Natatanging mga Aral
Dalangin ko na nawa’y patuloy nating batahin nang may pagtitiis ang ating mga pasanin at tulungan natin ang mga tao sa ating paligid na nahihirapan.
Sa nakaraang 20 buwan, nagkaroon kami ng pribilehiyong isilang sa aming pamilya ang isang napaka-espesyal na sanggol.
Ang munting si Paxton, ang aming apo, ay isinilang na may pambihirang sakit na iregularidad sa chromosome, isang genetic disorder na literal na nagpaiba sa kanya sa milyun-milyong tao. Para sa aming anak na babae at sa kanyang asawa, nagsimula ang di-inaasahang pangyayari na nagpabago sa kanilang buhay nang isilang si Paxton. Napakahirap ng pagsubok na ito para matuto ng mahahalagang aral na may kaugnayan sa mga kawalang-hanggan.
Itinuro ng mahal nating si Elder Russell M. Nelson, na katatapos lang magsalita sa atin:
“Sa mga kadahilanang karaniwan ay hindi nalalaman, may ilang taong isinisilang na may mga pisikal na limitasyon. Maaaring abnormal ang ilang bahagi ng katawan. Maaaring hindi gumana nang angkop ang mga sistema sa katawan. At ang buong katawan natin ay daranas ng sakit at kamatayan. Gayunman, ang pisikal na katawan na ipinagkaloob sa atin ay [walang katumbas]. …
“Hindi kailangang maging perpekto ang katawan para makamtan ang banal na tadhana. Katunayan, ang ilan sa pinakamagigiliw na espiritu ay nananahan sa mga katawang mahina. …
“Darating ang panahon na bawat “ espiritu at … katawan ay magsasamang muli sa … ganap na anyo; kapwa ang biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan’ (Alma 11:43). At dahil dito, maraming salamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay magiging ganap sa Kanya.”1
Kayong lahat na nahihirapan, nag-aalala, nawawalan ng pag-asa, o nalulungkot dahil sa inyong mahal sa buhay, alamin ito: lakip ang walang hanggang pagmamahal at walang katapusang pagkahabag, mahal ng Diyos na ating Ama sa Langit ang mga may kapansanan sa inyo at mahal Niya kayo!
Maaaring magtanong ang ilan kapag nakaranas ng ganitong paghihirap, bakit hinayaan ng Makapangyarihang Diyos na mangyari ito? At tiyak na susundan ng tanong na, bakit nangyari ito sa akin? Bakit kailangan nating magdanas ng sakit at mga pangyayari na pumipinsala o nagsasanhi ng maagang pagpanaw ng mga kapamilya o nagpapatagal sa kanilang paghihirap dahil sa sakit? Bakit tayo kailangang magdanas ng mga kasawian?
Sa mga sandaling ito maiisip natin ang dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Ang planong iyan, nang ihayag sa buhay bago pa tayo isinilang, ay nagpahiyaw sa atin sa kagalakan.2 Sa madaling salita, ang buhay na ito ay paghahanda para sa walang hanggang kadakilaan, at ibig sabihin niyan ay susubukan tayo. Iyan ang plano mula pa sa simula, at lahat ng tao ay susubukan.
Ang pagtitiwala sa kalooban ng Diyos ay mahalagang bahagi ng ating mortalidad. Sa pagsampalataya sa Kanya, makakahugot tayo ng lakas sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo sa mga panahong iyon na marami tayong katanungan at iilan lamang ang nasasagot.
Matapos Siyang Mabuhay na Mag-uli at magpunta sa mga lupain ng Amerika, inanyayahan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang lahat:
“Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa. …
“At ito ay nangyari na, nang siya ay makapagsalita nang gayon, lahat ng tao, ay magkakaayong humayo kasama ang kanilang maykaramdaman at mga nahihirapan, at kanilang mga lumpo, at kasama ang kanilang mga bulag, at kasama ang kanilang mga pipi, at ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya.”3
Makakahugot kayo ng lakas sa mga salitang “lahat ng tao ay … humayo”—lahat, mga kapatid. Tayong lahat ay dumaranas ng mga pagsubok. At pagkatapos ay ang mga katagang: “nahihirapan sa anumang paraan.” Nakakaugnay tayong lahat sa mga katagang ito, hindi ba?
Matapos isilang ang mahal naming si Paxton, alam namin na pagpapalain kami ng Ama sa Langit at tuturuan ng natatanging mga aral. Nang ipatong namin ng kanyang ama ang aming mga daliri sa munti niyang ulo para bigyan siya ng una sa maraming basbas ng priesthood, naisip ko ang mga salita mula sa ikasiyam na kabanata ng Juan: “upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios.”4
Tunay na naipakita ang mga gawa ng Diyos sa pamamagitan ni Paxton.
Natutuhan naming magtiis, manampalataya, at magpasalamat sa nagbibigay-ginhawang paglilingkod, napakaraming oras ng pag-aalala, mga luha ng pagdamay, at mga panalangin at pagpapakita ng pagmamahal sa mga minamahal na nangangailangan, lalo na kay Paxton at sa kanyang mga magulang.
