Ano ang Korum?
Ang isa sa pinakadakilang mga pagpapalang matatanggap ng isang tao sa pagtataglay ng priesthood … ay ang mapabilang sa isang korum ng priesthood.
“Na pinupukaw ng Espiritu Santo upang itatag ang saligan niyaon, at itayo ito sa pinakabanal na pananampalataya.
“Kung aling simbahan ay itinatag at itinayo sa taon ng inyong Panginoon labingwalong daan at tatlumpu, sa ika-apat na buwan, at sa ikaanim na araw ng buwan na tinatawag na Abril” (D at T 21:2–3).
Sa araw na ito nagkita-kita sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at mga miyembro ng mga pamilyang Smith at Whitmer sa tahanan ni Peter Whitmer Sr., sa Fayette, Seneca County, New York. Matapos ang angkop na pag-awit at panalangin, binasa sa nakatipong mga tao ang paghahayag hinggil sa organisasyon ng Simbahan. Itinalaga sa mga paghahayag na ito ang orden ng pagkasaserdote at mga tungkulin ng mga pinuno sa Simbahan. Sa huwarang ito itinatag ang buong organisasyon ng Simbahan sa ngayon.
“Ayon sa kautusan noon, nanawagan si Propetang Joseph sa mga kapatid na naroon upang alamin kung sila ni Oliver Cowdery ay tatanggapin nila bilang kanilang mga guro sa mga bagay ukol sa kaharian ng Diyos; at kung handa sila’y dapat nilang ituloy ang pag-oorganisa ng Simbahan ayon sa utos ng Panginoon. Sinang-ayunan nilang lahat ito” (B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:196).
At sa gayo’y naitatag natin ang huwaran sa simula pa lamang. “At lahat ng bagay ay nararapat na gawin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon sa simbahan, sa pamamagitan ng labis na panalangin at pananampalataya, sapagkat lahat ng bagay ay inyong matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 26:2).
Espesyal ang nararamdaman ko kapag nakikita ko ang mga kamay na nakataas sa pagsang-ayon sa pamunuan ng Simbahang ito. Ngayon dalawang bagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan dito sa Conference Center at sa telebisyon, Internet, at satellite sa halos lahat ng sulok ng daigdig.
Elder Uchtdorf at Elder Bednar, kayo’y sinang-ayunan upang punan ang mga bakanteng nalikha sa pagpanaw nina Elder David B. Haight at Elder Neal A. Maxwell. Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, malugod ko kayong tinatanggap na maging bahagi ng sagradong katungkulang ito na napasaatin. Siyempre pa, ngayo’y hinahanap-hanap natin ang pakikisama nina Elder Haight at Elder Maxwell. Nakatabi ko sa upuan si Elder Haight sa mga kumperensyang ito sa nagdaang 28 taon. Nakatabi naman niya si Elder Maxwell nang ilang taon. Sana’y nakuha ko ang pagkasigasig ni Elder Haight o ang galing ni Elder Maxwell sa pagsasalita upang maipahayag ang nadarama ko sa mahabang pagsasama namin ng dalawang dakilang Kapatid na ito! Naimpluwensyahan nila ang aking buhay. Lubha kong hinahanap-hanap ang patuloy naming pagsasama.
Mayaman sa tradisyon ang gawain ng Labindalawa sa paglalakbay namin sa buong mundo sa pagpapahayag ng ebanghelyo ni Jesucristo. Halimbawa, Linggo iyon, ika-4 ng Hunyo ng 1837, nang lapitan ni Propetang Joseph Smith si Heber C. Kimball sa Kirtland Temple at binulungan na, “Brother Heber, ibinulong sa akin ng Espiritu ng Panginoon: ‘Papuntahin mo ang alagad kong si Heber sa England upang ipahayag ang aking Ebanghelyo, at buksan ang pintuan ng kaligtasan sa bansang iyon’ ” (sinipi sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball [1945], 104).
