2004
Pagkakaroon ng Ating Patotoo
Nobyembre 2004


Pagkakaroon ng Ating Patotoo

Ang madalas na pagbabasa, pag-iisip na mabuti, at pagsasabuhay sa mga aral ng banal na kasulatan, na may kasamang panalangin, ay lagi nang magiging bahagi ng pagkakaroon at pananatiling malakas at masigla ng patotoo.

Kamakailan masinsinan akong nakipag-usap sa isang kabataang lalaki na nag-iisip na magmisyon. Habang nag-uusap kami nahalata ko na nahihirapan siyang magdesisyon, dahil nag-aalinlangan siya sa lakas ng kanyang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Gusto niyang malaman ang dahilan kung bakit hindi siya makatanggap ng mas malilinaw na kasagutan sa kanyang mga panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Ang kabataang ito, na tatawagin kong Jim, ay lumaki sa misyon sa piling ng mga mapagmahal na magulang na ginagawa ang lahat upang maituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang mga anak.

Siya ay magaling na atleta at popular sa kanyang mga kaibigan sa paaralan. Gayunman, isa lamang siya sa iilang LDS na estudyante sa malaking paaralan ng high school.

Dahil sa misyon ko rin napalaki ang pamilya ko, naunawaan ko agad ang mga hamon kay Jim na manatiling tapat sa mga alituntunin ng ebanghelyo habang tinatanggap ng mabubuting kaibigan, na lubos na kakaiba ang kaugalian at paniniwala sa kanya.

Humahanap siya ng mas titiyak sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Panunumbalik ng ebanghelyo.

Ngayo’y magsasalita ako kay Jim at sa iba pang tulad niya—mga kabataang lalaki at babae sa buong mundo, na di sigurado sa kanilang mga patotoo subalit gustong magkaroon ng malalakas at masisiglang patotoo na gagabay sa kanila para malampasan ang mga nakaabang na panganib sa kanilang buhay.

Magsasalita rin ako sa mga nasa hustong gulang na hindi pa nakadarama sa diwa ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Dahil wala silang malakas at matibay na patotoo, hinahayaan na lamang ng ilan na mapokus ang kanilang isipan at gawain araw-araw sa mga bagay ng daigdig na siyang nagpapahina sa impluwensya ng liwanag ng ebanghelyo sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

At gaya ng malinaw na paglalarawan ni Elder Neal A. Maxwell, kasama rin dito ang “ ‘mararangal’ na miyembro na tumatanggap lamang ng kaunting pag-unawa sa halip na palalimin pa ang pagiging disipulo nila at di-palagiang gumagawa sa halip na ‘sabik sa paggawa’ (D at T 76:75; 58:27)” (sa Conference Report, Okt. 1992, 89; o Ensign, Nob. 1992, 65).

Sa pagdalo ko sa funeral service nina Elder Neal A. Maxwell at Elder David B. Haight at pakikinig sa parangal na tunay na karapat-dapat sa kanila, lubos kong naunawaan ang natatanging halimbawa ng patotoo at pagiging disipulo na ipinakita ng buhay ng dalawang dakilang kapatid na ito. Iniisip kong mabuti kung paano makatutulong ang kanilang halimbawa para mapalakas ang ating patotoo at mapatibay ang ating desisyon na lalong lumapit kay Cristo.

Ang dalawang dakilang disipulong ito ni Cristo ay halimbawa ng payo na ibinigay ni Pangulong Hinckley sa ating lahat nang sabihin niya: “Sinasabi nila na sinasabi kong, ‘Gawin ang pinakamahusay ninyong magagawa.’ Gayunpaman, gusto kong bigyang-diin na dapat gawin ang pinakamahusay na magagawa ninyo. Nasanay na tayo na masiyahan sa karaniwang paggawa. Kaya pa nating gumawa nang mas mahusay” (“Pagiging Matatag at Di Natitinag,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pagtuturo, ika-10 ng Ene. 2004, 21).

Tiyak ko na ang payo at panghihikayat ni Pangulong Hinckley ay tumutukoy din sa pagkakaroon at pagpapalakas ng ating mga patotoo kay Jesucristo tulad ng iba pa.

