2023
Sino si Apostol Pablo?
Agosto 2023


“Sino si Apostol Pablo?,” Liahona, Ago. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Sino si Apostol Pablo?

ipinintang mukha ni Apostol Pablo

Paul Preaches the Gospel in Other Lands [Ipinangaral ni Pablo ang Ebanghelyo sa Iba pang mga Lupain], ni Paul Mann

Background

  • Pangalang Judio: Saulo

  • Isinilang sa Tarso, isang lungsod sa Turkey sa makabagong panahon

  • Naging mamamayang Romano sa pagsilang

  • Lumaki sa isang kagalang-galang at relihiyosong pamilya

  • Pinag-aral sa Jerusalem at naging isang Fariseo

  • Ang tingin ng mga Fariseo sa Kristiyanismo ay isang pagbabaluktot ng Judaismo, kaya “[winasak ni Saulo] ang iglesya” (Mga Gawa 8:3) sa pagsisikap na ipagtanggol ang kanyang relihiyon

Pagbabalik-loob

Habang naglalakbay si Saulo patungong Damasco para dakpin ang nakatakas na mga alagad ni Cristo, “kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit” (Mga Gawa 9:3). Matapos bumagsak sa lupa, siya ay “nakarinig ng isang tinig na sa kanya’y nagsasabi, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’” (Mga Gawa 9:4). Inutusan ni Cristo si Saulo, na isa nang bulag dahil sa pangitain, na magtungo sa Damasco at maghintay ng karagdagang tagubilin.

Pagkaraan ng tatlong araw ng pagkabulag, dinalaw si Saulo ng disipulong si Ananias, na pinagaling ang kanyang paningin (tingnan sa Mga Gawa 9:17–18). Pagkatapos ay bininyagan si Saulo at nagpunta sa Jerusalem, ngunit “lahat [ng disipulo] ay natakot sa kanya sapagkat hindi sila naniniwala na siya’y isang alagad” (Mga Gawa 9:26).

Tinawag si Saulo na maglingkod sa mga Hentil, at mula noon, tinutukoy na siya sa Biblia bilang si Pablo, ang kanyang pangalang Latin. Ang pagbabalik-loob ni Pablo ay isang patotoo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat ng nagsisisi at “saanman tayo naroon o anuman ang ating nagawa, palagi tayong makababalik sa Kanya.”1

Bakit Pablo?

Si Pablo ay isang Apostol na maaaring magturo “sa mga hentil na nasa mga lupaing hindi pag-aari ng mga Judio, na kayang tiisin ang pamimintas ng kanyang sariling mga kababayan (maging sa Simbahan), at may kaalaman at kasanayang turuan kapwa ang mga Judio at hentil sa lahat ng antas ng lipunan sa buong imperyo ng Roma.”2

Si Pablo, isang mamamayan ng Roma at dating Fariseo na marunong magsalita ng Hebreo, Griyego, at kaunting Latin, ang talagang kwalipikadong tuparin ang utos na ito (tingnan sa Mga Gawa 9:15).

Buod ng Mensahe

Bilang Apostol, tumayo si Pablo bilang saksi ni Jesucristo at ng Kanyang tumutubos na kapangyarihan. “Ang pangunahing tema ng lahat ng kanyang isinulat ay kung paano tinubos ni Jesucristo ang sanlibutan at kung paano matatamasa ng mga Banal ang mga pagpapala ng [Kanyang] Pagbabayad-sala.”3

Mga Tala

  1. Gerrit W. Gong, “Ang Ating Siga ng Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2018, 41.

  2. Robert J. Matthews, “Saul of Tarsus: Chosen for a Special Need,” Ensign, Set. 1987, 62.

  3. David Rolph Seely at Jo Ann H. Seely, “Paul: Untiring Witness of Christ,” Ensign, Ago. 1999, 26.