2004
Kabanalang Lalo Aking Kahilingan
Nobyembre 2004


Kabanalang Lalo Aking Kahilingan

Mahalaga para sa pamilya at indibiduwal na masiglang maghangad pa ng mabubuting katangiang madadala sa kabilang buhay.

Bago kami ikasal ni Sister Burton kami ay ininterbyu ng ama ni Elder Richard. Alam namin ang binabanggit ni Elder Richard sa sesyon ng kumperensyang ito.

Kamakailan sa isang kumperensya ng stake, isang dalaga ang lumapit sa akin pagkatapos nito. Habang nakikipagkamay kami sa isa’t isa, sabi niya, “Bishop, mapahuhusay po ninyo ang iyong pagsasalita sa pangkahalatang kumperensya sa pamamagitan ng pagngiti.”Gusto kong sabihin sa kanya ang tungkol sa takot at pagngiti, pero wala na akong oras. Gayunman sinubukan ko at umasang magiging maayos ang lahat.

Tuwing matatapos ang bawat pangkalahatang kumperensya, damdam ko’y gusto ko pa—gusto ko pa ng kapayapaan ng kaganapang ito, ng pakikisama ng Espiritu, ng pangangalagang nagpasigla at nagpala sa aking kaluluwa.

Karaniwa’y ipinalalagay ng mga tao na mas maigi kung mas marami at di-kanais-nais ang karaniwan ang kakaunti. Naging pagnanasa na ng ilan ang mag-angkin ng mas marami pang bagay at pagsisilbi ng mundong ito. Sa iba nama’y kailangan daw ang higit na yaman ng mundong ito para mabuhay o maibigay ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay. Ang di-mapigilang paghahangad na magkaroon ng labis-labis ay kalunus-lunos ang kinahihinatnan. Halimbawa, ipinaalala sa atin ni Pangulong Boyd K. Packer na: “Maaari tayong matulad sa isang ama na gustong ibigay ang lahat sa kanyang pamilya. Nagpapakapagod siya para sa mithiing iyon at nagtatagumpay; pagkatapos niyon saka lang niya natutuklasan na ang talagang kailangan nila, ang magkasama-sama bilang pamilya, ay napabayaan na. At kalungkutan ang ani niya sa halip na kasiyahan” (“Parents in Zion,” Liahona, Ene. 1999, 25).

Ang mga magulang na tagumpay sa pag-aangkin ng mas maraming bagay sa mundo ay madalas mahirapang tumanggi sa kahilingan ng mga anak na laki sa layaw. Nanganganib na hindi matutuhan ng kanilang mga anak ang mahahalagang katangiang tulad ng kasipagan, paghihintay na magantimpalaan, katapatan, at habag. Kayang magpalaki at nagpapalaki ang mayayamang magulang ng mga anak na marunong makibagay, mapagmahal, at may magandang pag-uugali, pero mas mahirap ngayon ang sikaping magbigay ng mga limitasyon, masiyahan sa kung ano ang mayroon, at umiwas sa “kahihingi.” Mahirap tumanggi sa maraming kahilingan kung masasagot naman ninyo ito ng oo.

May katwirang mag-alala ang mga magulang sa hinaharap. Mahirap tumanggi sa mas maraming sports equipment, electronics, mga lesson, mga damit sa pagsali sa mga koponan at anu-ano pa, kapag naniniwala ang mga magulang na makakatulong ang mga ito sa pag-unlad ng kanilang mga anak sa daigdig na tumitindi ang kompetisyon. Tila dumarami ang gusto ng mga kabataan ngayon, dahil mas maraming umaakit sa kanila. Tinataya ng American Academy of Pediatrics na mahigit 40,000 patalastas ang nakikita ng mga batang Amerikano taun-taon.

Paunti nang paunti ang mga magulang na nagpapatrabaho ng mga anak sa bahay dahil akala nila’y sobra na ang pagod ng mga ito sa pakikisalamuha at pag-aaral. Pero ang mga batang walang mga responsibilidad ay nanganganib na hindi malaman kailanman na bawat tao ay makapaglilingkod at higit pa sa sarili nilang kaligayahan ang kahulugan ng buhay.

