2004
Pagtupad sa Ating mga Tipan
Nobyembre 2004


Pagtupad sa Ating mga Tipan

Ang pinakamahalagang magagawa natin sa buhay na ito ay tuparin ang mga pangako o tipan natin sa Panginoon.

Mula pa noong una hanggang sa makabagong panahon ay alam ng mga tunay na disipulo ni Jesucristo ang kahalagahan ng paggawa at pagtupad sa mga tipan sa Panginoon.

Noong mga 64 B.C., ang bansang Nephita ay namuhay sa panahong lubhang mapanganib. Dahil sa mga kasamaan, alitan, at sabwatan, sila’y nalagay sa lubhang delikadong sitwasyon (tingnan sa Alma 53:9). Ang gobyerno ay nalagay sa balag ng alanganin at halos bumagsak ito. Matagal na silang nakikipagdigmaan sa bansang Lamanita. Ang tumiwalag na mga Nephita ay nakikipagsanib puwersa sa kalaban. Maraming lunsod ng mga Nephita ang sinalakay at nabihag.

Sa gitna ng panganib at kaguluhang ito, hinanap ang mabubuting tao para mamuno sa mga hukbong Nephita—mga lalaking tulad nina Moroni at Helaman. Naunawaan ng mga Nephitang lider na ito na ang kakayahan ng kanilang bansa na magtanggol ay batay na rin sa kanilang pagsunod sa Panginoon. Sinikap nilang hikayatin ang mga tao na alalahanin ang Panginoon at sundin ang Kanyang mga utos.

Sa napakakritikal na sandali, matapos matalo ang maraming lunsod ng mga Nephita at tila maaagaw na ng mga Lamanita ang kapangyarihan ay may himalang nangyari. Isang grupo ng mga tao, na mga Lamanita noong una ngunit ngayo’y tinatawag nang mga Ammonita dahil sa niyakap nila ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga turo ni Ammon, ang handang lumaban sa digmaan para ipagtanggol ang bago nilang lupain, bansa, at uri ng pamumuhay (tingnan sa Alma 53:13).

Ang mga ama ng mga pamilyang Ammonita na ito ay sumumpa sa Panginoon na hinding-hindi na muling makikidigma. Pinayuhan ni Helaman, ang propetang Nephita, ang kalalakihang ito na tuparin ang pangako nila sa Panginoon (tingnan sa Alma 53:15). Ikinuwento ni Helaman ang nangyari matapos siyang magpayo.

“Subalit masdan, ito ay nangyari na, na sila ay maraming anak na lalaki, na hindi nakipagtipan na hindi nila kukunin ang kanilang mga sandata ng digmaan upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa kanilang mga kaaway; kaya nga sama-samang nagtipon sila ng kanilang sarili sa oras na ito, kasindami ng makapaghahawak ng sandata, at tinawag nila ang kanilang sariling mga Nephita.

“At sila ay nakipagtipan na makikipaglaban para sa kalayaan ng mga Nephita, oo, na ipagtatanggol ang lupain hanggang sa pag-aalay ng kanilang buhay; oo, maging sila ay nakipagtipang hindi kailanman isusuko ang kanilang kalayaan… .

“Ngayon masdan, may dalawang libo ang mga kabataang lalaking yaon, na pumasok sa tipang ito at kinuha ang kanilang mga sandata ng digmaan upang ipagtanggol ang kanilang bayan… .

“At lahat sila ay mga kabataang lalaki, at sila ay napakagigiting, at gayon din sa lakas at gawain; subalit masdan, hindi lamang ito—sila’y kalalakihang matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila.

“Oo, sila’y mga lalaki ng katotohanan at maunawain, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan.

“At ngayon ito ay nangyari na, na si Helaman ay humayo sa unahan ng kanyang dalawang libong kabataang mga kawal, upang tulungan ang mga tao” (Alma 53:16–18, 20–22).

Si Helaman, kasama ang kanyang dalawang libong kabataang mga kawal, ay nakipaglabang mabuti para protektahan ang kanilang mga pamilya at kalayaan. Ang pagpasok nila sa digmaan ang nagpabago sa digmaan. Nagwagi ang mga Nephita.

Sa isang liham kay Moroni, inilarawan ni Helaman ang pananampalataya at tapang na ipinakita ng mga kabataang ito:

“At ngayon sinasabi ko sa iyo, mahal kong kapatid na Moroni, na hindi pa ako nakakikita ng labis na katapangan, hindi pa, ni sa lahat ng Nephita… .

“Ngayon hindi pa sila nakikipaglaban, gayon pa man sila ay hindi natakot sa kamatayan; at mas inisip pa nila ang kalayaan ng kanilang mga ama kaysa sa kanilang sariling mga buhay; oo, sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” (Alma 56:45, 47).

