2012
Elder Scott D. Whiting
Mayo 2012


Elder Scott D. Whiting

Ng Pitumpu

Elder Scott D. Whiting

Naniniwala si Elder Scott Duane Whiting na ang mga pagkakataon niya sa buhay na makapaglingkod sa Diyos ay batay sa ilang mahahalagang desisyon.

Isinilang noong Abril 1961 kina Duane at Beverly Whiting, lumaki si Elder Whiting sa Salt Lake City, Utah, USA. Pakiramdam niya ay pagmimisyon ang unang mahalaga niyang desisyon, na sinundan ng desisyon kung gaano katagal siyang maglilingkod. Dahil sa sitwasyon niya noon, pinagpasiyahan ni Elder Whiting kung maglilingkod siya nang 18 buwan o dalawang taon. “Ang desisyon kong dagdagan ng anim na buwan ang aking paglilingkod ay malaking tulong sa paghahanda kong maglingkod sa Simbahan kalaunan,” wika niya.

Matapos maglingkod sa Japan Tokyo North Mission, nakilala niya ang magiging asawa niyang si Jeri Olson sa pamamagitan ng pareho nilang kaibigan. Ang pasiyang pakasalan siya ay isa pang mahalagang desisyon. Nabuklod sila sa Salt Lake Temple noong Abril 1984.

Nang makatapos ng bachelor’s degree sa Japanese sa Brigham Young University, kalaunan ay nagtamo si Elder Whiting ng juris doctorate mula sa University of the Pacific, McGeorge School of Law.

Ang isa pang mahalagang desisyon ni Elder Whiting ay nang tanggapin niya ang isang tungkulin, na ibinigay ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, na maglingkod bilang bishop. Tinanong siya ni Elder Ballard kung magagampanan niya ang kanyang mga responsibilidad. Nangako siya sa Apostol, at kahit dumating ang mga trabahong mas mataas ang suweldo na kakailanganin niyang lumipat ng bahay, tinupad ni Elder Whiting ang kanyang pangako.

Nakatulong ang kanyang paglilingkod sa pagkakaroon niya ng sigasig na “pumunta sa bahay ng mga di-gaanong aktibong miyembro at tulungan silang magpanibago o gumawa ng mga tipan sa Diyos.”

Ang mga Whiting ay may limang anak. Bago siya tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu, nagtrabaho siya sa isang real estate investment company sa Hawaii. Si Elder Whiting ay nakapaglingkod na bilang elders quorum president, bishop, high councilor, stake Young Men president, stake president, at Area Seventy.