Sa aklat niyang My Grandfather’s Blessings, ikinuwento ni Dr. Rachel Remen ang pakikipagkaibigan niya sa isang mag-asawa at sa kanilang anak na si Kenny. Tuwing bibisita siya, umuupo sila ni Kenny sa sahig at nilalaro ang dalawa nitong kotse-kotsehang Hot Wheels. Kung minsan napupunta sa kanya ang kotseng walang fender at kay Kenny naman ang wala ang isang pinto at kung minsan ay palit sila. Mahal niya ang mga kotseng iyon!

Nang mamigay ang isang gasolinahan ng kotseng Hot Wheels sa bawat pagpupuno ng gasolina, pinapunta niya ang isang tauhan niya sa klinika sa istasyong iyon para kolektahin ang mga laruang kotse. Nang makuha niya ang lahat ng modelo, ikinahon niya ito para dalhin kay Kenny. Umasa siyang hindi iyon mamasamain ng mga magulang nito, na simple lang ang pamumuhay. Sabik na binuksan ni Kenny ang malaking kahon at isa-isang inilabas ang mga kotse. Pinuno nila ang mga pasamano ng bintana at hanggang sahig. Ang dami! Kalaunan, nang bisitahin niya ang pamilya, napuna ni Rachel na nakatitig lang si Kenny sa labas ng bintana. Nang tanungin niya ito, “Ano’ng problema? Ayaw mo ba ng mga bagong kotse mo?” Nahihiya siyang tumungo. “Sori, Rachel. Siguro hindi ko lang alam kung paano mahalin ang napakaraming Hot Wheels.” (Tingnan sa “Owning” [2000], 60–61.)

Nakarinig na tayong lahat ng mga bata, na matapos buksan ang maraming regalo tuwing Pasko o kaarawan, ay sinasabing, “Iyan lang ba?” Sa lahat ng hamong nariyan sa “henerasyong mahilig humingi,” mayroon pa ring banal na payo na turuan ang ating mga anak “na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo na Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at kaloob na Espiritu Santo, … manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon, … [at] susundin din ang araw ng Sabbath [at] panatilihin itong banal” (D at T 68:25, 28–29).

Hindi laging malinaw ang kahulugan ng mas marami at kakaunti. May mga pagkakataon na ang kakaunti ay mas marami pala at ang mas marami ay maaaring kakaunti. Halimbawa, ang di-gaanong paghahangad sa materyal na mga bagay sa mundo ay magdudulot ng maraming panahon para magkasama-sama ang pamilya. Ang sobrang pagpapalayaw sa mga anak ay makakabawas sa pag-unawa sa mahahalagang katangian ng buhay.

Ang ilang aspeto ng buhay ay lubos pang mapaghuhusay sa paniniwalang mas maigi kung mas marami. Ang sagradong himnong “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” (Mga Himno, blg. 80) ay nagpapaalala sa atin ng magagandang katangiang karapat-dapat sa higit nating pagpansin. Inilarawan ni Jesus Mismo ang kinakailangan upang “mithiing si Cristo ay matularan.” Sabi Niya, “Anupa’t nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap” (3 Nephi 12:48).

Mahalaga ang kababaang-loob para higit na matulad kay Cristo. Kung wala ito hindi tataglayin ng isang tao ang iba pang mahahalagang katangian. Ipinahiwatig ni Mormon, “Walang isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso” (Moroni 7:44). Isang proseso ang pagtataglay ng kababaang-loob. Sinabihan tayong “pasanin sa araw-araw [ang] krus” (Lucas 9:23). Hindi dapat maging paminsan-minsan lang ang pagpapasan. Hindi kahinaan ang higit na kababaang-loob, sa halip “ito ay pagpapakita ng sariling kabaitan at kahinahunan. Ito ay nagpapakita ng lakas, katahimikan; nagpapakita ito ng mabuting pagpapahalaga at tunay na pagpipigil sa sarili” (Neal A. Maxwell, “Meekly Drenched in Destiny,” sa Brigham Young University 1982–83 Fireside and Devotional Speeches [1983], 2). Higit na kababaang-loob ang magtutulot sa atin na maturuan ng Espiritu.