Ang kuwento tungkol sa paglisan nina Heber C. Kimball at Brigham Young sa kanilang mga tahanan para pumunta sa England ay tunay na nagpapamalas ng sakripisyong handa nilang gawin para sa mga katungkulang natanggap nila. Nakasaad sa kuwento:
“Ika-14 ng Setyembre, [1839], nilisan ni Pangulong Brigham Young ang kanyang tahanan sa Montrose upang magmisyon sa England. Malubha ang kanyang sakit at hindi siya makapunta sa Mississippi [River], na mga 150 metro ang layo, nang walang tulong. Pagkatawid niya ng ilog iniangkas siya ni Israel Barlow sa kabayo nito papunta sa bahay ko, kung saan patuloy siyang nagkasakit hanggang ika-18 ng buwang iyon. Maysakit din ang kanyang asawang may pasusuhing sanggol na tatlong linggo pa lang ang edad, at lahat ng iba pa niyang anak ay maysakit at hindi maalagaan ang isa’t isa. Wala man lang sa kanilang makapag-igib ng tubig sa balon, at walang pamalit na damit, dahil tinangay ng mga mandurumog sa Missouri ang halos lahat ng kanilang pag-aari. Noong ika-17 ng buwang iyon, nagpatulong si Sister Mary Ann Young sa isang batang lalaki para iakyat siya sa bagon nito papunta sa bahay ko, para maalagaan at mabigyang ginhawa si Brother Brigham” (sinipi sa Life of Heber C. Kimball, 265).
Maysakit din ang pamilya ni Heber C. Kimball. Isinugo ni Charles Hubbard ang kanyang anak na lalaki para maghatid ng isang grupo ng mga kabayo at bagon na tutulong sa kanilang paglalakbay. Itinala ni Elder Kimball: “Parang nakokonsensya ako sa pag-iwan sa pamilya ko sa gayong kalagayan, na halos nasa bingit na ng kamatayan. Parang hindi ko ito matatagalan. Pinahinto ko ang bagon sa kutsero, at sinabi ko kay Brother Brigham, ‘Medyo mahirap ito, hindi ba; halika’t pasiglahin natin sila.’ Tumayo kami, at tatlong beses na iwinagayway ang aming mga sumbrero, at sumigaw ng: ‘Mabuhay, mabuhay ang Israel.’ ” Lumapit sa pintuan sina Sister Young at Sister Kimball at kumaway ng pamamaalam na nagpaginhawa nang husto kina Brigham at Heber habang tumuloy na sila “nang walang supot ng salapi o supot ng pagkain” patungong England. (Tingnan sa Life of Heber C. Kimball, 265–66.)
Nakasaad sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na ang Apostol “ay nangangahulugang ‘isang sugo.’ … Ang katungkulan ng isang apostol ay maging espesyal na saksi sa pangalan ni Jesucristo sa buong mundo, lalo na sa kanyang kabanalan at pisikal na pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan… . Labindalawang lalaking maytaglay sa mataas na katungkulang ito ang bumubuo sa konsehong administratibo sa gawain ng ministeryo… . Ngayon labindalawang lalaki na may gayon ding banal na katungkulan at ordenasyon ang bumubuo ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Apostol,” 612).
Ang Apostol ngayon ay patuloy pa rin sa pagiging “sugo.” Kakaiba ang mga kalagayan natin kaysa naunang mga Kapatid sa mga paglalakbay natin para tumupad sa ating mga tungkulin. Lubhang kakaiba ang paraan ng paglalakbay natin sa lahat ng sulok ng daigdig kaysa sa naunang mga Kapatid. Gayunman, ang ating tungkulin ay katulad pa rin ng ibinigay ng Tagapagligtas nang pagbilinan Niya ang tinawag Niyang Labindalawa na “dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na silainyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, [maging] hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:19–20).
