2023
“Lumapit Kayo sa Akin”: Ang Ating Espirituwal na Hangarin sa Buong Buhay Natin
Agosto 2023


“‘Lumapit Kayo sa Akin’: Ang Ating Espirituwal na Hangarin sa Buong Buhay Natin,” Liahona, Agosto 2023.

“Lumapit Kayo sa Akin”: Ang Ating Espirituwal na Hangarin sa Buong Buhay Natin

Ang pagkatutong makilala at mahalin ang Panginoong Jesucristo ay nagpapatuloy sa buong buhay ninyo.

si Jesus na tinatawag sina Pedro at Andres

Christ Calling Peter and Andrew [Si Cristo na Tinatawag sina Pedro at Andres], ni James Taylor Harwood

Bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, nagagalak tayo sa Kanyang paanyaya na: “Lumapit kayo sa akin.” Inaanyayahan Niya tayong pasanin “[natin] ang Kanyang pamatok, at matuto [tayo] sa [Kanya]” (Mateo 11:28–29). Ang ibig sabihin nito ay naniniwala tayo sa Kanya at malugod nating tinatanggap ang Kanyang pangalan, Kanyang mga turo, at Kanyang mga utos.

Lahat tayo ay pumarito sa lupa na may iba’t ibang talento at katangian, at lahat tayo ay may kakaibang mga karanasan sa buhay. Ngunit para sa ating lahat, ang pag-una kay Jesucristo sa ating buhay ang ating hangarin sa buong buhay natin. Sa habambuhay na pagsampalataya, pag-aaral, panalangin, at pagsisisi, mas nakikilala at minamahal natin Siya.

Nabubuhay tayo sa mundong ito na puno ng mga hamon at gambala. Ang patuloy na pagtutuon natin sa mga walang-hanggang bagay, pamumuhay nang may pananampalataya kay Jesucristo, at pagdanas ng patuloy na pagbabalik-loob sa maraming dekada ng buhay ay nangangailangan ng ating tapang at katapatan, pati na ng tulong mula sa langit.

icon ng templo

Magkaroon ng Lakas sa mga Ordenansa at mga Tipan

Isang malaking tulong mula sa langit ang dumarating sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan na nagpapanatili sa ating “matibay, matatag, at [panatag]”1 sa hangarin nating lumapit sa Tagapagligtas.

Itinuro na ni Pangulong Russell M. Nelson na ang “pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigkis sa atin sa Kanya sa isang paraan na mas pinadadali ang lahat sa buhay.” Hindi Niya sinabi na pinadadali ng pakikipagtipan ang buhay, “[kundi] ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.”2

Maaaring nagtataka ang ilan kung bakit inuutusan ng Panginoon ang Kanyang propeta na magtayo at maglaan ng napakaraming templo sa iba’t ibang dako ng mundo. Sa tumitinding kaguluhan sa mundong ito, mahalaga ang kaligtasan at mga paalala ng ating mga ordenansa at tipan. Pananatilihin tayo nitong patuloy na sumusulong sa tinatawag natin ngayong landas ng tipan.

Sabi ni Pangulong Nelson: “Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginagawa ninyo ang susi sa pagpapalakas ng inyong buhay, sa pagsasama ninyong mag-asawa at sa pamilya, at sa kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway. Ang inyong pagsamba sa templo … ay patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan.”3

icon ng taong nagdarasal

Mamuhay nang Marapat sa Espiritu Santo

Noon pa man ay gustung-gusto ko na ang mga salitang ito mula kay Apostol Pablo na isinulat halos 2,000 taon na ang nakalilipas ngunit hindi kapani-paniwala na totoo pa rin ito hanggang ngayon:

“Walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos.

“Ngayon ay aming tinanggap … ang Espiritung mula sa Diyos, upang aming malaman ang mga bagay na walang bayad na ibinigay sa amin ng Diyos.

“ … Ang mga bagay … [na] itinuturo ng Espiritu. …

“Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu” (1 Corinto 2:11–14).

Ang mga espirituwal na katotohanan at patnubay mula sa Espiritu Santo ay hindi lubos na mailalarawan sa mga salita. Ang mga ito ay “ang malalalim na mga bagay ng Diyos” (talata 10), “na inihanda … para sa kanila na nagmamahal sa kanya” (talata 9).

Matapos nating matanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa binyag, kailangan nating sikaping mamuhay nang marapat sa palagiang impluwensya nito sa pamamagitan ng pag-iingat sa ating ginagawa, ating sinasabi, at kung sino ang binabahaginan natin ng oras. Sa paggawa nito, darating ang espirituwal na liwanag nang may higit na katiyakan sa ating kaluluwa, na nagtutulot sa atin na “[hindi bumatay] sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos” (talata 5).

Pinayuhan tayo ni Pangulong Nelson na piliing “umiwas sa anumang nagpapalayo sa Espiritu”4 at “gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.”5

icon ng kamay na nagsusulat

Kumapit sa mga Espirituwal na Karanasan

Nang gunitain ni Pablo ang kanyang makapangyarihang pagbabalik-loob habang naglalakbay patungong Damasco, sinabi niya, “Biglang sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag” (Mga Gawa 22:6)—napakaliwanag kaya’t siya ay nabulag—at narinig niya ang tinig ng Panginoon.

Ang nakakatuwa, nakita rin ng mga kasama ni Pablo ang liwanag ngunit hindi narinig ang tinig (tingnan sa Mga Gawa 22:9). Bakit hindi? Naniwala ba sila kay Pablo, o tinangka ba nilang kumbinsihin siya na nasa isip lang niya ang karanasang iyon?

