2012
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
Mayo 2012


Ang mga Manggagawa sa Ubasan

Elder Jeffrey R. Holland

Makinig lamang sa pahiwatig ng Espiritu Santo na nagsasabi sa inyo ngayon, sa sandaling ito mismo, na dapat ninyong tanggapin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.

Sa mga tinawag at ini-release ng Unang Panguluhan kanina, hayaan ninyong sabihin ko para sa ating lahat na lagi nating aalalahanin at mamahalin ang mga naglingkod nang napakatapat, tulad ng pagmamahal at pagtanggap natin kaagad sa mga bagong manunungkulan ngayon. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong lahat.

Gusto kong magsalita ngayon tungkol sa talinghaga ng Tagapagligtas kung saan isang may-ari ng lupa ang “lumabas pagkaumagang-umaga, upang umupa ng manggagawa sa kaniyang ubasan.” Matapos makakuha ng mga manggagawa nang alas-6:00 ng umaga, bumalik siya nang alas-9:00 n.u., at nang alas-12:00 ng tanghali, at nang alas-3:00 ng hapon, para umupa ng iba pang mga manggagawa upang tiyak na matapos ang pag-ani. Sinabi sa banal na kasulatan na bumalik siya sa huling pagkakataon, “nang malapit na ang ikalabing-isang oras” (mga alas-5:00 ng hapon), at umupa ng huling grupo ng mga manggagawa. Makalipas lamang ang isang oras, nagtipon ang mga manggagawa para sumahod sa araw na iyon. Nakakagulat na pare-pareho ang natanggap nilang sahod kahit iba-iba ang oras na kanilang ipinagtrabaho. Agad nagalit ang unang grupong inupahan, at sinabing, “Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli, Sila’y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog.”1 Sa pagbasa ng talinghagang ito, marahil, tulad ng mga manggagawang iyon, iisipin din ninyo na hindi nga iyon makatarungan. Hayaan ninyong magsalita ako tungkol diyan.

Una sa lahat mahalagang malaman na wala ni isa na naagrabiyado rito. Pumayag ang unang mga manggagawa sa buong araw na sahod, at natanggap nila iyon. Bukod pa riyan, sa wari ko ay malaki ang pasasalamat nila na natanggap sila sa trabaho. Sa panahong iyon ng Tagapagligtas, ang karaniwang manggagawa at kanyang pamilya ay umaasa lamang sa kita nila sa maghapon. Kung hindi ka nag-ani o nangisda o nagtinda, malamang na wala kang kakainin. Dahil mas maraming manggagawa kaysa gawain, pinakamasuwerte ang unang grupong ito sa lahat ng manggagawa sa umagang iyon.

Kaya nga, kung may dapat mang kaawaan, iyon ay ang kalalakihang hindi napili noong una na may mga pamilya ring pakakainin at daramitan. Tila hindi sinuwerte ang ilan sa kanila kahit kailan. Sa bawat pagbisita ng katiwala sa buong maghapon, nakita nila na palaging may ibang napipili.

Ngunit sa pagtatapos ng araw, bumalik sa ikalimang beses ang may-ari na may dalang pambihirang huling alok! Ang huli at lubhang pinanghinaan ng loob na mga manggagawang ito, nang marinig na tatratuhin sila nang patas, ay tinanggap ang alok kahit hindi nila alam kung magkano ang kanilang magiging sahod, batid na mas mabuti nang may trabaho kaysa wala, na matagal na nilang nararanasan. At nang kumuha na sila ng sahod, nagulat sila na pare-pareho ang ibinayad sa kanilang lahat! Gulat na gulat siguro sila at talagang labis na nagpasalamat! Tiyak na noon lang sila nakaranas ng gayon kalaking pagkahabag simula pa noong nagtrabaho sila.

Sa pagbabasa ko sa kuwentong ito ay nadama ko na kailangang makita ang pagrereklamo ng mga unang manggagawa. Tulad ng sinabi sa kanila ng may-ari ng lupa sa talinghaga (at iibahin ko lang nang kaunti): “Mga kaibigan, naging makatarungan ako sa inyo. Pumayag kayo sa magiging bayad sa inyo sa buong araw, magandang kita na ito. Napakasaya ninyo nang matanggap kayo sa trabaho, at napakasaya ko sa pagsisilbi ninyo. Binayaran kayo nang buo. Kunin ninyo ang inyong sahod at tamasahin ang pagpapala. Para sa iba naman, malaya naman akong gawin ang gusto kong gawin sa pera ko.” At narito ang nakapupukaw na tanong para sa sinuman noon o ngayon na kailangang makarinig nito: “Bakit ka maiinggit kung piliin kong maging mabait?

