2012
Ang Layunin ng Paglilingkod sa Priesthood
Mayo 2012


Ang Layunin ng Paglilingkod sa Priesthood

Ang pag-unawa sa layunin ng ebanghelyo at layunin ng priesthood ay tutulong sa atin na makita ang banal na layunin ng lahat ng ito.

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Itinatangi ko ang magandang pagkakataong ito na makapulong ang mga kapatid sa priesthood at magalak na kasama ninyo sa kagandahan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pinupuri ko ang inyong pananampalataya, mabubuting gawa, at walang-maliw na kabutihan.

Nagkakaisa tayo dahil tinanggap nating lahat ang ordinasyon sa priesthood ng Diyos mula sa mga taong pinagkatiwalaang humawak ng banal na awtoridad ng priesthood. Malaking pagpapala ito. Ito ay isang sagradong responsibilidad.

Ang Kapangyarihan ng Layunin

Kamakailan lang ay pinag-iisipan ko ang dalawang mahalagang tungkuling tinanggap ko bilang mayhawak ng priesthood sa Simbahan.

Dumating ang isa sa mga tungkuling ito noong deacon ako. Nagsimba kami ng pamilya ko sa branch ng Simbahan sa Frankfurt. Mapalad kaming magkaroon ng maraming mababait na tao sa maliit naming branch. Isa sa kanila ang aming branch president, si Brother Landschulz. Hangang-hanga ako sa kanya, kahit mukhang lagi siyang seryoso, napakapormal, at kadalasang nakasuot ng itim na amerikana. Naaalala ko pa noong binatilyo ako na nagbibiruan kami ng mga kaibigan ko tungkol sa pagiging makaluma ng branch president namin.

Natatawa akong isipin ito ngayon dahil napakaposibleng gayon din ang tingin sa akin ng mga kabataan ng Simbahan ngayon.

Isang araw ng Linggo, itinanong ni President Landschulz kung maaari niya akong kausapin. Ang una kong naisip ay, “Ano ang nagawa kong mali?” Pumasok sa isip ko ang maraming bagay na maaaring nagawa ko na naghikayat sa branch president na ito na kausapin ang isang deacon.

Pinapasok ako ni President Landschulz sa isang munting silid-aralan—walang opisina ang chapel namin para sa branch president—at doon ay ibinigay sa akin ang tungkuling maging deacons quorum president.

“Mahalagang katungkulan ito,” wika niya, at nag-ukol ng oras na ipaliwanag ang dahilan. Ipinaliwanag niya ang inaasahan niya at ng Panginoon sa akin at kung paano ako makatatanggap ng tulong.

Hindi ko matandaan ang karamihan sa sinabi niya, ngunit tandang-tanda ko ang nadama ko. Nadama ko ang sagrado at banal na Espiritu sa aking puso habang nagsasalita siya. Nadama ko na ito ang Simbahan ng Tagapagligtas. At nadama ko na ang tungkuling ibinigay niya ay binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo. Natatandaan ko na paglabas ko sa munting silid-aralang iyon ay parang lumulutang ako sa tuwa.

Halos 60 taon na ang nakalipas mula noon, at ramdam ko pa rin ang tiwala at pagmamahal na iyon.

Habang ginugunita ko ang karanasang ito, sinikap kong alalahanin kung ilan ang deacon sa branch namin noon. Ang pagkatanda ko, dalawa sila. Gayunman, maaaring malaking eksaherasyon ito.

Ngunit hindi talaga mahalaga kung may isa o isang dosenang deacon. Karangalan ko iyon, at nais kong maglingkod hangga’t kaya ko at hindi ko bibiguin ang branch president ko o ang Panginoon.

Natanto ko ngayon na maaaring basta na lang ako tawagin ng branch president sa katungkulang iyon nang hindi ito pinag-iisipan. Maaaring basta sabihan lang niya ako sa pasilyo o sa priesthood meeting namin na ako na ang bagong deacons quorum president.

Sa halip, pinag-ukulan niya ako ng oras at tinulungan akong maunawaan hindi lamang ang kahulugan ng tungkulin at bagong responsibilidad ko kundi, mas mahalaga, ang layunin nito.

