“Puwede bang Akin na Lang ang Aklat na Iyan?,” Liahona, Ago. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Puwede Bang Akin na Lang ang Aklat na Iyan?
Pinagdudahan ko ang espirituwal na impresyon na natanggap ko hanggang sa magtanong ang babae sa harapan ko tungkol sa Aklat ni Mormon.
Sa pagsunod sa panawagan ng propeta sa edad na 19, inihanda ko ang sarili ko para sa full-time mission. Hindi nagtagal, natanggap ko ang tawag na maglingkod sa Mexico Hermosillo Mission.
Habang naghihintay akong makapasok sa missionary training center sa Mexico City, nag-alala ako kung paano ko ibabahagi ang ebanghelyo. Naisip ko, “Ano ang dapat kong gawin para makapaghanda?”
Isang umaga bago umalis para pumasok sa trabaho, naglagay ako ng bagong kopya ng Aklat ni Mormon sa bag ko. Pagkatapos ay nagdasal ako, “Ama sa Langit, ipaalam po Ninyo sa akin kung paano ibibigay ang Aklat ni Mormon na ito sa sinumang ipadala Ninyo sa akin.” Pagkatapos ay umalis na ako para pumasok sa trabaho.
Paglabas ng trabaho, nagpunta ako sa institute of religion. Sa oras na iyon, nalimutan ko na ang aklat na nasa bag ko. Gayunman, nang sumakay ako sa bus pauwi, naupo ako sa tabi ng isang dalagitang nagbabasa ng Biblia.
Nakaramdam ako ng malakas na impresyon na nagsabing, “Ito siya.” Pinagdudahan ko ang impresyon noong una, pero muli ko iyong naramdaman.
“Pasensya na,” sabi ko nang ilabas ko ang aking Aklat ni Mormon, “napakaespesyal sa akin ng aklat na ito, at gusto kong ibigay ito sa iyo.”
Parang nangungutya, sumagot siya ng, “Ayoko, salamat na lang.” Habang nakaturo sa kanyang Biblia, idinagdag pa nito, “Sapat na ang aklat na ito para sa akin.” Pagkatapos ay tumayo ito at umalis, at naiwan akong mag-isa sa kinauupuan ko.
Habang nakaupo ako roon sandali na nadarama na sinupladuhan at pinagmukha akong mangmang, na iniisip ang impresyong natanggap ko, lumingon ang babaeng nasa harapan ko at nagsabing, “Mawalang-galang na, gusto mo pa rin bang ipamigay ang aklat na iyan?”
Mukhang narinig nilang mag-asawa ang pag-uusap namin ng dalagita.
“Oo naman!” sagot ko.
Habang nag-uusap kami, nalaman ko na matagal nang gustong mabasa ng mag-asawa ang Aklat ni Mormon. Gusto rin nilang malaman ang tungkol sa Simbahan. Tuwang-tuwa akong sagutin ang kanilang mga tanong.
Nang araw na iyon nalaman ko mismo na “ang bukid ay puti na upang anihin” at na “kung [tayo] ay may mga naising maglingkod sa Diyos [tayo] ay tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 6:3; 4:3).
Ginawa rin pala akong kasangkapan ng Diyos sa Kanyang mga kamay. Ngayon, ang paggawa ng gawaing misyonero ang pinakamahalagang bagay sa buhay ko.