Mga kapatid, may mga pagkakataon sa buhay natin na ibang tao ang nagtatamo ng di-inaasahang pagpapala o tumatanggap ng espesyal na pagkilala. Maaari ba akong magsumamo sa inyo na huwag kayong maghinanakit—at huwag mainggit—kapag nagkakaroon ng magandang kapalaran ang iba? Walang nababawas sa atin kapag may nadaragdag sa iba. Hindi tayo nagpapaligsahan para makita kung sino ang pinakamayaman o pinakamatalino o pinakamaganda o pinakamapalad. Ang paligsahang talagang pinasukan natin ay ang paligsahan laban sa kasalanan, at walang duda na inggit ang isa sa mga kasalanang maaaring pagdaanan ninuman.

Bukod pa rito, ang inggit ay isang pagkakamaling hindi mapigilan. Malinaw na nagdurusa tayo nang kaunti kapag may kamalasang dumarating sa atin, ngunit dahil sa inggit ay nagdurusa tayo sa lahat ng mabuting kapalarang dumarating sa lahat ng kakilala natin! Wala kang pag-asa sa hinaharap kapag ganyan—napakalungkot mo tuwing may isang tao sa paligid mo na masaya! Mas nakakahiya pa kapag sa bandang huli, nalaman natin na tunay na ang Diyos ay kapwa makatarungan at maawain, na ibinibigay sa lahat ng panig sa Kanya “ang lahat niyang pagaari,”2 tulad ng sabi sa banal na kasulatan. Kaya ang unang aral mula sa ubasan ng Panginoon: ang pag-iimbot, pagmamalaki, o paninira ay hindi nag-aangat sa katayuan mo, ni hindi nagpapaganda ng reputasyon mo ang paghamak mo sa iba. Kaya maging mabait, at magpasalamat na mabait ang Diyos. Paraan iyan para mabuhay nang masaya.

Ang pangalawang nais kong talakayin mula sa talinghagang ito ay ang malungkot na pagkakamaling maaaring gawin ng iba kung hindi nila tatanggapin ang kanilang sahod sa pagtatapos ng araw dahil naging abala sila sa pag-iisip ng mga problema sa pagsisimula ng araw na iyon. Hindi naman sinabi sa talata na may nagbato ng kanyang sahod sa mukha ng may-ari at pagalit na umalis nang walang kapera-pera, pero palagay ko maaaring may gumawa nga niyon.

Pinakamamahal kong mga kapatid, ang nangyari sa kuwentong ito noong alas-9:00 o noong tanghali o noong alas-3:00 ay balewala kumpara sa kamangha-manghang ibinayad sa mga manggagawa sa pagtatapos ng araw na iyon. Ang pormula para manampalataya ay magpatuloy, magsumikap, magsimula hanggang matapos, at hayaang mapawi ang mga alalahanin noong una—totoo man iyon o inakala lang—sa kasaganaan ng gantimpala sa bandang huli. Huwag isipin ang mga dating problema o hinanakit—sa sarili ninyo o sa kapwa ninyo o, idaragdag ko pa, maging sa Simbahang ito na totoo at buhay. Ang karingalan ng inyong buhay, ng buhay ng inyong kapwa, at ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mahahayag sa huling araw, kahit hindi laging kilalanin ng lahat ang karingalang iyon sa simula. Kaya’t huwag gaanong mabahala sa anumang nangyari noong alas-9:00 ng umaga kapag sinisikap kayong gantimpalaan ng biyaya ng Diyos pagsapit ng alas-6:00 ng gabi—anuman ang napagkasunduan ninyong sahod para sa buong maghapon.

Inuubos natin ang ating damdamin at espirituwalidad sa mahigpit na pagkapit sa alaala ng maling tikladong napindot natin noong bata pa tayo sa piano recital, o sa nasabi ng ating asawa 20 taon na o mahigit pa ang nakalipas kaya determinado tayong ipaalala iyon sa kanya sa susunod na 20 taon pa, o sa isang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan na nagpatunay na laging pipilitin ng mga mortal na tao na makaagapay sa mga inaasahan sa kanila ng Diyos. Kahit hindi sa inyo nagsimula ang isa sa mga hinanakit na iyon, maaaring sa inyo magtapos iyon. At may napakalaking gantimpalang darating dahil sa kontribusyong iyon kapag tinitigan kayo ng Panginoon ng ubasan sa mata at lahat ng mali ay naitama sa katapusan ng buhay natin sa lupa.

