Sa Lakas ng Panginoon
Sa lakas ng Panginoon makagagawa tayo at makapagtitiis at madadaig natin ang lahat ng bagay.
Mga kapatid, nag-uumapaw ang puso ko, umiikot ang isipan ko, nanlalambot at nangangalog ang mga tuhod ko, at wala akong malamang sabihin na sasapat para mabisang maipaabot ang laman ng puso’t isipan ko na nais kong ibahagi sa inyo. Dumadalangin ako at nag-aanyaya na samahan tayo ng Espiritu Santo sa maikling pagsasalita ko sa inyo ngayong umaga ng Sabbath.
Simula nang tawagin ako ni Pangulong Hinckley para maglingkod, dininig ko na ang payo ni Nephi na “[ihalintulad] ko sa [akin] ang lahat ng banal na kasulatan” (1 Nephi 19:23) na may mas malaking pag-unawa sa layunin at sigla kaysa rati.
Pinag-isipan ko ang turo ni Pablo na “pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malakas” (I Mga Taga Corinto 1:27). Ngayong umaga lubha akong naaaliw na malamang isa ako sa tunay na mahihinang bagay sa mundo.
Napag-isipan ko na ang bilin ni Jacob na nasa Aklat ni Mormon:
“Anupa’t aming sinasaliksik ang mga propeta, at marami kaming mga paghahayag at diwa ng propesiya; at taglay ang lahat ng patotoong ito kami ay nagtamo ng pag-asa, at ang aming pananampalataya ay naging matatag, kung kaya nga’t tunay na nakapag-uutos kami sa pangalan ni Jesus at sinusunod kami maging ng mga punungkahoy, o ng mga bundok, o ng mga alon sa dagat.
“Gayon pa man, ipinaaalam sa amin ng Panginoong Diyos ang aming kahinaan upang malaman namin na dahil sa kanyang biyaya, at kanyang dakilang pagpapakababa sa mga anak ng tao, kung kaya’t may kapangyarihan kaming gawin ang mga bagay na ito” (Jacob 4:6–7).
Mga kapatid, pagtuunan lang po ng pansin ang salitang biyaya ayon sa gamit sa talatang kababasa ko. Sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, malalaman natin na ang salitang biyaya ay madalas gamitin sa mga banal na kasulatan sa pakahulugang nagpapalakas o nagbibigay-kakayahang kapangyarihan:
Ang buod na ideya ng salita ay “dakilang tulong o lakas,” na ibinibigay “sa pamamagitan ng awa at pag-ibig’ ni Jesucristo.”
… Sa biyaya rin ng Panginoon, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, tumatanggap ng lakas at tulong ang mga tao na gumawa ng mabubuting bagay na hindi nila kakayaning panatilihin kung iiwanan silang mag-isa. Ang biyayang ito ay “kapangyarihang … makapagpapahintulot [sa mga lalaki’t babae] na magkaroon ng buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nilang isagawa [ang lahat ng magagawa nila]” (p. 30).
Sa gayon, tinutulungan tayo ng nagbibigay-kakayahan at nagpapalakas na pagbabayad-sala na makaunawa at makagawa at maging mabuti sa mga paraang hindi mauunawaan o magagawa ng limitado nating mortal na kakayahan. Pinatototohanan ko at sinasaksihan na ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay tunay. Kung wala ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, hindi ako makakaharap sa inyo ngayong umaga.
Nadarama ba natin ang biyaya at nagpapalakas na kapangyarihan ni Cristo sa patotoo ni Ammon? “Oo, nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay; oo, masdan, maraming dakilang himala ang nagawa natin sa lupaing ito, kung saan pupurihin natin ang kanyang pangalan magpakailanman” (Alma 26:12). Tunay, mga kapatid, sa lakas ng Panginoon makagagawa tayo at makapagtitiis at madadaig natin ang lahat ng bagay.
Paglabas ko ng Church Administration Building matapos mainterbyu ni Pangulong Hinckley noong Biyernes ng hapon, naalala ko ang mga salita ni Enoc:
“At nang marinig ni Enoc ang mga salitang ito, kanyang iniyukod ang sarili sa lupa, sa harapan ng Panginoon, at nangusap, sa harapan ng Panginoon, nagsasabing: Bakit ako naging kalugud-lugod sa inyong paningin, at ako ay isang bata lamang, at kinamumuhian ako ng lahat ng tao; sapagkat mabagal ako sa pagsasalita; dahil dito, ako ba ay inyong tagapaglingkod?
“At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Humayo at gawin mo gaya ng aking ipinag-utos sa iyo, at walang taong mananakit sa iyo. Ibuka mo ang iyong bibig, at ito ay mapupuno, at akin kitang bibigyan ng sasabihin, sapagkat ang lahat ng laman ay nasa aking mga kamay, at aking gagawin ang inaakala kong makabubuti” (Moises 6:31–32).