Ang mga katangiang ipinahayag sa “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” ay pinagpangkat-pangkat. Ang ilan ay pansariling mithiin, tulad nang bigyan ako ng higit na kabanalan; higit na pagsisikap; higit na pananampalataya, pasasalamat, at kadalisayan; higit na pagkamarapat sa kaharian; higit na layunin sa panalangin; at higit na tiwala sa Panginoon. Ang iba’y nakasentro sa paghihirap. Kabilang dito ang pagtitiis sa pagdurusa, kababaang-loob sa pagsubok, papuri sa ginhawa, lakas na makapanaig, kalayaan sa dungis ng mundo, at pag-asam na makauwi. Matibay tayong iniuugnay sa ating Tagapagligtas ng nalalabi pang mga salita: higit na pagdama sa Kanyang pagmamahal; higit na papuri sa Kanyang kaluwalhatian; higit na pag-asa sa Kanyang salita; higit na galak sa paglilingkod sa Kanya; higit na luha para sa Kanyang kalungkutan; higit na sakit sa Kanyang dalamhati; higit na pinagpala at pinabanal; at higit na makatulad ng Tagapagligtas. Mas maigi kung mas marami ang katangiang ito. Hindi maganda kapag kakaunti.

Marami ang nagagalak sa paglilingkod sa Kanya sa pamamagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa Panunumbalik at pagpapatotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang buhay, ministeryo, at Pagbabayad-sala.

Nagtataka ang isang misyonerong district leader kung bakit nagtagumpay si Elder Parker, na matatapos na sa kanyang misyon, sa kabila ng kahinaan niya sa pagsasaulo ng mga talakayan. Para maunawaan, nakipagtuwang siya kay Elder Parker sa pagbibigay ng talakayan. Hindi organisado ang paglalahad ni Elder Parker, kaya’t nang matapos ang pormal na leksyon, nalito ang district leader at naisip niya na gayon din ang nadama ng pamilyang tinuturuan.

Noon “dumukwang si Elder Parker at hinawakan sa bisig ang ama ng pamilya. Tinitigan niya ito, sinabihan kung gaano niya kamahal ito at ang kanyang pamilya, at ibinahagi ang isa sa pinakamapagpakumbaba at mabisang patotoo na narinig ng district leader. Nang matapos siya, dumadaloy na ang mga luha sa pisngi ng bawat miyembro ng pamilya, pati na ang ama, at dalawang elder. Kasunod nito’y tinuruan ni Elder Parker ang ama kung paano magdasal at lumuhod silang lahat habang ipinagdasal ng ama na makatanggap sila ng sarili nilang patotoo at pinasalamatan ang Ama sa Langit sa nadama niyang masidhing pagmamahal. Dalawang linggo mula noon nabinyagan ang buong pamilya.”

Kalauna’y humingi ng paumanhin si Elder Parker sa district leader dahil hindi niya alam ang mga talakayan. Sinabi niyang nahihirapan siyang magsaulo, kahit ilang oras niya itong pag-aralan araw-araw. Sabi niya, paluhod siyang nagdasal bago magturo sa bawat pamilya at hiniling sa Ama sa Langit na basbasan siya sa kanyang pagpapatotoo para madama ng mga tao ang kanyang pagmamahal at ang Espiritu at malaman nila na ang itinuturo sa kanila ay totoo (tingnan sa Allan K. Burgess at Max H. Molgard, “That Is the Worst Lesson I’ve Ever Heard!” sa Sunshine for the Latter-day Saint Soul [1998], 181–83).

