2004
Matatandang Misyonero at ang Ebanghelyo
Nobyembre 2004


Matatandang Misyonero at ang Ebanghelyo

Nagpapasalamat ako sa ating matatandang misyonero. Sila’y masisigla, matatalino, at handang magtrabaho.

Mapagpasalamat naming tinatanggap sina Elder Dieter F. Uchtdorf at Elder David A. Bednar sa Korum ng Labindalawang Apostol. Mapanalangin at nagkakaisa kaming maglilingkod sa Panginoong Jesucristo.

Mga pagtatalaga sa Simbahan ngayong taon ang naghatid sa akin sa maraming bansa sa daigdig. Sa ilan sa mga bansang ito, medyo bago pa ang Simbahan. Saanman ako magtungo, nakikipagkita ako sa mga misyonero natin. Mabilis silang umagapay sa mga pagbabago at napakaepektibo. Nagbibigay sila ng nakikita at nahahawakang ebidensya na naipanumbalik ang kaganapan ng Simbahan ni Jesucristo. Siya ang nagsabi na, “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.”1 Tumitibok ang utos na ito sa puso ng bawat misyonerong nagpapatotoo kay Jesucristo at nagtuturo ng Kanyang mensahe.

Kapag naiisip natin ang mga misyonero, karaniwa’y nalalarawan sa isipan natin ang mga binatang nakaputing polo at nakakurbata at mga dalagang mahinhin ang pananamit. Pero kasama sa mga ito ang kagila-gilalas na matatandang misyonerong tumugon sa pagsamo ng mga propeta at apostol para sa mas maraming mag-asawang misyonero.2

Nagpapasalamat ako sa ating matatandang misyonero. Sila’y masisigla, matatalino, at handang magtrabaho. Pinagbibigyan pa nila ang mga sinasabi ng kanilang masasayang anak na maaaring palitan ang pagsamo ni Pangulong Spencer W. Kimball, na “Lakihan ang Inyong Hakbang,” na “Bilisan ang Inyong Paghihilahod.”3 Ang mahal na mga miyembrong ito ay handang paglingkuran at pagtibayin ang buhay ng iba.4 Kahit hindi alam ng matatandang ito ang wika sa lugar, malaki ang nagagawa nila at mahalaga ang diwa ng kanilang sakripisyo.5

Mga Halimbawa ng Paglilingkod ng Matatandang Misyonero

Halimbawa, iniisip ko si Elder Lloyd Poelman at kanyang maybahay na si Sister Catherine Poelman. Mga magulang ng 9 na malalaki nang anak at mga lolo’t lola ng 20 apo, na ngayo’y naglilingkod sa liblib na bahagi ng Chile, at nagtatrabaho sa isang maliit na branch. Madalas silang bumisita sa di-gaanong aktibong mga miyembro at sa mga pamilyang kabibinyag pa lang sa Simbahan. Nagbibigay ito sa kanila ng oportunidad na magbasa at magpatotoo sa mga pamilyang iyon tungkol sa mga pagpapala ng templo. Sa kanilang mga branch sa misyon, tinuruan din nila ang mga tao ng pagkumpas sa musika at pagtugtog ng pinasimpleng bersyon ng mga himno sa maliit na organo. Kamakaila’y isinulat nina Elder at Sister Poelman, “Ang binyag ay unang hakbang pa lamang sa pagbabalik-loob. Kapag humupa ang unang kasiglahan at kailanganin pa rin ng mga bagong binyag na magtrabaho nang mahabang oras para mapakain ang sarili at pamilya, kailangan nila ang tulong ng iba para ibahagi ang galak ng ebanghelyo. Diyan tayo magaling. May bahagi ang aming trabaho na panlaban—ang manatiling malapit sa mga bagong binyag. Gayunman, ang ibang bihirang dumalo sa mga miting ay hindi nawawalan ng paniniwala at nagpapasalamat na matanggap ang aming mga mensahe. Habang minamasdan namin ang mga pagbabago sa buhay ng mga binibisita namin, mapalad kaming makatanggap ng palagiang pagtuturo at tulong mula sa Panginoon sa gawaing ito at, kasabay nito’y ang malaman na ang mga kapamilya namin sa aming tahanan ay nakakabahagi sa aming tungkulin at sa mga espesyal na pagpapalang iyon.”6