Sa inyo namang dalawang bagong Kapatid, maipapangako ko sa inyo na magkakaroon ng panibagong kahulugan ang mapabilang sa isang korum. Sana’y maiparating natin sa bawat korum sa Simbahan ang damdamin at respeto natin sa ating Konseho. Maaari bang pakinggan ninyo sandali, mga deacon, teacher, priest, elder, at high priest, ang pinaniniwalaan kong isa sa pinakadakilang mga pagpapalang matatanggap ng isang tao sa pagtataglay ng priesthood? Ang espesyal na pagpapalang iyan ay ang mapabilang sa isang korum ng priesthood.
Maraming taon na ang nakalilipas, binigyan tayo ni Pangulong Stephen L. Richards ng ilang magagandang payo sa pamamahala ng Simbahan. Narito ang kanyang pahayag:
“Ang pagkakakilanlan ng katangian ng pamamahala sa ating Simbahan ay ang pamamahala sa pamamagitan ng mga konseho… . Nakikita ko ang karunungan ng Diyos sa paglikha ng mga konseho: para mapamahalaan ang Kanyang Kaharian. Sa diwa ng ating gawain, maaaring magsama-sama ang kalalakihang tila may iba’t ibang pananaw at pinagmulan, at sa ilalim ng impluwensya ng diwang iyon, sa pagsasanggunian, nagkakasundo sila… . Wala akong pag-aatubiling bigyan kayo ng katiyakan, na kung magsasanggunian kayo sa konseho tulad ng inaasahan sa inyo, bibigyan kayo ng Diyos ng mga kalutasan sa mga problemang kinakaharap ninyo” (sa Conference Report, Okt. 1953, 86).
At ano ang malaking pakinabang sa pagiging kabilang sa isang korum? Muli mula kay Stephen L. Richards. Sabi niya, “Ang isang korum ay tatlong bagay: una, isang klase; ikalawa, isang kapatiran; at ikatlo, isang yunit na naglilingkod” (sa Conference Report, Okt. 1938, 118).
Napakalinaw na nakikita ko ang pagkakakilanlang ito sa mga tungkulin ng Korum ng Labindalawang Apostol. Tayo’y isang klase kapag sama-sama nating pinag-aaralan ang mga doktrina ng kaharian. Nawawari ba ninyo kung gaano kaespesyal ang karanasang ito na mapasama sa miting ng isang korum at maturuan nina Elder Ezra Taft Benson, Mark E. Petersen, LeGrand Richards, Howard W. Hunter, Bruce R. McConkie, David B. Haight, o Neal A. Maxwell ng mga doktrina ng ebanghelyo? Mapupuna ninyo na tanging yaon lang mga pumanaw nang mga Kapatid ang binanggit ko para hindi ako mamili sa mga kasalukuyang Apostol. Mapapasainyo rin ang pagpapalang ito sa bawat korum ninyo. Ang mga salita ng mga Apostol, ng nakaraan at kasalukuyan, ay nasa mga banal na kasulatan, sa mensahe sa kumperensya, magasin ng Simbahan, debosyonal, at iba pa. Kunin ito upang maihatid ang kapangyarihan ng doktrina ng kaharian sa klase ng korum ninyo. Gawing klase ang korum ninyo na magdaragdag ng inyong kaalaman sa ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas.
Sa aming Korum, may espesyal tayong kapatiran. Naroon kami para magpasigla, magbigay-inspirasyon, at magpala sa isa’t isa sa diwa ng aming katungkulan. Kapag nabibigatan ang isang tao, may 11 iba pa na sabik magpasigla at magpagaan sa pasaning iyon. Magkakasama kaming nagagalak sa mga panahon ng tagumpay. Magkakasama kaming lumuluha sa mga oras ng dalamhati. Kahit kailan ay hindi namin nadama na mag-isa naming hinaharap ang problema! Laging may payo, suporta, tulong, at panghihikayat ng mga miyembro ng aming Korum.
