“Ano ang Magagawa Ko para Matulungan ang Aking Apo?,” Liahona, Ago. 2023.
Pagtanda nang May Katapatan
Ano ang Magagawa Ko para Matulungan ang Aking Apo?
Hinangad kong magtiwala sa kalooban ng Diyos dahil si Heather ay sa Ama sa Langit bago siya napasaamin.
Ang aming munting apong babae (tatawagin ko siyang Heather) ay lumaking masaya at bibo. Lagi siyang nakangiti. Pero nang mag-12 anyos siya, nagbago ang lahat ng iyon. Nakaranas siya ng pagkabalisa, kung minsa’y natataranta, at nagsimulang saktan ang kanyang sarili. Hindi siya lumalabas ng bahay pagkagaling sa eskuwela at nagtatago siya sa kanyang silid.
Tinawagan ako ng mga magulang niya, na labis na nag-aalala. Nakinig ako at nakiramay. Pero wala ako sa lugar para sabihan sila kung ano ang gagawin. Tungkulin nila iyon bilang mga magulang. Ang trabaho ko bilang lola ay makinig at magbigay ng mga ideya habang pinag-iisipan nila kung ano ang gagawin.
Nakahanap sila ng tulong medikal at therapy para kay Heather. Nang sumunod na mga buwan, parang mabagal ang kanyang pag-unlad. Nagsaayos ng online learning ang kanyang ina dahil maraming beses nang lumiban si Heather sa eskuwela. Patuloy na nagkulong si Heather sa kuwarto niya at isinubsob niya ang sarili sa kanyang sining.
Ano ang magagawa ko?
Manalangin
Araw-araw akong lumuhod para ipagdasal si Heather. Nagdasal kami bilang mga kamag-anak, pero inihihiwalay pa rin ni Heather ang kanyang sarili. Gusto kong ibalik siya ng Diyos sa dating masayang bata.
Habang patuloy akong nagdarasal, ipinaalala sa akin ng Espiritu ang isang turo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Huwag kalimutan kailanman na ang mga batang ito ay mga anak ng Diyos at na kayo ay pansamantalang nangangalaga sa kanila, na Siya ay isang magulang bago pa kayo naging mga magulang at na hindi pa Niya isinusuko ang karapatan o interes Niya bilang magulang sa mga anak Niyang ito.”1
Magtiwala sa Diyos
Sinimulan kong ipagdasal na mangyari ang kalooban ng Diyos, ang Kanyang takdang panahon, at Kanyang patnubay, hindi ang akin. Kinailangan kong igalang na Siya ang Ama sa Langit ni Heather. Hinangad kong makinig sa Espiritu, hindi lang ako basta nagdasal sa pagkataranta na mangyari ang gusto ko. Alam ko na pangangalagaan Niya si Heather. Paulit-ulit kong binasa ang 3 Nephi 18:20: “At anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo.” Nangako ang Ama sa Langit, kaya nagpasiya ako na magtitiwala ako sa Kanya.
Pagmamahal
Ipinaalala sa akin ng Espiritu na ako ang lola at puwede kong mahalin si Heather sa isang paraan na naiiba sa kanyang mga magulang. Kinailangan ko lang ipakita na masaya ako kapag kasama ko siya. Nagpalitan kami ng mga text message. Nag-usap kami tungkol sa pagiging mga anak naming pareho ng Diyos, at nag-usap kami tungkol sa ebanghelyo. Gumawa siya ng ilang piraso ng sining para lang sa akin. Niyayakap ko siya tuwing may pagkakataon ako. Magkasama kaming nagluto, namili, at nanood ng mga paborito niyang pelikula.
Sa paglipas ng mga buwan, bumuti siya nang kaunti. Sa tulong ng nanay niya, nagturo siya ng isang lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa videoconference ng aming pamilya. Sa ibang mga pagkakataon ay nagbahagi siya ng isang talata sa banal na kasulatan. Nagluto sila ng tita niya ng cookies at naglaro sila ng games ng mga pinsan niya.
Unti-unti, nagsimulang magbago ang buhay ni Heather. Kinaibigan niya ang isang batang babae sa lugar nila habang ipinapasyal niya ang aso niya. Hinikayat siya ng kanyang mga magulang na dumalo sa klase ng Young Women sa araw ng Linggo, hindi lang basta dumalo sa sacrament meeting. Nagkaroon siya ng bagong kaibigan sa isang aktibidad ng mga kabataan. Nang mas lumakas si Heather, ipinasiya niya na subukang pumasok sa eskuwela. Maayos na siya ngayon sa eskuwela at masaya sa seminary.
Magpasalamat
Sa bawat hakbang na ginawa ni Heather, nakadama ako ng malaking pasasalamat. Nagpapasalamat ako sa kanyang mga magulang, sa kanyang mga kamag-anak, sa young women at sa mga lider nila, at sa isang tapat na seminary teacher. Nagpapasalamat ako para sa mga anghel na ito sa lupa sa araw-araw kong mga dalangin.
Hindi perpekto ang buhay ni Heather, pero nagtamo siya ng karunungan, lakas, at tapang sa pagsubok na ito. Maibabahagi niyang muli ang kanyang masaya at masiglang ngiti sa mga nasa paligid niya. Nagiging produktibo na siyang tinedyer na nakatuon sa paghahanap ng solusyon sa mga problema. Ang Diyos ang Ama sa Langit ni Heather na tutulong sa kanya na magpakabuti nang husto. Handa ang kanyang mga magulang sa lupa na makinig sa Espiritu at hangad nilang gabayan ang kanyang buhay sa tulong Niya. Nakikinig pa rin ako kapag kailangan nilang magsalita, at lagi akong nagpapakita ng pagmamahal.
Magkakaiba ang buhay ng lahat. At alam ng Ama sa Langit ang pinakamainam kung paano pagpapalain ang bawat isa sa atin.
Nagpapasalamat ako na may pagkakataon tayo na “palaging bantayan ang isa’t isa.”2 Pinagpapala ng mga pagsubok sa pamilya ang buhay ko dahil sa pamamagitan ng mga ito, tinuturuan ako ng Ama sa Langit. “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:10).
Siya ang aking Ama sa Langit na gumagabay sa akin at maging kay Heather.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.