Mga kapatid, “Hindi sila nag-alinlangan [at] iniligtas [nga] sila ng Diyos.” Sa una nilang pakikidigma, wala ni isa sa dalawang libo na napatay. Pagkatapos ng digmaan, 60 pang kabataang Ammonita ang sumali sa hukbo. Sinabi sa atin ni Helaman na “sinunod nila at tinupad gawin ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan; oo, at maging alinsunod sa kanilang pananampalataya ay nangyari sa kanila” (Alma 57:21).

Ang ikalawang digmaang nilahukan ng maliit na hukbong ito ay mas matindi kaysa sa una. Ito ang isinulat ni Helaman matapos ang digmaan:

“At ito ay nangyari na, na may dalawang daan, mula sa aking dalawang libo at animnapu, ang nawalan ng malay-tao dahil sa kawalan ng dugo; gayon pa man, alinsunod sa kabutihan ng Diyos, … wala ni isa mang katao sa kanila ang nasawi… .

“At ngayon, ang pagkakaligtas nila ay kagila-gilalas sa aming buong hukbo, oo, … At makatwirang ipalagay namin ito sa mahimalang kapangyarihan ng Diyos, dahil sa kanilang labis na pananampalataya” (Alma 57:25–26).

Naunawaan ni Helaman at ng kanyang mga kabataang kawal ang kahalagahan ng paggawa ng mga tipan sa Panginoon. Tinanggap din nila ang mga biyayang dumarating sa matatapat sa kanilang mga tipan.

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tayo rin ay may mga banal na obligasyon. Ginawa natin ito sa mga tubig ng binyag at sa mga templo ng Panginoon. Ang tawag natin sa mga obligasyong ito ay mga tipan. Ang mga tipan ay mga pangakong ginawa natin sa Panginoon. Lubhang sagrado ang mga ito. Ang pinakamahalagang magagawa natin sa buhay na ito ay tuparin ang mga pangako o tipan natin sa Panginoon. Kapag tinutupad natin ang ating mga pangako sa Panginoon, pinauunlad Niya tayo sa espirituwal.

Nitong nakaraang dalawang taon kami ni Sister Maynes ay nakadestino sa Pilipinas. Marami kaming nalaman na mga halimbawa ng mga pamilyang Pilipino at indibiduwal na nakauunawa at tumutupad sa mga tipang ginawa nila sa Panginoon. Hayaan ninyong ibahagi ko ang karanasan namin sa isa sa mga pamilyang ito.

Noong mga ilang buwan ay naatasan akong mamuno sa Talisay Philippines Stake Conference. Sa pangkalahatang sesyon ng Linggo, sinimulan ko ang mensahe ko sa pasasalamat sa kongregasyon sa pagpipitagan nila. Habang nagsasalita, tumingin ako sa aking kaliwa at nakita ko ang malaking pamilya na nakaupo sa gawing harapan ng kapilya. Nagkaroon ako ng impresyon na ituro sila at gawing halimbawa ng pamilyang nakauunawa at sumusunod sa alituntunin ng pagpipitagan. Ang mga magulang ay napalilibutan ng mga anak nilang magagalang.

Pagkatapos ng miting, nagkaroon kami ng pagkakataong makilala ang pamilya Abasanta. Nang malaman ko pa ang tungkol sa kanila ay lalo akong humanga dahil talagang nauunawaan nila ang ibig sabihin ng pagtupad sa mga tipan at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sina Brother Lani at Sister Irenea Abasanta ay sumapi sa Simbahan 22 taon na ang nakalilipas. Nagkaroon sila ng 17 anak. Kabilang sa 17 anak ang isang triplets. Alam nating hindi madali ang magpamilya saanmang dako ng mundo, at kasama dito ang Pilipinas. Ang pamilya Abasanta ay buhay na halimbawa na magagawa ito, at magagawa ito sa wastong paraan.

Ang mga tagumpay na natamasa nila sa pagpapalaki ng kanilang mga anak sa Simbahan ay kitang-kita sa maraming paraan. Ang isang pamilya ng 19 katao na mapitagang nakaupo sa mga miting ng simbahan ay magandang halimbawa.

Isang halimbawa rin ang masipag at sama-sama nilang pagtatrabaho para matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan sa pera. Si Brother Abasanta ay isang electrician. Si Sister Abasanta, sa tulong ng mga anak niyang babae, ay gumagawa at nagbebenta ng mga alahas. Magkakasama silang nagtagumpay sa pagtustos sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ang mas mahalaga pa kaysa sa kanilang halimbawa ng pinansiyal na pagsuporta sa malaking pamilya ay ang kung paano nila tinuturuan ang mga anak nila na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang regular nilang mga family home evening ay mahalagang bahagi sa pagtuturo sa kanilang pamilya. Tungkol sa lingguhan nilang mga family home evening, ito ang paliwanag ni Brother Abasanta, “Una’y pinag-uusapan namin ang mga problema sa pamilya, at paano kami lalong magkakaisa; pagkatapos ay may espirituwal na mensahe; at kasunod ang mga laro.”