Mula sa aklat na Priesthood and Church Government, narito ang isang pahayag sa kapatiran na dapat umiral sa bawat korum ng priesthood: “Ang Priesthood ay isang malaking kapatiran ng kalalakihan, na pinagsama ng walang hanggan at di-mababagong mga batas na nakapaloob sa balangkas ng Ebanghelyo. Dapat mamayani ang kapatiran sa korum. Dapat unahin ng korum ang pagtulong sa lahat ng miyembrong maaaring may pangangailangan sa temporal, mental, o espirituwal. Ang diwa ng kapatiran ang magiging gabay sa lahat ng plano at gawain ng korum. Kung matalino at matiyagang patatatagin ang diwang ito, walang ibang organisasyong higit na kaakit-akit sa lalaking maytaglay ng Priesthood” (Rudger Clawson, paunang salita sa A Guide for Quorums of the Melchizedek Priesthood [1930], 3; binanggit sa John A. Widtsoe, tinipon, Priesthood and Church Government [1939], 135). Hihikayatin namin ang bawat korum ng priesthood sa Simbahan na palakasin ang gayong kapatiran.
Sa huli, ang tanging layunin ng ating Korum ay makapaglingkod. Marahil ang saloobin natin sa responsibilidad na ito ay mailalarawan sa pormal na liham na ibinigay noong Oktubre 26, 1886, ni Wilford Woodruff na naglingkod bilang Pangulo ng Konseho ng Labindalawang Apostol noon: “Sasabihin ko sa mga Apostol, kaybigat ng ating responsibilidad… . Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Nahihinog ang buong mundo sa kasamaan, at dapat maghanda ang Sion ng Diyos sa pagdating ng kasintahang lalaki. Dapat tayong magpakumbaba sa harapan ng Panginoon at maghandang mapuspos ng diwa ng ating katungkulan, ng Espiritu Santo, at ng mga paghahayag ni Jesucristo, upang malaman natin ang isipan at kalooban ng Diyos hinggil sa atin, at maghandang gampanan ang ating katungkulan at isakatuparan ang kabutihan, at maging magiting sa patotoo kay Jesucristo hanggang wakas… . Kailanma’y hindi nagkaroon ng panahon na ang gawain ng Diyos ay nangailangan ng mas matapat na patotoo at pagsisikap mula sa mga Apostol at Elder kaysa ngayon” (“An Epistle,” Deseret News, 24 Nob. 1886, 712). Gawing dakilang organisasyon ng paglilingkod ang bawat korum ninyo para sa kabutihan ng mga miyembro ng inyong korum.
Ngayon ito ang babala mula sa mga banal na kasulatan:
“Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.
“Siya na tamad ay hindi ibibilang na karapat-dapat magtagal, at siya na hindi natututuhan ang kanyang tungkulin at ipinakikita ang kanyang sarili na hindi kaayun-ayon ay hindi ibibilang na karapat-dapat na magtagal” (D at T 107:99–100).
Kaya sinasabi ko sa inyong dalawa na mga Kapatid na sumama sa aming Korum, at sa inyong lahat na kalalakihan na kabilang sa priesthood ng Diyos, nawa’y basbasan ang bawat isa sa atin sa ating tawag na maglingkod. Nawa’y lumakas ang ating pananampalataya sa ating mabuting paglilingkod, na tapat na sinusunod ang mga kautusan. Nawa’y lumago ang ating patotoo sa paghahangad nating matuklasan ang bukal ng walang hanggang katotohanan. Nawa’y maging ginhawa at lakas at kaligtasan sa atin ang kapatirang umiiral sa ating korum habang tinatahak natin ang mortal na yugtong ito ng ating buhay. Nawa’y manatili magpakailanman sa ating puso ang galak ng paglilingkod sa ebanghelyo sa pagsulong natin upang tuparin ang ating mga tungkulin at responsibilidad bilang mga tagapaglingkod sa kaharian ng ating Ama sa Langit, ang mapakumbaba kong dalangin sa ngalan ni Jesucristo, amen.