Matapos ang espesyal na mga espirituwal na karanasan, maaaring itanong ng ilan, “Nadama ko ba talaga iyon?” o “Nasa isip ko lang kaya iyon?” Ngunit hindi nalilimutan o isinasantabi ng matatalinong taong tulad ni Pablo ang mga espirituwal na karanasan. Kumakapit sila roon at palagi nila iyong naaalala.

Sa mga taon na kasunod ng Unang Pangitain, madalas maharap si Propetang Joseph Smith sa oposisyon at pag-uusig, subalit patuloy siyang buong tapang na nagpapatotoo na nagpakita sa Kanya ang Ama at ang Anak. “Ito’y alam ko,” sabi ni Joseph, “at nalalaman ko na ito’y alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).

Hindi kailanman nalimutan o itinatwa ni Joseph ang kanyang mga espirituwal na karanasan. Buong buhay siyang kumapit sa mga iyon. Sa mahihirap na panahon, bumabalik ang kanyang alaala sa mga sandaling iyon para muling tiyakin sa kanya ang pagmamahal ng Diyos at mapalakas siya sa gawaing naibigay sa kanya ng Panginoon.

Maaaring hindi tayo makakita ng makalangit na pangitain o pisikal na marinig ang tinig ng Panginoon, ngunit dumarating talaga ang mga espirituwal na karanasan. Kailangan nating kumapit sa mga iyon. Pinalalakas tayo nito sa paghahangad nating lumapit kay Cristo, at patuloy ang ating pagbabalik-loob.

karatulang nagpapakita ng pagpipiliang mga direksyon

Piliing Manampalataya

Bilang mission president, kapag dumarating ang mga missionary at sinasabi sa akin na naging mahirap ang mga bagay-bagay, madalas kong ibahagi sa kanila ang mga paghihirap ni Apostol Pablo at kung ano ang matututuhan natin mula sa mga pagsubok nito.

Sinasabi sa atin ni Pablo na limang beses siyang nilatigo at tatlong beses na hinampas ng mga pamalo. Pinagbabato siyang minsan at tatlong beses na nasiraan ng barko (tingnan sa 2 Corinto 11:24–25). Sa kanyang mga paglalakbay, naharap si Pablo sa “panganib sa mga ilog, … panganib sa mga magnanakaw,” at “panganib sa [kanyang] mga kababayan, … sa mga Hentil,” at maging sa “mga huwad na kapatid.” Itinaboy siya palabas ng mga lungsod, nabilanggo, at nagdanas ng “pagpapagal at hirap,” “gutom at uhaw,” at “giniginaw at hubad” (2 Corinto 11:26–27).

Iilang tao ang magkakaroon ng mga pagsubok na kasintindi ng kay Pablo, pero tayong lahat ay daranas ng mga iyon. Walang hindi magdaranas ng mga iyon. At kadalasa’y dumarating ang mga pagsubok kung kailan hindi natin inaasahan ang mga iyon. Paano nakayanan ni Pablo ang “mga kapighatian,” “mga paghihinagpis,” “mga kaguluhan” at “mga paggawa” na tiniis niya? (2 Corinto 6:4–5). Maaaring si Pablo ay “nalulungkot, gayunma’y laging nagagalak,” at “walang pag-aari, gayunma’y mayroon ng lahat ng bagay” (2 Corinto 6:10), dahil pinili niyang manampalataya kay Jesucristo.

Hindi gaanong mahirap piliing manampalataya kay Jesucristo kapag nadarama nating espirituwal tayong napalakas, pero kailangan din nating piliing manampalataya kapag nagiging mahirap ang buhay. Matutuklasan natin na hindi nakatayo ang Tagapagligtas sa dulo o pagtatapos ng ating hangarin at naghihintay lamang na lumapit tayo sa Kanya. Sa halip, nakatayo Siya sa ating tabi at itinuturo ang daan. Tunay ngang Siya ang daan (tingnan sa Juan 14:6). Sinabi na ni Pangulong Nelson na, “Tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang impluwensya ng masamang mundong ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng higit na pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, pagiging bukas-palad, kabaitan, disiplina sa sarili, kapayapaan, at kapahingahan.”6

icon ng pagsikat ng araw

Ang Kanyang mga Pangako ay Matutupad

Nagpapasalamat ako sa aking tiyak na kaalaman na si Jesus ang Cristo. Siya ang ating Tagapagligtas, ating Manunubos, ating minamahal na Kaibigan, at ating Tagapamagitan. Sa buong buhay ko, lalo kong nadarama ang Kanyang pagmamahal at na totoong Siya ay buhay. Pinatototohanan ko na ang pagkilala at pagmamahal sa Kanya ay isang sagradong pribilehiyo ng mortalidad.

Kapag lumalapit tayo kay Jesucristo, nangangako Siya sa atin ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, isang “panibagong buhay” (Roma 6:4), at “kapahingahan para sa [ating] mga kaluluwa” (Mateo 11:29). Sa huli, nangangako Siya sa atin ng buhay na walang hanggan sa piling Niya, ng Kanyang Ama, ng Kanyang matatapat na disipulo, at ng ating matwid na mga kapamilya magpakailanman.

Sa hinaharap, luluhod tayo sa Kanyang paanan. Sa araw na iyon, magagalak ang ating kaluluwa kapag tinupad Niya ang lahat ng Kanyang pangako sa mga taong lumapit sa Kanya nang may “buong layunin ng puso” (3 Nephi 18:32), lumago sa kanilang pagmamahal sa Kanya, at naghangad na madama ang Kanyang banal na presensya sa buong buhay nila.

Ito ay magiging isang napakabanal at napakahalagang sandali sa ating espirituwal na paglalakbay!