Mula sa Maliliit na Bagay
Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, at hindi tayo dapat mainip; ang hangad nating mga pagbabago ay darating sa “kanilang panahon.”
Ang mga titik ng maringal na himno ng panunumbalik na inawit sa pagsisimula ng ating miting ay nasa puso’t isipan ko na mula pa nang piliin namin ang paksa. “Babangon sa kariktan ang Sion; Liwanag niya’y magniningning… . Mga taong maghahanda sa pagharap sa Panginoon” (“Let Zion in Her Beauty Rise,” Hymns, blg. 41). Masarap isipin ang ipinangakong pagbalik ng Panginoon, ngunit mahirap ding isipin ang mga pagbabagong kakailanganin nating gawin para maging handa. Gayunpaman, mahal kong mga kapatid, nang makilala ko kayo at makita ang inyong katapatan, naniniwala ako na, bilang mga miyembro, hindi tayo nagkukulang sa paghahanda na tulad ng iniisip natin. May dahilan tayong magtiwala at umasa habang tayo’y naghahanda.
Abalang panahon ng paghahanda ang Setyembre 1832 para sa naunang mga Banal. Naghahanda noon ang Propeta sa paglipat sa tahanan ni John Johnson sa timog-silangan ng Kirtland, Ohio; ang ibang kalalakihan ay naghahandang magtungo sa Missouri. Sa gitna ng mga paghahandang ito, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na siya nating alam ngayon bilang bahagi 64 ng Doktrina at mga Tipan. Matapos pagbilinan ang mga lalaking papuntang Missouri, ipinaalala ng Panginoon na, “Gayunman lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon. Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:32–33; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang mga talatang ito ay gabay natin sa paghahanda sa ating sarili at pamilya na mamuhay sa “mga panahong mapanganib” (tingnan sa 2 Kay Timoteo 3:1). Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, at hindi tayo dapat mainip; ang hangad nating mga pagbabago ay darating sa “kanilang panahon.” Higit sa lahat, ang mga dakilang gawaing nais nating gawin ay magmumula sa “maliliit na bagay.”
Nalaman ko na isa sa maliliit na bagay na iyon ay kailangan kong magbigay ng oras na patatagin ang sarili kong espirituwalidad araw-araw. Nakatutuksong ilista ang lahat ng kahinaan ko at buong lakas na alisin ang mga ito, tulad ng sabi ng isang kaibigan ko, na para akong “pumapatay ng ahas.” Ang pagpapahusay sa sarili ay parang proyekto, pero—ang totoo—ito’y pagbabago ng puso. Kapag hirap tayong kababaihan na gampanan ang mga obligasyon natin sa buhay—pagpapalaki ng mga anak, pagtustos sa mga kailangan, pag-aaral, pagtanda o pagkakasakit—ang sarili nating espirituwalidad ay madalas humantong sa dulo ng mahaba nating listahan ng “mga gagawin.”
Makapagpapabago ang pag-aaral ng banal na kasulatan at panalangin—pero hindi biglaan. Kung wala sa loob ang ating pagbabasa at pagdarasal, ritwal lang ito, at kahit hindi nasayang ang oras, hindi rin tayo nakinabang dito. Kailangan natin, sa suporta ng pamilya, na mag-ukol ng sapat na oras para mag-aral—hindi basta magbasa—para magnilay-nilay, damhin, at hintayin ang mga sagot. Nangako ang Panginoon na palalakasin Niya tayo, patatatagin at pasisiglahin, kung pag-uukulan natin Siya ng oras araw-araw (tingnan sa D at T 88:63).
Mga kapatid, kailangan tayong maghanda kung nais nating maglingkod, at maglingkod kung nais nating maghanda. Noong 16 anyos ako’y tinawag akong magturo sa mga batang tatlong-taong-gulang sa noo’y tinatawag na Junior Sunday School. (Alam na ninyo na talagang may ganoon noong araw.) Malilikot ang mga batang tinuruan ko. Akyat-baba sila sa ibabaw at ilalim ng mga upuan at mesa, at parang ayaw magsitigil. Walang-wala akong karanasan noon at sa mga unang linggo inisip ko kung tama ba na tinanggap ko ang tungkulin.
Pero nagtiyaga ako, at nalaman ko—agad-agad—na hindi ko basta maipagdarasal ang tulong. Kailanga’y handa ako. Ibig sabihin nito’y planuhin ang mga aktibiti, kuwento at aralin, at kailanga’y may handang Plan B, at maging C hanggang Z. Makalipas ang maraming taon, nang matawag akong mamuno sa isang Junior Sunday School, alam ko na kung paano tulungan ang mga bagong titser. Alam ko na kung paano masiyahan sa mga bata, at ang kahalagahan ng pagiging tapat sa aking tungkulin.
