Elder Robert C. Gay
Ng Pitumpu
Sa mga tungkulin niya sa Simbahan, madalas sabihin ni Elder Robert Christopher Gay na ang mensahe ni Jesucristo ay “isang ebanghelyo ng kaligtasan.”
“Iyan ang aming nakita at naranasan sa buong buhay namin,” sabi ni Elder Gay, na tinutukoy ang sarili at ang kanyang asawang si Lynette Nielsen Gay. “Sinasamba natin ang Diyos ng kaligtasan: espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, lahat ng pasanin natin ay gagaan. Sa pamamagitan Niya, natatagpuan natin ang lakas, kapayapaan, at biyayang kailangan para matiis ang mga pagsubok sa buhay at makabalik sa ating Ama sa Langit.”
Nakakamtan ni Elder Gay ang pinakamalaki niyang kasiyahan sa paglilingkod sa tao na mapalad na naibibigay nila ni Sister Gay, sa labas at loob ng kanilang bansa. Halimbawa, bago at matapos maglingkod bilang pangulo ng Accra Ghana Mission mula 2004 hanggang 2007, nagtrabaho sila ni Sister Gay sa mga bayan sa Africa at sa ibang lugar para magtayo ng mga paaralan at klinika at magturo ng pagbasa at pagsulat at mga micro-loan program. Natulungang mapagaan ng mga organisasyong itinatag nila ng kanyang mga kasamahan ang buhay ng milyun-milyong maralita sa buong mundo.
Isinilang noong Setyembre 1951 sa Los Angeles, California, USA, kina Bill at Mary Gay, ipinakilala siya sa kanyang magiging asawa ng kaibigan nila sa high school na kalaunan ay tinulungan nilang sumapi sa Simbahan. Nagpakasal sila sa Los Angeles California Temple noong Abril 1974 at mayroon silang pitong anak.
Si Elder Gay ay nagtapos ng bachelor’s degree mula sa University of Utah at ng doctorate mula sa Harvard University, kung saan nagturo din siya ng economics.
Kasama sa pribadong industriya ng stock exchange nang mahigit 25 taon, nagtrabaho si Elder Gay sa labas ng bansa para mamuhunan at magpalago ng mga negosyo.
Nang tawagin siya sa Unang Korum ng Pitumpu, naglilingkod siya bilang Area Seventy sa North America Southeast Area. Bukod pa sa full-time mission sa Spain mula 1971 hanggang 1973, nakapaglingkod na si Elder Gay bilang tagapayo sa bishop, high councilor, high priests group leader, Gospel Doctrine teacher, ward mission leader, at ward Young Men president.