Isang bagay iyan na hinding-hindi ko malilimutan.

Ang punto ng kuwentong ito ay hindi lamang para ilarawan kung paano magbigay ng mga tungkulin sa Simbahan (bagama’t magandang aral ito tungkol sa wastong paraan ng paggawa niyon). Isang halimbawa ito sa akin ng kapangyarihang manghikayat ng pamumuno sa priesthood na nagpapasigla sa espiritu ng tao at nagbibigay ng inspirasyong kumilos.

Kailangan tayong paalalahanan palagi sa mga walang-hanggang dahilan ng mga bagay na ipinagagawa sa atin. Ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ay kailangang maging bahagi ng ating buhay, kahit mangahulugan ito na paulit-ulit natin itong pag-aralan. Hindi ibig sabihin niyan ay paulit-ulit lang o nakababagot ang prosesong ito. Sa halip, kapag nagturo tayo ng mga batayang alituntunin sa ating tahanan o sa simbahan, hayaang ang masigasig na pamumuhay sa ebanghelyo at malakas na patotoo ay maghatid ng kaalaman, kasiglahan, at kaligayahan sa puso ng mga tinuturuan natin.

Mula sa pinakahuling deacon na inorden hanggang sa pinaka-senior high priest, lahat tayo ay may listahan ng mga bagay na maaari at dapat nating gawin sa mga responsibilidad natin sa priesthood. Ang mga bagay na dapat gawin ay mahalaga sa ating gawain, at kailangan natin itong asikasuhin. Ngunit dito natin natutuklasan sa layunin ng paglilingkod sa priesthood ang kasiglahan, pagmamahal, at kapangyarihan ng priesthood.

Ang kahulugan ng paglilingkod sa priesthood ay nagtuturo sa atin ng dapat nating gawin. Ang layunin ay nagbibigay ng inspirasyon sa ating mga kaluluwa.

Ang kahulugan ay nagbibigay-kaalaman, ngunit ang layunin ay nagpapabago.

Sagana sa “Mabubuting” Bagay na Gagawin

Isa pang tungkulin sa priesthood na naisip kong napasaakin pagkaraan ng maraming taon ay noong magkapamilya na ako. Nagbalik kami sa Frankfurt, at katataas pa lang ng katungkulan ko sa trabaho na mangangailangan ng malaking oras at atensyon ko. Sa abalang panahong ito sa buhay ko, ibinigay sa akin ni Elder Joseph B. Wirthlin ang tungkuling maglingkod bilang stake president.

Nang interbyuhin niya ako, maraming pumasok sa isipan ko, at ang nakapag-alala sa akin ay baka wala akong sapat na oras para sa tungkuling ito. Bagama’t napakumbaba ako at karangalan kong matawag sa tungkuling ito, saglit kong pinag-isipan kung tatanggapin ko ito. Ngunit saglit lang iyon dahil alam ko na si Elder Wirthlin ay tinawag ng Diyos at ginagawa niya ang gawain ng Panginoon. Ano pa ang magagawa ko kundi tanggapin ito?

May mga pagkakataon na kailangan nating sumampalataya kahit hindi natin alam ang kahihinatnan, tiwala na sasagutin at papatnubayan tayo ng Diyos. Kaya nga masaya kong tinanggap iyon, batid na tutulungan ako ng Diyos.

Sa mga unang araw ko sa tungkuling ito, nagkaroon kami ng pribilehiyo bilang isang stake na tumanggap ng training mula sa ilan sa magagaling na guro at lider sa Simbahan—mga lalaking gaya nina Elder Russell M. Nelson at Pangulong Thomas S. Monson. Ang kanilang pagtuturo ay parang pagpapala ng langit at isang inspirasyon sa amin. Nasa akin pa ang mga itinala ko mula sa mga training na ito. Ipinaunawa sa amin ng mga Kapatid na ito ang kahulugan ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling patotoo at pagpapalakas ng mga pamilya. Tinulungan nila kaming makita kung paano ipamuhay ang katotohanan at mga alituntunin ng ebanghelyo sa partikular naming mga sitwasyon at oras. Sa madaling salita, tinulungan kami ng mga inspiradong lider na makita ang layunin ng ebanghelyo, at kinailangan naming maghanda at kumilos.

