2012
Ang Pananaw ng mga Propeta tungkol sa Relief Society: Pananampalataya, Pamilya, Kaginhawahan
Mayo 2012


Ang Pananaw ng mga Propeta tungkol sa Relief Society: Pananampalataya, Pamilya, Kaginhawahan

Julie B. Beck

Pananampalataya, pamilya, at kaginhawahan—sa tatlong simpleng salitang ito naipahayag ang pananaw ng mga propeta para sa kababaihan ng Simbahan.

Nitong mga nakaraang taon nagkaroon ako ng inspirasyong magsalita nang madalas tungkol sa Relief Society—sa mga layunin at katangian nito,1 sa kahalagahan ng kasaysayan nito,2 sa gawain nito, at sa pakikipagtulungan sa mga bishop at mga Melchizedek Priesthood quorum.3 Tila mahalagang pagtuunan naman ngayon ang pananaw ng mga propeta tungkol sa Relief Society.4

Tulad sa patuloy na pagtuturo ng mga propeta ng Panginoon sa mga elder at high priest ng kanilang mga layunin at tungkulin, ibinahagi nila ang kanilang pananaw para sa kababaihan ng Relief Society. Mula sa kanilang payo, malinaw na ang mga layunin ng Relief Society ay pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan. Pananampalataya, pamilya, at kaginhawahan—sa tatlong simpleng salitang ito naipahayag ang pananaw ng mga propeta para sa kababaihan ng Simbahan.

Mula nang magsimula ang Panunumbalik, ibinahagi na ng mga propeta ang kanilang pananaw tungkol sa kababaihang matatag, tapat, at puno ng layunin na nakauunawa sa kanilang walang-hanggang kahalagahan at layunin. Nang itatag ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society, inutusan niya ang unang pangulo nito na “[mamuno] sa samahang ito, sa pangangalaga sa mga maralita—pangangasiwa sa kanilang mga kailangan, at pag-aasikaso ng iba’t ibang gawain ng samahang ito.”5 Nakinita niya ang organisasyon bilang “isang natatanging samahan, na hiwalay sa lahat ng kasamaan ng mundo.”6

Pinagbilinan ni Brigham Young, ang ikalawang Pangulo ng Simbahan, ang kanyang mga tagapayo at ang Korum ng Labindalawang Apostol na utusan ang mga bishop na “hayaaang iorganisa [ng kababaihan] ang mga Female Relief Society sa iba’t ibang ward.” Dagdag pa niya, “Maaaring isipin ng ilan na maliit na bagay lamang ito, ngunit hindi.”7

Kalaunan, sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith na taliwas sa mga organisasyon sa mundo, na “gawa [ng kalalakihan], o gawa [ng] kababaihan,” ang Relief Society ay “buong kabanalang itinayo, binigyang kapahintulutan, pinasimulan, inorden ng Diyos.”8 Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith sa kababaihan na “binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ang maraming dakilang bagay.”9 Sabi niya, “Kayo ay mga miyembro ng pinakadakilang samahan ng kababaihan sa daigdig, isang organisasyon na mahalagang bahagi ng kaharian ng Diyos sa lupa at mahusay na ipinlano at pinamamahalaan kaya’t natutulungan nito ang matatapat na miyembro upang magkaroon ng buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama.”10

Isang Napakalawak na Impluwensya

Taun-taon, daan-daang libong kababaihan at kabataang babae ang nagiging bahagi nitong patuloy na lumalaking “samahan ng kababaihan.”11 Simula noon, saanman nakatira at naglilingkod ang isang babae, doon siya nananatiling miyembro at kabilang sa Relief Society.12 Dahil sa mahahalagang layunin ng Relief Society, ipinahayag ng Unang Panguluhan ang hangarin nilang simulan ng mga kabataang babae ang kanilang paghahandang mapabilang sa Relief Society bago pa man sila mag-18 taong gulang.13

Ang Relief Society ay hindi isang programa. Ito ay isang opisyal na bahagi ng Simbahan ng Panginoon na “inorden ng Diyos” upang magturo, magpalakas, at magbigay-inspirasyon sa kababaihan sa kanilang layunin tungkol sa pananampalataya, pamilya, at kaginhawahan. Ang Relief Society ay isang uri ng pamumuhay para sa kababaihang Banal sa mga Huling Araw, at ang impluwensya nito ay hindi lamang sa isang klase sa araw ng Linggo o pagtitipon. Sinusundan nito ang huwaran ng mga babaeng disipulo na naglingkod sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang mga Apostol sa Kanyang Simbahan noong araw.14 Tinuruan tayo na “obligasyon ng isang babae na taglayin sa kanyang buhay ang mabubuting katangiang itinataguyod ng Relief Society gaya ng obligasyon ng kalalakihan na taglayin sa kanilang buhay ang mga huwaran ng pag-uugaling itinataguyod ng priesthood.”15