Ang gayon kagila-gilalas na mga mag-asawa ay abala sa gawain ng pagbawi sa mga kaluluwang dati’y nakipagtipan na taglayin sa sarili nila ang pangalan ni Jesucristo.

Ang iba pang mag-asawang misyonero ay naglilingkod sa mga sagradong templo ng Simbahan. Sina Elder Kenneth at Sister Barbara Willits, halimbawa, ay naglilingkod sa Accra Ghana Temple. Nagkaroon sila ng espesyal na pagmamahal sa mga tao ng Ghana habang naglilingkod doon bilang mga misyonero mahigit dalawampung taon na ang nakaraan. Sila’y 50 taon nang mga miyembro na malalakas at masisigla, may 3 anak, 16 na apo, at 12 apo-sa-tuhod. Isinasagawa nila ang nagpapadakilang mga ordenansa ng templo. Si Brother Willits ay naglilingkod bilang sealer o tagabuklod. Sa ilang pagkakataon, nagugulat silang makakilala ng mga miyembrong nakilala nila sa una nilang misyon. Kamakailan, ibinuklod ni Elder Willits ang isang mag-asawang tinuruan nila noong 1982, at, sa mag-asawang iyon, ibinuklod ni Elder Willits ang apat sa mga anak nilang namatay na. Isinulat nina Elder at Sister Willits: “Ang kahandaan naming iwan ang aming pamilya at tahanan ay dala ng ginawa naming mga tipan sa templo at marubdob na pagnanais na maging walang hanggang pamilya. Ang aming pamilya ay lubos na sumusuporta sa aming paglilingkod, at nakakabahagi sila sa maraming pagpapalang natatanggap namin. Mapagpakumbaba kaming nagpapasalamat sa pribilehiyong matulungan ang iba na matanggap ang mga pagpapala nila sa templo.”7

Ang matatapang at mapagmalasakit na mga mag-asawang gaya nina Elder at Sister Willits ay binibigyang-daan at pinagyayaman ang ginagawa sa marami sa ating mga templo sa buong daigdig. Ang ilan, tulad ng Accra Ghana Temple, ay nasa lugar kung saan ang mga miyembro ay hindi pa nagkaroon ng oportunidad na makapunta sa templo. Ang pagbibigay ng mga ordenansa para sa mga miyembrong iyon ay pinahusay na ngayon ng bihasang mga mag-asawang naglilingkod bilang mga misyonero sa templo. Sa kanila, taos-puso rin kaming nagpapasalamat.

Noong mga unang buwan ng taong ito, nagpunta kami ni Elder Douglas L. Callister sa Kiev, kabiserang lungsod ng Ukraine. Naroon kami para likhain ang unang stake sa dating Union of Soviet Socialist Republics. Nasisiyahan kaming makita ang Kiev Ukraine District na handang-handang maging stake—lubos na organisado at handang mapabilang sa mga stake ng Sion. Doo’y nakipagkita rin kami sa mga misyonero, kasama ang ilang matatapat na matatandang mag-asawa. Nakinig kaming mabuti sa kanilang mga sinabi.