Ako, tulad ng marami sa inyo, ay marami nang naging katungkulan sa Simbahan. Ang ilan ay mas madali kaysa iba, pero sinikap kong gampanan ang bawat isa. Pero kinakabahan ba kayo sa mga katagang “gampanan ang inyong tungkulin”? Nag-alala ako rito! Kailan lang ay nabasa ko ang talumpati ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol dito: “At paano ginagampanan ng tao ang isang tungkulin? Sa pagsasagawa lang ng paglilingkod na nauukol dito” (“Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Ene. 2000, 60 ). Mga kapatid, kaya natin ito! Naririnig ko sa kababaihan na napapagod sila sa kanilang tungkulin o wala silang panahong maglingkod. Pero ang pagganap sa tungkulin ay hindi nangangahulugan na magpuyat tayo sa paghahanda ng mga handout at magagarang dekorasyon sa mesa. Hindi ito nangangahulugan na tuwing magbi-visiting teaching tayo’y dapat tayong magdala ng anuman sa ating mga miyembro. Kung minsa’y sarili natin ang pinakamatindi nating kaaway. Simplehan lang natin. Ang mensahe ng isang magandang aralin ay nagmumula sa espirituwal na paghahanda. Magpokus tayo sa mga alituntunin ng ebanghelyo at sa materyal sa ating mga gabay sa pag-aaral. Maghanda tayo para makapagpalitan tayo ng mga ideya, sa mga talakayan, hindi sa di-kailangang mga gawain na pumapagod sa atin kaya naiinis tayo sa oras na ginugugol natin sa pagganap sa ating mga tungkulin.
Kapag tinawag tayong maglingkod, hindi sinasabi kung kailan tayo ire-release. Dapat nating gugulin ang ating buhay sa paglilingkod. Si Lois Bonner, ang ka-stake kong 92 anyos, ay nagsimulang maglingkod bilang visiting teacher nang ikasal siya 65 na taon na ang nakararaan. Tapat pa rin siyang naglilingkod. Ang mga Nelson ng Canada at mga Ellsworth ng Utah, bilang mga misyonero, ay nagturo, nagpayo, at nagmahal sa aming mga nasa maliit ngunit lumalagong ward sa Missouri. Nalaman namin sa kanila ang kagalakan sa paglilingkod at natuto sa kanilang mga karanasan. Wala akong maisip na mas mabuting paraan para pasalamatan ang ating Ama sa lahat ng ibinibigay Niya sa atin kaysa maglingkod sa Kanyang mga anak sa lahat ng panahon ng ating buhay.
Sa huli, unti-unti kong nauunawaan ang kahulugan at kahalagahan ng ating mga handog—lalo na ang ating mga ikapu at handog-ayuno. Sa buong Doktrina at mga Tipan pinapayuhan tayo ng Panginoon na pangalagaan ang isa’t isa at ibahagi ang ating kabuhayan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Katunayan, ang kahandaan nating gawin ito ay isa sa mga kailangan para sa muling pagparito ng Panginoon (tingnan sa A Companion to Your Study of the Doctrine and Covenants, ni Daniel H. Ludlow, 2 tomo, [1978], 2:46). Bagama’t magkakaiba ang ating sitwasyon, mahalagang ibigay natin ang lahat ng kaya natin. Kailanma’y hindi hiniling ng Panginoon na ibigay natin ang lahat ng pag-aari natin, ngunit mahalagang malaman Niya na gagawin at magagawa natin ito, kung hihilingin (tingnan sa “Obedience, Consecration, and Sacrifice,” ni Bruce R. McConkie, Ensign, Mayo 1975, 50). Sa isang stake kung saan kami nanirahan ng aking asawa, hinamon ng stake president namin ang mga miyembro na doblehin ang kanilang mga handog-ayuno at maghanda para sa darating na mga biyaya. Ngayo’y personal ko nang mapapatototohanan na bibiyayaan tayo ng Panginoon sa mga paraang di maaarok kung tayo’y tunay at tapat sa bukas-palad na pagbibigay.
Espirituwalidad sa pagdarasal at pag-aaral. Paglilingkod sa iba. Bukas-palad na mga ikapu at handog. Hindi bago ang mga alituntuning ito. Ilan ito sa maliliit na bagay na kailangan para sa mga dakilang bagay. Sa kasunod na talata, malalaman natin kung ano ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon. Hiling Niya’y “puso at may pagkukusang isipan” (D at T 64:34; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang puso’t isipan natin ang kailangang baguhin. Lahat tayo’y may mga pagkukulang, kahinaan, pag-uugaling di-maganda. Hiling ng Panginoon na maging bukas tayo sa Kanya, sa lahat ng bagay. Sabi Niya sa atin, huwag isipin “ang sarili mong buhay”; sundin ang “aking kalooban, at [sundin] ang aking mga kautusan” (Helaman 10:4). Nababago ang puso kapag ginawa at ibinigay natin ang lahat ng kaya natin, at ialay ang ating puso’t kalooban sa Ama. Kapag ginawa natin ito, pangako ng ating Ama na sasagana ang ating buhay ngayon at sa kawalang-hanggan. Wala tayong dapat ikatakot.
Mga kapatid, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti. Kung matiyaga tayo, magagawa nating baguhin ang ating puso. Karamihan sa atin ay kailangan lang baguhin nang kaunti ang pag-uugali, para matuwid ng landas. Ang mga pagbabagong kailangan natin ay sa “maliliit na bagay,” pero hindi nangangahulugan na madali itong gawin. Maraming bagay ang maglalayo sa atin sa katotohanan. Pero batid natin ang mga paramdam na aakay sa atin sa tamang landas. Ito ang daan patungo sa ating tahanan sa langit.
Pinatototohanan ko sa inyo na totoo ang mga pangako ng Ama sa atin, na Kanyang minamahal na mga anak. Pinatototohanan ko na kapag iniayon natin ang ating buhay sa buhay na ipinakita sa atin ng Tagapagligtas, malalaman natin na nagniningning na ang liwanag ng Sion, na tayo ay nagiging mga taong handa sa Kanyang pagbabalik. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.