Linda K. Burton
Relief Society General President
Noong tinedyer pa siya, may biglang natanto si Linda Kjar Burton habang nasa isang pulong ng Simbahan sa Christchurch, New Zealand. “Alam ko na ang ebanghelyo ay totoo,” paggunita niya. “Alam ko rin na matagal ko nang alam iyan.” Ang patotoong iyan ang susuporta sa kanya sa paglilingkod bilang Relief Society general president.
Isinilang sa Salt Lake City, Utah, USA, kina Marjorie C. at Morris A. Kjar, si Sister Burton ay 13 taong gulang nang lisanin ng kanyang pamilya ang Utah para makapangulo ang kanyang ama sa New Zealand South Mission. Si Sister Burton—na pangalawa sa anim na anak—ay nag-aral sa Church College of New Zealand at nakasama niya ang mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw mula sa iba’t ibang dako ng Pacific. Nagbalik siya sa Salt Lake City na may pagmamahal hindi lamang sa iba’t ibang kultura at tradisyon kundi lalo na sa Panginoon at sa kanyang pamilya.
Si Sister Burton ay nag-aaral sa University of Utah nang makilala niya at pakasalan si Craig P. Burton noong Agosto 1973 sa Salt Lake Temple. Nagpasiya ang mag-asawa na huwag ipagpaliban ang pagkakaroon ng mga anak; halos isang taon kalaunan ay isinilang ang una sa kanilang anim na anak.
Sa pagtutulungan nilang mag-asawa, nakapanatili siya sa bahay sa piling ng mga anak habang nagtatrabaho sa real estate ang kanyang asawa. Dahil maaga nilang naranasan ang hirap sa pananalapi natutong umasam ang mag-asawa sa hinaharap nang may tiwala “dahil alam namin na nagawa namin ang isang bagay na mahirap gawin sa tulong ng Panginoon,” paliwanag niya.
Simple ang mga bakasyon ng pamilya at nagagalak silang magkasama-sama. Si Sister Burton ay naglingkod sa Young Women, Primary, at Sunday School at sa general board ng Primary at ng Relief Society. Magkasama silang naglingkod ng kanyang asawa nang mangulo ang huli sa Korea Seoul West Mission mula 2007 hanggang 2010. Sa misyon, natanto ni Sister Burton—tulad noong nasa New Zealand sila ilang taon bago iyon—na hindi hadlang ang wika at kultura sa pagpapakita ng pagmamahal.
Inaasam niyang magawang muli sa kanyang bagong tungkulin ang isang bagay na natutuhan niya sa isang kaibigan sa Korea: “Madarama nila ang iyong pagmamahal.”