Naaalala namin ang kuwento tungkol kina Elder Rudi at Sister Eva Hegewald, na lumaki sa noo’y kilala bilang East Germany. Sa bahagyang punto ng Aleman, muli nilang ikinuwento ang mahihirap na araw ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang kasunod na pagsakop ng Soviet. Binanggit nila ang maraming kawalan nila. Itinuring nilang mahahalagang pagpapala ang matagpuan ang totoong Simbahan ng Panginoon at kalauna’y ang pandarayuhan sa Amerika. Nang sumunod na mga taon limang malulusog na anak ang dumating sa kanila, kasabay ng espirituwal at pinansyal na pag-unlad. Nadama nila na ang paglilingkod sa misyon ay mabuting paraan para makapagpasalamat sa Panginoon. Ipinahayag nila ang marubdob nilang hangarin na maglingkod sa Eastern Europe. Dumating ang tawag nilang maglingkod sa Ukraine Kiev Mission. Isinulat nina Elder at Sister Hegewald: “Ngayon, halos patapos na ang aming misyon sa lupain ng dati naming kaaway, nagpapasalamat kami sa oportunidad na turuan at mahalin ang mga taga-Ukraine. Habang pinaglilingkuran namin ang Panginoon, napagaling ang aming kaluluwa at mas nagkaisa ang aming pamilya. Talagang pambihira at nakasisiya ang aming naranasan at nakakita kami ng maliliit na himala.”8

Mapupuna na lahat sa tatlong mag-asawa ay isinulat ang kanilang mga pagpapala. Isa pang mag-asawa ang nagkuwento ng mga pagpapala mula sa paglilingkod sa misyon. Isinulat nila: “Hinalinhan kami ng mas magagaling na tao sa tungkulin namin bilang mga magulang… . Kung hindi makuha sa dasal ang problema sa pamilya, magmisyon.”9

Walang matandang misyonero na hindi nahirapang mapalayo sa pamilya. Kahit si Joseph o Brigham o John o Wilford. May mga anak at apo rin sila. Gayon din nila kamahal ang kanilang mga pamilya, pero mahal at nais din nilang paglingkuran ang Panginoon. Balang-araw makikita natin ang matatapat na taong ito na tumulong para maitatag ang dispensasyong ito. At tayo’y magagalak na hindi tayo nagtago nang tawagin tayo ng Propeta sa misyon, kahit sa mga taon ng ating katandaan.

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1926, nagpalabas ng malinaw na panawagan si Pangulong Heber J. Grant na “ang mga lalaking matanda na at mahusay magpasiya, na may karanasang mangaral ng ebanghelyo, … ay humayo sa misyon.”10

Nariyan pa rin ang pangangailangang iyon. Sa pinakahuling training broadcast sa mga lider ng priesthood sa buong mundo, gayon din ang panawagan ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Laging kailangan ang mas maraming mag-asawang misyonero. Kagila-gilalas ang kanilang paglilingkod sa buong mundo. Hindi ninyo kailangang [mga lider na] hintaying magkusa ang mga mag-asawa. Pagpapalain nang husto ang mga mag-asawa, kanilang pamilya, at mga taong pinaglilingkuran nila sa mga sakripisyong kaakibat ng paglilingkod sa Panginoon nang full-time.”11

Mga Kwalipikasyon sa Gawain

Kailangan din ng mga bishop na dinggin ang panawagang iyon ng propeta, at tanungin ang mga miyembrong iyon kung makapaglilingkod sila. Iba-iba at malawak ang mga oportunidad para sa matatandang misyonero.12 Ang mga tawag sa kanilang maglingkod ay opisyal na ginagawa matapos ang mapanalanging pagsasaalang-alang sa kanilang trabaho, kaalaman sa wika, at pansariling kakayahan.13 Sa lahat ng mga kwalipikasyon sa paglilingkod, marahil ang hangarin na makapaglingkod ang pinakamahalaga. Ipinahayag ng Panginoon:

“O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas, upang ikaw ay makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw.

“Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain.”14

Maraming mapagpakumbabang Banal sa mga Huling Araw ang natatakot na baka hindi sila karapat-dapat magmisyon. Pero sa gayong magiging misyonero, ibinigay ng Panginoon ang katiyakang ito: “Pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ang kinakailangan upang maging karapat-dapat siya sa gawain.”15

Mga Limitasyong Dulot ng Edad at Karamdaman

Sa pagpuri ko sa gawain ng matatandang misyonero, alam ko na marami pang gustong maglingkod pero hindi nila kaya. Marapat lang na isaalang-alang ang mga limitasyong dulot ng edad o karamdaman, tulad din ng mahahalagang pangangailangan ng mga kapamilya. Kapag matindi ang hangaring makapaglingkod, datapwa’t may mga limitasyon, mapaglilingkuran ninyo ang iba sa ibang paraan. Maaari nila kayong maging kamay at paa at makapagbibigay kayo ng kailangang pondo. Ang iba pa’y maibabahagi ang kanilang oras at talento bilang mga misyonero sa sarili nilang lugar.16 Bawat isa’y nakalulugod sa Panginoon, at bawat isa’y tatanggap ng Kanyang papuri.

Ang Ebanghelyo

Maipapangaral nating lahat ang ebanghelyo sa salita at gawa. Ang ibig sabihin ng katagang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Ang mabuting balita ay ang Panginoong Jesucristo at ang Kanyang mensahe ng kaligtasan.17 Itinulad ni Jesus ang ebanghelyo sa Kanyang misyon at ministeryo sa mortalidad. Sa pagpapahayag ng Kanyang misyon, sinabi ni Jesus:

“Ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.

“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus.”18

Alam natin ang mortal na misyon ng Tagapagligtas bilang Pagbabayad-sala.

Kabilang sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas ang lahat ng iba pang bagay na ginawa Niya—ang Kanyang mga turo, pagmamahal, atensyon sa mga ordenansa, mga huwaran sa panalangin, pagtitiyaga, at iba pa. Siya ang ating Huwaran, na itinulad din Niya sa ebanghelyo sa pagpapahayag ng Kanyang misyon: “Ito ang aking ebanghelyo,” wika Niya, “… sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin.”19 Sa gayon, pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, apoy, at ng Espiritu Santo, pagtitipon ng mga hinirang, at pagtitiis hanggang wakas—ay pawang bahagi ng ebanghelyo.20 Magagaya nating lahat ang halimbawa ng Panginoon, anuman ang edad, kalagayan, o kinaroroonan.

Bilang isa sa mga “natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig,”21 ipinahahayag ko na Siya ang Anak ng buhay na Diyos, ang ating nagbayad-salang Tagapagligtas at Manunubos. Ito ang Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik sa mga huling araw na ito upang tuparin ang banal nitong tadhana. Ang Kanyang propeta ngayon ay si Pangulong Gordon B. Hinckley. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Marcos 16:15; tingnan din sa Mateo 28:19; Mormon 9:22; D at T 42:58; 68:8; 80:1; 84:62; 112:28.

  2. Halimbawa, tingnan sa “There Must Be Messengers,” ni Gordon B. Hinckley, Ensign, Okt. 1987, 2–5; tingnan din sa “Go Ye Therefore, and Teach All Nations,” ni L. Tom Perry, Ensign, Mayo 1984, 78–80; “Missionary Couples,” ni M. Russell Ballard, Tambuli, Mayo 1990, 16–21; “Couple Missionaries: A Time to Serve,” ni Robert D. Hales, Liahona, Hulyo 2001, 28–31.