Ano ang matututuhan natin sa simpleng kuwentong ito? Palagay ba ninyo ay nadama ni Elder Parker na kailangan niyang sikapin pang pag-aralan ang mga talakayan? Naunawaan kaya ni Elder Parker na kailangang magdasal nang may layunin? Palagay ba ninyo puno ng pagsamo ang kanyang mga dalangin para makaipon pa ng lakas na makapanaig? Nagdulot kaya ng pagtitiis sa pagdurusa at kababaang-loob sa pagsubok ang kahinaang magsaulo? Nagpakita ba siya ng malaking pananampalataya sa Tagapagligtas at nagtiwala sa Panginoon? Walang alinlangang ginawa niya ito!

Sa nakalipas na pitong linggo, apat na malalakas na bagyo ang humampas sa baybayin ng Florida at sa Gulf of Mexico. Maraming bansa sa Caribbean ang nasalanta nang husto. Kinulang ang pagkain, damit, at kanlungan. Malalaking bunton ng kalat ang humarang sa mga daan at bakuran. Nawasak o kinailangang kumpunihin ang mga gusali.

Noong isang linggo nasa Tallahassee, Florida, ako, at maraming nagpasalamat sa tulong ng Simbahan sa mga biglaang pangangailangan na ito. Nagpasalamat sina Governor Bush ng Florida, Lieutenant Governor Toni Jennings, ang magkatulong na Red Cross at Salvation Army, kasama ang mga kawani ng federal at state emergency na ipinararating ko sa inyo na mga tumulong sa paglilinis at sa mga nag-ambag sa Humanitarian Fund ng Simbahan. Salamat. Tiwala ako na higit ang kagalakan at pakinabang ninyo sa paglilingkod sa Kanya.

Kasunod ng mga naganap sa nakalipas na mga Sabado’t Linggo sa iba’t ibang lugar, mahigit 2,000 boluntaryo mula sa buong timog-silangang Estados Unidos ang nagtipon sa Pensacola, Florida, nitong nakaraang linggo para tumulong sa mga nasalanta ng Bagyong Ivan. Naglatag sila ng mga tulugan sa sahig ng mga meetinghouse, sa ibang mga simbahan, at sa bahay ng mga miyembro. Tumugon sila sa napakaraming hiling na tumulong saanman sila kailangan. Nakibahagi ang mga misyonero sa pagtatapal ng asul na tarpulin sa bubong ng simbahang Methodist sa lugar. Nagpasalamat ang mga unang nagsitulong, ang mga bumbero at pulis, na ang mga Banal sa mga Huling Araw ang itinalagang tumulong sa kanilang mga pamilya habang wala sila.

Lahat ng ito ay naisagawa kasabay ng pagdating ng Bagyong Jeanne sa baybayin matapos salantain ang Haiti at iba pang lugar sa Caribbean. Salamat ulit sa mga nagbahagi ng kanilang kabuhayan at sa mga nagpagaan ng pasanin ng napakarami. Saludo ako sa inyong hangaring higit na mapagpala at mapabanal at makatulad ng Tagapagligtas. Sa Sabado’t Linggong ito, 2,500 ang tutulong sa pagsalantang idinulot ng Bagyong Jeanne.

Sa pagtalakay sa iba’t iba nating pag-asam sa mas marami pa, hindi ko iminumungkahi na gawin nating huwaran si Scrooge sa pagiging mabuting magulang. Iminumungkahi ko na mahalaga para sa mga pamilya at indibiduwal na masiglang maghangad pa ng mabubuting katangiang madadala sa kabilang buhay. Mapanalangin at makalumang pamamaraan ang susi sa matagumpay na pamumuhay sa nakaaangat na lipunan at pagtataglay ng mga katangiang nagmumula sa paghihintay, pagbabahagi, pagliligtas, pagsisipag, at kasiyahan sa kung ano ang mayroon tayo. Nawa’y mabiyayaan tayo ng hangarin at kakayahang maunawaan kung kailan talaga kakaunti ang mas marami at kung kailan mas maigi ang mas marami. Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.