Ginawa Namin Ito para sa Inyo
Ang gawain sa templo ang gawaing inihanda para gawin natin. Ito ay isang gawain para sa bawat henerasyon, kabilang lalo na ang mga kabataan ng Simbahan.
Mahigit isang taon lang nang bisitahin naming mag-asawa ang Nauvoo. Sa paglalakad namin sa Old Pioneer Cemetery na hinahanap ang puntod ng isang ninuno, si Zina Baker Huntington, naantig ako ng tahimik na kapanglawan at diwa ng lugar na iyon. Dumaan ako sa mga puno at binasa ang mga pangalan sa lapida, marami sa mga ito ay mga bata at pamilya. Naiyak ako sa pagbaling ng aking puso sa aking mga ninuno, marami sa kanila ang naging miyembro ng Simbahan at lumipat sa Nauvoo. Maraming tanong sa aking isipan: Bakit nila iniwan ang magaganda nilang tahanan at pamilya? Bakit sila dumanas ng pag-uusig, sakit, at maging kamatayan? Bakit isinakripisyo nila ang lahat ng pag-aari nila upang marating ang lugar na ito at magtayo ng templo? Wala na nga silang matirhan, subalit nagtayo pa rin sila ng templo! Bakit nila ginawa ito? At nang matatapos na ang templo, bakit nila ito iniwan? Habang nakaupo ako’t iniisip na mabuti ang pangyayaring ito, malakas ang dating ng tugon sa akin subalit banayad sa aking isip at puso: “Ginawa namin ito para sa inyo.”
Ang mga salitang, “Ginawa namin ito para sa inyo,” ay nagpaalala sa akin sa mga ninuno ko, pati na ang marami pang matatapat na Banal, na nagsakripisyo ng lahat dahil sa kanilang mga patotoo at pananampalataya kay Jesucristo. Alam nila na minsan pang ibinalik ang ebanghelyo sa mundo at ginagabayan sila ng propeta ng Diyos. Alam nila na totoo ang Aklat ni Mormon at naunawaan ang mensahe at patotoo nito. Alam nila na sa pamamagitan ng panunumbalik ng mga susi ng priesthood, sama-samang mabubuklod ang mga pamilya sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng banal na priesthood na magagawa lamang sa templo. Alam nila na ang gawain sa templo ay susi sa kaligtasan at kadakilaan ng pamilya ng tao. Alam nila ang kahalagahan ng gawaing ito, at handa silang ibigay ang lahat upang makapaglaan ng bahay na tatanggapin ng Panginoon kung saan isasagawa ang banal na gawaing ito. Isinakripisyo nila ang lahat upang makamtan ng mga lumipas at darating na henerasyon ang mga walang hanggang pagpapala ng templo.
Bago sila dumating sa Nauvoo, labis na nagsakripisyo ang mga Banal para maitayo ang unang templo ng dispensasyong ito sa Kirtland, Ohio. Dito nagpakita ang Panginoon mismo kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Nagpakita rin dito ang tatlo pang sugo ng langit. Ang isa rito ay si Elijah ang propeta, na pinanumbalik, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang mga susi na may kinalaman sa panunumbalik ng priesthood at sa “dakilang gawaing gagawin sa mga templo ng Panginoon.”1 Ito ay mangyayari ayon sa pangako na nakasulat sa Doktrina at mga Tipan kung saan sinabi ng Panginoon:
“Masdan, ipahahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta… .
“At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama.
“Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa kanyang pagparito.”2
Naunawaan ng mga Banal noon ang ibig sabihin ng banal na kasulatang ito, at sa maaliwalas na umagang iyon sa lumang sementeryo sa Nauvoo, naunawaan ko rin ito.
Paano itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama? Paano ibabaling ang mga puso ng mga anak sa kanilang mga ama? Mangyayari lamang ito kapag naunawaan natin ang ating pagkatao at tungkulin sa gawaing ito, at mananatiling marapat at handa sa pagpasok sa templo at magsasagawa para sa mga namatay.
