2023
Parang Ayaw Kong Magpunta sa Templo. Pero Nadama Ko na Napakarami Namang Pagpapalang Nagmumula sa Pagpunta Roon
Agosto 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Parang Ayaw Kong Magpunta sa Templo. Pero Nadama Ko na Napakarami Namang Pagpapalang Nagmumula sa Pagpunta Roon

Maaari tayong makahanap ng kapanatagan sa Panginoon kapag dumadalo tayo sa templo at nakikibahagi sa dakilang gawain ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

isang babaeng naglalakad papunta sa templo

Alam kong kailangan kong magpunta sa templo. Maikling biyahe lang sa kotse ang layo ng bahay ko sa pinakamalapit na templo, pero ilang buwan na akong hindi nakakapunta.

Isang gabi, binasa ko ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen mula sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022. Tumatak sa isipan ko ang isang pahayag: “Sa pagpasok natin sa templo, pansamantala tayong nagiging malaya mula sa mga makamundong impluwensya na nakapaligid sa atin habang natututuhan natin ang ating layunin sa buhay at ang mga walang-hanggang kaloob na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”1

Gusto kong makadama ng kalayaan mula sa mundo. Nagkaroon ako ng matinding determinasyon, nag-iskedyul ako ng appointment para gumawa ng mga proxy initiatory.

Sa araw ng appointment, umuwi ako mula sa trabaho na pagod at mainit ang ulo nang wala namang dahilan. Wala ako sa mood na magpunta sa templo.

Pero naalala ko ang nakaraan kong hangarin, kahit hindi ko iyon nadama sa sandaling iyon. Bumalik ako sa kotse ko at nagsimulang magmaneho.

Makalipas ang dalawampung minuto, natanaw ko ang templo.

Tumulo ang mga luha sa aking mga mata. Sa sandaling iyon, bumalik ang hangarin ko. Ang templo ang lugar na kinailangan kong mapuntahan nang gabing iyon. Kinailangan kong pigilin ang pagtulo ng luha para makita ko ang daan.

Ang templo ay isang lugar ng kanlungan mula sa mga makamundong impluwensya at mga paghihirap sa ating buhay. Hiniling sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “ugaliing regular na magpunta sa templo.”2 Kapag ginawa natin ito, matatamasa natin ang mga pagpapala ng paulit-ulit na pagbalik sa bahay ng Panginoon.

Narito ang ilan lang sa mga pagpapalang napansin ko sa pagdalo sa templo noong araw na iyon:

Pagkadama ng Kapanatagan

Nang dumalo ako sa templo nang araw na iyon, napawi ang pangit na mood ko. Napalitan ito ng “kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip” (Filipos 4:7).

Ang kapayapaang natatagpuan natin sa templo ay tuwirang nagmumula sa Diyos. Maaari tayong makipag-ugnayan sa Diyos saanman sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, pero itinalaga ang templo para tuwiran nating makaugnayan ang Panginoon.

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Bahay Niya [ang templo]. Puno ito ng Kanyang kapangyarihan. … Ipinapangako ko na ang mas madalas na pagpunta sa templo ay magpapala sa inyong buhay na hindi matatamo sa ibang paraan.”3 Ang pagdalo sa templo ay nagpapadama sa atin ng kapangyarihan ng Diyos. Ang kapangyarihang iyan ay maaaring dumating bilang paghahayag, kalinawan ng isipan, o kapanatagan.

Pagkadama ng Lakas mula sa Aking mga Tipan

Bukod sa pagkadama ng kapayapaan, naalala ko rin ang mga tipang nagawa ko noon. Habang nagpo-proxy ako sa initiatory, nagtuon ako sa mga salita ng ordenansa. Ipinaalala sa akin ng mga salitang iyon na bibigyan ako ng Diyos ng lakas at tutulungan akong magtiyaga sa gitna ng aking mga pagsubok.

Kapag bumabalik tayo sa templo, naaalala natin ang mga pangakong ginagawa natin sa Diyos at ang mga walang-hanggang pangakong ginagawa Niya sa atin.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi tayo nagtatayo ng mga banal na templo o pumapasok dito para lamang magkaroon tayo o ang ating pamilya ng di-malilimutang karanasan. Sa halip, ang mga tipang natatanggap at ang mga ordenansang isinasagawa sa mga templo ay mahalaga sa pagpapabanal ng ating mga puso at sa kadakilaan ng mga anak ng Diyos sa huli.”4

Pakikilahok sa Gawain ng Diyos

Samantalang tumatanggap tayo ng personal na mga pagpapala sa templo, dapat din nating alalahanin ang gawaing ginagawa natin para sa mga patay. Kapag nagpo-proxy tayo sa mga ordenansa, para ito sa kaligtasan ng mga nasa kabilang panig ng tabing.

Ang mga pangalan ng mga taong tinulungan ko ay ibinigay sa akin ng templo. Wala akong kilalang sinuman sa mga babaeng ipinag-proxy ko sa araw na iyon. Pero nadama ko ang sagradong kapangyarihang ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng ordenansa ng initiatory.

Ang pagdalo natin sa templo ay tumutulong na maisulong ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Sa sarili nating munting paraan, nakikilahok tayo sa gawaing “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Itinuro ni Elder Bednar, “Habang nasasabik tayong maging abala sa sagradong gawaing ito, sinusunod natin ang mga utos na mahalin at paglingkuran ang Diyos at ang ating kapwa [tingnan sa Mateo 22:34–40].”5

Simple Subalit Makapangyarihan

Para sa atin na malapit sa templo ang tirahan, maaaring madaling kalimutan ang mga pagpapalang nagmumula sa pagdalo sa templo. Tulad ng naipangako ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang mas madalas na pagpunta sa templo ay magpapala sa inyong buhay na hindi matatamo sa ibang paraan.”6 Para sa mga malayo sa templo ang tirahan, maaaring mahirap iakma sa ating mga iskedyul ang mga pagbisita sa templo. Pero ang kapangyarihan ng pagdalo sa templo ay hindi nagbabago, at ang mga pagpapala ay totoo.

Habang gumugugol tayo ng mas maraming oras sa templo, makasusumpong tayo ng kapahingahan mula sa ating mga hamon at pasakit sa ating buhay. Maaari tayong makipag-ugnayan sa Diyos at maging bahagi ng Kanyang dakilang gawain—para sa ating sariling kaluluwa at sa mga kaluluwa ng lahat ng Kanyang mga anak.