Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag
Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay inatasan ng Diyos at sinang-ayunan … bilang mga propeta, tagakita at tagapaghayag.
Sa ngalan ng aking mga Kapatid sa Korum ng Labindalawang Apostol, nais kong ako ang unang bumati kina Elder Dieter Uchtdorf at David Bednar sa bago nilang katungkulan at sa magiliw na samahang naghihintay sa kanila. Nang tawagin ang orihinal na Labindalawa sa dispensasyong ito sinabihan sila na ang pagkatawag sa kanila ay “nilayon upang magkaroon kayo ng pagmamahal sa isa’t isa, na higit pa sa kamatayan.”1 Gayon na namin kayo kamahal, mga Kapatid, pati na ang inyong asawa at pamilya. Nagkakaisa ang aming puso’t tinig sa pagsasabing, “Tinatanggap namin kayo, mahal na mga kaibigan.”
Sa diwa ng matamis na mensahe ni Pangulong Hinckley, nais ko ring ipahayag ang gayundin katinding “pagmamahal … na higit pa sa kamatayan” at ang matinding kawalan na nadama nating lahat sa pagpanaw ng ating pinakamamahal na sina David B. Haight at Neal A. Maxwell. Sa dalawang kapatid na iyon at sa kani-kanilang magigiliw na asawang sina Ruby at Colleen, mahal namin kayo. May pitagan kami sa inyong paglilingkod at ikinararangal ang uliran ninyong pamumuhay. Itinuturing naming lahat na napakalaking pribilehiyo ang makilala kayo at makasama ninyo sa paglilingkod. Mahalaga kayo sa amin magpakailanman.
Dahil sa malaking pagbabago sa pagsusulong ng gawaing ito, may gusto akong sabihin ngayong umaga tungkol sa pagiging apostol at sa kahalagahang maipagpatuloy ito sa totoong Simbahan ni Jesucristo. Hindi ang mga lalaking nanunungkulan dito ang tinutukoy ko kundi ang katungkulan mismo, isang katungkulan sa banal na Melchizedek Priesthood na itinalaga mismo ng Tagapagligtas para sa pangangalaga ng Kanyang mga tao at pagsaksi sa Kanyang pangalan.
Upang makapagtatag ng isang simbahang magpapatuloy sa ilalim ng Kanyang direksyon kahit wala na Siya sa mundo, si Jesus ay “napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.”
“At nang araw na, ay tinawag niya ang kanyang mga alagad; at siya’y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol.”2
Sa huli’y ituturo ni Pablo na ginawa ito ng Tagapagligtas, kahit batid ang Kanyang tiyak na kamatayan, upang bigyan ang Simbahan, ng “kasasaligang mga apostol at ng mga propeta.”3 Ang mga Kapatid na ito at iba pang mga pinuno ng Simbahan ay maglilingkod ayon sa patnubay ng nabuhay na mag-uling Cristo.
Bakit? Ang ilan sa mga dahilan ay “upang [mula ngayon] tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian.”4
Dahil dito ang pundasyon ng mga apostol at propeta ng Simbahan ang magpapala sa lahat ng oras, ngunit lalo na sa oras ng pagsubok o panganib, sa oras na dama nating mga bata tayo, lito o hilo, marahil ay medyo takot, sa oras na ang kahalayan ng tao o masamang hangarin ng diyablo ay magtatangkang manggulo o magligaw. Para makapaghanda sa ganitong mga pagkakataon tulad sa ating panahon ngayon, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay inatasan ng Diyos at sinang-ayunan ninyo bilang “mga propeta, tagakita at tagapaghayag.” Kasama dito ang Pangulo ng Simbahan na sinang-ayunan bilang siyang propeta, tagakita at tagapaghayag, at pinakamataas na Apostol, at sa gayo’y siya ang tanging binigyan ng karapatan na gamitin ang lahat ng susi sa paghahayag at pamamahala sa Simbahan. Sa panahon ng Bagong Tipan, sa panahon ng Aklat ni Mormon, at sa makabagong panahon ang mga opisyal na ito ang bumubuo sa saligang bato ng totoong Simbahan, na nakapaligid at tumatanggap ng lakas mula sa pangulong bato sa panulok, na “bato ng ating Manunubos, na si [Jesu]Cristo, ang Anak ng Diyos,”5 Siya na dakilang “Apostol at Dakilang Saserdote na ating kinikilala,” sabi nga ni Pablo.6 Ang gayong pagsalig kay Cristo ay mananatiling proteksyon sa mga panahon “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo.” Sa mga panahon tulad ng sa ngayon—at humigit-kumulang ay laging daranasin—ang mga bagyo sa buhay ay “hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo … dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”7
Tatlong linggo na ang nakaraan nasa isang stake conference ako sa kaakit-akit at maliit na komunidad sa bundok ng Prescott, Arizona. Kasunod ng magagandang kaganapan noong katapusan ng linggong iyon, isang sister ang palihim na nag-abot ng liham paglapit nila sa akin para makipagkamay at magpaalam. Atubili man ako’y ikukuwento ko sa inyo ngayon ang ilang bahagi nito. Tumuon sana kayo sa doktrinang itinuturo ng kapatid na ito, hindi sa mga taong nabanggit sa liham.
