2012
Ipinahayag ang mga Nagwagi sa International Art Exhibit, Nagbukas ang Exhibit
Mayo 2012


Ipinahayag ang mga Nagwagi sa International Art Exhibit, Nagbukas ang Exhibit

Noong Biyernes, Marso 16, 2012, sa pagbubukas ng Ninth International Art Competition exhibit, nagtipon ang mga artist mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang tumanggap ng mga award para sa nilikha nilang sining na may temang LDS.

Pinagkalooban ng Merit Award ang 20 artist na “namumukod-tangi” ang mga likha, samantalang 15 pang artist ang nagtamo ng Purchase Award, na ibig sabihin ay binili ng Church History Museum, na nag-isponsor sa paligsahan, ang kanilang likha para isama sa koleksyon nito.

Dumalo si Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu, Church Historian and Recorder, at nagbigay ng maikling pahayag bago ipinagkaloob ang mga award.

Binuksan ang art exhibit noong Marso 16, 2012, at bubuksan ito hanggang Oktubre 14, 2012, sa Church History Museum sa Salt Lake City, Utah, USA.

Ang paligsahan sa taong ito, Make Known His Wonderful Works [Ipaalam ang Kanyang mga Kamangha-manghang Gawa] (D at T 65:4), ay umakit sa 1,149 entry mula sa lahat ng panig ng mundo sa iba’t ibang media, pati na sa eskultura, quilting at sining na yari sa iba pang tela, paper art, at mga painting. Ididispley ng museo ang 198 ng mga gawang-sining.

Ayon kay Rita R. Wright, Curator of Art and Artifacts sa museo, hinatulan ang mga gawang-sining alinsunod sa kahusayan sa paggawa at pagsunod nito sa tema. Makikita sa mga gawa ang iba’t ibang media at tradisyon sa kultura na nagpapatotoo sa kamangha-manghang mga gawa ng Panginoon, sabi niya, at kadalasan ay gumagamit ng mga simbolo upang kumatawan at magturo.

Halimbawa, ang entry ng tubong-Ukraine na si Valentyna Musiienko na Kyiv Ukraine Temple, na nagwagi ng Purchase Award, ay idinisenyo muli sa colored paper ang ilang simbolong matatagpuan sa templo.

Si Brandon Daniel Hearty—taga-Alberta, Canada, na nagwagi ng Merit Award—ay gumamit ng oil portrait ng kanyang kalola-lolahan (Matriarch) bilang representasyon ng family history at kaugnayan ng mga henerasyon.

Sinabi ni Alexandra Gomez Chaves, ng Bogotá, Colombia, na ang paligsahan ay isang paraan ng pagpapatotoo. Nilikha niya ang kanyang sining na Living Waters [Tubig na Buhay], na nagwagi ng Merit Award sa tulong ng kanyang ina, na pumanaw bago nagbukas ang exhibit.

“Ang mga taong nakakakita sa gawang-sining na ito … ay makikita ang patotoo na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay bukal ng tubig na buhay,” wika niya. “Sa sining na ito, makikita nila ang lubos na pagmamahal na maituturo ng isang ina sa kanyang mga anak dahil kinuha ng inang ito ang pitsel at sinabi sa kanyang anak na ituro ang ebanghelyo.”

Libreng pumasok sa exhibit, at hinihikayat ang mga patron na isama ang kanilang pamilya. Maaari silang bumoto sa paborito nilang gawang-sining, at anim na Visitors’ Choice Awards ang ipagkakaloob sa Setyembre, batay sa boto ng mga patron.

Hindi maglalaon, mapapanood na ng mga tao ang mga interbyu sa 11 iba’t ibang artist na sumali sa paligsahan sa Church History website sa Ingles. Ipapalabas din ang mga video sa museo.

Ang Church History Museum ay nagpaplano rin ng isang online exhibit sa history.lds.org/artcompetition.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa exhibit, bisitahin ang history.lds.org o tumawag sa 801-240-4615.

Ikakalat Ko ang Kanilang Salita (si Jacob na Guro), ni Elspeth Caitlin Young, Estados Unidos)

Sining sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Matriarch, ni Brandon Daniel Hearty, Canada

Sining sa kagandahang-loob ng Church History Museum