At diyan pumapasok ang pangatlo at huling punto ko. Ang talinghagang ito—gaya ng lahat ng talinghaga—ay hindi talaga tungkol sa mga manggagawa o sahod tulad din na ang ibang talinghaga ay hindi naman talaga tungkol sa mga tupa at kambing. Tungkol ito sa kabutihan ng Diyos, sa Kanyang tiyaga at pagpapatawad, at sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Ito ay kuwento tungkol sa kabaitan at pagkahabag. Ito ay tungkol sa biyaya. Binibigyang-diin nito ang ideyang narinig ko maraming taon na ang nakalilipas na ang bagay na lubhang ikinatutuwa ng Diyos sa pagiging Diyos ay ang pagiging maawain, lalo na sa mga taong hindi ito inaasahan at kadalasan ay nadarama na hindi sila karapat-dapat dito.

Hindi ko alam kung sino sa inyong narito ngayon ang kailangang makarinig sa mensaheng ito ng pagpapatawad na nasa talinghagang ito, ngunit gaano man ninyo iniisip na huli na kayo, gaano man karaming pagkakataon ang iniisip ninyong lumagpas sa inyo, gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo o mga talentong wala kayo, o gaano man kayo napalayo sa inyong tahanan at pamilya at sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.

Hindi man kayo kabilang sa aming relihiyon o nakasama man namin kayo noon at hindi kayo nanatili, wala kayong nagawang pagkakamali na hindi maitatama. Walang problemang hindi ninyo malulutas. Walang pangarap na hindi matutupad sa paglipas ng panahon at sa kawalang-hanggan. Kahit nadarama ninyo na kayo ang naligaw at huling manggagawa sa ikalabing-isang oras, nag-aanyaya pa rin ang Panginoon ng ubasan. “Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya,”3 at magpatirapa sa paanan ng Banal ng Israel. Halinang magpakabusog “ng walang salapi at walang bayad”4 sa dulang ng Panginoon.

Nakikiusap ako lalo na sa mga asawa at ama, mga mayhawak ng priesthood o hahawak ng priesthood, na, sabi nga ni Lehi, “Gumising! at bumangon mula sa alabok … at magpakalalaki.”5 Hindi naman lagi ngunit madalas ay kalalakihan ang tumatanggi sa panawagang “makiisa.”6 Tila mas may pagkukusa ang kababaihan at mga bata. Mga kapatid, panahon na para kumilos. Gawin ito para sa inyong sariling kapakanan. Gawin ito para sa kapakanan ng mga nagmamahal sa inyo at ipinagdarasal na tumugon kayo. Gawin ito para sa Panginoong Jesucristo, na nagbayad ng di-mawaring halaga para sa kinabukasang nais Niyang makamtan ninyo.

Pinakamamahal kong mga kapatid, sa inyo na napagpala ng ebanghelyo sa loob ng maraming taon dahil pinalad kayong matagpuan ito nang maaga, sa inyo na unti-unting nakabatid sa ebanghelyo kalaunan, at sa inyo—miyembro man kayo o hindi pa—na nag-aalangan pang sumapi, sa bawat isa sa inyo, sa lahat-lahat, pinatototohanan ko ang nagpapabagong kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos at ang himala ng Kanyang biyaya. Ang mahalaga sa Kanya ay ang pananampalatayang kakamtin ninyo, hindi kung kailan ninyo ito natamo.

Kaya kung nakipagtipan na kayo, tuparin ninyo ang mga ito. Kung hindi pa, makipagtipan na kayo. Kung nakipagtipan na kayo at nilabag ninyo ang mga ito, magsisi at iwasto ang mga ito. Hindi pa huli kailanman hangga’t sinasabi ng Panginoon ng ubasan na may oras pa. Makinig lamang sa pahiwatig ng Espiritu Santo na nagsasabi sa inyo ngayon, sa sandaling ito mismo, na dapat ninyong tanggapin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at masiyahan kayo sa Kanyang ginawa. Huwag magpaliban. Baka mahuli na ang lahat. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.