Sa isang family home evening kamakailan ay ginamit ni Brother Abasanta ang Liahona para tulungan siya sa pagtuturo sa kanyang mga anak na bawasan ang panonood ng telebisyon, at sa halip ay gamitin ang oras na ito sa mas makabuluhang bagay, gaya ng homework o pagbabasa ng banal na kasulatan. Sa paglipas ng mga taon ay tinuruan ang mga bata sa family home evening na maging mapitagan. Dahil naturuan ang mga anak nila na magpitagan sa tahanan, mas madali para sa kanila ang maging mapitagan sa simbahan kapag Linggo.

Ang isa pang halimbawa ng pamumuhay ng ebanghelyo at pagtupad sa kanilang mga tipan ay ang pagbibigay nila ng priyoridad sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa matapat na pagbabayad ng buong ikapu. Sabi ni Brother Abasanta: “Tinuturo namin sa aming mga anak na ang pagkain namin ay resulta ng pagbabayad namin ng ikapu. Nang magtrabaho ang mga bata, tiniyak naming sabihin sa kanila na kailangan nilang magbayad ng kanilang ikapu. Mahirap tustusan ang gayon karaming mga anak, pero kapag matapat akong nagbabayad ng aking ikapu, hindi na ito mahirap. Basta buo ang tiwala namin sa Panginoon na kung magbabayad kami ng tapat na ikapu, makakakain kami araw-araw.”

Alalahanin ninyo na sinabi kong 17 ang anak nina Brother at Sister Abasanta. Ngayon, tungkol naman sa triplets. Nagkataon na puro sila lalaki. Nagkataon na 19 anyos na sila. Ang mga pangalan nila’y Ammon, Omni, at Omner. Tama ang hula ninyo. Silang tatlo ay naglilingkod sa Panginoon bilang matatapat at masisipag na misyonero. Si Ammon ay nasa Baguio Philippines Mission, si Omni ay nasa Davao Philippines Mission, at si Omner ay nasa Manila Philippines Mission.

Ngayon, ayaw kong isipin ninyo na perpekto ang pamilya Abasanta. Wala ni isa sa atin ang perpekto. Gayunman, sa pagsisikap nilang mabuti na sundin ang mga kautusan at kanilang mga tipan, natatamasa ng pamilya Abasanta ang pagpapala ng Panginoon sa kanilang buhay.

Mga Kapatid, inaasam nating lahat ang araw ng pagbabalik natin sa piling ng ating Ama sa Langit. Para matanggap ang kadakilaan sa kahariang selestiyal, kailangang magtiwala sa atin ang Panginoon dito sa lupa. Magtitiwala sa atin ang Panginoon kung paghihirapan natin ito, at naisasagawa iyan sa pamamagitan ng aktwal na nagagawa natin sa pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo at pagtupad sa ating mga tipan. Ibig sabihin, nakukuha natin ang tiwala ng Panginoon sa pagsunod sa Kanyang kagustuhan.

Natatandaan ninyo nang balaan ng Panginoon si Joseph Smith tungkol sa mga “lumalapit … sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin” (Joseph Smith—Kasaysayan, 1:19).

Tandaan ang payo ni Santiago, “Datapuwa’t maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang” (Santiago 1:22).

Talagang mas nakikita sa gawa kaysa sa salita. Sa katunayan, mas mahalaga sa Panginoon ang gawa kaysa mga salita. Sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, “Kung mahal ninyo ako kayo ay maglilingkod sa akin at susunod sa lahat ng aking kautusan” (D at T 42:29).

Si Helaman at ang kanyang mga kabataang kawal ay mga sinaunang halimbawa ng mga pagpapalang dumarating sa matatapat na tumutupad sa kanilang mga pangako sa Panginoon. Ang pamilya Abasanta ay makabagong halimbawa ng pamilyang ginagawa ang lahat para matupad ang kanilang mga tipan at maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Lahat ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay gumawa ng mga pangako sa Panginoon. Nangako tayong tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa D at T 20:77). Tinutupad ng matatapat na miyembro ng Simbahan ang mga pangakong iyon.

Dalangin ko ngayon na nawa’y muli nating ipangako na gagawin ang lahat para makuha ang tiwala ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kagustuhan, sa pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo, at pagtupad sa ating mga tipan, sa ngalan ni Jesucristo, amen.