Hatid ng tunay na patotoo ang liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay at ipinopokus tayong lahat tungo sa layuning bumalik sa ating Ama sa Langit—subalit ang bawat patotoo natin ay nagmumula sa iba’t ibang karanasan at iba’t ibang pangyayari sa ating buhay.

Tulad ni Jim, noong kabataan ko ako’y nabigyan ng pribilehiyo na magkaroon ng “butihing mga magulang” (1 Nephi 1:1). Nagturo sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa aming pamilya sa pamamagitan ng mga turo at halimbawa. Noong bata pa ako inakala kong may patotoo ako. Naniwala ako! Pagkatapos dumating ang ilang personal na espirituwal na karanasan sa pamamagitan ng pananampalataya, panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagbabasbas ng aming ama sa aming tahanan na seryosong nagpaisip sa akin tungkol sa mga alituntuning naituro sa akin at pinaniwalaan ko—gayunman mas lumalim pa ito nang madama ko na ito. Walang hanggan ang pasasalamat ko sa mga magulang ko na tumulong para gabayan ako sa mahahalagang espirituwal na karanasang iyon. Walang hanggan ang naging impluwensya nila sa akin at sa paglakas ng aking patotoo.

Palagay ko iniisip tayo ni Alma habang tinuturuan niya ang mga Zoramita kung paano magkaroon ng patotoo sa katotohanan.

“Subalit masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita” (Alma 32:27).

Nagpatuloy si Alma sa “[paghahalintulad] ng salita sa isang binhi.” Ipinaliwanag niya na kapag bukas ang puso natin “ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib” (Alma 32:28). Pagkaraan nito ibinigay sa atin ni Alma ang susi sa pagkakaroon ng matagumpay na patotoo.

“Subalit kung inyong aalagaan ang salita, oo, aalagaan ang punungkahoy habang ito ay nagsisimulang lumaki, sa pamamagitan ng inyong pananampalataya nang may malaking pagsisikap, at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon, ito ay magkakaugat, at masdan, ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan” (Alma 32:41).

At pagkatapos ang pangako!

“Kung magkagayon, mga kapatid ko, inyong aanihin ang mga gantimpala ng inyong pananampalataya, at inyong pagsisikap, at pagtitiyaga, at mahabang pagtitiis, sa paghihintay sa punungkahoy na magbigay ng bunga sa inyo” (Alma 32:43).

Pag-isipan natin sandali ang itinuturo sa atin ni Alma, mga kapatid.

Una, dapat ay may tapat tayong hangarin na maniwala. Ang mga pariralang gaya ng “gumising,” “pukawin ang inyong kaisipan,” “subukin,” at “gumamit kahit bahagyang pananampalataya” ay mga salitang nangangailangan ng pagkilos na nagmumungkahi ng patuloy na pagsisikap sa panig natin.

Ang paglalarawan niya ng lumaki sa loob ng ating dibdib ay naglalarawan ng pagdama sa Banal na Espiritu. At tulad ng mga ipinangangako ni Moroni, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).

Upang mapalakas ang Espiritung iyon, sinabi ni Alma na dapat natin itong alagaan sa pamamagitan ng “pananampalataya nang may malaking pagsisikap, at may pagtitiyaga.” Tapos ipinangako niya na ang mga gantimpala ng pananampalataya, pagsisikap, pagtitiyaga, at pagtitiis ay magbubunga ng buhay na walang hanggan (Alma 32:41; tingnan din sa t. 43).

Tulad ni Alma, malinaw na itinuturo ng mga propeta sa mga huling araw ang mga bagay na kinakailangan nating gawin sa pagkakaroon at pagpapalakas ng ating mga patotoo.

Ipinadala tayo rito sa lupa upang gawin ang ating sariling kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagsubok at hamon sa ating buhay araw-araw. Hindi natin magagawa iyon sa lubos na pag-asa sa hiram na liwanag ng patotoo ng ibang tao. Habang tumatanggap tayo ng inspirasyon kapag naririnig natin ang mga propeta, lider, at kasama na nagpapatotoo, ang espirituwal na damdaming iyon ay nagpapalaki pa sa ating hangaring palakasin ang sariling paniniwala natin.

