataang lalaki at babae.”
Isinilang noong Agosto 1955 kina Evan N. at Vera Jean Stevenson, lumaki si Bishop Stevenson sa isang pamilyang nagmula sa angkan ng mga pioneer sa Cache Valley sa Utah.
Noong binata siya, tinanggap niya ang tungkuling magmisyon sa Japan. Ang gawaing iyon ay nagkintal ng pagmamahal sa puso ni Bishop Stevenson para sa Asia at sa pagbabahagi ng ebanghelyong nananatili habambuhay.
Pagkauwi mula sa kanyang misyon, nag-aral siya sa Utah State University. Doon niya nakilala (at agad niyang inibig) si Lesa Jean Higley. Ikinasal ang dalawa noong Abril 1979 sa Idaho Falls Idaho Temple. Ang mga Stevenson ay may apat na anak na lalaki.
Magtatapos ng degree sa business administration si Bishop Stevenson at kalaunan ay nagtatag at naging presidente ng isang exercise equipment manufacturing company.
Nakapaglingkod siya sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan, pati na bilang tagapayo sa isang stake presidency, bishop, at pangulo ng Japan Nagoya Mission (2004–07). Tinawag siya sa Unang Korum ng Pitumpu noong 2008 at naglingkod bilang tagapayo at pangulo sa Asia North Area.