2023
Nasira na ba ng Pornograpiya ang Kakayahan Kong Makadama at Magmahal?
Agosto 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Nasira na ba ng Pornograpiya ang Kakayahan Kong Makadama at Magmahal?

Nakapagsisi na ako sa paggamit ng pornograpiya, pero hindi pa rin ako gumaling.

isang babaeng nakadarama ng kahungkagan

Noong 14 anyos ako, natanto ko na may problema ako sa pornograpiya. Panay ang sabi ko sa sarili ko, “Alam kong hindi ito mabuti. Kailangan kong tumigil.”

Pero pabalik-balik pa rin ako sa bitag na iyon. Nahirapan ako sa paulit-ulit na problemang ito sa loob ng ilang taon. At pagkaraan ng napakaraming pagtatangkang tumigil, nalaman ko na hindi ko kayang daiging mag-isa ang gawing ito. Dahil alam ko na palagi tayong binabalaan ng mga propeta na layuan ito, nahiya akong humingi ng tulong sa iba, pati na sa aking Tagapagligtas. Maraming beses na akong nagkamali. Nadama ko na hindi ako karapat-dapat na matubos. Pero sa huli ay nagpasiya akong humingi ng tulong.

Nang kausapin ko ang bishop ko tungkol sa mga paghihirap ko, tumugon siya nang may pagmamahal. Pero unti-unti kong natanto ang isang bagay: napalabo ng mga pakikipaglaban ko sa pornograpiya ang kakayahan kong kumilala at tumanggap ng pagmamahal—na mahalin ang sarili ko, mahalin ang iba, at mahalin ang Diyos.

Dahil maraming taon na akong palaging nagsisinungaling, naisip ko na kung may makakaalam sa pakikipaglaban ko, hindi nila ako mamahalin. Inisip ko rin na ang pagmamahal ay pansamantala at hindi makatotohanan.

Kalaunan, nang magsisi ako, makabuo ng mas magagandang gawi, at magpraktis ng pagpipigil sa sarili at masusing pag-iisip, unti-unti kong natanto na nadama ni Jesucristo ang aking pagdurusa at na maaari Niya akong patawarin at ng Ama sa Langit. Nagsimula akong makadama ng pag-asa sa halip na kahihiyan. Pero kailangan ng kaunting panahon para makadama ng pagmamahal sa parehong paraan.

Pagdama at Pagbabahagi ng Pagmamahal ng Diyos

Makalipas ang ilang taon, nagmisyon ako! Masayang-masaya akong mapaglingkuran ang aking Tagapagligtas, pero ang mga walang-hanggang epekto ng aking lihim na pakikipaglaban ay naulit sa buhay ko bilang missionary. Nahirapan pa rin akong mahalin ang ibang tao at makadama ng pagmamahal, lalo na mula sa Ama sa Langit.

Hindi ko pa rin napatawad ang sarili ko. Naisip ko pa rin na hindi ako nararapat mahalin, kahit nagsikap na akong daigin ang dati kong gawi. Natakot akong makadama o mag-anyaya ng anumang pagmamahal sa buhay ko sa takot kong masaktan, mabigo, at magdusa. Kaya madalas akong lumayo noon sa mga tao at hindi ko sila hinayaang mapalapit sa akin.

Isang gabi habang lubha akong nalulungkot, lumuhod ako at humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Ipinahayag ko sa Kanya ang aking mga kalungkutan sa pagkatakot na mahalin ang sarili ko, mahalin Siya, at mahalin ang Kanyang mga anak kahit gusto kong gawin iyon.

Habang umiiyak ako, nakadama ako ng malinaw at magiliw na impresyon sa aking isipan. Nadama ko na sinasabi sa akin ng Diyos na OK lang na magmahal nang husto. Ang pagmamahal na iyon ay isang kaloob na naibigay Niya sa akin—isang talentong naitago ko. Nakadama ako ng impresyon na kailangan kong gamitin at payabungin iyon. Tulad ng pagmamahal ng Diyos sa akin na hindi kailanman nauubos, kinailangan kong magmahal nang mas malalim.

Ang awang ito mula sa Espiritu ay umantig sa akin nang higit pa sa anumang nadama ko na noon. Nadama ko talaga ang pagmamahal ng Ama sa Langit—ang kahulugan ng maging Anak Niya. Isang pakiramdam iyon na hindi ko kayang ipaliwanag.