Sinabi ni Brigham Young: “May gagawin tayo na kasing halaga ng nasasakupan nito gaya ng gawain ng Tagapagligtas sa nasasakupan nito… . Tinawag tayo ngayon para gawin ang ating gawain; na magiging pinakadakilang gawain na magagawa ng tao sa mundong ito.”3
Sa isang pangitain ng pagtubos ng mga patay na ibinigay kay Pangulong Joseph F. Smith, nakita niya ang marami sa mararangal at dakilang propeta na nasa lupa bago pumarito ang Tagapagligtas. Nakita niya rin sina Propetang Joseph Smith, Hyrum Smith, na kanyang ama, at “iba pang piling espiritu na itinalagang bumangon sa kaganapan ng panahon para makiisa sa paglalatag ng saligan ng dakilang gawain ng huling araw.”4 Sino ang mga iba pang piling espiritung iyon? Ang ating henerasyon ay naroon sa “mararangal at dakilang” lider na iyon, na inihanda sa daigdig ng mga espiritu na pumarito sa mundo sa panahong ito! Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na “maging bago pa man sila isinilang, sila, kasama ng marami pang iba, ay tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon sa takdang panahon ng Panginoon upang gumawa sa kanyang ubasan para sa Kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao.”5 Ang gawaing inihahanda natin at inilalaang isagawa ay kinabibilangan ng “pagtatayo ng mga templo at ang pagsasagawa ng mga ordenansa rito para sa pagtubos ng mga patay.”6
Nakita na ni Brigham Young ang panahong ito kung saan tayo nabubuhay. Sabi niya, “Upang maisagawa ang gawaing ito kailangang marami tayong templo, hindi iisa, kundi libu-libo nito, at libu-libo at sampu-sampung libo ng kalalakihan at kababaihan ang magtutungo sa mga templong ito at isasakatuparan ito para sa mga taong nabuhay noon na ihahayag ng Panginoon.”7
Noong bata pa ako, tinuruan ako ng lolo Martin ko na sa mga huling araw, literal na matatagpuan saanmang sulok ng mundo ang templo. Noong sabihin ng lolo ko ang kaalamang ito, hindi ko ito gaanong naunawaan. Gayunman lumaki ako na taglay ang kaalaman at damdaming ito sa aking puso. Kamakailan ay tiningnan ko ang salitang “templo” sa Website ng Simbahan at malinaw na nakita ko na ang mga templo, na tinutukoy ng pulang tuldok, ay nagsimulang lumaganap sa mundo.8
Ang mahal nating propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay nagsabing “Hinangad namin … na ilapit ang mga templo sa mga tao at matamo nila ang lahat ng pagkakataon para sa napakahahalagang pagpapala na dulot ng pagsamba sa templo.”9 Alam ng ating propeta na mahirap gawin ang mga gawain sa templo kung malayo tayo rito. Panahon natin ito, at ang gawain sa templo ang gawaing inihanda para gawin natin. Ito ay isang gawain para sa bawat henerasyon, kabilang lalo na ang mga kabataan ng Simbahan.
Para maisagawa ang dakilang gawaing ito, kailangang maging marapat tayo. Hindi nakapagtataka na napalilibutan tayo ng mga bagay na nilayong magpahina, manggulo, o magpasama sa atin. Pagtuunan natin ng pansin ang gawain, at dapat nating tandaan na ang templo ang dahilan ng lahat ng ginagawa natin sa Simbahan.