Para sa ating lahat na nadaramang hindi tayo handa at nalulula at hindi makaya ang isang bagong katungkulan o responsibilidad, naaakma ang pangako ng Panginoon kay Enoc. Ang pangako ay totoo sa panahon ni Enoc, at magpahanggang ngayon.
Sa gabi ng Hunyo 20, 2000, ginabi kami ng ilang kasamahan ko sa trabaho sa executive offices ng noo’y Ricks College sa Rexburg, Idaho. Inihahanda namin ang mga huling kailangan sa di-inaasahan at makasaysayang pagtitipon sa aming kampus. Gagawin iyon kinaumagahan at ibabalita ni Pangulong Hinckley na magkakaroon na ng baccalaureate degree sa Ricks College at tatawagin na itong Brigham Young University—Idaho. Bilang grupong administratibo nagsisimula pa lang naming maunawaan ang laki ng responsibilidad at hamong kinakaharap namin.
Paglabas namin ng gusali nang gabing iyon, nagtanong ang isang kasamahan ko, “President, kinakabahan ka ba?” Ayon sa natatandaan ko’y ganito ang sagot ko: “Kung iisipin kong isasagawa natin ang pagbabagong ito ayon lang sa sarili nating karanasan at paghatol, matatakot ako. Pero tutulungan tayo ng langit. Dahil alam natin kung sino ang namamahala at hindi tayo nag-iisa, sa gayo’y hindi, hindi ako kinakabahan.” At kaming naglilingkod sa BYU—Idaho ay nagkakaisang sumasaksi na may tulong mula sa langit, nagkaroon na ng mga himala, tumanggap na ng mga pahayag, nabuksan na ang mga daanan, at lubos kaming pinagpala bilang mga tao at bilang institusyon.
Hayaan ninyong magpahayag ako ngayon ng utang na loob at pasasalamat. Salamat sa aking mga ninuno—sa matatapat at matatag na kalalakihan at kababaihang iyon na aking iginagalang at ikinararangal at pinagkakautangan ng loob. Minamahal at pinasasalamatan ko ang aking ama’t ina at ang ama’t ina ng aking kabiyak. Nagpapasalamat ako sa kanilang pagmamahal at suporta at pagtuturo at lakas.
Ang maybahay kong si Susan ay mabait na babae at butihing ina. Madali ninyong mahahalata ang kadalisayan at kabutihang iyon sa kanyang katauhan. Mahal ko siya at pinahahalagahan nang higit pa sa salita. Pinasasalamatan ko siya sa pagiging siya, sa mga aral na itinuro niya sa akin, at sa aming pagmamahalan.
Biniyayaan kami ni Susan ng tatlong matitipunong anak na lalaki. Mahal ko sila at pinasasalamatan. At kasama sa lumalaki naming pamilya ngayon ang dalawang butihing manugang na babae at tatlong matatalino at magaganda at magigiliw na apong babae. Tuwing magkakasama kami, pinagpapala kaming mabanaagan ang pamilya sa kawalang-hanggan.
Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako para sa inyo. Habang minamasdan ko kayong nakatipon dito sa Conference Center at nakikinita ang mga meetinghouse sa buong daigdig, napagpapala ako ng inyong katapatan at debosyon sa Tagapagligtas. Sa pagtataas ng inyong mga kamay para sang-ayunan ako noong Sabado, nadama ko ang daloy ng nagpapalakas na impluwensya sa aking kaluluwa na walang makakapantay. Ilan sa inyo’y kilala kung sino ako, subalit batid ninyo kung kanino nanggaling ang panawagan, at handang-handa kayong sang-ayunan at suportahan ako. Salamat sa inyo at ipinangangako ko ang aking buong kaluluwa at lakas sa sagradong gawaing ito.
Tutungo ako saanman ako ipadala ng Panginoon at ng mga lider ng Kanyang Simbahan, gagawin ko ang ipinagagawa nila sa akin at ituturo ang ipinatuturo nila sa akin, at sisikapin kong maging ang taong dapat at kailangan kong kahinatnan. Sa lakas ng Panginoon at sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, alam kong kapwa tayo pagpapalain na maisagawa ang lahat ng bagay.
Bilang isa sa talagang pinakamahihina, pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo. Siya ang ating Manunubos at ating Tagapagligtas, at Siya ay buhay. At pinatototohanan ko na naibalik na sa lupa ang kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo at Kanyang tunay na Simbahan sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Muling matatagpuan sa daigdig ang mga susi at awtoridad ng priesthood at mga nakapagliligtas na ordenansa. Sa kapangyarihan ng priesthood na iyon, ang mga pamilya ay tunay na magkakasama magpakailanman. Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos at siyang saligan ng ating relihiyon. At mga kapatid, hindi nakasara ang kalangitan. Nakikipag-usap ang Diyos—sa bawat isa sa atin at sa mga lider ng Kanyang kaharian sa lupa sa mga huling araw. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang propeta ng Panginoon sa daigdig ngayon. Ang mga bagay na ito ay pinatototohanan ko at sinasaksihan sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.