Gusto kong mas pagbutihin pa ang pagbabahagi ng pagmamahal na ito sa iba at pagtutulot sa iba na ibahagi iyon sa akin. Ipinagdasal ko na magkaroon ako ng mga pagkakataong palalimin ang kakayahang ito na magmahal at sa paglipas ng panahon ay nabiyayaan ako ng napakaraming karanasan para ibahagi ito sa aking mga kapatid.

Ang Pagmamahal na Katulad ng kay Cristo ay Kayang Baguhin ang Lahat

Nakapagsisi na ako sa paggamit ng pornograpiya, pero kinailangan ko pa ring paghilumin ang puso ko. At hindi nangyari kaagad ang paghihilom na iyon—dumating ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng paghahanap sa Kanya sa pag-aaral ng mga katotohanang nasa mga banal na kasulatan at taimtim na paghingi ng tulong sa panalangin. Nagsimula akong maniwala na sapat nga ang pagmamahal Niya at ng Ama sa Langit sa akin para tubusin ako. Unti-unti kong nadama na naglalaho ang sakit at pagkamuhi ko sa sarili.

Itinuro sa akin ng kuwento ng punungkahoy ng buhay sa 1 Nephi 8 kung paano ko mahahanap si Jesucristo. Bawat isa ay may ibang sitwasyon sa buhay. Kung minsan, ang paghanap sa ating daan patungo sa Kanya ay nangangailangan ng panahon. Pero alam ko na naghihintay sa atin ang walang-hanggang kagalakan kapag dahan-dahan tayong tumatahak sa landas ng tipan patungo sa Kanya.

Hindi tayo nakikilala dahil sa ating mga pagkakamali. Nais ni Satanas na isipin natin na walang nagmamahal sa atin at hindi tayo karapat-dapat. Pero mali iyon. Lubos ang pagmamahal sa atin. At matutulungan tayo ni Cristo na madaig ang ating mga kasalanan.

Maraming nahihirapan sa pornograpiya o iba pang mga gawi na ayaw nila, at kadalasan, tulad sa sitwasyon ko, ang mga gawing ito ay ginagawa nang palihim at kapag nag-iisa. Pero nakita ko kung paano maaaring baguhin ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo ang lahat para sa mga nahihirapan.

Tayong mga nahihirapan ay maaaring maghangad muna ng liwanag sa pamamagitan ng katapatan. Ang pagbuo ng matibay at matwid na mga ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, sa inyong pamilya, at sa inyong mga kaibigan ang maaaring maging pinakamalaking pagpapala sa inyong mga pagsisikap na makabuo ng mas mabubuting gawi at lumapit kay Cristo.

Sa pagsasalita sa mga nakikipaglaban sa pornograpiya, magiliw na ipinayo ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang paanyaya na lumapit sa Tagapagligtas ay nangangahulugan ng pag-asa. … Kapag tinanggap natin ang paanyayang ito, nagpapakumbaba tayo sa Kanyang harapan. … At ano ang ibig sabihin ng magpakumbaba tayo sa Kanyang harapan? Ang ibig sabihin siguro nito ay … humingi ng tulong sa ating mga lider, sa ating mga kamag-anak, sa ating mga pamilya, maging sa mga medical professional. … Nangangahulugan din ito na hindi tayo dapat tumigil sa pagsisikap kailanman. Walang taong perpekto. Lahat tayo ay nagkakamali. … Sakdal ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa ating lahat. Nauunawaan Niya ang ating dalamhati, ating mga hamon, ating mga problema.

“Kaya kung ibabaling natin ang ating puso sa Kanya … maaari tayong patawarin ng Panginoon, maaari [Niya] tayong yakapin, mahalin, unawain, at tulungan at bigyan tayo ng lakas na huwag sumuko kailanman. Huwag kalimutan na ang biyaya ng Panginoon ay para sa inyo bago, sa oras, at ‘[pagkatapos] ng lahat [ng inyong] magagawa’ (2 Nephi 25:23).”1

Hindi natin kailangang magtago sa kahihiyan—maaari tayong maging bukas, maging tapat, at humingi ng tulong. Ang pagkaalam na mahal ako ng Ama sa Langit at ng mga nakapaligid sa akin ang gumawa ng malaking kaibhan sa aking kakayahang gumaling mula sa paggamit ng pornograpiya at sa mga epekto nito, dahil nakatulong ang kaalamang iyon sa akin na makita na maaari pa akong matubos, mahalin, at maging karapat-dapat sa tulong ni Cristo.

Gayon tayong lahat kapag hinahanap natin Siya.

Mga Tala

  1. Face to Face Kasama sina Elder Ulisses Soares at Elder Craig C. Christensen (pandaigdigang broadcast para sa mga young adult, Set. 15, 2019), Gospel Library.