Ang mga programang para sa kabataan gaya ng Pansariling Pag-unlad at Tungkulin sa Diyos ay naghihikayat sa mga kabataan na maging marapat na dumalo sa templo. Dinisenyo ang mga programang ito upang tulungan ang mga kabataan na gumawa at tupdin ang mga pangako, sa gayon ay ihanda sila na makipagtipan at tupdin ito. Hinihikayat ng mga ito ang kabataan na magsulat sa journal, gumawa sa family history, at magsagawa ng pagbibinyag para sa kanilang mga ninuno. Ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan ay nagtuturo ng doktrina at mga alituntunin na, kung mauunawaan at ipamumuhay, ay tutulong sa mga kabataan na maging marapat na dumalo sa templo. Ang mga programang ito ay mabibisang kasangkapan na magagamit ng kabataan, mga magulang, at lider. Tinutulungan ng mga ito ang mga kabataan na maghanda na maging marapat sa pagpasok sa templo. At hindi kailangang hintayin ng kabataan na makasal o magmisyon sila para makapasok sa templo. Mararanasan nilang pumasok sa templo kapag tumuntong sila sa edad 12 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng binyag at kumpirmasyon, at magpapatuloy ito hanggang sa sila ay maging tinedyer at tumanda na. Malalaking pagpapala ang literal na “ibubuhos sa mga ulo” ng mga na-endow sa mga templo, at isang bahagi ng pagpapalang ito ang darating sa ating mga kabataan habang marapat silang namumuhay upang makilahok sa gawain sa Bahay ng Panginoon.10
Ang bautismuhan sa Salt Lake Temple ay kapana-panabik puntahan tuwing umaga ng Sabado! Maaga pa’y naroon na ako noong isang araw para mabinyagan para sa mga ninuno ko. Habang nakaupo ako sa bautismuhan, napansin ko na ang kabataang babae sa gawing kaliwa ko ay nagbabasa ng kanyang patriarchal blessing. Ang babae naman sa kanan ko ay nagbabasa ng banal na kasulatan. Tinanong ko siya kung pumarito siyang kasama ng isang grupo. Ang sagot niya: “Hindi po, pumupunta po ako rito kasama ang mga kaibigan ko tuwing Sabado. Napagaganda po nito ang buong linggo ko.” Batid ng mga kabataang babaeng ito, at ng marami pang kabataan, ang malaking lihim—hindi lamang pinagpapala ng templo ang ating pamilya at buhay ng mga ninuno natin, kundi pati na ang sarili natin. Pinangakuan tayo na ang mga na-endow sa templo ay lalabas sa banal na bahay na iyon “na sakbit ang inyong kapangyarihan, at nang ang inyong pangalan ay mapasakanila, at ang inyong kaluwalhatian ay bumalot sa kanila, at ang inyong mga anghel ay mangalaga sa kanila.”11 Ang mga ito ay mga dakilang pagpapala at pangako. Ano pa ang hindi hahangaring ihanda ng kabataan para matanggap ang mga pagpapalang ito nang sa gayon ay ligtas silang mamuhay sa gitna ng tumitinding kasamaan ngayon?
Nang magsalita si Pangulong Faust sa mga kabataang lalaki sa sesyon ng priesthood noong Oktubre, hinikayat niya ang mga ito na gumawa at maging bahagi ng gawain sa templo at family history. Ang sabi niya: “Hinihikayat ko kayo … na simulang alamin kung sino nga ba kayo talaga sa pagtuklas pa tungkol sa inyong mga ninuno… . Madali lang kayong makakakuha ng malaking koleksyon ng rekord ng family history, gamit ang Internet sa kompyuter ninyo sa bahay o sa pinakamalapit na family history center… . Mahalaga ang gawain sa templo … dahil ‘tayo ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap!’ ”12
Ang mga kabataan ay inihanda “sa panahong ito.”13 Sila ay matatalino at marurunong. Sila ay magagaling sa kompyuter at Internet. Sila ay magagamit sa kabutihan sa mundo! Sila’y inilaan sa mga huling araw na ito, at marami silang gagawin. Hindi lamang iyon, kundi ang templo ang magiging kanlungan nila na poprotekta sa kanila mula sa mga pamimilit at impluwensya ng mundo.
Habang iniisip kong mabuti ang mga sinabi ni Pangulong Faust, nakikita ko ang isang hukbo ng mabubuting kabataan na handa at marapat na pumasok sa templo. Nakikita ko ang mga pamilya na ibubuklod para sa kawalang-hanggan. Nakikita ko ang mga kabataan na nauunawaan ang kahulugan ng maging “mga tagapagligtas … sa bundok ng Sion.”14 Nakikita kong ibinabaling ng mga kabataan ang mga puso nila sa kanilang mga ama.15 At nakikita kong lumalaki ang kabataan sa paraang hahayo sila mula sa mga templo na puspos ng lakas na paglabanan ang mga pamimilit ng mundo.16 Nakikita ko ang isang henerasyon ng mga kabataan na “[tatayo] … sa mga banal na lugar, at [hindi natitinag].”17
Si Zina Baker Huntington, kasama ang iba pang matatapat na banal, ay isinakripisyo ang lahat upang matamo natin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Dalangin ko na maunawaan natin ang ating tungkulin sa dakilang gawaing ito at manatiling marapat upang makapasok sa Kanyang banal na templo. Alam ko na kung gagawin natin ito, ang araw ng kagalakan ay darating kapag nakapiling nating muli ang ating mga ninuno at masabi sa kanila: “Ginawa namin ito para sa inyo.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.