Sinabi ni Pangulong James E. Faust, ang stake president ko noong bata ako: “Malaki ang paghanga ko sa mapagmahal na mga magulang na iyon na matapang na tinitiis at kinakaya ang kanilang kapighatian at kalungkutan para sa isang anak na isinilang na mayroon o nagkaroon ng malubhang kapansanan sa isip o katawan. Ang kapighatiang ito ay kadalasang nagpapatuloy araw-araw, nang walang pahinga, sa buong buhay ng magulang o ng anak. Kadalasan, matinding pag-aalaga ang kailangang ibigay ng mga magulang nang walang humpay, araw man o gabi. Maraming ina ang dumaranas ng hirap ng katawan at damdamin, sa pagbibigay ng ginhawa at kapanatagan sa espesyal niyang anak na nahihirapan.”5
Tulad ng inilarawan sa Mosias, nasaksihan namin ang dalisay na pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamilya ni Paxton, pagmamahal na madarama ng lahat ng tao: “At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.”6
Isang gabi sa mga unang araw ni Paxton, naroon kami sa neonatal intensive care unit ng magandang Primary Children’s Medical Center sa Salt Lake City, Utah, at namamangha sa dedikado at nakatuong pagmamalasakit ng mga doktor, nars, at tagapag-alaga. Itinanong ko sa anak ko kung paano namin mababayaran ito at hinulaan namin ang aming babayaran. Isang doktor na nakatayo sa malapit ang nagsabing “napakababa” ng hula ko at lalong higit pa rito ang babayaran namin. Nalaman namin na halos lahat ng babayaran namin sa ospital na ito ay sinagot na ng mga taong bukas-palad na nagbigay ng kanilang panahon at pera. Napakumbaba ako sa sinabi niya nang maisip ko ang kahalagahan ng munting kaluluwang ito sa mga taong nag-alaga nang husto sa kanya.
Naalala ko ang isang banal na kasulatang pamilyar sa mga misyonero na nagkaroon ng bagong kahulugan: “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.”7
Umiyak ako nang mapagnilay ko ang walang katapusang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo sa bawat isa sa atin, habang natututuhan ko sa nakaaantig na paraan kung ano ang kahalagahan ng kaluluwa sa Diyos, kapwa sa pisikal at espirituwal.
Nalaman ng pamilya ni Paxton na nalilibutan sila ng di-mabilang na naglilingkod na mga anghel sa langit at lupa. Ang ilan ay tahimik na dumating sa oras na sila ay kailangan at tahimik ding umalis. Ang iba ay nagbigay ng pagkain, naglaba, sumundo sa mga kapatid ni Paxton, tumawag para magpalakas ng loob, at nagdasal lalo na para kay Paxton. Dahil dito isa pang natatanging aral ang natutuhan: Kung nakita mong nalulunod ang isang tao, magtatanong ka pa ba kung kailangan niya ng tulong—o mas mabuting tumalon ka na lang at iligtas siya sa malalim na tubig? Ang pagsasabing, “Sabihin mo lang kung may maitutulong ako” bagama’t mabuti ang layon at madalas banggitin, ay hindi talaga nakakatulong.
Patuloy nating natututuhan ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin at pagmamalasakit sa buhay ng mga taong nasa paligid natin, na natututuhan hindi lamang ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa kundi ang nakapupuspos na kagalakang hatid nito.
Sinabi ng mahal nating si Pangulong Thomas S. Monson, na isang napakabuting halimbawa ng pagtulong sa mga nahihirapan: “Pagpapalain ng Diyos ang mga taong tumutulong sa kanilang kapwa, na nagbibigay upang mapaginhawa ang mga nahihirapan, na nagsisikap sa abot ng kanilang makakaya na mas mapaganda ang mundo. Hindi ba ninyo napapansin na mas maganda ang ngiti ng mga taong iyon? Mas matatag at panatag sila. Mababanaag sa kanila ang kapanatagan at kasiyahan … sapagkat walang taong tumutulong sa kanyang kapwa na hindi nakatatanggap mismo ng malaking pagpapala.”8
Bagama’t daranas tayo ng mga pagsubok, paghihirap, kapansanan, pighati, at lahat ng uri ng paghihirap, laging naririyan ang ating mapagmalasakit at mapagmahal na Tagapagligtas. Ipinangako Niya:
“Hindi ko kayo iiwang magisa; ako’y paririto sa inyo. …
“Ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”9
Malaki ang pasasalamat namin sa aming Ama sa Langit para sa aming mabait na si Paxton. Sa pamamagitan niya naihayag ng Panginoon ang Kanyang mga gawa at patuloy na itinuturo sa amin ang mahahalaga, sagrado, at natatanging mga aral na ito.
Gusto kong tapusin ang aking mensahe sa mga salitang nagmula sa ating magandang himno:
Tayo ay kasapi hangga’t may tunggali;
O kay saya! O kay saya!
Mga kawal, may nakalaang tagumpay;
At ito’y ating makakamtan.10
Mga kapatid, dalangin ko na nawa’y patuloy nating batahin nang may pagtitiis ang ating mga pasanin at tulungan natin ang mga tao sa ating paligid na nahihirapan at kailangang pasiglahin at palakasin. Nawa’y pasalamatan ng bawat isa sa atin ang Diyos para sa Kanyang mga pagpapala at muli tayong mangako sa ating Ama sa Langit na mapakumbaba nating paglilingkuran ang Kanyang mga anak. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.