“Mahal na Elder Holland, salamat sa patotoong ibinigay ninyo sa kumperensyang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal. Apatnapu’t isang taon na ang nakararaan taos akong nagdasal sa Panginoon, at sinabi sa Kanya na sana’y nabuhay ako noong buhay pa ang mga Apostol, noong may totoong Simbahan pa at naririnig pa ang tinig ni Cristo. Isang taon makalipas ang dasal na iyon nagpadala sa akin ang Ama sa Langit ng dalawang misyonerong LDS at nalaman ko na maaaring matupad ang lahat ng inaasam kong iyon. Marahil kapag pagod kayo o balisa, makakatulong na ipaalala sa inyo ng liham na ito kung bakit napakahalaga sa akin at sa milyun-milyon pang gaya ko na marinig ang inyong tinig at makamayan. Ang inyong kapatid na nagmamahal at nagpapasalamat, Gloria Clements.”
Bueno, Sister Clements, ang magiliw mong liham ay nagpagunita sa akin ng gayunding pag-asam at halos gayunding pahayag na minsa’y sinambit ng sarili kong pamilya. Sa magulong mga taon ng unang pandarayuhan sa bansang ito, si Roger Williams, ang determinadong ika-10 kong kalolo-lolohan na pabagu-bago ng ugali, ay tumakas—nang labag sa kanyang kalooban—mula sa Massachusetts Bay Colony at nanirahan sa ngayo’y estado ng Rhode Island. Providence ang itinawag niya sa kanyang headquarters, dahil ang pangalang ito mismo ang nagsasaad ng matagal na niyang paghahanap sa banal na patnubay at manipestasyong mula sa langit. Ngunit hindi niya natagpuan kailanman ang sa tingin niya’y totoong simbahan noon ng Bagong Tipan. Sa taong ito na bigo sa paghahanap sinabi ng bantog na si Cotton Mather, “[Sa wakas] ay sinabi ni G. Williams [sa mga tagasunod niya] na dahil siya mismo’y naligaw, [nailigaw niya sila, at] alam na niya ngayon na walang sinuman sa daigdig na makapagsasagawa ng binyag [o alinman sa mga ordenansa ng ebanghelyo], … [kaya] pinayuhan niya sila na kalimutan na ang lahat … at maghintay na lang sa pagdating ng mga bagong apostol.”8 Hindi na inabutan ni Roger Williams ang pagdating ng inaasam-asam niyang mga bagong Apostol, ngunit balang-araw umaasa akong masasabi ko sa kanya na personal itong nasaksihan ng kanyang mga inapo.
Ang pananabik at pag-asam hinggil sa pangangailangan ng banal na patnubay ay karaniwan sa mga repormista ng relihiyon na nagpasimula sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Sinabi ng isa sa mga pinakabantog na mangangaral sa New England, si Jonathan Edwards, “Tingin ko’y … hindi makatwirang ipalagay na dapat ay mayroong Diyos … na lubos na nagmamalasakit [sa atin], … ngunit hindi siya dapat magsalita, … na wala tayong dapat marinig [sa kanya].”9
Kalaunan niyanig ng walang kapantay na si Ralph Waldo Emerson ang pinakapundasyon ng relihiyong orthodox ng New England nang sabihin niya sa Divinity School sa Harvard: “Tungkulin kong sabihin sa inyo na higit na kailangan ngayon [ang] bagong paghahayag.” “Ang doktrina ng inspirasyon ay nawala… . Ang mga himala, propesiya, … ang banal na buhay, ay bahagi [na lang] ng nakalipas… . Sinasabi ng mga tao na ang paghahayag ay noon lang unang panahon, na para bang patay na ang Diyos. Tungkulin ng tunay na guro,” babala niya, “na ipakita sa atin na ang Diyos ay buhay, hindi patay; na Siya’y nagsasalita, at hindi noon lang una.”10 Ang ibig sabihin ni G. Emerson ay, “Kung ipipilit mong bato ang iabot sa mga taong nanghihingi ng tinapay, darating ang araw na titigil sila sa kapupunta sa panaderya.”11
Isipin ninyo ang kahanga-hangang sinabi ng mga kilalang tao sa kasaysayan ng Amerika, gayundin ang mga dasal ng isang Gloria Clements, at malinaw na binibigyang-diin nito ang makapangyarihang mensahe ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa inyo na nakakakilala sa aming mga misyonero. Mga propeta? Mga tagakita? Mga tagapaghayag? Ang mga pangyayari noong 1820 at 1830, at mga kaganapan sa kasunod na halos dalawang siglo, ay nagsasabing ang mga paghahayag at ang mga tumanggap nito ay hindi “ibinigay noon lang una at lipas na.”