Hindi nagtagal at natanto namin na maraming magagawa ang stake presidency—katunayan, napakarami, kaya kung hindi kami magtatakda ng mga prayoridad, baka hindi namin magawa ang mahahalagang bagay. Naglitawan ang mga prayoridad na umagaw ng aming pansin, na naglihis sa aming tuon sa pananaw na ibinahagi ng mga Kapatid. Maraming “mabubuting” bagay na gagawin, ngunit hindi lahat ay pinakamahalaga.

May natutuhan kaming mahalagang aral: ang katotohanan na mabuti ang isang bagay ay hindi laging sapat na dahilan para kailanganin ang ating oras at kabuhayan. Ang ating mga aktibidad, inisyatibo, at plano ay dapat maging inspirado at isalig sa layunin ng ating paglilingkod sa priesthood at hindi sa anumang pansamantalang kalakaran o mababaw na hangarin. Kung hindi, maaapektuhan nito ang ating mga pagsisikap, babawasan ang ating sigla, at ilululong tayo sa sarili nating espirituwal o temporal na mga gawi, na hindi mahalaga sa pagkadisipulo.

Mga kapatid, alam nating lahat na kailangan ng disiplina sa sarili para manatiling nakatuon sa mga bagay na lubos na tutulong sa atin na mapag-ibayo ang pagmamahal natin sa Diyos at sa kapwa-tao, mapasigla ang pagsasama ng mga mag-asawa, mapalakas ang mga pamilya, at maitayo ang kaharian ng Diyos. Katulad ng punungkahoy na mayabong sa mga sanga at dahon na pinupungusan, kailangang regular nating alisin ang mga gumagambala sa ating buhay para matiyak na ginagamit natin ang ating lakas at panahon upang isakatuparan ang tunay nating layunin—ang “magbunga ng mabuti”!1

Hindi Kayo Nag-iisa

Kaya paano natin malalaman kung ano ang pipiliin? Responsibilidad ng bawat isa sa atin na pagpasiyahan ito para sa ating sarili. Gayunman, iniuutos sa atin na masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, sundin ang mga salita ng mga propeta, at gawin itong isang panalangin na puno ng pananampalataya, taimtim, at taos-puso.

Mga kapatid, ang Diyos ay tapat. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sasabihin Niya sa ating puso’t isipan kung anong landas ang dapat nating tahakin sa bawat yugto ng ating buhay.

Kung dalisay ang ating puso—kung hindi natin hahangarin ang sarili nating kaluwalhatian kundi ang sa Diyos na Maykapal, kung hangad nating pagpalain ang buhay ng ating pamilya at kapwa-tao—hindi tayo iiwanang mag-isa. Tulad ng madalas ipaalala sa atin ni Pangulong Monson, “Kapag tayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon.”2

Ang inyong Ama sa Langit “ay magpapauna sa inyong harapan. [Siya] ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang [Kanyang] Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang [Kanyang] mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”3

Ang Kapangyarihan ng Paggawa

Mahal kong mga kapatid, ang mga banal na pagpapala para sa paglilingkod sa priesthood ay natatamo sa masigasig nating pagsisikap, kahandaan nating magsakripisyo, at hangaring gawin ang tama. Kumilos tayo at huwag na nating hintaying pakilusin tayo ng iba. Mabuti ang mangaral, ngunit ang mga pangaral na hindi humahantong sa pagkilos ay parang apoy na walang init o tubig na hindi makatighaw ng uhaw.

Sa pagsasabuhay ng doktrina tumitindi ang nagpapadalisay na alab ng ebanghelyo at sumisigla ang kapangyarihan ng priesthood sa ating kaluluwa.

Sinabi ni Thomas Edison, ang lalaking nag-imbento ng bombilya, na “nagkakaroon lamang ng halaga ang isang ideya kapag ginamit ito.”4 Sa ganito ring paraan, nagiging mas mahalaga ang doktrina ng ebanghelyo kapag isinagawa ito.