Nang inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society, itinuro niya sa kababaihan na “magbigay-ginhawa sa mga dukha” at “magligtas ng mga kaluluwa.”16 Sa kanilang tungkuling “magligtas ng mga kaluluwa,” awtorisado ang kababaihan na mag-organisa at makibahagi sa isang napakalawak na impluwensya. Ang unang Relief Society president ay itinalaga upang ipaliwanag ang mga banal na kasulatan, at nasa Relief Society pa rin ang mahalagang responsibilidad na magturo sa Simbahan ng Panginoon. Nang sabihin ni Joseph Smith sa kababaihan na ihahanda sila ng organisasyon ng Relief Society sa “mga pribilehiyo, pagpapala, at kaloob ng Priesthood,”17 nabuksan sa kanila ang gawain ng kaligtasan ng Panginoon. Kabilang sa pagliligtas ng mga kaluluwa ang pagbabahagi ng ebanghelyo at pakikibahagi sa gawaing misyonero. Kabilang dito ang pagsasagawa ng gawain sa templo at family history. Kabilang dito ang paggawa ng lahat ng posible para makaasa sa sarili sa esprituwal at temporal.

Ipinahayag ni Elder John A. Widtsoe na naghahandog ang Relief Society ng “pag-aahon sa kahirapan, pagpapagaling sa karamdaman; pagpawi sa pag-aalinlangan, pagdaig sa kamangmangan—pag-aalis sa lahat ng humahadlang sa kagalakan at pag-unlad ng kababaihan. Napakadakilang gawain!”18

Inihalintulad ni Pangulong Boyd K. Packer ang Relief Society sa “isang nagpoprotektang pader.”19 Ang responsibilidad na protektahan ang kababaihan at kanilang pamilya ay nagpapaibayo sa kahalagahang mangalaga at maglingkod ng mga visiting teacher, at ito ay nagpapamalas ng ating kahandaang alalahanin ang ating mga tipan sa Panginoon. Bilang mga “[tagapaglingkod sa] mga nangangailangan at nagdadalamhati,” nakikipagtulungan tayo sa mga bishop sa pangangalaga sa temporal at espirituwal na mga pangangailangan ng mga Banal.20

Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Maraming kababaihan ang namumuhay sa mga basahan—espirituwal na mga basahan. May karapatan silang magsuot ng magagandang [kasuotan], ng mga espirituwal na [kasuotan]. … Pribilehiyo ninyong magpunta sa mga tahanan at palitan ng [magagandang kasuotan] ang mga basahan.”21 Ibinahagi ni Pangulong Harold B. Lee ang pananaw na ito. Sabi niya: “Hindi ba ninyo nakikita kung bakit iniatang ng Panginoon sa … Relief Society ang pagdalaw sa mga tahanang ito? Dahil, maliban sa Panginoon, wala nang iba pa sa Simbahan ang may taglay ng higit na kabaitan, higit na pag-unawa sa mga puso at buhay ng mga indibiduwal na ito.”22

Binalaan ni Pangulong Joseph F. Smith ang kababaihan ng Relief Society at kanilang mga lider, sinasabi na ayaw niyang “dumating ang panahon na ang ating mga Relief Society ay susunod, o makikihalubilo at mawawala ang kanilang sariling pagkakakilanlan sa pakikisalamuha sa mga organisasyong … gawa ng kababaihan.” Inaasahan niya na ang kababaihan “ang [aakay] sa daigdig at … lalo na [sa] kababaihan ng daigdig, sa lahat ng bagay na maipagkakapuri, sa lahat ng bagay na maka-Diyos, sa lahat ng bagay na nagbibigay-sigla at nakapagpapadalisay sa mga anak ng tao.”23 Ang kanyang payo ay nagbibigay-diin sa utos na alisin ang mga tradisyon, tema, uso, at kalakaran, at ilakip ang mga gawing tugma sa mga layunin ng Relief Society.

Ang mga lider na naghahangad ng paghahayag ay makatitiyak na isinasakatuparan ng bawat pulong, aralin, klase, aktibidad, at gawain ng Relief Society ang mga layunin ng pagkaorganisa nito. Ang pagkakalapit, pagkakaibigan, at pagkakaisang hangad natin ang magiging magagandang bunga ng paglilingkod na kasama ng Panginoon sa Kanyang gawain.

Pagsasakatuparan ng Pananaw ng mga Propeta

Kamakailan ay nagpatotoo si Pangulong Thomas S. Monson at kanyang mga tagapayo “na ipinanumbalik ng Panginoon ang kabuuan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at na ang Relief Society ay mahalagang bahagi ng panunumbalik na iyon.” Bilang patunay sa hangarin nilang maingatan ang “maringal na pamana” ng Relief Society, kamakailan ay naglathala at namahagi sa buong mundo ang Unang Panguluhan ng Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society. Sa mga pahina ng aklat na ito, matatagpuan natin ang mga huwaran at halimbawa ng kababaihan at kalalakihang nakikipagtulungan sa mga pamilya at sa Simbahan, at matututuhan natin ang mga alituntunin kung sino tayo, ano ang ating pinaniniwalaan, at sino ang dapat nating protektahan. Hinikayat tayo ng Unang Panguluhan na pag-aralan ang mahalagang aklat na ito at “hayaang mabigyang-inspirasyon ng walang-hanggang mga katotohanan at nakaaantig na mga halimbawa nito ang [ating] buhay.”24

