2012
Bishop Dean M. Davies
Mayo 2012


Bishop Dean M. Davies

Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric

Bishop Dean M. Davies

Kapag nagtatanong ng mga detalye ang Pangulo ng Simbahan kay Bishop Dean Davies tungkol sa isang lugar na pagtatayuan ng templo, tulad ng gaano katagal itong lakarin mula sa pinakamalapit na sakayan ng bus, hindi lang katotohanan ng mga bagay-bagay ang sinasabi ni Brother Davies. Alam niya mismo ang naranasan ng patron sa pamamagitan ng paglalakad papunta roon.

“Paano mo ginagawa iyon?” minsan ay itinanong sa kanya ni Pangulong Gordon B. Hinckley.

Namumuhay si Bishop Dean Myron Davies—ang bagong tawag na Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric—nang may lubos na katapatan at pag-uukol ng pansin sa mga detalye.

Isinilang sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Setyembre 1951 kina Oliver T. at Myra Davies, lumaki si Bishop Davies sa isang pamilya na pagmamahal at pagtatrabaho ang gabay na mga alituntunin. Kung may isang bagay siyang gusto, kailangan niya itong pagtrabahuhan. Kapag hindi niya nakuha ang gustung-gusto niyang laruan sa paulit-ulit na pagsamo sa ina, pinag-iisipan niya ang kanyang mga opsiyon. Natatandaan pa niya ang hirap at ang resultang kasiyahan sa pagtulak sa isang lumang lawn mower sa matataas na damo sa bakuran ng isang kapitbahay.

Matapos maglingkod sa Uruguay/Paraguay Mission mula 1970 hanggang 1972, umuwi siya at pinakasalan si Darla James, isang kaibigan noon pa mang kabataan niya, noong Hunyo 1973 sa Salt Lake Temple. Nakamtan ni Bishop Davies ang bachelor’s degree sa agricultural economics mula sa Brigham Young University noong 1976 at kalaunan ay tumanggap ng advanced executive training sa Stanford University at sa Northwestern University.

Sa paglipas ng mga taon, silang mag-asawa at ang lima nilang anak ay nanirahan sa anim na estado nang maging interesado siya sa industriya ng real estate. Naglingkod siya bilang stake president, bilang tagapayo sa mga stake presidency, sa limang high council, sa mga bishopric, at sa iba’t ibang tungkulin sa ward. Naglingkod din siya bilang pangulo ng Puerto Rico San Juan Mission mula 1998 hanggang 2001. Nitong huling pagtawag sa kanya, nagtatrabaho siya bilang managing director ng Special Projects Department ng Simbahan.

Kabilang sa mga aral na natutuhan niya ay “mahal at ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang mga anak.”