Sa mismong taon na ibinigay ni G. Emerson ang mensaheng ito sa Divinity School na nagpapahiwatig ng gayong pagsamo, ay natawag si Elder John Taylor, isang batang dayuhang Ingles sa bansang ito, bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, isang propeta, tagakita at tagapaghayag. Sa katungkulang yaon minsa’y nakisimpatiya si Elder Taylor sa mga tapat na naghahangad sa katotohanan: “Sino na ba ang nakarinig tungkol sa isang tunay na relihiyon na hindi tumatanggap ng paghahayag mula sa Diyos? Para sa akin ito ang pinakawalang kabuluhang bagay na maiisip ng tao. Hindi ako nagtataka,” wika ni Brother Taylor, “[na] kapag karaniwang tinatanggihan ng tao ang alituntunin ukol sa paghahayag sa kasalukuyan, ay umiiral ang nakagagambalang paglaganap ng pag-aalinlangan at kawalang paniniwala sa Diyos. Hindi ako nagtataka na maraming tao ang humahamak sa relihiyon at itinuturing na hindi ito dapat pansinin ng matatalinong tao, dahil kung walang paghahayag, ang relihiyon ay magmimistulang pang-aalipusta at huwad… . Ang alituntunin ng paghahayag sa kasalukuyan, … ang siyang pinakasaligan ng ating relihiyon.”12
Alituntunin ng paghahayag sa kasalukuyan? Pinakasaligan ng ating relihiyon? Babalikan ko ang kasalukuyan mula sa mga saligang iyon, ang narito ngayon, sa ika-21 siglo. Para sa mga pari, mananalaysay, at karaniwang tao—iyon pa rin ang isyu. Bukas ba ang kalangitan? Ipinahahayag ba ng Diyos ang Kanyang kalooban sa mga propeta at apostol tulad noong una? Walang tinag pa ring ipinahahayag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo na bukas ang kalangitan at naghahayag pa rin Siya. At sa pagpapahayag na ito nakasalig ang kabuluhan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa loob halos ng 200 taon na ngayon.
Buhay niya ang sumagot sa tanong na, “Naniniwala ka ba na kinakausap ng Diyos ang tao?” Sa lahat ng nagawa niya sa kanyang maikling 38 at kalahating taon sa mundo, higit sa lahat ay iniwan sa atin ni Joseph ang matibay na pamana ng banal na paghahayag—hindi lang isa at natatanging paghahayag na walang ebidensya o kinahinatnan, ni “mumunting inspirasyong dahandahang dumaloy sa isipan ng lahat ng mabubuting tao” kahit saan, kundi partikular, nasusulat, tuluy-tuloy na direksyon mula sa Diyos. Sabi nga ng isang mabuting kaibigan at tapat na iskolar na LDS, “Sa panahong ang pinagmulan ng Kristiyanismo ay sinasalakay ng mga puwersa ng pilosopiyang Enlightenment, ibinalik ni Joseph Smith [nang malinaw at nag-iisa] ang makabagong Kristiyanismo sa pinagmulan nito sa paghahayag.”13
Salamat po “O Diyos, sa aming propeta; sa huling araw patnubay siya,”14 dahil karamihan sa mga araw na iyon ay mabagabag at magulo. Salamat sa umagang iyon ng tagsibol noong 1820 nang magpakita sa kaluwalhatian ang Ama at Anak sa isang batang 14-na-taonggulang. Salamat sa umagang iyon nang dumating sina Pedro, Santiago, at Juan upang ibalik ang mga susi ng banal na Priesthood at lahat ng katungkulan dito. At sa aming henerasyon nagpapasalamat kami para sa umaga ng Setyembre 30, 1961, 43 taon na ang nakararaan ngayong katapusan ng linggo, nang (ang noo’y) si Elder Gordon B. Hinckley ay natawag na apostol, ang ika-75 lalaki sa dispensasyong ito na nahirang. At patuloy ang mga kaganapang ito hanggang sa araw na ito at magpapatuloy hanggang sa dumating ang Tagapagligtas.
Sa isang mundo ng kaguluhan at takot, magulong pulitika at naglalahong moralidad, pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo—na Siya ang Tinapay at Tubig na buhay—at lalaging dakilang Kalasag ng kaligtasan sa ating buhay, ang makapangyarihang Bato ng Israel, ang Angkla ng Kanyang buhay na Simbahang ito. Pinatototohanan ko ang Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na bumubuo sa patuloy na pundasyon ng Simbahang iyon at sumasaksi na ang gayong mga katungkulan at paghahayag ay gumagana ngayon, sa ilalim ng gabay ng Tagapagligtas nating lahat, sa at para sa panahon ng ating pangangailangan. Nagpapatotoo ako sa mga katotohanang ito at sa kabanalan ng gawaing ito. Sa mga ito ako ay saksi sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.