2012
Idinagdag ang Audio at Video Simula Noong 1971 sa mga Archive ng Kumperensya
Mayo 2012


Idinagdag ang Audio at Video Simula Noong 1971 sa mga Archive ng Kumperensya

Sa pagsisikap na mas madaling maakses ng mga miyembro ang payo ng pinakamamahal nating mga propeta at apostol noon at ngayon, idaragdag ng Simbahan ang mga audio at video archive sa section ng pangkalahatang kumperensya sa LDS.org.

Pagsapit ng Hunyo 2012, itatampok sa mga online archive sa Ingles ang audio at video ng bawat pangkalahatang kumperensya mula Abril 1971 hanggang ngayon. Dati-rati, teksto lang ng mga kumperensya simula noong 1971 ang makikita roon; mga Ingles na video na simula lamang noong 2002. Gayundin pagsapit ng Hunyo 2012, maglalaan ng audio at video format ng mga mensahe sa kumperensya ang Simbahan simula 2008 sa mahigit 70 karagdagang wika.

“Bagama’t pinupuntahan ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ang section na pangkalahatang kumperensya sa LDS.org para magbasa, manood, at makinig sa mga mensahe sa pinakahuling kumperensya, maraming miyembro ang interesado ring maakses ang mga nakaraang kumperensya,” sabi ni Elder Patrick Kearon ng Pitumpu. “Ang layunin ng inisyatibong ito ay para mas madaling maakses ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo ang mga mensahe sa kumperensya.”

Magdaragdag din ng musika ang Simbahan sa mga archive ng kumperensya. Sa kasalukuyan, maaaring makinig ang mga miyembro sa pagtatanghal ng Mormon Tabernacle Choir simula pa noong 2008 sa pag-klik sa Show Music sa itaas ng bawat section ng kumperensya sa LDS.org. Sa pamamagitan ng isang bagong music archive (GCmusic.lds.org) masasaliksik ang iba’t ibang archive at kumperensya.

May mga plano nang gawing mas madaling maakses ang mga archive hindi lamang sa LDS.org kundi maging sa mga mobile apps ng Simbahan, tulad ng Gospel Library app, at iba pang media, pati na ang Mormon Channel sa Roku at YouTube.

Maaari nang pakinggan o i-download ngayon ang musika mula sa lahat ng kumperensya simula noong 2008 mula sa GCmusic.lds.org.