Sa aking batang kaibigan, at sa lahat saanman kayo naroroon, huwag na huwag tumigil sa paniniwalang tutulungan kayo ng Panginoon. Ang mga sagot sa inyong panalangin ay maaaring hindi malinaw o kaagad dumarating ayon sa gusto ninyo, subalit patuloy na manalangin. Nakikinig ang Panginoon! Sa panalangin ninyo, humingi ng tulong na matutuhan na mas maunawaan pa ang mga bulong at hikayat ng Banal na Espiritu. At pagkatapos gawin ang “pinakamahusay” na magagawa ninyo upang maging karapat-dapat na matanggap ang mga paghihikayat na iyon. Kapag nadama ninyo ang mga panghihikayat at pagbulong ng Espiritu, kumilos ayon dito.

Mahalaga sa ating buhay ang taimtim na pananalangin araw-araw na humihingi ng kapatawaran at espesyal na tulong at patnubay sa ating buhay at sa pangangalaga ng ating patotoo. Kapag nagmamadali tayo, paulit-ulit, di naghahanda, o nakalilimot sa ating mga panalangin, nawawala sa atin ang paglapit ng Espiritu, na napakahalaga sa patuloy na patnubay na kailangan natin upang tagumpay na mapangasiwaan ang mga hamon sa ating araw-araw na pamumuhay. Ang pananalangin ng pamilya tuwing umaga at gabi ay nagdaragdag ng biyaya at kapangyarihan sa indibidwal nating panalangin at mga patotoo.

Ang personal at tapat na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nagbubunga ng pananampalataya, pag-asa at solusyon sa mga hamon natin sa araw-araw. Ang madalas na pagbabasa, pag-iisip nang mabuti, at pagsasagawa ng mga aral sa mga banal na kasulatan, na may kasamang panalangin, ay lagi nang magiging bahagi ng pagkakaroon at pananatili ng malakas at masiglang patotoo.

Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Spencer W. Kimbal sa kahalagahan ng palaging pagbabasa ng banal na kasulatan nang sabihin niyang, “Natuklasan ko na kapag naging pabaya ako sa pakikipag-ugnayan ko sa Diyos at tila … walang naririnig na tinig mula sa Diyos, … kung magpapakabusog ako sa banal na kasulatan ang puwang ay kumikitid at bumabalik ang espirituwalidad” (The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982], 135).

Itinuro ng Tagapagligtas na, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39).

Ang pagkakaroon ng malakas, matatag na patotoo ng marami sa inyong matatapat na miyembro ng Simbahan ay nagmula sa mapanalanging pagsunod sa payo mula sa ating mga propeta at banal na kasulatan. Ang gayunding napakahalagang pagpapala ay maibibigay sa bawat isa sa atin na masigasig na naghahangad nito.

Sa aking kaibigang si Jim, at sa lahat ng nag-aalala sa lakas ng kanilang mga patotoo, alam ninyo na mahal at binabantayan kayo araw-araw ng inyong Ama sa Langit. Tutulungan Niya kayo sa pagsisikap ninyong sundin ang Kanyang mga kautusan at abutin ang Kanyang mapagmahal na kamay.

Bahagi tayong lahat ng gayunding pangako na ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (D at T 88:63).

Tinatawagan tayo ng ating propeta na gawin ang “pinakamahusay,” na hinahamon ang bawat isa sa atin, nang indibidwal at kasama ang ating pamilya, na suriing mabuti ang ating sariling buhay at mangakong baguhin ang mga bagay na iyon na higit na magpapatiyak na malakas at matibay ang ating mga patotoo.

Ang malalakas na patotoo ay nagiging lakas na humihikayat sa bawat isa sa atin na gumawa “nang mas mabuti.” Ang mga ito ay magiging pananggalang natin na mangangalaga sa atin mula sa walang kabuluhang mga bagay ng daigdig.

Pinatototohanan ko na tayo ay mayroong mapagmahal at mapagmalasakit na Ama sa Langit at na Siya at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ay nagpakita sa batang si Joseph para pasimulan ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa huling dispensasyong ito.

Si Jesucristo ang puno ng Simbahang ito. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang Kanyang hinirang na propeta.

Nawa’y magkaroon tayo ng lakas ng loob at matibay na pangakong sundin ang payo ng propeta. Kapag ginawa natin ito, magiging matatag ang sarili nating patotoo. Dalangin kong magkagayon nga sa pangalan ni Jesucristo, amen.