Hindi natin dapat panatilihing hindi lumalalim ang mga doktrina ng priesthood sa ating puso at hindi ipinamumuhay. Kung may mag-asawa o pamilyang kailangang sagipin—marahil kahit ang sa atin—huwag na tayong maghintay pa. Bagkus, pasalamatan natin ang Diyos para sa plano ng kaligayahan na kinapapalooban ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapatawad, at pagbabagong buhay. Ang pagsasabuhay ng doktrina ng priesthood ay magpapamarapat sa atin bilang mga asawa, ama, anak na nakauunawa sa layunin ng priesthood at sa kapangyarihan nitong muling makamit at maprotektahan ang ganda at kabanalan ng mga walang-hanggang pamilya.

Ang pangkalahatang kumperensya ay laging isang magandang pagkakataon para makinig at magsagawa. Samakatwid, tayo ay “maging tagatupad … ng salita, at huwag tagapakinig lamang.”5 Mga kapatid, pag-isipan ninyo ang mga salitang binigkas ng mga lingkod ng Diyos ngayong mga araw na ito. Pagkatapos ay lumuhod kayo. Hilingin sa Diyos, na ating Ama sa Langit, na liwanagin ang inyong isipan at antigin ang inyong puso. Magsumamo sa Diyos na patnubayan kayo sa inyong pang-araw-araw na buhay, sa inyong mga responsibilidad sa Simbahan, at sa nararanasan ninyong mga hamon sa panahong ito. Sundin ang mga panghihikayat ng Espiritu—huwag ipagpaliban. Kung gagawin ninyo ang lahat ng ito, ipinapangako ko na hindi kayo iiwanang mag-isa ng Panginoon.

Patuloy na Magtiyaga

Alam natin na sa kabila ng ating mabubuting intensyon, hindi laging umaayon sa plano ang mga bagay-bagay. Nagkakamali tayo sa buhay at sa paglilingkod natin sa priesthood. Nagkakamali tayo at nagkukulang paminsan-minsan.

Nang payuhan tayo ng Panginoon na “magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa [tayo] ay maging ganap,”6 kinikilala Niya na matagal ito at kailangan ng tiyaga. Ang pag-unawa sa layunin ng ebanghelyo at layunin ng priesthood ay tutulong sa atin na makita ang banal na layunin ng lahat ng ito. Hihikayatin tayo nito at bibigyan ng lakas na gawin ang mga tamang bagay, kahit mahirap pa ang mga ito. Bibiyayaan tayo ng kaliwanagan, karunungan, at direksyon sa pananatiling nakatuon sa mga pangunahing alituntunin ng pamumuhay sa ebanghelyo.

“Hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain?”7 Oo, mga kapatid, magpapatuloy tayo!

Sa patnubay ng Banal na Espiritu, matututo tayo sa ating mga pagkakamali. Kung tayo ay madapa, babangon tayo. Kung tayo ay mag-aalangan, magpapatuloy tayo. Hinding-hindi tayo mag-aatubili; hinding-hindi tayo susuko.

Bilang isang malakas na kapatiran ng walang-hanggang priesthood ng Diyos, tayo ay magsasama-sama, magtutulungan, na nakatuon sa mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at may pasasalamat na naglilingkod sa ating Diyos at kapwa-tao nang may katapatan at pagmamahal.

Buhay ang Diyos!

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay. Sila ay totoo! Nariyan Sila!

Hindi kayo nag-iisa. Mahal kayo ng Inyong Ama sa Langit at hangad Niyang pagpalain at suportahan kayo sa kabutihan.

Mapanatag na ang Diyos ay nangungusap sa sangkatauhan sa ating panahon. Mangungusap Siya sa inyo!

Nakita ni Propetang Joseph Smith ang sinabi niyang nakita niya. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ipinanumbalik sa mundo sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na Maykapal.

Dalangin ko na bilang mga mayhawak ng Kanyang priesthood, lagi tayong manatiling nakaayon sa layunin ng paglilingkod sa priesthood at gamitin natin ang mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo upang baguhin ang buhay natin at ng mga pinaglilingkuran natin.

Kapag ginawa natin ito, pababanalin, lilinisin, at dadalisayin ng walang-hanggang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ang ating espiritu at pagkatao hanggang sa maging kalalakihan tayo na dapat nating kahinatnan. Ito ang aking patotoo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.