  3. Tingnan sa “Serving as Couple Missionaries,” Ensign, Set. 1997, 15.

  4. Tingnan sa Lucas 22:32.

  5. Maaaring hatiin sa apat na kategorya ang mga problema ukol sa misyon: (1) Pananalapi: Anumang gastos na higit sa kakailanganin sa bahay ay maaaring pagtulungan ng mga anak, kaibigan, korum, o iba pang mga kapamilya. (2) Takot: Ang mga misyonerong may edad na ay walang dapat ikatakot sa pagbabahay-bahay o pag-aaral ng bagong wika. Malaki ang maiaambag ng paggamit ng mga talento nila. Maaaring makipagsapalaran ang mga misyonero sa isa pang wika batid na matututuhan nila ang kailangan nilang malaman kahit hindi napakahusay. Matututuhan nila ang ilang kataga sa misyon at magagalak sa paggamit ng bawat bagong salita. (3) Kalusugan: Bagama’t hindi magagarantiyahan na walang panganib sa paligid, sa tahanan man o sa misyon, mailalaan ang kailangan para sa angkop na pagkain at ehersisyo. Ang pang-araw-araw na pangangailangan sa pangangalaga ng katawan ay karaniwang naibibigay sa misyon. Kung sakaling may dagliang pangangailangan, maaari silang ilikas, kung imumungkahi. (4) Mga pamilya: Pagpapalain ang mga anak at apo ng matatandang misyonero dahil sa kanilang paglilingkod. Sa isang misyonero nangako ang Panginoon: “Masdan, ikaw ay dumanas na ng maraming pagdurusa dahil sa iyong mag-anak; gayunman, pagpapalain kita at ang iyong mag-anak, oo, ang iyong mga maliliit; at darating ang araw na sila ay maniniwala at malalaman ang katotohanan at makikiisa sa iyo sa aking simbahan” (D at T 31:2). Kapag nanalangin ang “maliliit” na iyon para sa kanilang mga magulang na misyonero, mapapalapit sila sa Panginoon at gayundin sa mga magulang o lolo’t lola.

  6. Personal na liham na may petsang Hunyo 29, 2004.

  7. Personal na liham na natanggap noong Hunyo 28, 2004.

  8. Personal na liham na natanggap noong Hulyo 1, 2004.

  9. Liham na ipinadala nina Dr. Brent at Carol Petersen kay Elder Dallin H. Oaks, na may petsang Hunyo 27, 2004.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1925, 10.

  11. “Sa mga Bishop ng Simbahan,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 19, 2004, 27; tingnan din sa “Excerpts from Recent Addresses of President Gordon B. Hinckley,” Ensign, Abr. 1996, 72.

  12. Kabilang sa mga kategorya ang gawain ng pamunuan at miyembro; family history at paglilingkod sa templo; sa mga medical, humanitarian, at welfare service, pagtatrabaho sa mga visitors’ center, para sa public affairs, sa mga tauhan ng opisina sa isang pook o misyon, sa finance and records, sa physical facilities, para sa Church Educational System, sa Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon, o sa suporta ng ibang gawaing pang-edukasyon. Ang iba pang mga oportunidad ay makukuha upang umakma sa kakaibang mga kakayahang taglay ng mga magiging misyonero. Tingnan sa “So Many Kinds of Missions,” ni Giles H. Florence Jr., Ensign, Peb. 1990, 6–11.

  13. Para sa mga detalye hinggil sa kwalipikasyon at paghahanda ng matatandang misyonero, tingnan sa “Couple Missionaries: ‘A Wonderful Resource,’ ” Liahona, Okt. 1997, 26–33, ni David B. Haight; “Couple Missionaries: ‘Too Wonderful for Me,’ ” ni Vaughn J. Featherstone, Ensign, Set. 1998, 14–17; “There Is Work for Us to Do,” Ensign, Okt. 1993, 36–41; “The Impact of Couple Missionaries,” Ensign, Abr. 2003, 60–63; “Working Miracles in Mission Field,” ni John L. Hart, Church News, 22 Dis. 1990, 3, 7.

  14. D at T 4:2–3; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  15. D at T 4:5.

  16. Matatagpuan ang mga karagdagang impormasyon sa Web site ng Simbahan na www.lds.org sa ilalim ng “Service Opportunities for Senior Missionaries” (magklik sa “Other Resources” sa home page, pagkatapos ay sa “Church-Service Missionary Opportunities”).

  17. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo, Mga,” 49.

  18. 3 Nephi 27:13–14.

  19. 3 Nephi 27:21.

  20. Tingnan sa D at T 33:6–12; 39:6.

  21. D at T 107:23.