Kapag mas umayon ang kababaihan sa mga layunin ng Relief Society, maisasakatuparan ang pananaw ng mga propeta. Sabi ni Pangulong Kimball, “May kapangyarihan sa organisasyong ito [ng Relief Society] na hindi pa lubusang nagagamit para palakasin ang mga tahanan ng Sion at itayo ang Kaharian ng Diyos—at hindi ito magagamit hangga’t hindi nauunawaan kapwa ng kababaihan at ng priesthood ang mithiin ng Relief Society.”25 Ipinropesiya niya na “karamihan sa malalaking pag-unlad na mangyayari sa Simbahan sa mga huling araw ay darating dahil marami sa mabubuting kababaihan ng mundo (na kadalasan ay may gayon kalalim na espirituwalidad) ang madadala sa Simbahan. Mangyayari ito sa antas na … ang kababaihan ng Simbahan … [ay] makikitang kakaiba—sa masayang paraan—kung ihahambing sa kababaihan ng mundo.”26

Nagpapasalamat ako sa pananaw ng mga propeta tungkol sa Relief Society. Gaya ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “kumbinsido ako na wala nang iba pang organisasyon kahit saan na makapapantay sa Relief Society ng Simbahang ito.”27 Responsibilidad natin ngayon na iayon ang ating sarili sa pananaw ng mga propeta tungkol sa Relief Society sa pagpapaibayo ng pananampalataya, pagpapalakas ng mga pamilya, at pagbibigay ng kaginhawahan.

Magtatapos ako sa mga salita ni Pangulong Lorenzo Snow: “Maganda ang bukas na naghihintay sa [Relief] Society. Sa paglago ng Simbahan, ito ay lubos na mapapakinabangan, at lalo pa itong magagamit sa kabutihan kaysa noon.”28 Sa kababaihang tumutulong na isulong ang kaharian ng Diyos, sabi niya, “Sa pakikibahagi ninyo sa mga gawaing ito, halos makatitiyak kayo na kabahagi kayo sa tagumpay ng gawain at sa kadakilaan at kaluwalhatiang ibibigay ng Panginoon sa Kanyang matatapat na anak.”29 Ang pananaw na ito ay akin ding pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Julie B. Beck, “Pagsasakatuparan ng Layunin ng Relief Society,” Liahona, Nob. 2008, 108–11.

  2. Tingnan sa Julie B. Beck, BYU Women’s Conference address (Abr. 29, 2011), http://ce.byu.edu/cw/womensconference/archive/2011/pdf/JulieB_openingS.pdf; “Ang Inaasahan Kong Maunawaan ng Aking mga Apong Babae (at Lalaki) tungkol sa Relief Society,” Liahona, Nob. 2011, 109–13; “Relief Society: Isang Sagradong Gawain,” Liahona, Nob. 2009, 110–14.

  3. Tingnan sa Julie B. Beck, “Why We Are Organized into Quorums and Relief Societies” (Brigham Young University devotional address, Ene. 17, 2012), speeches.byu.edu.

  4. Ang mensaheng ito ay hindi isang malawak na paglalahad ng lahat ng ipinahayag ng mga propeta tungkol sa Relief Society. Isang halimbawa lamang ito ng kanilang pananaw at direksyon. Ang Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Kasaysayan at Gawain ng Relief Society, mga ulat sa kumperensya, at iba pang lathalain ng Simbahan ay naglalaman ng mas maraming turo tungkol sa paksang ito.

  5. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 16.

  6. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 18.

  7. Brigham Young, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 49.

  8. Joseph F. Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 78.

  9. Joseph Fielding Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 167.

  10. Joseph Fielding Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 113.

  11. Boyd K. Packer, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 102.

  12. Tingnan sa Boyd K. Packer, “The Circle of Sisters,” Ensign, Nob. 1980, 110.

  13. Tingnan sa mga liham ng Unang Panguluhan, Mar. 19, 2003, at Peb. 23, 2007.

  14. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 3–7.

  15. Boyd K. Packer, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 19.

  16. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 20.

  17. Joseph Smith, sa History of the Church, 4:602.

  18. John A. Widtsoe, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 29.

  19. Boyd K. Packer, Ensign, Nob. 1980, 110.

  20. Joseph Fielding Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 167.

  21. Spencer W. Kimball, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 139.

  22. Harold B. Lee, “The Place of Relief Society in the Welfare Plan,” Relief Society Magazine, Dis. 1946, 842.

  23. Joseph F. Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 78.

  24. Ang Unang Panguluhan, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, ix.

  25. Spencer W. Kimball, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 166.

  26. Spencer W. Kimball, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 113–14.

  27. Gordon B. Hinckley, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 188.

  28. Lorenzo Snow, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 21.

  29. Lorenzo Snow, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 8.